ALAGWA: Tatlong Dagli

ALAGWA

I

“Mga panaghoy sa apoy”

 

Isa nanamang obra ang aking natapos. Isang pangahas na obra na nakatakda ring maglaho kinabukasan.

Bakit nga ba ‘ko gumagawa ng isang obrang base sa imahen ng taong kinasusuklaman ko? Isang taong libu-libo na ang pinahirapan at pinatay, pero milyun-milyon pa rin ang sumusuporta’t nagtitiwala.

Iba’t iba ang klase at intensiyon ng mga gawang sining. Yung iba, nasa museo bilang may halaga ang mga iyon sa kasaysayan, yung iba, milyon ang halaga at nakagapos sa dingding ng mga maharlika.

Pero iba ang aking intensiyon bilang isang alagad ng sining. At bukas ng hapon, susunuging muli ang aking obra.

At nawa’y maaninag ng mga mahal kong kababayan ang imahen ng mga kaluluwang naghihinagpis at naninigil sa makapal at maitim niyong usok. At ang mga abo niyon ay makapuwing ng napakaraming pares ng mga mata, upang magpamulat.

At nawa’y mahaplos ang kanilang mga natutulog na konsensiya, ng naglalagablab na apoy.

***

 II

“Adobo Queen” 

Bumabaon ang panadtad ni Aling Minda sa kahoy na sangkalan sa bawat taga sa sariwang karne. Halos isang dekada na siyang sumasali sa kumpetisyon ng taunang Adobo Festival subalit taun-taon na lamang, ay hindi niya mapagtagumpayan ang  titulong Adobo Queen ng kanilang probinsya.

Kagyat siyang napangiti, bilang ngayong taon ay hindi makakasali si Manang Pacing – na tinaguriang Adobo Queen nang nakaraang anim na taon.

“Huwag kayong mag-aalala,” bulong ni Aling Minda habang isinasalin sa kawali ang karne’t mga lahok ng kanyang adobo, “hindi man makakasali si Pacing ngayong taon, matitikman niyo naman ang pinakamasarap na adobo sa kasaysayan ng pag-iral ng putaheng ito.”

At nang matiyak ni Manang Minda na malambot na ang karne at nanuot na roon ang mga sarsa’t pampalasa, humalimuyak sa buong kabahayan ang kanyang adobo nang kanyang angatin ang takip ng kawali.

Luto na, ang Adobong Pacing.

***

III 

“Bisikleta – ang isinulat ko sa papel”

 

“Anak. Isulat mo ang ‘yong mga kahilingan sa papel bago mo ‘to gawing bangka.” Ang sabi sa ‘kin ng aking ina, na agad ko namang ginawa nang buong pananabik. At inilapag ko ang aking bangkang papel upang maglayag kasabay ng mga isda sa malinaw na tubig, sa harap ng aming tahanan.

Isa lamang iyon sa mga dakilang alaala ng aking kabataan. Naaalala ko rin ang malimit na pag-akyat namin ng aking mga kababata sa mga punong hitik sa bunga, pagpapalipad ng saranggola sa bukid at ang ‘di mabilang na mga ibon na sabay-sabay magliliparan kapag nag-itsa kami ng bato sa berde, at mabangong palayan.

Ang bilis ng panahon. Isa na ‘kong ama. At habang pinapanuod ko ang aking mga anak na nagpapaagos ng kanilang mga bangkang papel sa kulay putik na tubig baha, naisip ko, paano pa kaya kung nakita’t naranasan nila ang mahal kong Monte Alba, nuong dekada nobenta?

***

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s