Iskoran

Iskoran_Banner

“ISKORAN”
Maikling Kuwento ni Juan Bautista

 

– Oy pare! Kamusta? Matagal kang ‘di nadalaw a.

– Ayos lang, pre. Meron ba tayo diyan?

Luminga-linga muna si Resty bago papasukin si Toto sa loob ng kanyang bahay.

“Kanino mo nabalitaan na dito na sa bahay ang jammingan?”. Tanong ni Resty habang nakasilip sa bintana.

“Kay Tukes pre. Siya rin ang nagpapa-iskor nga pala. Limampiso daw.” Sagot ni Toto habang nilalaru-laro ang selpon sa kanyang palad.

– A okey sige. Himala, limang piso lang ang pinapa-iskor ni kupal. E anlakas gumamit ng tarantadong yun a.

– Oo pre. Limampiso lang daw. Hinihintay niya ko, pre.

– Okey sige teka. Hintayin muna natin matapos ‘tong mga… Putang! Teka pre.

Muling sumilip sa labas si Resty nang makarinig ng pumaparadang traysikel sa labas. Matapos matiyak na kapitbahay lang ang dumating sakay ng traysikel, ay naupo na ito sa tapat ni Toto at ipinatong ang nakasukbit nitong baril sa mesita.

– Nga pala pare, pinapabenta ni kagawad. Siyete mil, walang papel.

– Sinong Kagawad pre?

– Basta.  Pag may nahanap kang buyer punta na lang kayo dito. Bigyan kita limang daan.

Hindi na mapakali si Toto habang naghihintay na ilabas ni Resty ang binibili niyang ‘gamit’. At naiirita na din siya sa maya’t mayang pagsungaw ni Resty sa bintana sa tuwing may madidinig itong tunog ng anumang sasakyan mula sa labas.

– Mukhang palung-palo ka pre a. Tamang hinala ka e. Wala namang nare-raid dito sa –

Biglang kilos ni Resty sabay dukwang sa baril na nakapatong sa mesita. Namimilog ang mga mapulang mata nitong itinutok kay Toto ang Revolver na labis na ikinagulat ni Toto. “Teka pre. Ibaba mo yan. Nagbibiro lang – “.

– Tarantado ka ‘asset’ ka no? Asset ka!

– Hindi pre. Parang awa mo na baka makalabit mo yan. Pre –

Biglang natauhan si Resty at marahang ibinaba ang baril mesita. “Pasensya ka na pare. Ang tatagal kasi mag-jamming nitong mga nasa kuwarto gusto ko na kalampagin kanina pa e. Ang iingay pa naman. Pasensya ka na pare. Ano nga pala ipinunta mo dito ulit? Iiskor ka ba?”

Inulit ng dalawa ang pag-uusap na animo’y walang nangyari sa loob ng nakaraang sampung minuto. At nang pumasok na si Resty sa kuwarto upang kunin ang ‘gamit’ na binibili ni Toto, ay nagmamadaling nag-miskol ang huli sa mga pulis na naghihintay sa ‘di kalayuan.

“Ito na pare. ‘Yellowish’ yan impakto tumama. Ako lang ang meron niyan dito.” Sambit ni Resty nang makaupo bitbit ang ‘gamit’ ni Toto.

– Ano pare? Ang ‘gamit’ hindi pinatatagal sa mesa grasya yan. Ibulsa mo na tapos umalis ka na agad.

– Salamat, pre.

– Salamat? Hindi nagpapasalamat ang mga adik. Pare-pareho lang tayong nag-gagaguhan dito. Kunin mo na yan at sumibat ka na.

– Seryoso ‘ko pre. Salamat. Malaking tulong sa pamilya ko ‘to lalo na kay nanay. Pasensya ka na, pre.

Biglang dinampot ni Resty ang baril mula sa mesita at bago pa man niya muling maitutok kay Toto iyon ay biglang bumukas ang pintuan at iniluwa ang mga pulis.

“Arestado ka h’wag kang kikilos!”

Dalawang putok ang umalingawngaw matapos ang tangkang paglaban ni Resty. At ang mga adik sa loob ng kuwarto ay parang mga nabulabog na daga na sabay-sabay nagpulasan palabas ng pinto at bintana. Ang iba na nagipit na sa loob ay nanlaban na din. Sunud-sunod na putok pa ang umalingawngaw mula sa loob ng bahay ni Resty at matapos ang raid, ay lumapit na si Toto sa pulis na kung tawagin niya ay “Boss”.

– Boss. Ano ayos ba? Sabi ko sa’yo meron dito e. Madami ba kayo nahuli?

– Hindi naman big taym ‘to Toto. Pero hindi din ismol taym. Ayos ka bata. O heto limanlibo. H’wag ka na mag-aadik at ako mismo ang dadampot sa’yo maliwanag?

– Ayos Boss. Salamat.

Paalis na si Toto nang mapansin niya ang isang bangkay na inilalabas mula sa ‘jammingan’ ni Resty. At biglang bumigay ang mga tuhod niya nang makilala ang binatilyong naka-uniporme pa na puti, may dalawang tama ng bala sa dibdib, at dilat ang mga mata. Ang bangkay ay si Boyet.

Ang bunsong kapatid niya.

– JB
http://www.juanbautistastories.com

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

w

Connecting to %s