DIVINE

divine

“Divine”
Maikling Kuwento ni Juan Bautista

Agosto, Dos mil uno, kasagsagan ng tag-bagyo. 2nd year college pa lang ako non. Kasama kong nakatambay sa yosihan sa likod ng campus ang mga tropa kong sila Eduardo, Raymond, Alexis at Jodi. Walang araw na hindi kami nagpangita sa tambayang iyon. Lahat kami nag-yoyosi. Nang walang anu-ano, biglang humirit si Eduardo, “Mga chong! Mag-nightclub tayo!” walang kaabug-abog nitong sabi.

“Nightclub? pang-fx nga wala ako nightclub pa. Baka nga mag-‘wan tu tri’ na lang ako sa dyip mamaya para may pang yosi’t pasaload pa ko mamayang gabi.” ang sabi ko.

“Sagot ko chong! Tangina gusto kong sumibak eh! Heto na ang takdang araw. Heto na’to! Ano sasama ba kayo?”

“Ochenta lang pera ko.” si Raymond.

“Ako kwarenta!” sabi ni Alexis na buraot.

“Ako allowance ko monthly 10k chong eh. Kaya lang magkakatapusan na. So pera ko dito bale ninety na lang.” ang sabi ni Jodi na pinaka kupal sa lahat. Puro yabang lempang naman ang mga diskarte sa buhay.

“Ako wala tangina niyong lahat!” may 250 pa ko sa pitaka pero wala akong balak gastusin yun para sa katarantaduhan na’to.

Sa aming lahat si Eduardo ang laging pinaka paldo. Only child. Nasa abroad pareho ang mga magulang, yung nanay niya sa UK, yung erpats niya sa Saudi. ‘Boy ATM’ kung tawagin siya ng tropa. Pero sa aming lahat, siya na lang ang bukod sa nanay at lola niya wala pang nahalikan sa pisnging babae. Sumatutal wala pang karanasan. Hindi namin alam kung anong napanood o nakita ni Eduardo at biglang nangati na makatikim ng babae. Pero kung sagot niya, aba’y bakit hindi. At nung mga panahong iyon wala pa saming nakapasok sa loob ng isang nightclub.

Maaga pa nang mga oras na iyon para mag-nightclub. Kaya nagpasya muna kaming mag-inuman kila Jodi pagkatapos ng huling klase. Isang longneck na Emperador. Wala pang Empi Lights noon, hinding hindi ko makakalimutan yung lasa ng orig na Emperador lalo na kapag walang yelo, kahit itulak ko pa ng malamig na tubig bago ko lagukin ang bawat ‘shot’ parang kinalkal ng buhangin yung lalamunan ko. Sagot daw ni Jodi ang pulutan dahil may ‘sari-sari store’ sila. Amputah! Apat na YES CORN na tig-pipiso ang nilabas. Nilagay pa sa pinggan with suka at bawang on the side. Sosyal!

Ako ang pinakamahina uminom sa tropa, aminado ko doon. Halos hanggang batok pa lang ng bote yung naiinom namin nahihilo na’ko. Hindi kami nananghalian. “Mga chong may fishball oh!” banat ko nang may dumaan sa tapat ng gate nila Jodi. Hindi ako pinansin ng mga walanghiya! Sobrang bakal lang talaga ng mga tropa kong ‘to kesehodang sumuka ng laway pag nalasing dahil nag-inom ng walang kinain okey lang sa kanila. Hindi ako pwedeng lumabas at bumili ng fishball dahil kailangan ko pangatawanan yung sinabi ko kanina, na wala akong pera. Pucha bahala na.

7:30 ng gabi. Dalawang beses na ‘ko sumuka sa ilalim ng punong macopa. Laking pasasalamat ko nang lumabas ang nanay ni Jodi may bitbit na kanin at adobong manok. Nagawa kong mag-kamay kahit umuusok pa yung kanin sa sobrang gutom ko. Matapos lumamon hindi na ako ulit uminom. Halos napapangalahati na nila yung isang lapad na binili matapos maubos ang longneck. Sugak talaga ang mga hinayupak! 8:30, nagyaya na si Eduardo.

“Mga tol may alam ako sa Anonas! Ako bahala dating Konsehal ng QC erpats ko.” sabi ni Jodi.

Wala akong tiwala sa hudas na ‘to! Bukod sa simula nang magpakilala siya sa block section namin nung freshman year ay linya na niya yung “Dating Konsehal ng QC erpats ko!”, eh kahit kailan hindi pa kami napabilib ng gago kahit isang beses. Pero sa totoo lang, sa aming lahat siya lang ang nakapag-banggit ng lugar na posibleng mayron nga kaya pinagbigyan na lang namin.

Napakalayo nung binabaan namin ng dyip dun sa sinasabi niyang nightclub. Puta sa sobrang excitement siguro napaaga siya ng pag-para sa dyip. Tila kalahating kilometro pa. Si Raymond naka-tatlong ihi na sa kalsada sa sobrang nerbiyos at pananabik. Hanggang sa natunton na namin yung sinasabi ni kupal, “Hots” ang pangalan ng nightclub.

Saktong nasa tapat kami ng pintuan nang may lumabas at sabay-sabay kaming dumungaw dun sa siwang ng pinto. “Putangina! Hubad!” nagulantang kaming lahat sa reaksiyon ni Eduardo nang makita yung babaeng nagsasayaw sa loob ng may tatlong segundo din siguro.

“Hoy! Ilang taon na kayo?” tanong sa’min nung bakulaw na bantay sa labas.

“Boss! Taga Quezon City kami dati. Anak ako ni Remy Santos, dating konsehal ng QC.” banat agad ni Jodi.

“Dalawamput limang taon na ko dito kahit kagawad o barangay tanod wala kong narinig na Remy Santos. Magsilayas nga kayo dito’t baka paghahambalusin ko kayo ng shotgun!”

Sabi na nga ba! Palpak! Matapos kaming ipagtabuyan ni bakulaw na parang mga galising daga sa kalye tinuloy na lang namin ang paglalakad sa kahabaan ng Anonas.

Hindi naman nagtagal ang paglalakad namin at  nang lumiko kami sa gawing looban pakanan, dalawang club ang magkatabi. “Takusa” yung unang naming sinubukan. Punyemas may bantay nanaman sa labas!

“Ilang taon na kayo?” tanong sa’min ng ‘sekyu’.

Ang tatanga naman kasi namin. Paano naming magagawa na sabihin na beinte uno pataas na kami samantalang lahat kami’y may ‘backpack’ sa likod. Si Raymond na jologs bitbit pa yung binder niya na Limp Bizkit ang pabalat. “Ser! Graduating na po kame.” banat ni Alexis.

“Graduating eh mukha kayong ngayon lang nawalay sa mga nanay niyo. Layas!”

“Tol! Pagkatapos ng isang to mag-uwian na tayo.” banat ko. Tatlo sa’min kasama na’ko sa Montalban pa nakatira tangina.

“Ano ba naman kayo? palibhasa may mga syota kayo. Pa’no naman ako?!” hirit ni Eduardo.

Hindi naman panget si Eduardo. Mahitsura pa nga, kaya lang mukha siyang tukmol sa suot niyang salamin na halos kalahating pulgada ang kapal. Puwede mo siyang gulpihin ng hindi ka makikilala kapag wala yung salamin niya. Saka saksakan pa ng torpe. Tapos yung pormahan, ewan ko ba, parang personal drayber ni Manoling Morato.

“Sige sige. Ako bahala kakausapin ko yung bantay sa labas. Sasabihin ko dating konsehal ng QC yung…”

“Tama na! Tangina yung tatay mong inbisibol na dating konsehal ng QC lalo lang tayo nababara eh!” pikon na pikon na si Eduardo sa mahalhal na si Jodi at sinabing siya daw ang kakausap sa bantay.

“Ser boss manedyer! Disi-ocho anyos lang kaming lima pero parang awa niyo na! Gusto kong sumibak! May pera kami pambayad kahit magkano VIP room kaya kong bayaran ser parang awa mo na pareho lang tayong lalake ser. Parang awa mo na ser papasukin mo na kami parang awa mo na.”  nagulat kaming lahat sa diskarteng iyon ni Eduardo at nakasisiguro kaming apat na maluluha talaga kami pag hindi pa napagbigyan ‘to. Hindi dahil sa hindi kami makakapasok sa nightclub kungdi sa sobrang awa para kay Eduardo na hindi pa nakakahawak ultimo kamay ng babae .

Nakanganga lang yung bantay sa’min. Hindi niya nagawang magsalita. Ipinatong agad ni Eduardo sa lamesa yung nakatuping dalawangdaan. Ngumiti ito at sumenyas na pumasok na kami sa loob. “Yesss!” sigaw ni Eduardo. At nag-unahan na kami sa loob…

***

 Nakatanga kaming lima habang nakaposte sa likod ng pintuan. Tangina! Ang laki pala ng nightclub na ito! Kung titingnan mo sa labas parang inabandonang tenement na mga pusang gala na lang ang makikita mo sa loob, pero pagpasok namin namangha kaming lahat. Ang gaganda ng lighting effects, yung sounds kumakalabog na hindi nagpapaiwan ang kalansing, at heto ang pinakamatinde, dalawang hubo’t hubad na babae ang nagsasayaw! Isa sa ibaba at isa sa itaas. Dalawang palapag kasi ang bigatin na nightclub at sa lahat ng kustomer, iyong grupo lang yata namin ang lelempang lempang at walang katikas-tikas kumpara sa ibang nasa loob.

“Tol! Tingan niyo yung nasa taas.” sabi ni Raymond. Yun din ang napansin ko kanina pa lang imbes na yung nagsasayaw sa ibaba. Maganda, maputi, humahalipawpaw yung dede at kapag inihampas niya yung wetpaks niya ‘intensity 9’ amputangina!

“Sa taas tayo!” sigaw ni Eduardo.

 Nakapuwesto na kami sa isang lamesa. Saktong-sakto sa mismong tapat ng stage. Tig-iisang pitsel na beer ang inorder ni Eduardo, chicharon bulaklak, sisig, tokwa’t baboy tapos may libre pang isang platitong mani kada pitsel. Nilapitan kami ng medyo ma-edad nang babae. “Mga iho. Tsiks gusto niyo? Punta kayo sa likod. Nakahilera ang mga diwata…”

“Siya ang gusto ko!” sigaw ni Eduardo sabay turo sa nagsasayaw sa harapan.

“Ah si Divine? ok sige. After niya magsayaw, papuntahin ko na siya sa’yo. O kayong apat, halina kayo sa likod at mamili ng inyong mga partners for tonight.” at nag-unahan na kami papunta sa likod.

“Wow! Andami niyo namang pulutan. Mga rich kid kayo noh?” tanong ng chic ni Alexis.

“Hindi naman. Balikbayan kase ‘tong isang friend namin from Japan. Ginagala lang namin ‘lam niyo na, para makapag good times naman. Order lang kayo ng ladies drinks niyo ha have fun!” bumanat nanaman ng patiwarik si Joding halhal.

Tanginang mga ‘to, kay babaeng mga tao parang mga embudo yung mga esophagus ang lalakas uminom! Dalawang lagok lang nila ang isang SanMig Light.

Nightclub Trivia No. 1: Tissue o napkin ang pinakamahal na bagay sa loob ng isang nightclub. Dahil kapag nilagyan ng tissue ang leeg ng SanMig Light na beinte pesos lang sa paborito niyong tindahan (na palatandaan na Ladies Drink ito), ang presyo nagiging 210 pesos (unang bagsak) at 185 pesos na ang mga susunod na iinumin ng mga GRO.

Ako ang nalulula tuwing nakikita ko kung paano uminom yung mga babae. Sabagay, maiintindihan mo naman sila dahil may porsiyento sila sa bawat “LD” na maitutumba nila.

Hindi nagtagal, dumating na yung chic ni Eduardo. Si Divine. Sobrang suwabe ang mga kilos nito. Sa kanya siguro ibinase ni Carlos Santana ang kantang “Smooth”. Para din itong reyna ng mga GRO nang sabay-sabay kaming mag-usudan para bigyan ito ng daan at makatabi sa namumutlang si Eduardo.

“Hi!” Iyon na ang pinaka mahaba at pinaka mapang-akit na ‘Hi’ na nadinig namin sa tanang buhay namin.

Nightclub Trivia No. 2: Sa hindi ko malamang dahilan, imbes na pangalan mo ang itatanong ng GRO oras na tumabi siya sa’yo ay ito,
‘Hi! Anung pra-bens (province)mo?’. Hindi ko talaga alam pero halos lahat sila iyon ang ‘First Liner’…

Solve na solve ang gabing iyon. Lahat enjoy! Lalo na si Eduardo na kasalukuyang kinakandungan ng diwatang si Divine. Walang pakialam sa paligid si Eduardo. Ni hindi niya napapansin na halos hindi na kami makagalaw sa dami ng basyo ng Ladies Drinks na nagkalat sa ilalim ng mesa namin. Hindi ko na mabilang kung ilan iyon pero nakasisiguro kong mas mahal pa sa ‘sari-sari store’ nila Jodi ang halaga non.

Saglit na nagpaalam si Divine kay Eduardo upang mag-cr. “Putang ina chong! Sinundot yung dila ko chong! Tongue to tongue! Puta hardcore!” (magpasa hanggang ngayon ay nagsisisi pa din siya bilang ang first kiss niya ay nagmula sa isang GRO).

“Nagugutom ba kayo? baka gusto niyo ng pancit o kung anumang ma-oorder pa diyan. Order tayo.” banat ng isa pang dakilang buraot na si Alexis. Ni hindi nito tinanong si Eduardo na siyang magbabayad ng lahat ng nasa mesa namin.

At nagtuluy-tuloy pa ang kasiyahan at walang habas na pag-inom,kain,halik dito,halik doon,hawak dito,hawak doon si Raymond at Jodi nagpalitan pa ng tsiks ang mga tarantado! Hanggang sa natahimik ang lahat nang bumanat ang diwatang si Divine.

“Hon! Gusto mo mag-VIP? para naman makapag sarilinan na tayo nahihiya ako sa mga frendz mo eh.” ang walang kasing lambing nitong sabi.

Natahimik ang lahat. Nakatitig sa nakatungangang si Eduardo habang hinihintay namin ang sagot niya. “Ah eh…ah eh…”

Mistulang kompyuter na na-virus si Eduardo. Biglang nag-hang!

“Ah…eh… hindi na lang! Inuman na lang tayo. Hehe.. nahihilo na’ko eh.” nakapagsalita din sa wakas.

“Oki lang.” Sagot ni Divine sabay yakap kay Eduardo.

Isang oras pa ang lumipas. Sa wakas! Nakaramdam din ng pagkahilo ang mga walanghiya. “Bill na tayo chong.” sabi ni Eduardo…

***

Inalis ni Eduardo ang kanyang salamin, hinipan, pinunasan gamit ang suot niyang kamiseta, isinuot at muling tiningnan ang bill namin.

“Putangina! Twelb Payb??!!!”

Sabay-sabay na nalaglag ang mga panga namin. 12,500 ang putanginang bill! Parang gusto ko magpaalam sa apat na iihi muna sabay babanat ako ng ‘takbo hangga’t may lupa’ method of human survival.

Napalingon yung floor manager sa sigaw ni Eduardo at agad kami nitong nilapitan kasunod yung bouncer na kasinglaki ng ulo ko yung putanginang kamao.

“May problema ba mga iho?”

“Ay wala naman po tita (tangina TITA?!), medyo na-short lang ako sa cash, dala ko naman po yung ATM card ko. Lalabas lang po kami sandali para mag-withdraw. Babalik po kami agad.”

Para kaming limang sisiw na nangangatog habang nakatitig sa bunganga ng higanteng buwaya. Biglang nanlisik ang mga mata ng kaninang pagkabait-bait na manang habang nag-iinat ng leeg at mga litid-litid sa katawan yung kasama nitong ‘Oso’. Naisip ko na lang, “Pucha! Mukhang hindi na kami aabot ng beinte anyos at hindi na kami makakalabas ng buhay sa nightclub na’to!”

“Sige. Lumabas ka at manalangin na sana’y may makita kang ATM  dito. Magsama ka ng isa. At iyong tatlong maiiwan ilatag niyo ang mga celfon, pitaka, relos, alahas at kung anu-ano pa sa lamesa.” sabi ng babae.

Sabay sabay kaming tumingala kay Eduardo na parang mga nagmamakaawang kuneho habang kinakausap namin siya ng mata sa mata. “Putangina mo Eduardo ako ang isama mo parang awa mo na ako ang piliin mo.”

“Tara tol!” pagtapik na pagtapik ni Eduardo sa balikat ko bigla akong tumayo. Gusto ko siyang yakapin at halikan sa pisngi sa sobrang tuwa. Nang biglang nagsalita yung oso bago namin iwan ni Eduardo yung tatlo.

“Nasa inyo ang desisyon kung uuwi na kayo o babalik pa kayo dito. Wala naman na kaming magagawa oras na makalabas kayo ng pinto. Pero sana lang i-text niyo man lang tong tatlong kumag na’to para hindi na umasa pang aabutan pa sila ng sikat ng araw!”

Muli ko sinulyapan yung tatlo na parang mga basang sisiw na nanginginig sa takot matapos marinig yung babala ni oso. Gusto kong mapa-ngiti nang makita ko yung mga pagmumukha ni Jodi at Alexis na buraot na mga primerong dahilan kung bakit umabot ng 12,500 yung lintik na bill namin. Naisip ko din na sana, kasama namin si Raymond. Ako, si Eduardo at Raymond ang mga magkakasanggang dikit talaga. Kaming tatlo, taga Montalban. Kung kasama lang namin si Raymond talagang paparahin ko ang unang dyip na dadaan ilang hakbang lang mula sa nightclub na ito.

“Tara chong!” at lumarga na kami ni Eduardo.

Menos kinse bago mag alas-kuwatro ng madaling araw, para kaming gago ni Eduardo na naglalakad sa kahabaan ng Anonas. Lilinga-linga kaliwa’t kanan umaasang may makitang ATM. “Ayun tol!” turo ko sa bandang harapan. Takbo kami agad. ‘On-line’ yung ATM salamat po Diyos ko. Nang biglang napamura si Eduardo matapos isaksak yung ATM card. “Putangina! Hindi ma-detect yung card ko chong!”

Pagkahugot ulit ni Eduardo ng atm card niya, anak ng pating may biyak sa gitna! Hindi namin malaman kung ano nang gagawin. May tatlong mamamatay kapag hindi kami bumalik sa lintik na club na yon. Nang biglang tumunog yung cellphone ko. May nag-text.

“Tangina niyo! Bumalik kayo dito! Tangina niyo!” text ni Raymond.

Ako naman itong si gago na hindi nag-iisip, sinagot ko pa yung text. “Tol! Putangina yung atm card ni Ed, may biyak sa gitna! Hindi kami makapag withdraw!”

Ang bilis ng reply ni gago. “Tangina niyo walang ganyanan! Naihi na’ko sa lonta dito tangina kapag hindi kayo bumalik at nakauwi ako ng buhay susunugin ko talaga mga bahay niyo tangina niyo!”

“Uwi na tayo chong!” sabi ng tulirong si Eduardo habang nagyoyosi kami sa tabi ng ATM. “Baka paghuhugasin lang naman ng mga plato yung tatlo papauwiin din yung mga yun!”

“Gago ka ba? anong hugas-plato pinagsasasabi mo eh papatayin nga yung tatlo. Papatayin! Sa tingin mo nagbibiro yung halimaw na yun?!”

“Tsk. Tanginang ATM card to oh! Dapat nanuod na lang tayo ng NU Rock Awards!”

NU? may bigla akong naisip na ideya. “Ed. Nasayo pa ba yung pinamigay na NU Stickers ni Jervin kanina sa campus?”

Hindi ko alam kung may kasaysayan ba yung pinaggagagawa ko pero maigi na kaysa naman nakatanga kami sa kahabaan ng Anonas. Gamit ang istiker binalutan ko yung biyak na bahagi ng ATM card para ilapat ito ng maayos. At nang marinig ko ang ‘Tik!’ na naghuhudyat na nagkabit na ulit yung biyak, dahan-dahan kong tinanggal ang istiker. “Subukan mo ulit isaksak Ed!”

Napahiyaw kami ni Eduardo nang tanggapin ang card niya ng ATM. Agad siyang nag-widraw. Trese mil! Sabay takbo kami pabalik ng nightclub. Sana lang buhay pa yung tatlong kamote pagdating namin.

Parang mga ‘Prisoners of War’ na pinalaya yung tatlong kupal na agad na sumugod sa’min nang makita kami sa loob ng club. “Kala ko hindi na kayo babalik.” ang mangiyak-ngiyak na sabi ni Jodi. Bandang huli naawa din ako sa mga buraot na Alexis at Jodi. Ikaw ba naman ang malagay sa ganoong sitwasyon ay talaga namang tatawagin mo lahat ng namayapa mong kamag-anak para gumawa ng milagro.

12,500. PAID. Sabay nakipag high-five yung floor manager kay Eduardo. Pero hindi pa kami nakakalabas nang makita ni Eduardo si Divine. Nilapitan ito ni mokong at nagpaalam pa. “Bye Hon! Babalik ka ha!” sino ba namang disi-ocho anyos na virgin na adik sa panonood ng porn ang hindi kikiligin sa banat ng diwatang iyon na hindi uubra si Joyce Jimenez? Nang biglang kunin ni Ed yung sukli niyang limangdaan at binigay bigla kay Divine!

Maliwanag na ng makalabas kami ng club. “Mga chong! Wala na’ko pera dito. Yung cash kong 4,500 ipinatong ko pala sa ibabaw ng TV kahapon para ipambayad ni lola sa tubig at ilaw.” sabi ni Ed.

Ang pinuproblema ni Eduardo, sobrang laki ng nagastos niya sa lintik na nightclub. Kapag nalaman ng mga magulang niya na walang kaabug-abog siyang nag-withdraw ng trese mil eh wala siyang maisip na dahilan. Kaya naman kinakailangan niyang magtipid ng husto para sa darating na buwan.

“Ganito na lang tol, since nakinabang naman tayong lahat kagabi, simula bukas mag-aambagan tayo para sa lunch at pamasahe ni Eduardo. Okey ba yon?” Suhestiyon ni Raymond. Sumang ayon na kaming lahat agad-agad.

“Ayos!” nag high-five kaming lahat bago magsipag-uwian.

Nakahiga na’ko sa kama ko sa wakas. Buti na lang at wala kaming pasok ngayong araw, bukas pa. Sa isip-isip ko mabuti na lang at kahit papano andiyan ang tropa para kay Eduardo. Oo nga at nagpresinta siyang sagutin yung gimik kagabi pero sobra-sobra na naman yung twelb payb para sa isang gabi lang. Tutulungan na lang namin siya araw-araw sa loob ng isang buwan iyon ang pangako naming apat. Pang yosi, pananghalian, pati na sa pamasahe.

Nang gabi ding iyon ay kaarawan naman ng kapitbahay namin. Inuman nanaman hanggang madaling araw. Grabe talaga. Hindi ko matandaan kung anong oras na’ko umuwi naalimpungatan lang ako kinabukasan ala-una na ng tanghali. May nag-text. Si Eduardo.

“Tangina niyong lahat! Ako lang ang pumasok ngayong araw text ako ng text sa inyong apat walang sumasagot! Tangina niyo!”

Napangiti na lang ako at muling ipinatong ang cellphone sa mesita.

***End***

Advertisement

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s