BOGART

bogart_banner

“Bogart”

Maikling Kuwento ni Juan Bautista

 

Hanggang ngayon hindi pa din ako makahilagpos sa napakahigpit na yakap ng lumbay. Magdadalawang araw na nang ako’y iniwan ng isang napakabuting kaibigan. Si Bogart. Si Bogart na kasama ko sa lahat ng oras, sa pagkain, inuman kasama ang tropa, sa pagtulog, ultimo sa pagtiis ng gutom kapag wala kaming kinita sa pagbebenta ng basahan sa kalsada. Wala na si Bogart. Iniwan nako ni Bogart.

Matapos ang buong araw na paglalakad at pagsigaw ng ‘basahan’ sa kalye habang buwis buhay kong nilalapitan ang mga jeepney drayber sa gitna ng mausok at maalikabok na kalsada para mag-abot lang ng basahan, naabutan ko na lang siyang nakahandusay sa tapat ng aming tagpi-tagping bahay, may saksak sa leeg, wala nang buhay.

Hindi ko na pinatagal pa at ipinalibing ko na agad si Bogart nang araw na iyon. Dinaluhan ako ni Rik at Roding upang makiramay. Kasangga din nila si Bogart. Naging mabuting kaibigan din ito sa kanila. Pero matapos ang libing, may ikinuwento sakin si Rik. Ilang oras bago ko matagpuang patay ang matalik kong kaibigan ay may nakaaway pala ito, si Unyo. Ang sigang anak ng tarantadong Barangay Chairman sa amin na si Tata Pendong.  Pero ano ba ang magagawa ko? Isa lang akong hamak na tindero ng basahang gawa sa mga reta-retasong tela na dalawang piso ang isa. Mga barangay tanod nga walang pakialam sa mga tulad namin ni Bogart mga pulis pa kaya.

-“Pasensya ka na Bogart. Tol hindi ko alam kung magkakaron pa ng hustisya pero balang araw makakabawi tayo. Pangako yan.”

Hindi nagtagal yung araw na iyon. Dahil makalipas ang dalawang araw, apat na araw matapos ang pagkamatay ni Bogart, dumating agad ang pagkakataon. Kaarawan ng Barangay Chairman, si Tata Pendong. Imbitado si Roding dahil nagtatrabaho siya bilang istrit swiper ng barangay. Sasama ko. Gaganti ako. Matapos kumpirmahin ni Roding na puwede akong sumama sa bahay nila Kap agad kong kinuha ang pangkatay kong itak at hinasa ito kasama na yung kutsilyo ko. “Bogart. Babawi tayo.” Bulong ko sa sarili ko habang naghahasa ng itak.

Kinagabihan. Nasa tapat na kami ng bahay ni Kap at ng anak nitong si Unyo. Sadyang gabi na kami nagpunta para wala na yung madaming bisita. Hangga’t maaari ayoko ng madaming madamay sa pag-resbak kong ito. Nauna si Roding sa garahe kung saan nag-iinuman si Kap, Unyo at ibang pang mga kaibigan nito. Pito na lang silang nasa lamesa. Yung apat nakayuko na yung isa parang patay na sa sobrang kalasingan.

-“Kap! Hapi bertdey po. Kaibigan ko nga po pala si Popoy.” Pakilala sakin ni Roding.

-“Kap hapi bertdey po. Eto po konting regalo sana magustuhan niyo.” Sabay abot ko ng mainit-init pang Kaldereta.

-“Oy! Paborito ko to Popoy. Salamat. Hindi mo na kailangang sabihin kung anong karne ito’t halimuyak pa lang alam ko na. Hehe. Siya’t kumain na muna kayo diyan habang nilalantakan namin itong dala mong pulutan. Salamat ha!” si Kap.

Halos mahilo na kami ni Roding kakakain pero ayaw naming tumigil. Hindi na namin matandaan kung gaano na katagal kaming hindi nakakain ng menudo, embutido, ispageti at marami pang iba. Ang sarap lumamon.

-“Poy. Tuwang tuwa yung mag-ama sa kalderetang aso mo ah. San ka ba nakabili ng aso ha?”

-“Si Bogart yan!” sagot ko habang pumapangas ng balat ng lechon.

Naibuga ni Roding yung iniinom niyang gulaman at agad nagyayang umuwi.

-“Siraulo ka. Apat na araw na sa ilalim ng lupa yung aso hinukay mo pa!”

 

JUAN BAUTISTA

 

Advertisements

7 Replies to “BOGART”

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s