“Ang Mangkukulam ng Baryo Pulang Kahoy”

manang_pedra

“Ang Mangkukulam ng Baryo Pulang Kahoy”
(Maikling Kuwento ni Juan Bautista)

“Manang Pedra! May dala ho akong pinaksiw na isda. Sana ho ay magustuhan ninyo. Gumagawa din ho ng kakanin ang nanay, hamo’t magdadala ako mamaya.” Ang sambit ng isa sa mga kapitbahay ng matandang babae.

Si Manang Pedra ay kilalang kilala sa kanilang lugar. Kakaiba ang matandang ito, namumuhay kasama ang kaisa-isang apo na si Ponso sa kanilang munting kubo sa gitna ng kabukiran na mangilan ngilan lamang ang mga nakatirik na kabahayan. Ang eksenang iyon na kung saan kusa na lamang dumadating ang mga biyaya gaya ng pang-ulam, prutas, tuba at iba pa ay pangkaraniwan na lamang para sa kanya.

Dapat ba niya itong ikatuwa? Maaaring oo at maaaring hindi. Dahil dalawa ang posibleng dahilan ng mga gawaing iyon ng mga tao. Una ay ang pagiging sadyang matulungin lamang at mapagbigay ng kanyang mga kababaryo. Ngunit mula sa karamihan ay sanhi ng takot at pag-iwas sa maaari niyang gawin sa mga ito. Sapagkat ang matanda ay tanyag sa pagiging isang mangkukulam ng baryo Pulang Kahoy. At ang paniniwalang ito ay laganap hanggang sa mga karatig na baryo.

Ngunit sa kabila ng paniniwalang iyon ng madla ay hindi naman siya kinagagalitan ng mga ito. Kung tutuusin ay siya pa nga ang nilalapitan ng mga maysakit dahil sa kanyang kasanayan sa paghihilot at paggagamot. At dahil doon ay malaya parin siyang nakakapaglakad lakad sa buong baryo. Ni minsan ay wala man lamang naglakas loob na siya’y saktan o magbanta sa kanyang buhay. Kaya hindi na nababagabag si Manang Pedra sa kabila ng kanyang pagkakakilanlan bilang namumuhay naman sila ng kanyang apo ng mapayapa.

__________

 

Mag aala una na ng madaling araw ay kaharap padin ni Debbie ang makinilya. Sa kanang bahagi ng kanyang lamesa ay nakabalagbag ang apat na tasa ng kape at sa kabilang banda nama’y isang nagmamakaawang ashtray na nag uumapaw sa upos ng sigarilyo.

Dalawang gabi nang blangko ang kanyang utak. Nakaumang lamang ang kanyang mga daliri sa mga piyesang iyon ng makinilya subalit wala siyang dahilan upang ang mga iyon ay pindutin.

Kailangan niya ng bagong istorya. Isang istorya na kayang panatilihin sa itaas ang kanyang programang pang telebisyon na tampulan ng hiwaga at iba’t ibang kuwento ng mga kababalaghan.

Multo, aswang, kapre, duwende, mga diwata at iba pa. Sawang sawa na ang mga tao sa pagtatampok ng mga walang ebidensiyang istorya na gaya ng mga iyon. Kailangan nila ng bago, isang istorya na base sa reyalidad ngunit naandoon parin ang hiwaga. Hanggang sa nakatulugan na niya ang pag-iisip.

Isang umaga ay humahangos ang kanyang kawani na may dalang balita. Mayroon itong nakilalang probinsiyano na nagkuwento tungkol sa isang kilalang mangkukulam sa kanilang lugar.

“Napakalayo naman ng lugar na yan! Sigurado ka bang may mapapala tayo pag nagpunta tayo doon?” singhal ni Debbie.

“Opo mam. Ang balita ko nga po ay sobrang lakas ng mangkukulam na iyon at kahit saan ka magtago basta’t natipuhan ka niyang kulamin ay talagang malilintikan ka. Kaya mas mainam daw ho ay kung magsasama tayo ng pari o pastor para mayroon tayong pang-depensa kung sakali. Mapanganib daw ho talaga ang matandang babaeng iyon.”
Ang sabi ni Lito.

“Para namang may sasama sa ating pari pag sinabi kong mangkukulam ang pupuntahan natin. Baka pagalitan pa ko non.” Ang mapagdudang sagot ng amo.

“Hamo’t may kakilala ho ako. Si Mang Gusting. Pastor ho iyon, mayroon siyang chapel malapit samin pwede din siya magsama ng isa pa niyang miyembro kung gusto ninyo.” Si Lito.

Hindi nagtagal at nagdesisyon na din si Debbie na bumuo ng grupo para sa isang biyahe patungong Norte. Desperada na siyang makahanap ng isang magandang istorya.

At lubos siyang umaasa na hindi mauuwi lamang sa wala ang oras at pagod para sa paglalakbay na iyon.

__________

Makalipas ang halos labing-isang oras na biyahe patungong Norte ay narating din ng grupo ni Debbie ang baryo ng Pulang Kahoy. Dapithapon na noon at halos walang katao tao sa kalsadang lupa na kasalukuyan nilang binabaybay. Sobrang tahimik. At maya’t mayang kibot na pagnginig ang kanilang nadarama tuwing tatama sa kanilang mga balat ang kakaibang lamig ng hangin.

Hanggang sa kanilang matanawan ang isang grupo ng mga kalalakihan na nag iinuman ng tuba sa tapat ng isang tindahan.

“Magandang gabi po. Puwede ho bang magtanong? Saan ho ba nakatira si Manang Pedra?” ang magalang na tanong ni Debbie.

“Ano po ang kailangan ninyo sa matanda?” balik-tanong ng isa.

“Ay! Gusto ko lang po siya makilala para ma-interview ko po. Ako po si Debbie Delos Santos isa po akong correspondent galing ng Maynila.”
Ang sagot ng babae.

“Ah ganon ba. Eh kailangan niyo na pong iwanan ang sasakyan niyo magmula dito. Diyan sa gawing kanan kung natatanaw niyo yung maliit na ilaw na nanggagaling sa gasera. Dun kayo pupunta. Baybayin niyo nalang yung pilapil. Mag-iingat kayo at medyo madulas pa gawa ng pag-ulan kanina.” Ang detalyadong sagot ng lalaki.

Matapos ihanda ang lahat ng kanilang kagamitan ay inumpisahan na ng grupo ang paglalakad. At matapos ang humigit-kumulang limang minuto ay nasa tapat na sila ng munting kubo.

“Anong kailangan ninyo?”

Halos kumawala palabas ng dibdib ang puso ni Debbie at ng iba pa sanhi ng tinig na iyon na nagmula sa kanilang likuran.

“Ay! Magandang gabi po. Kayo po ba si Manang Pedra? Ako po si Debbie Delos Santos.”
Hindi mapigilan ni Debbie ang pangangatog ng kanyang tinig dulot ng pinagsamang matinding takot at lamig ng bukid. Sabay magalang na inilahad ang kanyang kamay. Inabot naman iyon ng matanda.

“Kilala kita iha. Ang aking apo ay ginagabi sa tindahan ni Linda gawa ng panunuod sa iyong palatuntunan sa telebisyon. Halina’t pumasok kayo sa loob. Malamig ang hangin.” Paanyaya ni Manang Pedra.

Tahimik lamang at walang emosyong nakatingin sa mga bisita ang matanda. Manaka-naka’y sumusulyap ito sa bitbit ni Jerry na malaking camera na nakatatutok sa kanya. Isang bagay na ngayon lamang niya nakita.

“Manang Pedra. Mawalang galang na ho. Totoo po ba na isa kayong mangkukulam?” atubiling tanong ni Debbie.

“Totoo!”
ang walang kagatul-gatol na sagot ng matandang babae.

At nagkatinginan na lamang si Debbie at ang grupo.

Nang walang anu-ano’y biglang tumayo si Mang Gusting hawak hawak ang Bibliya at Rosaryo.

“Ikaw na alagad ng dilim! Hinahamon kita!!”

Gulat na gulat ang lahat ng naroroon sa ginawa ng lalake maliban kay Manang Pedra. Tumayo din ito at humarap sa lalake habang nakakubli sa likuran ang kanyang mga kamay.

“Sige amang. Umpisahan mo.” ang walang emosyong tugon ng matandang babae.

“Tinatawagan ko ang nag-iisang Diyos na panginoon ng mga panginoon! Lupigin mo ang maysa-demonyong babaeng ito!” ang sigaw ni Mang Gusting.

At ito’y sinundan ng nakabibinging katahimikan.

At sa dinami dami ng mga seremonyas na ibinato ni Mang Gusting kay Manang Pedra ay nagmistula itong mangmang na walang kamalayan sa kanyang mga pinaggagagawa. At nanatili lamang na nakatayo at nakatitig ang matandang babae. At hindi na nasundan pa ni Mang Gusting ang kanyang walang kasaysayang mga pag-atake.

“Tapos ka na ba amang? At bakit ka nakayuko? Huwag mong sabihin sa aking kinukuwestiyon mo na ang iyong pananampalataya?” ang nang-uuyam na tanong ng matandang babae.

“Base sa aking nasaksihan ngayon masasabi kong ikaw ay isang palalong huwad! Nagpunta kayo dito para lamang ako’y husgahan? Gumagamit ako ng mga kakaibang ritwal at dasal laban sa mga karamdaman na hindi kayang ipaliwanag ng isang normal na nilalalang. Gaya na lamang ng pangkukulam at pangbabarang. At kahit minsan dito sa baryo Pulang Kahoy ay hindi nagtagumpay ang mga kampon ng kadiliman. Dahil ang pananalig namin sa Diyos kailanman ay hindi matatawaran.” Ang mahinahong sabi ni Manang Pedra.

Si Debbie at ang grupo ay nanatiling tulala sanhi ng matinding pagkagitla.

“Lumalalim na ang gabi. Mawalang galang na din sa inyo at kailangan ko nang magpahinga.” Ang pagtatapos ng matanda.

__________

 

Habang pabalik na ng Maynila ang grupo ni Debbie ay may kakaiba na siyang pakiramdam. Nahihilo siya at parang anumang oras ay babaligtad na ang kanyang sikmura. Ngunit ipinagsawalang bahala niya lamang iyon. Marahil ay dahil lamang ito sa mahabang biyahe na mas mahaba pa sa itinagal nila sa kanilang sadya.

Nang makauwi na ang lahat sa kanilang mga bahay sa Maynila, hindi mapagkanda tulog si Debbie. Gustung gusto niyang magpahinga subalit napakasakit ng kaniyang tiyan at butil butil ang kanyang pawis. Habang nakahiga siya ay animo’y umiikut ikot pakanan at pakaliwa ang kisame ng kuwarto. Hanggang sa maramdaman niya ang paparating na hindi mapigilang pagduwal.

Nagimbal siya at halos mawalan ng malay nang makita niya ang kanyang sarili na sumusuka ng dugo na nilahukan ng iba’t ibang klaseng insekto na hindi pa niya nakita sa buong buhay niya.

Lingid sa kaalaman ni Debbie ay nakakaranas din ng hindi pangkaraniwan ang lahat ng kasama sa grupong iyon na nagtungo sa baryo Pulang Kahoy sa kasalukuyan.

Dinadasalan ng kanyang mga miyembro ang kalunos lunos na si Mang Gusting bilang siya ay walang humpay na naghuhumiyaw sa sakit habang walang tigil ang isa-isang paglabas ng mga matatalas at kinakalawang na pako sa kanyang walang kalaban-labang katawan. Nawawalan na ng pagasa ang mga tao sa loob at unti-unti nang binabalutan ng panlulumo ang buong simbahan.

Si Jerry at Lito naman ay halos mawala na sa katinuan dahil kahit anong klase ng pagligo at pagkakawag ay patuloy parin silang pinuputakte ng libu-libong hindi pangkaraniwang insekto na lumilipad. Kahit saan sila magkubli ay ayaw silang lubayan ng mga ito. Ang iba’y nagawa nang makapasok sa bibig, tainga at ilong ni Jerry at Lito.

Habang sila ay humihinga pa alam ni Debbie na wala silang dapat ibang gawin kungdi ang agarang pagbalik sa baryo Pulang Kahoy.

__________

 

Magmula ng pagputok ng araw ng sumunod na umaga ay hindi na mapakali si Manang Pedra. Hindi na bago sa kanya ang pakiramdam na iyon. Alam niyang may hindi mabuting nangyayari sa kanyang mga bisita noong nagdaang gabi. At alam niya kung sino ang dapat puntahan.

“Pedra! Aba’y nadalaw ka.” Ang pagbati ni Tatang Tonyo.

Si Tatang Tonyo ng baryo Masaclay ay matagal ng kaibigan ni Manang Pedra. Ngunit sa kabila ng pagkakaibigang iyon ay makailang beses nadin nagtunggali ang dalawa.

“Ano nanaman bang kahibangan ito ha Tonyo? Ano bang ginawa ng mga bata?” ang tanong ni Manang Pedra.

At sumariwa sa gunita ng matandang lalake ang isang pangyayari noong nakalipas na gabi.

Habang siya ay tumatawid karay-karay ang kanyang kalabaw, ay bigla na lamang siyang ginulantang ng isang rumaragasang puting sasakyan. Mabuti na lamang at nagawa pang kabigin ng drayber pakanan ang manibela. Muntik na siyang masagasaan nito at bahagyang tinamaan ang kalabaw sa bandang pigi at umatungal ito sa sakit. Sa edad niyang nobenta y sais ay hindi kataka-takang nanghina na ang kanyang paningin at pandinig. Kaya’t hindi niya napansin ang paparating na sasakyan.

Ang buong akala niya’y tapos na ngunit napansin ng gilid ng kanyang mata ang pumapakong paghinto ng sasakyan sa gitna ng kalsada. At bumaba ang isang babae at lalake.

“Tatang! Ayos lang ho ba kayo? Aba’y muntik na namin kayong masagasaan ah. Mag iingat naman kayo. At gabing gabi na bakit ho ba nasa kalye pa kayo?” ang naiiritang sambit ni Debbie.

“Aba’y Tatang. Sa susunod ho ay magdala man lamang kayo ng ilawan at hindi kayo nakikita dito sa kalsada. Maigi pa siguro eh huwag na kayong maglalabas at imbes na pakalat kalat kayo dito eh magpahinga na lang kayo sa inyong tumba-tumba!” ang iiling-iling na sunod naman ni Jerry.

Kasabay ng paghagis na iyon ni Debbie sa kalsada ng upos ng sigarilyo ay ang agarang desisyon ni Tatang Tonyo na ang mga ito ay turuan ng leksyon. Bukod kay Debbie at Jerry, ay si Lito at Mang Gusting lamang na nakadungaw sa bintana ang maari niyang parusahan. Ang nag-iisang ligtas sa kanyang pambabarang ay ang drayber na masuwerteng hindi nakita ng matanda ang mukha…

“Nako naman Pedra. Hayaan mo na. Ang mga Manilenyong iyon ay hambog at mapagmataas! Hindi nga ba’t kagabi lamang ay hinamak ka nila?! Bumiyahe sila patungo ng Pulang Kahoy para ikaw ay husgahan!” si Tatang Tonyo.

“Ano ka ba naman Tonyo kay tanda tanda mo na! At wala kang kadala-dala. Alam mo namang kahit kailan ay hindi ako pumayag na mapag-tagumpayan mo ang mga kalokohan mong iyan. Siya at ako’y hahayo na. Nararamdaman ko ang pagdating nila pagkagat ng dilim.” Paalam ni Manang Pedra.

“Hala sige. At malalaman natin mamaya.”
Ang paghahamon ni Tatang Tonyo.

At tuluyan nang iniwan ni Manang Pedra ang nakangising matanda…

 

Advertisements

3 Replies to ““Ang Mangkukulam ng Baryo Pulang Kahoy””

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

w

Connecting to %s