Ang DAGLI

Nung mga nakaraang araw ay madalas akong makatanggap ng mga mensahe sa aking Facebook Page tungkol sa Dagli. Mayroong mga nagtatanong kung paano ba, at mayroon ding mga nakikiusap kung maaari ba silang humingi mula sa akin. Hindi ko alam kung bakit, maaaring para sa kanilang pag-aaral o personal na interes sa pagsusulat. Kaya minabuti ko na lang na magsulat ng isang sanaysay tungkol sa pagsusulat ng isang Dagli.

Ang “Dagli” ay isang uri o paraan ng pagsusulat ng isang akda na mas maikli sa isang maikling kuwento. Kaya naman ito ay kilala rin sa tawag na “maikling maikling kuwento”. Matagal nang nakikita at nababasa ang ganitong anyo sa ating lokal na panitikan, at sa kasalukuyan, ilan lamang sa mga kilalang kuwentista ng ating panahon sina Eros Atalia (Wag Lang Di Makaraos: 100 Dagli) at Jack Alvarez (Ang Autobiografiya ng Ibang Lady Gaga).

Bakit ba mayroong pang ‘Dagli’ kung may Maikling Kuwento na?

Bakit nga ba? Ganito yun, sa bawat araw ng ating buhay, ay mayroong tayong iba’t ibang sitwasyon o eksena na nadidinig, nakikita, nararanasan o nararamdaman. At ang bawat eksena ay isang ‘Kuwento’. Ano ba ang nakita mo habang papauwi ka galing eskuwela o trabaho? Halimbawa, isang batang nagpupunas ng sapatos ng mga pasahero sa loob ng sinakyan mong dyip. Magnobyong nag-aaway sa gitna ng daan. Isang matanda na nagpapahangin sa ilalim ng puno at marami pang iba. Ang bawat eksenang ‘yon ay pasok na pasok para sa isang Dagli.

Kadalasan, ang isang Dagli ay binubuo lamang ng isandaan hanggang tatlongdaang salita. Upang maging epektibo ang isang Dagli, ito ay ilan lamang sa mga kinakailangang isaalang-alang:

1.) Mensahe – maaari kang magparating ng isang mensahe sa pamamagitan ng pagsulat ng isang Dagli. Kahit na kathang-isip lang ang isang Dagli ay maaari mo itong gamitin bilang salamin ng reyalismo.

2.) Tagpo at Diyalogo – importante ang pagbuo ng isang makabuluhang tagpo sa umpisa ng iyong Dagli, upang maiksi man ang iyong akda ay mayroon pa ring mabuong imahen ang mambabasa.

Halimbawa:

“Walang Hugutan” ni Juan Bautista

Isang gabi, naglalakad ako sa isang napakadilim na eskinita. Sisipul-sipol pa ko habang bitbit ang pancit na pasalubong para sa mag-iina ko, nang bigla na lang akong undayan ng saksak ni Berto. Kilalang adik at tulak sa lugar namin. Tangka na niyang huhugutin ang ‘ice pick’ mula sa pagkakabaon nito sa bandang ilalim ng aking tiyan nang hablutin ko ang kanyang kamay.
– “Pare. Parang awa mo na huwag mong huhugutin.” Sabi ko.
– At bakit hindi?
– Kapag hinugot mo ‘tong ice pick, maiuuwi ko pa itong pancit sa bahay, pero hindi na ‘ko aabot ng ospital.
– At kapag hindi ko hinugot?
– Aabot pa ko sa ospital. At ‘pag dinalaw ako ng mag-iina ko, may pagsasaluhan pa silang pancit.
– Sinasabi mo ba sakin na kapag namatay ka hindi na makakakain ng pancit kahit kailan ang pamilya mo?
– Oo pare.
Agad akong itinakbo ni Berto sa ospital. At magmula nuon hanggang ngayon, magkaibigan pa rin kami…

Wakas

Inumpisahan ko ang maikling maikling kuwentong ito sa pamamagitan ng paglalarawan (Isang gabi, naglalakad ako sa isang napakadilim na eskinita. Sisipul-sipol pa ko habang bitbit ang pancit na pasalubong para sa mag-iina ko,). Ang aking primerong intensyon sa unang pangungusap ng kuwento ay upang makabuo agad ng isang eksena o imahen ang aking mambabasa. Senaryo. Isang eksena lang ang “Walang Hugutan”. Isang pangungusap na sinundan ng palitan ng mga diyalogo ng dalawang tauhan. At hindi man detalyado ang kuwento, tinapos ito ng isang pangungusap lamang (At magmula nuon hanggang ngayon, magkaibigan pa rin kami.)

3.) Damdamin – lahat ng uri ng pagsusulat, awit, kuwento, nobela o tula ay nangangailangan ng damdamin. Syempre ‘di ba? Ganoon din ang Dagli. Kung tutuusin nga ay hindi ganoon kadaling maiparamdam ang “sinseridad” ng isang manunulat sa kanyang mga mambabasa, kung ang piyesa ay maikli lang. Kaya naman kinakailangang epektibo ang “pagtatahi” ng mga salita sa pagbubuo ng isang Dagli. Nang sa gayo’y sumibat pa rin sa damdamin ng ating mga mambabasa ang bawat Dagli na iyong isusulat sa hinaharap.

Paalala lang, ang mga nakasaad sa sanaysay na ito ay base lamang sa aking personal na “istilo” ng pagsusulat/pagkukuwento. Marami pa kayong maaaring matutunan sa pagsusulat ng magaganda at epektibong Dagli. At alam nating lahat na ang primerong kinakailangan nating gawin upang tayo’y unti-unting maging epektibong manunulat, ay ang magbasa.

Gusto ko ring pasalamatan ang mga patuloy na nagbabasa at sumusubaybay sa website na ito. At para sa iba pang mga Dagli sa aking koleksyon, maaari ninyong bisitahin ang pahinang ito:

https://juanbautistastories.com/reads/mga-dagli/

Maraming salamat at patuloy nating suportahan ang lokal na panitikan.

– JB

 

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

w

Connecting to %s