Sa Kabila ng Pader

 

“Paparating na sila.” si Hanna, habang nakatingin sa dalawang taong animo’y mga ibong bantulot bumalik sa kanilang pugad bilang may napansin na kakaiba. “Siguro naman, sila na ang nakatakdang makapasok mula sa kabila ng pader.” pagpapatuloy ng babae.

“Sana nga. Bantayan niyo sila.”

***

“Lintek ka Philip! Ginamit mo ba tootbrush ko?” Sigaw ni Sanang mula sa banyo. “Aba, animal na ‘to may tootbrush ka? Ako nga kalahating taon na yatang hindi nagsesepilyo, e. Pano ka nakabili ng kolgeyt? Saan ka kumuha ng pera?” Sagot ni Philip. “Sa tumbong mo! Habang natutulog ka.” Pabalagbag na sagot ni Sanang. Buntunghininga na lamang ang isinagot ni Philip at nagtungo sa kanilang kusina na mukhang junk shop sa sobrang dami ng kalat. Palanggana, manibela ng bisikleta, basag na silyang monobloc  at kung anu-ano pa ang makikita sa kusinang iyon maliban sa mga tipikal na gamit na makikita sa isang normal na kusina. Isang sandok, dalawang platong plastik, isang mumurahing baso, nangingitim na kawali at bungi-bunging kutsilyo lamang ang dahilan kung bakit naituturing pang kusina ang parteng iyon ng kanilang bahay.

“Putanginang buhay ‘to.” Bulong ni Philip habang tangan sa kanyang palad ang isang supot na may lamang dalawang piraso ng tuyo. “Sanang! Lima pa ‘tong tuyo kagabi a! Itong bote ng mantika bakit nakatumba?” Sigaw ni Philip. “Itanong mo kay Baldo!” Balik-sigaw ni Sanang.  Ganun na lamang ang gigil ni Philip at binato niya ng kawali ang pusang nakatingin lamang sa kanya habang prenteng-prenteng nakabalagbag sa lamesa. Sa araw araw na ginawa ng Diyos ay lagi nilang pinagaawayan si Baldo na alagang pusa ni Sanang. Kumbakit ba naman nag-alaga pa ng hayop ang babae sa kabila ng kahirapan ng magkatipan, at ang nananampal na katotohanang mas mukha pang malusog sa kanila ang galising pusa ay lalong nagpapakulo ng dugo ni Philip tuwing makikita niya iyon.

Sa sobrang buwisit ay itinago na lamang ni Philip ang dalawang tuyo sa isang lumang garapon ng kape at nagtungo sa kuwarto, upang kunin ang kaisa-isang yaman na itinuturing niya sa bahay na iyon.

Napangiti si Philip nang mapagtantong hindi pa gumagamit si Sanang. Wala pang bawas ang munting plastik na iyon na naglalaman ng shabu; na higit pa sa diyamante kung ituring ng dalawa.

“Hoy! Gago ka h’wag mong titirahin lahat ‘yan a. May utang pa tayo kay Arestes.” Si Sanang.

Animo’y nanunuod ng isang pelikula sa isang malaking telebisyon si Philip habang bumabatak ng shabu bilang nagbibihis sa kanyang harapan ang katipan. Sa bawat hagod ng kanyang paningin sa kurbada ng katawan ni Sanang na araw araw niyang kinauululan ay ang pagpasok ng mapusyaw na usok sa kanyang kalunus-lunos na baga. “Mamaya ka na magbihis, batak muna tayo. Tapos, titirahin kita.” Sambit ni Philip na hindi inaalis ang titig sa katipan.

“Sa iba ‘ko magpapatira. Wala na tayong pera!”

Napatiim-bagang si Philip sa sinabi ng katipan. Subalit patuloy pa rin siya sa pagbatak. Isandaang porsiyento ng usok na nagmumula sa foil na iyon ay kailangang pumasok sa kanyang baga. Sa kanyang sistema. Walang dapat masayang.

Walang kahit isang hibla ng usok ng shabu ang maglalaho nang walang kasaysayan sa himpapawid.

***

 

“O. Sino naman ang tumira sa’yo ngayon?” Tanong ni Philip nang makabalik na ang katipan.
“Si Arestes.”
“Si Arestes? Bakit kay Arestes e ‘di sana kay Pedring Kilay na lang!”
“Ganun din ‘yon! Kung magpapatira ‘ko kay Pedring para sa limandaan at titirahin din naman ako ni Arestes para bigyan niya ‘ko ng gamit e ‘di kay Arestes na lang ako didirekta! Tangina mo! Maigi nang isang burat lang kesa dalawa para sa araw na ‘to! Ambabaho pa ng mga putangina!”

Agad na natauhan si Philip matapos ibalibag ni Sanang ang pinto ng kuwarto. Umiiling-iling siyang nagsindi ng sigarilyo at itinuloy ang pagtulala sa kawalan habang nakaupo sa kanyang tumba-tumba na minana niya pa sa kanyang lolong namayapa.

Bawat pagbuga ng makapal na usok ay isa-isang lumilitaw mula roon ang mukha ng mga lalaking nakatikim na sa katipan niyang si Sanang. Nakangisi ang mga iyon. Ipinapakita sa kanya ng makakapal na usok sa ere na hindi lamang siya ang asong ulol na nakadila na sa buong katawan ng kanyang mahal. Marami sila. At isa lang ang dahilan niyon, ang kanilang pagiging durugista.

“Philip? Philip! Tao po!” Tawag ni Tulok habang kakamut-kamot sa kanyang anit mula sa labas ng bahay nila Philip. Ilang minuto pa ang lumipas ay iniluwa rin ng pinto ang taong pakay ni Tulok na hindi maitago ang pagkaburyong sa sobrang kaadikan sa Shabu.

“Kingina mo, Tulok! Alas-dos na ng madaling araw!”

“Pasensya ka na, Philip. Kailangang-kailangan lang.” Waring nahihiya pa si Tulok bago dukutin ang ilang tableta mula sa kanyang pantalon. “Ano ‘yan?” Tanong ni Philip. “Hindi ko alam, pero ibang klase ‘to, men. Subukan mo, treinta na lang ang isa apat na piraso na lang ‘to.”

Alam ni Philip na gaya ng mga nakaraan, ginagago lamang siya ng kausap. Subalit bilang pinsang buo ni Sanang si Tulok, wala siyang magagawa kundi ang pagbigyan ang kaadikan ng huli. “Puta, Tulok. Paracetamol lang yata ‘yan e! Ibang klase palang tumama, e bakit mo ibebenta para makabili ka ng bato?” Pabilisan ngumiwi ang dalawang adik na nag-uusap. Alam nilang walang patutunguhan ang pag-uusap na iyon at maging ang mga asong gala sa kalsada ay walang pakialam sa presensiya ng dalawa. “Kaya nga. Sobrang lakas kase. Ang sabi ni Petra pa nga, iba’t ibang pangalan ng magagandang artista ang isinisigaw ko habang tinitira ko siya sa puwet kagabe.” Matapos ang sagot na iyon ng kausap ay nakatitiyak si Philip na hindi ang kaadikan niya ang dahilan ng matinding niyang pagngiwi. “Payo ko sa’yo, tol, bago ka bumatak ng temats, tumira ka muna nito ng mga dalawang tableta. Hindi ka mamamatay pramis! Malakas at ibang klase lang talaga ang tama.” Pangungumbinsi ni Tulok.

“Mag-hapunan ka na. May pagkain sa mesa.” Alok ni Philip nang magising na si Sanang habang binubutingting ang isang lumang Stereo. Walang kaalam-alam si Sanang na buong maghapong nang-raket sa kalye ang lalaki bilang tulog siya mula nung nagdaang gabi. “Hoy, lalake! Anong ginawa mo at may litsong manok at pansit dito?” Tanong ni Sanang. “H’wag ka nang matanong at kumain ka na lang diyan. Palakas ka.” Kindat ni Philip.

Matapos mag-hapunan ay nakatunghay lamang ang dalawa sa telebisyon. Waring nagpapakiramdaman ang dalawa kung sino ang mauunang magtanong kung may ‘gamit’ pa ba sila na maaaring pagsaluhan.

“Sanang”.
“O, baket?”
“Tara sa kuwarto. Tirahin kita.” Pilyong sabi ni Philip habang kakamut-kamot sa magkabilang siko na may mga bahid pa ng grasa.

Nilamutak ng mga palad ni Sanang ang sariling mukha. Hindi iyon ang hinihintay niyang sabihin ng lalaki. “Anak ng puta naman, Philip! Kantot at bato na lang ba talaga ang nasa utak mo?” Singhal ni Sanang. “Pareho! At pareho akong meron non! At hindi kita papabatakin hangga’t hindi kita natitira!”

Matapos ang isang malalim na buntunghininga’y tumayo na si Sanag upang maligo. At ngiting tagumpay ang namutawi sa mukha ng kanyang katipan.

“Teka, teka. May naalala ‘ko.”
Sa gitna ng pagtatalik ay walang kaabug-abog na bumangon si Philip mula sa ibabaw ni Sanang. Nagtataka namang naupo sa kama ang babae. “Ano ba ‘yon? Anak ka ng punyeta kung kelan nasasarapan na ‘ko saka ka tumigil!”

Agad na bumalik sa kama si Philip pagkakuha ng mga tabletang puti sa kanyang pantalon. “Ito, iniskor ko kay Tulok kaninang umaga. Tig-dalawa tayo tapos batakin natin lahat ‘tong halagang limampiso na itinago ko. Tapos, singhot tayo ng Rugby. Tapos, titirahin kita ulit.” Buong pananabik na sabi ni Philip. “Puta, seryoso ka ba? Saka aspilet lang yata ‘yan hanggang ngayon nagpapapaniwala ka pa rin kay Tulok.”

“Basta. Ano, tara?”

 

***

“Bukod sa isa’t isa, ano pang tinira niyo?” Nanguuyam na tanong ni Tinyente Ablas na sinundan ng sabay-sabay na tawanan ng mga tao sa presinto. “Totoo ang sinasabi namin, Ser. May maliwanag na butas sa pader! Tapos nung pinasok ko yung braso ko putangina, tumagos sa kabila!” Pangungumbinsi ni Philip kahit alam niyang imposible ang kanyang sinasabi.

Tumayo mula sa kinauupuan si Tinyente Ablas at nagsindi ng sigarilyo bago muling magsalita, “kayong dalawa, alam niyong matagal na kayong namumuro sa’kin mga putangina niyo! Sa dinami-rami ng mga gagaguhin ninyo e dito pa talaga kayo nagpunta sa presinto.” Sabi ng pulis sabay hithit ng sigarilyo. “Ser. Totoo po ang sinasabi namin. Pwede ninyong puntahan kung gusto niyong -”

“Bibilang ako ng tatlo. Kung hindi kayo lalayas sa harap ko ikukulong ko talaga kayo mga tarantado. Layas!”

“Tangina ka kase! Sabi ko naman sa’yo h’wag na tayong magsabe. Muntik pa tayong makulong.” Singhal ni Sanang habang nagtatarya ng Shabu sa ibabaw ng lamesa. Matapos gamitin ng dalawa ang Shabu at mga tabletang galing kay Tulok noong nagdaang gabi ay hindi maintindihan o maalala ng magkatipan kung paano silang napunta sa lugar na iyon malapit sa palengke. Animo’y bigla na lamang silang napadpad roon sa isang kisap-mata at bumulaga sa kanilang harapan ang butas sa pader na pinalilibutan ng nakasisilaw na liwanag.

“Pero Sanang, ibang klase pala talaga ‘tong mga tabletas ni Tulok.” Sabi ni Philip habang hawak ang dalawa pang natitirang tableta sa kanyang palad. “Ni hindi ko maalala kung natira pa ba kita kagabe o nakatulog na lang ako bigla e. May naaalala ka ba?” Patuloy ng lalaki.

“Sa totoo lang, hindi ko rin alam. Tarantadong Tulok saan daw ba niya nakita ‘yang tabletas na ‘yan?”.

“Tara tira ulit tayo! Batak muna ng temats tapos tirahin na natin ‘tong natitira tig-isa tayo.” Si Philip. “Hindi siguro tamang pagsabayin natin ‘to, Philip. Subukan muna nating bumatak, tapos balikan natin ‘yung pader kung totoo ba talaga yung nakita natin kagabe.” Suwestiyon ni Sanang bilang bantulot na siyang muling uminom ng tabletang iyon. “Okey sige, maligo ka na muna.” Sagot ni Philip.

Pero lingid kay Sanang ay ininom ni Philip ang kanyang tableta bago sundan ang katipan sa loob ng banyo bilang hindi na iyon makatiis sa alindog ng babaeng naliligo.

“Ano ba, Philip! Tangina ka.”

“Hayaan mo na ‘ko tangina libog na libog na ‘ko e!”

Wala nang nagawa si Sanang kundi magpaubaya sa animo’y nauulol na asong lalaki. Mistula iyong bata na nabigyan ng sorbetes sa kauna-unahang pagkakataon. Dinidilaan ni Philip ang buong katawan ni Sanang habang kumikilos ang mga kamay nito na animo’y may sariling pag-iisip. Mula sa banyo’y nakarating ang dalawa sa kama at waring hindi napapagod ang lalaki. “Tangina, Philip. Teka nga! Babatak muna ko para kang hayop ah!” Sambit ni Sanang na halos lumupaypay na dulot ng matindi nilang pagtatalik ni Philip. “Bumatak ka lang diyan nandyan rin yung isa pang tableta sa ilalim ng foil. Tumuwad ka nga! Tangina hindi pa kita natitira nang matindi.” Si Philip.

“Tangina mo!” Sagot ni Sanang.

***

“Philip. Nandito nanaman tayo sa tapat ng pader. May naaalala ka ba?” Tanong ni Sanang habang nakatayo ang dalawa sa mismong lugar kung saan sila nagising noong nagdaang gabi. “Wala. Hindi ko alam. Tanginang tabletas ‘yun ah.”

At ganun na lamang ang kanilang pagkamangha nang muling magpakita ang butas na maliwanag sa gitna ng pader. Noong una’y atras-abante ang dalawa subalit nang maalala ni Philip ang reaksiyon ng mga pulis sa kanyang kuwento ay naisip niyang pumasok sa loob ng butas. “Gago ka ba?” Sambit ni Sanang. “Malay ba natin kung anong nasa loob niyan? Baka ibang planeta na ‘yung kabila niyan. Mga Alien!” Patuloy ng babae.

“Sanang. Tama lang ‘to ng pinagsamang class A na Shabu at tabletas ni Tulok. Mag-enjoy na lang tayo habang hindi pa bumababa ang tama. Malay mo, Amerika ‘yan! Eh ‘di nakalibre pa tayo.”

“Sige. Dahan-dahan lang ha huwag mo ‘ko iiwan gago ka.”

Hinawakan ni Philip ang kamay ni Sanang at pumasok na ang dalawa sa butas na maliwanag sa gitna ng pader.

 

***

“Pumasok na sila. At kusang naglaho ang lagusan.”

“Mabuti. Hayaan niyo na muna silang makita ang mundo natin.” Sabi ni Diego sa kanyang mga kasamahan.

“Ito na, Diego. Sa wakas ay magkakaroon na tayo ng mga kasagutan.” Sambit ni Hanna. “Napakatagal ng ipinaghintay natin, Diego.”

“Unang-una, kailangan muna nating malaman kung bakit sila ang nakatawid sa lagusan. Anong klase silang mga nilalang. Bigyan natin sila ng oras, huwag nating bibiglain.” Suwesiyon ni Diego. “Wala na naman silang magagawa, Diego. Sarado na ang lagusan.” Sambit ni Pepe.

Alam ni Diego na hindi ganoong kadali ang makipag-ugnayan sa mga tao sa kabilang mundo. Subalit alam ng lahat na hindi sila maaaring mag-aksaya ng oras bilang muling magbubukas ang lagusan matapos lamang ang ilang oras sa ayaw nila o sa hindi. “Tiyakin ninyong malusog ang kanilang pangangatawan, at wala silang gagawin na maaari nilang ikapahamak.”

***

“Putangina, Sanang! Anong lugar ‘to?” Halos umabot ang mga panga ng dalawa sa sahig dulot ng matinding pagkamangha habang nakatingala sa langit na kulay bahaghari. Bukod sa angking kagandahan at hiwaga ng buong lugar ay pinagsamang pagkamangha at takot ang kanilang nararamdaman dahil sa iba’t ibang nilalang na kanilang nakikita na kahit sa panaginip ay hindi nila nasaksihan. Mga kabayong may pakpak, sasakyang nasa himpapawid at mga gusaling talaga namang kamangha-mangha ang nasa harapan ng dalawang madungis na durugista. “Nakita rin kaya ni Tulok ang lugar na ‘to?” Tanong ni Sanang. “Malamang ay hindi, dahil ang nabanggit lang sa’kin ni Tulok habang binebenta niya sa’kin yung tabletas niya e ‘yung tumbong ni Petra.” Sagot ni Philip. “Pero Sanang, hindi pa ‘ko nakasakay ng eroplano sa tanang buhay ko pero sinisiguro ko sa’yo. Ibang mundo ‘to, Sanang. Ibang mundo ‘to!”

Walang sinumang tao ang hindi mamamangha sa mundong tinawid nina Philip at Sanang. At animo’y walang imposible sa lugar na iyon. May lumilipad, naglalakad sa ere, mga hayop na nuon lamang nila nakita at mga gusali at kabahayan na nakatitiyak ang dalawang walang taong makaiisip ng disenyo at magagawa ng mga ganoong klaseng konsepto.

Ang hiwaga at ganda ng buong kapaligiran ay hindi mapapantayan ng kahit na anong uri ng pantasya na napapanuod ng dalawa sa telebisyon. Animo’y pinaghalong hayop at tao ang mga nilalang na naninirahan. Hindi lubos ang kanilang takot dahil kahit na kakaiba ang mga nilalang doon ay sobrang ganda naman ng kapaligiran.

“Amerika ba ‘to, Philip? Ano sa tingin mo?” Si Sanang.

“Sanang h’wag kang tanga. May nakita ka na bang Amerikanong kulay ginto ang balat na talahib ang buhok? Sa tingin mo may pating na lumilipad sa Amerika?”

 

“Mga kaibigan. Nawa’y nagustuhan ninyo ang aming payak na mundo.”

Ganoon na lamang ang gulat ng magkatipan nang magsalita mula sa kanilang likuran si Kulas. Maliit na malaki ang tiyan, kulot ang buhok at ubod iyon ng itim. “Ako nga pala si Kulas. Ako ang naatangan na gumabay sa inyo para makampante kayo bago kayo humarap kay Diego.”

“Sinong Diego, saka bakit kami nandito? Dito ba ginagawa ‘yung tabletas ni Tulok?” Tanong ni Philip. Hindi mawari ni Kulas kung anong ibig sabihin ng kausap kaya naman hindi na iyon sumagot. Bagkus ay niyaya niya ang mga bisitang sumakay sa kanyang sasakyan upang dalhin sa kanilang tutuluyan.

“Kulas. Tangina. Medyo ninenerbiyos na kami e. Tumira ka rin ka ba ng tabletas? Bakit tayo naandito? Anong lugar ‘to bakit sobrang kakaiba? Tangina bakit lumilipad yung mga kabayo at aso ano ba ‘to? Tapos yung drayber mo mukhang tikbalang na kuneho!” Si Philip.

“Kung hindi ako nagkakamali, kaibigan, kayo lamang ang pinalad na makatawid mula sa kabilang mundo. Hindi ito ang mundo ninyo.”

“Alam ko. Dahil walang ganito sa Santa Elena. Pero bakit at paano nga? Makakabalik pa ba kame? Anong gagawin niyo sa’min? Ikukulong? Kakainin? Ano?” Nagkakandautal na sa pagsasalita si Philip bilang unti-unti na niyang napapagtanto na hindi sila kabilang sa mundong iyon. Bagama’t hindi mailalarawan ng anumang salita ang kagandahan ng buong paligid ay nais niyang malaman kung nanganganib ba ang kanilang buhay.

“Philip. Philip!”

“Ano?!”

Ipinakita ni Sanang kay Philip ang kanyang tableta na nakapa sa bulsa ng salawal. “O, bakit meron ka pa niyan?” Tanong ni Philip.

“Hindi ko pa pala nainom ‘yung sa’kin.”

Ganoon na lamang ang kanilang pagkagitla nang maisip nilang maaaring walang kinalaman ang droga sa kasalukuyan nilang sitwasyon.  “Putangina.” Sambit ni Philip. “Sanang. Na-engkanto yata tayo.”

Maging si Kulas ay hindi alam kung bakit sila naroroon sa mundong iyon. At bagaman maraming nilalang ang nakikita ng magkatipan, waring hindi magkakakilala ang mga iyon at hindi nagpapansinan. Para silang dumadaan sa gitna ng mga gumagalaw na manekin. Walang pumapansin sa kanila. Ang lahat ay diretso lamang ang tingin. Animo’y ang lahat ay abala sa kani-kanilang mga gawain.

“Kaibigan, maaari ko bang itanong kung bakit kayo magkasama?” Tanong ni Kulas.

“Mag-asawa kame.” Sagot ni Sanang.

“Mag-asawa?”

“Oo.”

Matapos niyon ay hindi na muling nagsalita si Kulas. Hanggang sa marating nila ang isang napakalaking gusali na kulay berde at puti.

Habang nasa magarang sala ang magkatipan ay hindi nila mapigilan ang mamangha sa lahat ng kanilang nakikita. “Philip. Grabe ang gusaling ito. Pati ang kisame at mga hagdan ay yari sa ginto. At itong sahig, ngayon lang ako nakakita ng ganitong kagara na bato. Mas makulay pa at makintab kumpara sa marmol ng kapitolyo.”

May kalahating oras pa ang lumipas at dumating na ang hinihintay ni Kulas.

“Mga kaibigan. Kamusta? Ako nga pala si Diego. At ito ang aking kasamahang sina Hanna at Pepe.” Paunang bati ni Diego. Tulala lamang ang magkatipang Sanang at Philip bilang pinaghalong mangha at kaba ang nararamdaman nila nang mga oras na iyon. Bilang hindi nila alam kung ano ang naghihintay sa kanila.

“Naiintindihan ko na waring nagtataka kayo sa mga oras na ito. Alam kong iba ang mundo ninyo sa mundo namin. Napakatagal namin kayong hinintay. Napakahabang panahon na ang nakalipas nang huling may nakatawid sa lagusan mula sa kabila.” Pagpapatuloy ni Diego. “Kaibigan, gaya ni Eusebio na huling naging bisita namin dito, alam kong marami kaming matututunan sa inyo.”

“Sinong Eusebio? Saka bakit ba kami napunta rito? At bakit kami?” Lakas loob na tanong ni Philip.

“Hindi namin alam. Pero nakasisiguro akong may dahilan ang tadhana at kayo ang pinalad na makatawid sa aming mundo.” Si Diego.

“Ano bang balak niyo sa ‘min? Makakabalik pa ba kami sa mundo namin?” Tanong ni Sanang.

“Oo. At hindi makabubuti kung mag-aaksaya tayo ng oras para lamang makilala nang lubos ang isa’t isa. Sumunod kayo sa ‘kin at mayroon akong nais ipakita.” At niyaya nang pumasok ni Diego ang dalawa sa isang silid sa gawing kanan ng gusali.

Dalawang libro ang ipinakita ni Diego sa magkatipan. Aniya’y ang mga librong iyon ang dala-dala ni Eusebio nang makatawid iyon mula sa kanilang mundo at iniwan bilang handog mula sa kabila.

“Bibliya ang isa. Ang isa nama’y talambuhay ng isang nagngangalang Alejandro Nakpil. Ano naman ang napala ninyo dito? Binasa niyo ba?” Si Diego.

“Kilala niyo ba kung sino ang nagsulat ng Bibliya na iyan? Dahil hindi namin mawari at maarok ang karamihan sa nilalaman ng librong iyan, kaibigan.” Tanong ni Diego. “Ang librong iyan ang basehan ng karamihan ng mga relihiyon sa mundo namin. Malaking porsiyento ng mga tao sa mundo ay sumusunod sa mga aral ng librong iyan.” Sagot ni Philip.

“Mga aral?”

“Oo. Sabi ng mga propetang nagsulat niyan na hindi ko maalala ang mga pangalan dahil hindi naman ako relihiyosong tao, mensahe raw ‘yan ng Diyos para sa ‘min. Para mapanatili ang moralidad at kapayapaan. Pero putangina, h’wag na kayong magbalak na pumunta sa mundo namin at makigulo pa dahil tatapatin ko na kayo. Wala kayong mapapala.” Si Philip.

Bagamat nabanggit na nuon ni Eusebio sa ama ni Diego ang tungkol sa Diyos o Lumikha, hindi pa rin maintindihan ni Diego at sampu ng mga kanyang mga kasamahan ang nais ipaliwanag nuon ng kanilang bisita. At umaasa si Diego na sa pangalawang pagkakataon, ay lubos na maipaintindi ni Philip nang mas klaro at detalyado ang mga nakasaad sa Bibliya. Naniniwala si Diego na maaaring makaimpluwensiya sa kanila ang aklat. Subalit si Philip na mismo ang nagsabi, hindi niya pa nababasa nang buo ang Bibliya at ang mga nalalaman lamang niya ay ang mga alaala nuong siya’y bata pa at isinasama sa simbahan ng ina tuwing araw ng Linggo.

“Kaibigan, ang sabi mo ay maipluwensiya sa inyo ang librong ito. Pero base sa iyong pananalita ay para bang hindi naman dito nakabase ang iyong pamumuhay. Ilang taon ka na ba?” Tanong ni Diego.

“Treinta’y kuwatro.”

“Ha?”

“Tatlumpu’t apat. Matanda na ‘ko.”

“Tatlumpo at apat na taon? Bata ka pa pala.” Nandidilat na sabi ni Hanna. Hindi makapaniwala ang mga nilalang ng kabila sa edad ng mga panauhin. Nuong nakatawid si Eusebio ay animnapu at pito na ang edad niyon subalit ganoon rin ang kanilang pagtataka bilang mukhang matanda na kumpara sa kanila ang bisita.

“Gago pala ‘tong mga ‘to e. Kelan pa naging bata ang treinta’y kuwatro.” Bulong ni Sanang kay Philip. “E, bakit, ilang taon na ba kayo at kung makapandilat kayo sa ‘min e para bang uugud-ugod na kame?”.

“Apat na libo at dalawang taong gulang na ‘ko. Si Kulas ang pinakamatanda sa silid na ito. Dalawampu at isang libo isandaan at isa na ang edad niya.” Sagot ni Diego.

“Anak ng put – ano kayo, imortal?” Hindi makapaniwalang tanong ni Philip.

“Namamatay din kami. Sa pagtulog. Hindi gaya niyo na maaari kayong mamatay sa karamdaman. Tama ba? Hindi kami nagkakasakit, Philip.” Sagot ni Hanna.

***

Tumingin sa relong pambisig si Diego, magsiya-siyam na oras na ang nakalipas nang sila ay tumawid sa kabila ng pader. “Sanang, ngayon lang ulit ako nakaramdam ng ganito. Ganitong klaseng gutom. Tangina gutom na gutom na ‘ko.” Sambit ni Philip. “Kaya nga ako rin. Mantakin mo ‘yun, nagugutom pa pala tayo. Sabagay, wala na yata yung tama ng temats na tinira natin kanina. Inaantok na nga ‘ko.” Sabi ni Sanang. “Hindi ko alam kung makakalabas pa ba tayo nang buhay dito. Tangina, kanina pa ‘ko paliwanag nang paliwanag tungkol sa Bibliya hindi naman yata nila naiintindihan. Alam mo, Sanang. Nakasisiguro ‘ko na hindi natin katulad ang mga nilalang na ‘to. Hindi lang dahil sa ang wiwirdo ng mga hitsura nila, para bang wala silang pakiramdam o kung ano, basta, parang may kulang sa pag-iisip ‘tong mga ungas na ‘to.”

“Kaya nga.”

“Pero sa tingin ko, malaki ang naging impluwensiya sa kanila ng dalawang libro. Lalo na ‘yung isa, ‘yung libro ni Nakpil. ‘Yung mga pangalan nila doon lahat nanggaling. Diego, Hannah, Pepe, Kulas at iba pa.”

Bagama’t sapantaha ni Philip na naimpluwensiyahan ng libro ni Alejandro Nakpil ang mga nilalang sa kabilang mundo, malayo ang pamumuhay nila Diego at ng mga kasamahan nito sa tema ng kuwento ni Nakpil. Ang libro ni Nakpil ay pulitikal, at base sa modernong panahon ng mga Pilipino matapos ang ikalawang digmaang pandaigdig hanggang sa rebolusyon na tumapos sa diktaturya noong dekada otsiyenta.

Hindi nagtagal at muling dumating si Diego sa silid. “Mga kaibigan, alam kong pagod na kayo. Dadalhin kayo ni Michael sa isang silid para kayo ay makapagpahinga.”

“A, ‘tol. Diego. H’wag mo naman sanang mamasamain pero – nagugutom kame. Wala bang makakakain?” Lakas-loob na tanong ni Philip bilang humihilab na ang kanilang tiyan sa gutom.

“Hindi kami kumakain, Philip.”

“Tanginang ‘yan. Paktay! Tama ka, hindi nga tayo makakalabas nang buhay dito.” Si Sanang.

***

“Natutulog na ba sila?” Tanong ni Diego.

Lingid sa kaalaman nina Philip at Sanang, may nadiskubre sila Diego na hindi nila inaasahan. At iyon na ang pagkakataon nila na magkaroon ng sariling nilalang na maaari nilang makasamang manirahan sa nagmula sa kabila ng mahiwagang lagusan. Iyon lamang ang dahilan kung bakit nila pinatulog ang magkatipan bilang hindi rin natutulog ang mga taga kabilang mundo. Sila ay nagpapahinga lamang subalit nananatiling mga gising.

Subalit ang oras ay sadyang mabilis. Gustuhin man nilang manatili pa nang mas matagal ang mga bisita ay hindi maaari bilang hindi nila alam kung kailan ulit magbibigay ng pagkakataon ang mahiwagang lagusan. Sila Diego ay walang kakayahan na tumawid sa kabila sa tuwing magbubukas ang lagusang iyon. Kaya naman maya’t maya ay naiisip ni Diego ang huling mensahe ni Eusebio sa kanilang mga kasamahan bago iyon bumalik sa kabila;

May dahilan kung bakit hindi kayo pinahihintulutang tumawid ng lagusang ito. Alam ko ang dahilang iyon dahil ako ay isang tao. Maniwala kayo sa ‘kin, kung wala lang akong misyon sa buhay ay mas gugustuhing ko ang manatili na lamang dito. Pero hindi maaari. Hindi iyon maaari.

Paalam.

Nabasag ang pagbabalik-tanaw ni Diego nang muling pumasok si Pepe sa silid. “Diego, nagbukas na ang lagusan.”

“Wala tayong magagawa. Sadyang ito lang ang oras na ibinigay sa atin. Huwag niyo na silang gisingin.” Utos ni Diego.

 

***

Limampu’t apat na taong nawala sina Philip at Sanang sa kanilang mundo. At base sa kasalukuyang estado, taong 2073, wala pa ring nagbago. Wala pa ring nagtanda. Napakarami pa rin ng mga walang pakialam sa kung anong naghihintay sa kabila ng mortal na buhay.

“Anong gagawin natin ngayon, Philip?”. Tanong ni Sanang sa katipan.

“Magpamulat.”

“Sa tingin mo ba’y may maniniwala sa kuwento natin? Nagkakagulo ang buong bansa, Philip. At ang primerong kailangan nila bukod sa kalayaan sa diktaturyang ito – ay pagkain sa kanilang mga lamesa.”

“Sanang. Sabog lang ang maniniwala nang lubos sa nangyari sa’tin. Pero nakatitiyak ako, maraming magkakaroon ng pag-asa ‘pag inikuwento natin ‘to.” Si Philip. “E ano ngang gagawin mo? Pa’no ka magpapamulat?”.

“Magsusulat ng libro. Sanang, tatlumpu’t apat na taon akong hindi napakinabangan ng mundo. Pati ikaw. Ito na ang pagkakataon nating magkasilbe bago tayo mamatay. Matapos nating masaksihan na posibleng magkaroon ng perpektong mundo, hindi ako makakapayag na mamatay nang walang pakinabang.” Sabi ni Philip.

“Walang imposible, Sanang. Walang imposible.”

***

Sa kabilang mundo naman ay naghahanda na ang mga kasamahan ni Diego para sa kanilang proyekto. Lingid kina Philip at Sanang, nagdadalantao ang huli nang makatawid sila sa mundo nila Diego. At nailuwal ni Sanang ang bata habang siya’y natutulog bilang apat na taon ang katumbas ng isang oras sa kabila ng pader.

“Hanggang ngayon ay bantulot pa rin ako sa plano mong ito, Diego. Si Philip na mismo ang nagsabi na magulo ang kanilang mundo dahil sa kanilang mga tao mismo. Paano kung –“

“Hanna. Walang nakakaalam kung bakit magkaiba ang mundo natin at ng mga nilalang na gaya nina Philip at Sanang. Iba rin ang tipo ng kanilang mga dugo. Nakatitiyak akong marami tayong madidiskubre sa kanilang anak. At si Philip na mismo ang nagsabi, ang mundong ito ang pinapangarap ng bawat nilalang sa mundo nila.” Sagot ni Diego sa nag-aalangan na si Hanna. “At hindi ako makapapayag na maging katulad nila si Andres.” Patuloy ng lalaki. “Ano, handa ka na ba?”

Isang buntong hininga lamang ang isinagot ni Hanna kay Diego. At matapos niyong maghubad ng damit ay humiga na sa kama upang ihanda ang sarili sa proyekto. Bago umpisahan ang pagsasalin kay Hanna ng semilya ni Andres ay hinawakan ni Diego ang kamay ni Hanna. “Hanna, mahal kita.”

“Ha?” Nagtatakang tanong ni Hanna. “Ano ‘yon?”

“Hindi ko alam. Narinig ko lang na sinabi ‘yon ni Philip kay Sanang bago sila nuon matulog, matapos nuon ay niyakap nila ang isa’t isa.”

Ngumiti si Hanna at nagbigay na ng hudyat kay Marcelo na maaari na siyang patulugin. At nagsara na ang malalaking dahon na poprotekta at mag-aalaga kay Hanna hanggang sa makapanganak ito.

At walang makakaalam, na hindi si Philip ang ama ng anak ni Sanang.

***

Pilipinas, taong 2215.

“Sir. Ito po, baka magustuhan ninyo.” Iniabot ni Peter kay Mr. Ramirez ang isang lumang libro na inilimbag taong 2075.

Ganoon na lamang ang tuwa ng kolektor ng mga antigong si Mr. Ramirez nang makita’t mahawakan ang isang lumang libro na isinulat ng isang nagngangalang Philip Cruz. Bagama’t luma ay buong-buo pa ang libro na may pabalat na yari sa balat ng hayop at mga pahinang isinulat-kamay ang nilalaman sa isang uri ng papel na hindi na ginagamit sa kasalukuyang panahon.

“Gusto ko ito, Peter. Matagal-tagal na rin akong hindi nagbabasa, may walong buwan na rin siguro dahil sobrang abala ko sa pagahahanap ng mga antigo.”

Iilan na lamang ang mayayaman sa bansang Pilipinas. At ginto’t pilak na lamang ang nagsisilbing salapi upang gawing basehan ng estado ng isang tao. At para kay Ferdinand Ramirez, bukod sa ginto’t pilak, kaalaman sa kasaysayan ang itinuturing niyang yaman.

Nang makauwi si Mr. Ramirez sa kaniyang bahay ay buong pananabik itong nagtungo sa kanyang silid aklatan at naupo sa kanyang antigong tumba-tumba na yari sa Narra. “Mabasa nga ito, isang librong walang pamagat.” Bulong niya sa sarili. At binuksan na niya ang lumang libro.

Marami sa atin, ang nabubuhay sa kawalang pag-asa na kailanman ay hindi na magkakaroon pa ng kapayapaan. Marami sa atin, ang naghuhumiyaw na kailanman ay hindi magkakaroon ng pagkakapantay-pantay. Marami sa atin, ang hindi naniniwalang kailanman ay hindi magiging perpekto ang mundong ginagalawan natin. Hindi perpekto ang mundong ito. Dahil iba ang kahulugan sa atin ng salitang ‘perpekto’.

Pero alam ko kung ano ang perpektong mundo. Ang isang perpektong mundo ay isang mundo na kung saan ay walang labis at walang kulang. Ang lahat ay eksakto lang.

Perpekto. Dahil ang mga naninirahan dito, ay walang damdamin.

Ako si Philip Cruz. At ito ang aking karanasan –

Sa Kabila ng Pader.

 

 

WAKAS

– JB aka Kaliweteng Dragon