“Nuisance”
ni Juan Bautista
I
-“Tol tatakbo ka daw sa pagka-Presidente? Lakas din
ng trip mo e no. Pagtatawanan ka lang tol. Nuisance
ka kasi.”
-“Nuisance? Ano yon?”
-“Tamo ka. Ni hindi mo alam tapos tatakbo ka. Panggulo,
pang-asar, kupal, kamote, bobo etsetera.
Isang kagyat na ngiti ang rumehistro sa mukha ni Isko.
-“O. E anong nginingiti-ngiti mo dyan? Natauhan ka no.
Hayop na ‘to. Tigil tigilan mo nga ‘yan at pumasada na tayo.”Sabi ni Kuneng.
-“Tol, samahan mo ko magpa-payl tayo ng COC.” si Isko.
-“Nakinig ka ba sa lahat ng sinabi ko? Nag almusal ka na ba?”
Kuneng, pedicab drayber ako. Hindi ako nyuwisans! At yung mga
panggulo, pang-asar, kupal, kamote, bobo etsetera na sinasabi mo,hindi ako ‘yon. Yung mga makakalaban ko ‘yon!
Mananalo ‘ko Kuneng, mananalo ‘ko!
***
II
-“Tol. Ngayong opisyal ka nang kandidato, dapat may islogan ka din.” si Kuneng.
-“Nga no. Hmm.. Kay Isko, walang pangakong mapapako! Ayos ba tol?”
-“Para kang gago. Ampangit. Walang dating. Saka dapat yung sasakyan ng mga Noypi syempre. Parang, ‘Erap para sa mahirap’. Ganon.”
Saglit na nag-isip si Isko.
-“Lam mo tol, tayong mga Pilipino kasi, kapag sinabing bawal, yun pa ang gagawin.”
-“Ha?” takang tanong ni Kuneng.
-“Kapag sinabing bawal tumawid dito, yun ang paborito nilang tawiran. Dun sa may nakalagay na ‘Tawiran’, puta walang dumadaan. Lam mo yon tol? Nakakaurat ‘di ba? Kanila lang sabay pa tayong umihi sa dingding na may nakasulat na ‘Bawal umihi dito’,lam mo yon?”
-“E ano bang ipinaglalaban ng balakubak mong hayop ka?! Hindi ka pa nanalo, wala ka pang islogan parang gusto mo maging diktador na.” Naaasar na si Kuneng.
-“Tanga! Di mo ko naiintindihan.May islogan na ‘ko.”
-“Ano?”
-“H’wag nyo kong iboto. Tarantado ko! Kukunin ko mga pera nyo wala kong pakialam sa mga buhay nyo. Inuulit ko, h’wag nyo kong iboto. Mga bobo!”
“Ayos!” at nag-high five ang dalawa.
***
III
-“Tol. Mukhang anlalim ng iniisip mo a.” Tanong ni Kuneng kay Isko nang maabutan ang kaibigang nakatanga sa kawalan.
-“Iniisip ko kung pa’no ko lilibutin ang buong Pilipinas para mangampanya. Pa’no ‘ko makikilala ng Pilipinas kung nandito lang ako hanggang eleksyon?” si Isko.
-“Oo nga no. Pero hindi mo naman kailangang libutin ang Pilipinas para makilala. Alam ko na, narinig ko kanina kay Nene na nag-text daw sya tapos ‘send-to-many’.Isang pindot lang madami na makakabasa gawin natin yon sa islogan mo. Ano?”
-“Tol wala tayong selpon. Saka mumurahin lang tayo ng tao non makaka-istorbo lang tayo.” Balisa na si Isko.
-“May naisip akong mas epektibo. Yung selpon ni Nene may bidyo, hiramin natin. Tapos mag-papasikat tayo sa Peysbuk.”
-“Pa’no naman tayo magpapapansin?”
-“Kunwari gugulpihin ko yung batang magsa-sampaguita sa simbahan, tapos sasagipin mo sya. Tapos sasaksakin kita ng ‘ice pick’sa tagiliran. Bibidyuhan natin tapos ilagay natin sa Peysbuk.”
-“Punyeta ka Kuneng! Kung may galit ka sa’kin diretsahin mo ‘ko nang magkaalaman na tayo dito!”
Tikom-kamaong nagtitigan ang dalawa. Parehong alisto sa ano mang maaaring mangyari nang mga oras na iyon…
-“Sige sa hita na lang, para siguradong buhay ka.”
-“Sige! Hiramin mo na kay Nene yung selpon dali!”
At nag-high five ang dalawa…
***
IV
“Tol. Tol gising!” pambubulabog ni Kuneng kay Isko.
“Tangina ala-una ng tanghali nanggi-gising ka ano ba?”
“Si Tukes at Padlock nagra-rally sa plasa kasama sila Kap. Nandun yung kandidatong Senador na magpe-presidente din nagpapakain daw. Budol payt baga.”
“O e ano ngayon? E ‘di lumamon sila libre naman yata yon.” si Isko.
“Tanga! Suporter mo sila isinisigaw nila pangalan mo.”
Dali-daling tumayo si Isko at sumugod ang dalawa sa plasa…
“Si Isko ang kailangan ng bayan! Si Isko ang iboboto namin dito, hindi namin kailangan ang mga pagkain mo mapagpanggap! Layas!” iyon ang bumungad kay Isko at Kuneng sa plasa. Ang nagngangalit na mga kabarangay sa pangunguna ni Kapitan Temyong gamit ang megaphone.
Galit na hinablot ni Isko ang megaphone kay Kap Temyong…
“Anong problema nyo? Tangina wala na nga kayong makain itinataboy nyo pa yung gustong magpakain. Nobenta porsiyento ng mga ka-barangay natin wala nang makain tapos aawayin nyo dahil lang nakikikain sa plasa. Anong kaisipan ‘yan?”
“Isko. Alam naman nating lahat kung anong pakay ng Senador na yan. Gusto nya tayong utuin para iboto natin sya sa pagka-presidente.” sagot ni Padlock na kakalabas lang ng kulungan.Kumpare ni Isko at Kuneng na kasalukuyang lider ng Isputnik.
“Hayaan nyo syang magpakain nang magpakain. Sa tingin nyo kung nakaka-kain tayo ng adobo isang beses kada linggo magpupunta dito yan? Kung laging namamantikaan ang mga nguso natin hindi naman magpapakain yan.”
“E ba’t ikaw? Kandidato ka din naman a. Bakit hindi ka nang-uuto nang ganyan?” sabat ni Tukes.Matador sa palengke na nakasukbit pa ang bayna sa baywang.
“Ano ko gago? Kakautang ko nga lang kanina ng sardinas kay Tiya Giseng tapos pakakainin ko pa kayo?” sagot ni Isko.
Hindi napansin ng magkaibigang Isko at Kuneng na nasa likuran na pala nila ang Senador kasama ang mga bodyguards nitong naka-barong.
“A iho. Mawalang galang na sa inyo ano, ako naman bilang kandidato ay nais lang makihalubilo sa inyo sa isang masaganang kainan. Halikayo’t tayo’y magsalu-salo madami pang pagkain.”
Nakatingin lang si Isko at Kuneng.
“Salamat din pala sa inyo sa pagtulong na mapahinahon at maintindihan ako ng iba mo pang mga ka-barangay. Ano nga pala pangalan mo iho?”
Nakanganga lang ang dalawang kausap ng Senador, walang kahit na anong emosyon ang mababakas sa mukha ng mga ito. Nang biglang…
“TANGINA MO! PAKYU!” Sigaw ni Isko sabay karipas ng takbo.
Natuliling ang tenga ng Senador sa sigaw na iyon ni Isko sa tapat mismo ng kanyang mukha gamit ang megaphone.
Nagsunuran din magtakbuhan sina Kuneng at iba pang mga taga-suporta at naiwang nakatanga sa gitna ng kalsada ang nagtatakang Senador. Napakamot na lamang ito ng ulo at bumalik na sa plasa.
“Naknamputa ka ginulat mo kami a! Mabuti na lang at hindi tayo niratrat ng armalayt nung mga alipores nun.” isang lumalagutok na kutos sa ulo ang inabot ni Isko kay Kuneng.
“Hahaha! Tangina! Nakita mo yung mukha ni Sen? Mukhang tanga nagkukumamot ng ulo habang nakatingin saten. Haha!” tuwang tuwang sabat ni Tukes.
“Basta ito tatandaan mo Isko, nasa likod mo kaming mga kabarangay mo. Solid kame para sa’yo Isko.’Pag kailangan mo ng proteksyon sabihan mo ‘ko agad.” si Padlock.
“E Isko, e bakit mo nga ipinagtanggol mo pa sa’min yung trapong iyon? Kalaban mo yun a.” humihingal na tanong ni Kap.
“Alam nyo, unang-una ang pagkain at anumang grasya hindi dapat ipinagkakait sa sarili ‘yan. Saka madaming utang satin yung Senador na yun dahil wala pa naman siyang nagagawang maganda para sa bayan.
At ito ang tatandaan nyo, kahit ipamudmod pa ng mga trapong yan sa’tin ang lahat bigas sa Pilipinas, hindi mananalo sa’kin yan! Malapit na ang pagbabago! Basta nyo h’wag nyo kong iiwan sa ere tangina nyo.”
At naghiyawan ang kanyang labing-apat na kabarangay sa tuwa.
“Mabuhay si Isko!”
“O siya, sagot ko’ng piknik.” paanyaya ni Kapitan Temyong.
***
V
“High-five tayo para kay Isko! Sa Araneta Coliseum!”
Iyon ang ikinalat ni Nene sa text upang makapagpakilala na si Isko bilang kandidato sa pagka-Presidente. Ideya iyon ni Kuneng at tiwalang tiwala ito na kaya nilang punuin ng mga tagasuporta ang naturang lugar. Sinabi ni Nene na isa daw sa kanyang mga ‘text mates’ ay nagtra-trabaho sa istarbaks at regular daw nitong kustomer ang manedyer ng Araneta Coliseum.Kakausapin nya daw ito upang makapagpa-reserba ng isang araw para kay Isko.
At matapos ang apat na araw, matapos sabihin ng text mate ni Nene na kasado na ang lahat, nagtungo na si Isko at Kuneng kasama si Nene sa Araneta Coliseum. Sabik na sabik ang dalawa at nangutang pa ng pamasahe at pang-meryenda kay Tiya Giseng. Bitbit din nila ang tagpi-tagping megaphone ni Kap Temyong.
***
“Teka, san ho ang punta nyo?” Tanong ng guwardiya sa kanila.
“Reserbado ‘tong Araneta para sa’min.” si Kuneng.
Parang tinuklaw ng ahas ang guwardiya na hindi kumikibo habang nakatitig kay Kuneng. Nakasuot si Kuneng ng naninilaw na barong, maong na punit punit sa gawing kaliwang tuhod at pulang ‘Chuck Taylor’ na butas butas. Si Nene ay naka-Duster at ang kandidatong si Isko ay nanggigitata sa pawis sa suot nitong ‘Amerikana’. Matikas naman sana subalit naka-tsinelas lamang ito na mumurahin.
“A, mawalang galang na ho. Subalit hindi ho talaga kayo makakapasok. Reserbado na ho ang coliseum at mawawalan ako ng trabaho tiyak kapag pinapasok ko kayo.”
“Brad. Kapag hindi mo kami pinapasok ay hindi ka na aabot sa amo mo para makapag-paliwanag. Mabuti pang i-text mo na pamilya mo kung may balak kang magmatigas!” Banta ni Kuneng.
Napaatras ng dalawang hakbang ang tatlo nang iniangat ng guwardiya ang nakasukbit na shotgun at ipinatong sa mesita.
“Sige, kung sasabihin nyo sa’kin kung anong okasyon ngayong gabi ang mayron dito sa coliseum ay papayagan ko kayong makapasok.” sabi ng guwardiya.
“Anak namp… Si Isko nga ang nagpareserba nito! Nene, i-text mo nga yung boypren mong nagtatrabaho sa Istarbak!”
At napilitan nang umalis ang tatlo nang magkasa ng baril ang guwardiya.
***
“Hayop na guwardiya ‘yon! Kung wala lang baril ‘yon talagang sisipsipin ko mata non!” galit na galit na sabi ni Kuneng.
Nakatambay lang ang tatlo habang hinihintay ang sagot ng kaibigan ni Nene sa text. Mag-iisang oras na. Nang kalabitin ni Isko si Kuneng.
“Kuneng. Tignan mo andaming tao. Andaming nagpunta sa miting de abanse ko Kuneng!”
“Puta! Oo nga. Ang haba ng pila. Mabuti naman at pinapapasok ng guwardiya mga suporter natin. Sabi ko sa’yo Isko! Kaya natin punuin ang Araneta! Mananalo ka Isko! Tagumpay ang ‘High-five tayo para kay Isko’! Whooo!”
At nag-high five ang dalawa.
Subalit may problema, kailangan nilang makapasok sa loob. Inikot ng tatlo ang buong lugar hanggang sa magawa nilang makapuslit sa pagdaan mula sa isang maliit na pinto sa gawing likuran.
“Kuneng andaming pagkain!” si Nene.
“Oo nga no. Baka sagot ng boypren mong taga-Istarbak. Tanginang ‘yon sumagot na ba sa text mo?”
“Hindi na nga e.”
At nagulat sila sa napakalakas na hiyawan na nagmumula sa ‘di kalayuan. At tuluyan nang nalaglag ang panga ng tatlo sa sobrang pagkagitla. Punung-puno ng tao ang Araneta Coliseum at sabay na napaluha ang magkakaibigan sa labis na tuwa.
“Putangina Isko! Presidente ka na!”
At parang tumigil ang mundo nang sabay sabay na lumingon sa kanila ang mga tao na nasa loob.
“Tara! Umpisahan na natin ang programa. Mga kababayan, mahal naming Pilipinas, ito na ang ating pinakahihintay, tayo na’t sabay sabay makipag-high five, sa ating Presidente! Si Iskooo!” halos mapatid ang paghinga ni Kuneng sa lakas ng kanyang sigaw gamit ang megaphone.
“Binalaan ko kayo pero mapilit talaga kayo a!” sigaw ng guwardiya. Madami na itong kasama at binitbit patungong likuran ang tatlong magkakaibigan…
***
Makalipas ang halos apat na oras;
“Pinatawag ko na si Padlock. Putangina Nene kunin mo yung adres ng lalaking ‘yon na taga-Istarbak gigilingin ko talaga nang buhay yung hayop na ‘yon!” si Kuneng.
“Mabuti na lang at mababait yung mga taong iyon at hindi tayo ipinakulong. Pinakain pa tayo. Tsk. Nakakahiya Kuneng, putangina mo!”
“Ba’t ako? Kasalanan ‘to ni Nene at ni Istarbak Boy! Malay ko bang Anibersaryo pala ng El Shaddai ‘yon!”
At sabay sabay na nangalumbaba ang tatlo sa tapat ng bintana.
***
VI
“Magandang araw po sa inyong lahat. Ako po si Francisco Tukador Jr. Tawagin nyo na lang akong Isko. Isang nyuwisans kandideyt. Noong isang araw ay napag alaman kong isa ako sa mga hindi nakasama sa pinal na magiging kandidato para sa pagka-Presidente sa darating na eleksyon sa susunod na taon. Masakit po, pero kailangan ko itong tanggapin.
Matapos ang balitang ‘yon ay kinausap ko ang aking matalik na kaibigang si Kuneng. Ang sabi nya sa’kin, ‘Tol! Hindi tayo natalo. Dahil hindi nila tayo binigyan ng pagkakataong lumaban.’
Sangayon ako sa kanya, hindi po ako natalo, subalit wala na akong pagasang manalo. Minsan sinasabi natin kapag iniwanan tayo ng mga syota natin, ‘Ayos lang iwan mo ‘ko. Ikaw ang nawalan at hindi ako.’ , pero sa pagkakataong ito’y mas malaki po ang nakasalalay. Bayan. Pilipinas. At yung pangarap namin ni Kuneng na magkaroon ng selpon na may bidyo.
Ito na po ang huling pagkakataong magsasalita ako tungkol sa pulitika. Tama na. Ayoko na. At hinding hindi na ‘ko muli magbabalak pang tumakbo. Kahit barangay tanod pa yan o taga-timpla ng kape sa opisina ng Presidente, hindi ko tatanggapin.
Sa mga kaibigan namin ni Kuneng na naniwala sa’min, salamat sa inyo mga repa. Wala kayong katulad. Lalo na kay Nene, h’wag kang mag-alala balang araw mababayaran din namin ni Kuneng yung nagastos mong load sa selpon dahil madalas kaming maki-teks sa’yo. Pasensya na at hindi na din matutupad yung ‘aypon’ mo.
At bilang isang Pilipino na nangarap mamuno kahit ako’y isang pedicab drayber lang, ito ang mensahe ko sa mahal kong Pilipinas…
Pilipinas, alam kong nagdurusa ka, pero sana lang, sana lang po, ay hindi tuluyang dumating ang panahon na kung saan ay hindi na pinapakinggan ng sambayanang Pilipino ang lahat ng mga nangangarap na mamuno sa’yo. Dahil sa paniniwala ng lahat, na pare-pareho lang naman ang kulay at intensyon ng lahat ng Pilipinong Pulitiko.
Kapag dumating ang panahong wala nang pakialam sa kahit na sinong ‘maupo’ ang sambayanang Pilipino. Pilipinas, pwede ka nang sumuko…
(Huling talumpati ni Isko sa harap ng siyam na tao bilang isang kandidato)
Wakas
NUISANCE – ni Juan Bautista