“VENUS ng Bright Lights”

Venus_Banner

VENUS ng Bright Lights
(Maikling Kwento ni Juan Bautista)

“Pasok na ser! Saktong sakto tayming mo. Si Venus na!” ang paanyaya sa kanya ng nakabantay sa labas.

Sinong Venus naman yun? Ang tanong ni Julio sa kanyang sarili. Parang may pakiramdam tuloy siyang gusto niyang pumasok sa loob. Mag aalas diyes na ng gabi. Hindi niya napansin ang mabilis na pagtakbo ng oras. Wala naman siyang balak na kahit ano. Wala lang talaga siyang magawa sa bahay. Hindi bale, suweldo naman.

“Karapatan ko din namang aliwin ang sarili ko matapos ng nakakapagod na trabaho.” Bulong niya sa sarili. At pumasok na nga siya sa loob. Sa loob ng Bright Lights Manila.

Sobrang dilim. Sobrang tahimik. Ano ba tong pinasok niyang lugar? Parang siya lang yata ang nilalang sa loob. Nanatili siyang nakatayo na parang gusto na niyang bumalik palabas ng pinto.

Nang walang anu ano. Biglang lumiwanag sa bandang gitna. May entablado pala doon. At kasabay ng pagtugtog ng kantang Venus ng Bananarama, naghiyawan ang mga tao sa loob na parang mga asong ulol na tatlong araw nang hindi kumakain.

“Putang ina! Andami palang tao.” Bulalas ni Julio.

“Huwag kang mag-alala ser. Ihahanap kita ng puwesto.” Ang sabi ng isa.

Nakapuwesto na siya sa bandang gitna. Sakto lang ang lapit niya sa entablado. Mabuti na lang at naabutan siya ng isang waiter at kumuha ng maliit na lamesa at upuan. Mag isa lang naman siya kaya hindi sila nahirapan.

“Ser gusto mo ng babae? Chikas? madami pa ho available eh gusto mo tawagin ko yung floor manager?” ang tanong ng lalake sa kanya.

“Hindi na. Tatlong Beer na lang. Ano ba masarap niyong pulutan diyan? Saka pahingi na din ako ng ashtray.” Pakiusap na lang niya.

“Ok boss! Yung sisig namin ang pinakamasarap dito. Bigyan nadin kita ng chicharon bulaklak.”

“Ayos! Salamat ha.” Sabay abot ni Julio ng nakatuping singkwenta pesos.

Napakaingay sa loob. Kung may kakausapin ka ay kailangan mong sumigaw. Isipin mo na lang na ganun mag-usap lahat ng tao sa loob ng night club na iyon sabayan mo pa ng pagkalakas lakas na sounds, eh maririndi ka talaga. Pero hindi pa pala iyon ang pinakamaingay nila.

Paglitaw na paglitaw ng isang babae sa entabladong iyon. Pakiramdam ni Julio ay para siyang dumalo sa isang malaking pagtitipon ng mga kulto at dumating na ang alay na ihahain para sa anak ng dilim.

At mas lumiwanag pa ang entablado. Ito na siguro yung sinasabi nilang Venus. Ang pinagmamalaking dancer ng Bright Lights.

Nakatakip ng makintab na pulang kapa si Venus habang hawak ito ng magkabila niyang kamay para ibalot paikot sa buo niyang katawan. At unti unti siyang gumalaw kasabay ng intro ng Pour Some Sugar On Me ng Def Leppard.

Ang unang unang nakaagaw ng pansin ni Julio ay ang napakagandang mukha nito. Hugis puso, matalas ang ilong, maputi at makinis. At meron siyang kakaibang mga mata. Kumpara sa karamihan ay mas malaki ang itim ng mga mata niya na animo’y nagniningning na ayaw magpatalo sa liwanag na tumatama dito na nanggagaling sa mga ilaw.

Alam niyang maingay na sa loob subalit nanatili siyang bingi. Nakatitig lamang siya sa babaeng nagsasayaw sa kanyang harapan. At dahan dahang inilaglag ni Venus ang kapa na tumatakip sa buo niyang katawan. Dibdib na lang at ang kanyang ibaba ang bahagyang natatakpan.

Nagkagulo ang mga tao. May mga pumapalakpak, yung iba napatayo, meron din siyang nakikitang mga kamay na nakataas habang nakatikom ng pagkahigpit higpit ang mga kamao na animo’y nagtatawag ng himagsikan.

Iba’t ibang pagmumukha. May nakangiti, nakanganga, may humahalakhak, may nakalabas ang dila. Pero si Julio, nanatiling tahimik lamang na nakatitig dito. Kahit may magsaksakan pa ng basag na bote sa tabi niya ay hindi siya matitinag.

Habang tumatagal nagiging marahas at mapusok na ang pagsasayaw ni Venus. Lantad na lantad na ang pantay na pagkakaputi ng kanyang napakakinis na balat na parang umiilaw. Ang perpektong hubog ng kanyang dibdib na talaga namang kasamba-samba na nagdudulot ng hindi maipaliwanag na halunisasyon. At pag nagtama ang inyong mga mata, pansamantala kang lulubayan ng iyong kaluluwa.

May pakiramdam si Julio na malapit na din siyang mabaliw gaya ng mga tao sa paligid. Simula ng paglutang ni Venus sa entabladong iyon, hindi na siya nakagalaw, wala na siyang ibang madinig. Hawak hawak niya lang ang bote ng beer hanggang sa mawalan na ito ng lamig.

Sa wakas. Natapos din ang apat na minuto at tatlumpu’t isang segundong awiting iyon ng Def Leppard. Namatay na ang ilaw ng entablado. Bumalik na sa normal na diwa ang katinuan ni Julio na pansamantalang naglaho.

“Putang ina anong nangyare?!” ang tanong ni Julio sa kanyang litong sarili.

Habul habol niya ang kanyang paghinga. Isang bagay na mistulang nakalimutan niyang gawin habang nagsasayaw ang diyosang iyon sa kanyang harapan. Nilagok niyang lahat ang laman ng unang bote. Nagsindi ng sigarilyo, at agad binuksan ang beer na pangalawa.

Bilang wala siyang kasama at makakausap ay tinalasan na lamang niya ang kanyang pandinig upang marinig ang mga salitang sabay sabay na ipinag-mamaingay galing sa mga karatig na lamesa.

“Pambihira talaga ang babaeng iyon! Aatikihin ako sa puso aba!” Ang sigaw ng isa.

“Matagal na tayong pinapahirapan ng babaeng iyan. Ayaw man lang kase tumanggap ng customer kahit table lang.” mula sa bandang kanan.

“Tang ina! Magpapakalasing ako ngayon! Para maging kamukha ni misis si Venus pag-uwi ko ng bahay mamaya.  Ayos ba.” Dinig na dinig niya mula sa harapan.

Biglang pumasok sa isip ni Julio. Kung gabi-gabi na lamang ay ganito. Ibig sabihin ay araw-araw na nasa panganib ang babaeng ito. Ang mga hayok sa lamang gaya ng mga taong kasalukuyang naroroon para pagpiyestahan ang alindog ni Venus ay nagpapatunay na sadyang isinilang ang lahat ng kababaihan sa mundo na may kalakip na sumpa. Ang sumpang ito ay ang balahurain, husgahan at bastusin ng mga nilalang na natutulog sa bubungan nang magsabog ang kalangitan ng kahalayan.

Sa kasamaang palad ay nabibilang siya sa nabanggit na sumpa sa pagkakataong ito. Laking pasasalamat na lamang niya at hindi siya tuluyang nawala sa katinuan hanggang sa matapos ang palabas na iyon.

Ngunit laking gulat na lamang niya ng muling lumapit sa kanya ang waiter.

“Ayos ba ser? Beer pa po. Maaga pa ang gabi. Saka may dalawang palabas pa si Venus. Umpisa pa lang yon.”

“Diyos ko mahabaging langit!” ang nasambit na lamang ni Julio sa kanyang sarili.

Kung ang naunang apat at kalahating minutong nakalipas ay halos maulol na siya. Ano pa kaya ang maaaring mangyari sa pangalawa at panghuling palabas para sa gabing ito?

Ang edad niyang treinta y uno ay nagpapatunay na hindi iyon ang kauna-unahang pagkakataon na pumasok siya sa mga lugar na katulad ng Bright Lights. Kung tutuusin ay halos magsawa na nga siya magmula pa noong siya’y nasa kolehiyo hanggang ngayon pag siya ay nayayakag ng kanyang mga katrabaho at kaibigan. Pare-parehas lang naman kase, yun ang paniniwala niya. Papasok sila sa club, mag iinom, manunuod ng mga babaeng hubad at magwawaldas ng pera para sa isang gabing walang kasaysayan.

At sa tinagal tagal na niyang labas masok sa mga ganoong klaseng lugar ay ngayon lamang siya nakaramdam ng ganito. Iyong pakiramdam na gusto niyang ulit ulitin sa kabila ng kabatirang hindi tama ang ganoon.

Si Venus. Isang babae na sa tantiya niya’y nasa disi sais hanggang disi siyete lamang. Kailangan niya pa bang malaman kung bakit at paano napadpad ang babae sa lugar na iyon? Hindi na siguro. Dahil alam niyang walang sinumang babae ang nangarap masadlak sa ganoong klase ng sitwasyon.

May bumubulong sa kanyang kailangan na niyang umalis sa lugar na iyon. Pero walang balak ang kanyang katawang tao na iwanan ang kanyang puwesto. Si Venus. Sa napakaikling panahon ay tuluyan na siyang nahihibang dito. At alam niyang mali ito. At alam niyang may kakayahan siyang gumawa ng paraan para sagipin ang kaawa-awang babae.

Subalit hindi nagtagal at muling nagliwanag ang mahiwagang entablado.

Paglabas ni Venus ay wala na itong pang-itaas. At tuluyan nang sinakluban ng mala-hayop na pagnanasa ang buong lugar.

Pakiramdam ni Julio ay nag-iisa lamang siya sa lugar na iyon habang maya’t maya ay nagtatama ang paningin nila ni Venus. May kakaiba itong tingin. Para sa karamihan ang tingin na iyon ay mapang-akit.
Pero hindi para kay Julio. May malalim na ibig ipahiwatig ang babaeng ito.

At laking gulat na lamang ng lahat nang umpisahang umabante ni Venus habang sumasayaw na parang nagbabanta ito ng isang napakasarap at hindi mapaglalabanang panganib nang dahan dahan nitong iwanan ang entablado.

Natigilan ang lahat at nagnanasang sila’y lapitan ng sinasambang babae. Ngunit lahat sila’y nabigo nang isa-isa silang daanan lamang ni Venus na animo’y naglalakad sa gitna ng isang lugar na puno ng mga inutil na estatwang bato. Maliban sa isa…

Alam ni Julio na sa kanya ito nakatingin. Wala ng iba. At wala siyang ibang gagawin sa ayaw at sa gusto niya kungdi ang tumitig lamang pabalik dito. Hanggang sa makalapit ang babae sa distansyang abot kamay na niya ang nagliliwanag na kabuuan nito.

Hindi siya makagalaw. Hindi siya makahinga. Kasing bilis ng mga piston ng nagwawalang makina ang pagkabog ng kanyang dibdib. At hinawakan ni Venus ang kanyang kamay. Ipinadama ng babae kay Julio ang kanyang napakakinis na mukha, pababa sa leeg, hanggang sa marating ng nangangatog at nanlalamig na palad ni Julio ang pinaka perpektong kurbadang nilikha  sa kasaysayan ng sangkatauhan.

Kailanman ay hindi niya maipapaliwanag ang sensasyong idinulot niyon. Dinala siya nito sa isang dimensyon na kung saan ay sila lamang dalawa ang may karapatang manirahan at walang balak magpatuloy sa pagtakbo ang oras. Nang bigla na lamang humigpit ang pagkaka-hawak ni Venus sa kanyang napakapalad na kamay at biglang nanumbalik ang kanyang diwa.

Nakatitig parin ito kanya. Sinakmal ng nakabibinging katahimikan ang buong lugar. Ang mga matang iyon. Ang nangungusap na mga matang iyon…

“Diyos ko! Bakit ba ako napadpad sa lugar na ito?” ang nagkakanda-utal na tanong ni Julio.

Bigla na lamang tumayo si Julio at lumabas hawak hawak ang kanyang telepono. Hindi na niya kaya. Isang minuto pa sa gitna ng lugar na iyon ay makakapangagat na siya ng tao. At matapos gawin ang kagyat na tawag ay dali-dali  niyang nilapitan ang waiter na nag asikaso sa kanya sa loob ng kasumpa-sumpang lugar na iyon.

“Kaibigan. Marahil bukas ng umaga ay wala ka ng trabaho. Tawagan mo ko sa numerong ito.” Ang sambit ni Julio sa lalaking nasa beinte uno hanggang beinte tres lamang ang edad.

“Nako boss. Maraming salamat ho.” Ang masiglang sagot ng binata. Hindi na ito nagtanong ng kung anu pa man. Marahil siya mismo ay ayaw nang magtagal pa sa pagtatrabaho doon.

At hindi nagtagal ay binulabog ang lugar ng mga pulis Maynila.

“Raid to! Walang lalabas! Hoy ikaw anong tinatayo tayo mo diyan? Pumasok ka dito. Tatakas ka pa ha.”Ang sigaw ng isa kay Julio na kasalukuyang nakatayo sa tabi ng pintuan nang dumating ang mga alagad ng batas.

“Mga putang ina niyo ah! Bakit bigla bigla kayong sumusugod dito may warrant ba kayo?” ang galit na galit na sigaw ng manager ng club.

“Warrant?! Oh eto warrant mo tang ina mong hayup ka!” at isang lumalagapak na sampal ang inabot ng lalake sa pulis na namuno ng pagre-raid sa Bright Lights. Hindi na nito nagawang pigilan ang gigil na sa sobrang lakas ng sampal ay marahil sa kaliwang pisngi na ng manager babasahin ng may-ari ng club ang kung anumang nakasulat sa papel na iyon.

“Julio! Anong ginagawa mo dito?” ang gulat na tanong ni SP02 Mercado.

“Ako ang tumawag kay Papa.” Sagot ni Julio.

“Ah ganon ba. Pasensya ka na at naposasan ka pa. Huwag mo ako isusumbong kay Konsehala ah. Si Hepe nasa opisina niya pa. Oh ikaw! Tanggalin mo nga yung posas niyan!” ang sambit ng pulis na kilalang kilala ang mga magulang niya.

Sabay dungaw ni Julio kay Venus mula sa bintana ng kotse. At muling nagtama ang kanilang paningin.

Ngayon ay alam na ni Julio kung bakit sila pinagtagpo ng tadhana. Iyon ay para bigyan siya ng kalangitan ng pagkakataon upang makagawa ng tama sa kapwa.

“Huwag kang mag alala miss… Hindi ka naman nila aarestuhin. Ihahatid ka lang nila. Ligtas ka na!” ang nakangiting sabi ni Julio.

“Berna. Berna ho ang pangalan ko.” Ang nangangatal na sagot ng kinakabahan ngunit nakangiting babae.

“Bukas na bukas din ay maaari mong puntahan sa Kapitolyo ang taong ito. Hihintayin ka niya.” Sabay abot ni Julio ng tarheta ng kanyang butihing ina.

At habang nakatunghay si Julio sa papalayong sasakyan, napangiti na lamang siya sa paniniwalang matapos ang nakababaliw na gabing iyon ay mapapabuti na ang kalagayan ni Berna. At tuluyan nang naglaho sa kanyang paningin ang babae. Si VENUS ng Bright Lights

**********

Advertisement

6 thoughts on ““VENUS ng Bright Lights”

  1. Na click ko yung link nitong website from a facebook page. Akala ko wala lang, pero wow. Ang ganda!Maybe others can’t appreciate this type of story, but Venus ng bright light is really good. It isn’t typical or cliche, and the narration is really creative. I guess, it’s open ended? If there’s a sequel, I’m willing to read it. 🙂

    Like

    1. Thanks Nekkey! Actually yung Kuwerdas and Venus ng Bright Lights dalawa sila sa 5 Short Stories collection (Red Manila Stories). Though magkakaiba yung istorya, magkakaugnay naman sila saka sa Maynila lahat ng tagpo. Tinatapos ko lang yung pang lima.

      RED MANILA

      I: Gihay
      II: Kuwerdas
      III: Balaraw
      IV: Venus ng Bright Lights
      V: Ang Imperyo Ni Pinong Dakma

      Salamat sa inyong lahat sa pagbabasa.

      Like

  2. Ilang beses ko na tong binasa pero hanggang ngayon nadadala parin ako sa loob ng bright lights ang galing kasi ng pag kakagawa

    Like

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s