Book Review: GERILYA ni Norman Wilwayco

GERILYA – Norman Wilwayco Rebyu

GERILYA ni Norman Wilwayco, nagkamit ng Gintong Pala sa kategoryang Nobela (Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature, taong 2008)

Siguro, bukod sa  “Mondomanila” (na si Wilwayco rin and may akda), ang GERILYA ang isa sa mga librong lokal na talaga namang nananapak dahil sa sobrang kaangasan at ka-wasakan. Solid na solid ang librong ito lalo na kung naghahanap ka ng mga lokal na akda na kakaiba ang kuwento kumpara sa iba. Isa siguro sa mga dahilan kung bakit ito nagwagi ng Grand Prize sa Palanca noong 2008, ay dahil sa “approach” ni Wilwayco sa mga mambabasa.

Para sa’kin, ang “Mondomanila” pa rin ang magnum opus ni Wilwayco, pero dito sa Gerilya – talagang binasag ni Wilwayco ang norms ng pagsusulat ng isang nobela. Sa paraan ng pagsusulat at pagkukuwento, duda akong may makakagawa pa ng ganitong klase ng nobela na magiging epektibo ang ganitong klase ng istilo. Ang pagiging epektibo ng isang istilo kadalasan ay nababase rin kasi sa mismong kuwento.

Umiikot ang kuwento sa dalawang primerong karakter na sina Ala at Tony. Mga estudyante sa unibersidad at nagdesisyong mamundok at sumapi sa NPA. Isinalaysay nila ang mga kaganapan at karanasan nila bilang sina Ka Alma at Ka Poli.

At gaya ng mga kapwa nila mandirigma sa ngalan ng prinsipyo at karapatan, mayroon rin silang mga pinagdaanan na umaabot na sa punto ng pagtatanong sa kanilang mga sarili, “bakit ko ba pinasok ang mundong ito?” , “may nagbago na ba?” , “magpapatuloy pa ba ako?”, “bakit mga inosente ang patuloy na nagdurusa at nadadamay?”.

Ang Gerilya ay isang wasak na nobela na hindi lang basta tumatalakay sa pagiging isang rebelde. Ito ay isa lamang sa mga regalo ni Wilwayco upang mas lalo pa nating bukalkalin ang kaila-ilaliman ng mga damdamin at isip natin – kung papano ba maging isang tunay na Filipino. Dahil may iba’t iba tayong pamamaraan upang maging isang mapagmalasakit na mamamayan. May doktor, pulis, negosyante, tindero, empleyado, tambay at kung anu-ano pa. Nasasaatin din naman kung ano ang gusto natin “maging” bilang isang Filipino.

Hinihikayat ko ang lahat ng mambabasa ng mga lokal na akda na basahin ang obrang ito ni NW. Maaari kang hindi sumangayon sa ibang punto patungkol sa pulang rebolusyon pero hindi mo maipagkakaila na pagkatapos mong mabasa ang librong ito, ay mayroon kang natutunan at napagtanto hinggil sa mga rebolusyonaryo ng modernong panahon.

– JB

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s