“Ang Pagbabalik ni Sancho”

sancho

“Ang Pagbabalik ni Sancho”
(Maikling Kuwento ni Juan Bautista)

“Magkano ho ito?” ang tanong ng batang babae kay Sancho habang hawak ang isang libro.

“Singkwenta na lang para sa iyo iha. Maganda yan.” Ang sagot ni Sancho.

Si Sancho ay isang Manilenyo na nagtitinda ng mga lumang libro sa isang kalye sa Tondo, Maynila. Kinalakihan na niya ang hilig sa pagbabasa kaya’t ito na din ang kanyang ikinabubuhay. Sa murang
edad ay pumanaw ang kanyang mga magulang at magmula nuon ay kinupkop siya ng kanyang lola na may anim na taon nading namayapa.

Simpleng tao lamang si Sancho. Sa katunayan ay sa maliit na puwestong inuupahan nadin siya nakatira. Mag isa lang naman siya sa buhay. At sa araw-araw na ginawa ng Diyos ay ang mga aklat lamang ang kanyang kaharap. Gamit ang kapangyarihan ng imahinasyon, sa araw-araw at gabi-gabing pagbabasa ay kung saan saan na siya nakapunta base sa tagpo ng bawat istorya.

Ang pinaka-paboritong aklat ni Sancho ay mga patungkol sa kasaysayan. Lalong-lalo na kung ito ay may kinalaman sa paborito niyang bayani na si Gat. Andres Bonifacio. Kabisado niya ang talambuhay ng bayani, mula sa pagkakalunsad nito ng Katipunan hanggang sa napakapait na sinapit nito sa probinsya ng Cavite.

Sa tuwing naiisip niya ang iniidolong Supremo ay lagi na lamang niya naitatanong sa sarili. Kung siya ba ay nabuhay noong panahon ng mga Kastila ano ang kahihinatnan niya? Isang manunulat? Isa sa mga piling tao na kabilang sa mga mararangya ang buhay? O isang Katipunero? Kung siya ay mabibigyan lamang sana ng pagkakataong mamili ay ang patatlo ang kanyang gusto. Dahil kahit hindi maisulat ang kanyang pangalan sa mga libro ng kasaysayan sa kasalukuyan, ay alam niya sa kanyang sarili na nabibilang parin siya dito.

Ngunit ang isiping iyon ay isa lamang sa kanyang mga imahinasyon. Hindi na mangyayari iyon dahil siya ay nabubuhay sa kasalukuyan, taong dalawanglibo at labing apat (2014).

Isang henerasyon na kung saan ay naghihingalo na ang “Pagbabasa”. Sa panahong napapaisip siya sa araw-araw, “Sino pa nga ba ang may interes na bumili ng mga ibinibenta kong libro? Kung ang pang araw-araw na gawain ng halos lahat na yata ng mga tao ay nakabase at nakatuon sa Telebisyon at Internet.”

Habang nagkakape ay nakatitig lamang si Sancho sa mga kalunos lunos niyang mga libro na lalo pang pinagluluma dulot ng mga alikabok na nagmumula sa labas ng kanyang puwesto. Minsan na niyang naranasan na walang naibenta kahit isa ng halos isang linggo. At kadalasan ay ang pagbulyaw ng may ari ng puwestong inuupahan ang gumigising sa kanya upang paulit-ulit na ipaalala ang bayad ng kanyang renta.

Bawat araw ay napakabilis para kay Sancho. Gawa ng pagbabasa habang nagbabantay ng kanyang libruhan ay hindi na niya napapansin ang pag andar ng isang maghapon. Minsan nga’y hindi na niya napapansin na lumiliban na pala siya ng pagkain.

Ilang taon na ba siyang ganito? Paulit-ulit na lamang ba? Ang lagi niyang tanong sa sarili. Mabuti pa si Andres Bonifacio, kahit tatlumpu’t tatlong taong gulang lamang noong namatay, ay naging makabuluhan at makasaysayan naman ang buhay nito.

Isang gabi ay nag-uubos siya ng oras sa pagbabasa ng diksiyunaryong Filipino – Espanyol. Sa hindi niya malamang dahilan ay naaaliw siya sa pag-aaral at paglalaro ng mga salita mula sa bansang Espanya.

Hanggang sa nakatulugan na niya pagbabasa…

__________

Bigla na lamang siyang naalimpungatan sanhi ng mga taong nag-uusap sa paligid. Ang kanyang tutulug-tulog na diwa ay tuluyang nabuhay sa labis na pagtataka.

“Nasaan ako?” ang litong tanong ni Sancho matapos niyang magising sa ilalim ng isang puno.

Napakalinaw sa kanya na ang lugar na ito ay hindi Tondo kung saan magtatatlong dekada na siyang naninirahan. At ang mga tao sa paligid, bakit ba ganito mag-usap ang mga tao dito. At nang siya’y tumingin sa kanyang likuran, ay tuluyan na siyang nilukuban ng hindi maipaliwanag na pamamangha.

Alam niya ang tanawing ito. Minsan na niya itong nabasa at nakita sa isa sa kanyang mga libro.

Siya ay kasalukuyang nakatayo sa harapan ng makasaysayang Katedral ng Sevilla. Ang tanyag na simbahan ng Andalusia, ng bansang Espanya!

Tinapik tapik niya ang kanyang magkabilang pisngi habang umaasa na ang nangyayari sa kasalukuyan ay isang panaginip lang. Ngunit nanatili parin siya sa kanyang kinatatayuan.

“Kaibigan. Maari bang magtanong? Anong lugar ba ito?” ang tanong niya sa dumaang lalaki.

“Bakit hindi mo alam?” ang nagtatakang balik tanong ng lalake. “Andito ka sa siyudad ng Sevilla.”

At siya’y nagulat na lamang ng kanyang mapagtanto na kinausap niya ang lalaki sa wikang Kastila.

Naglakad lakad lamang siya habang hindi makapaniwala sa mga nangyayari. Hindi niya alam kung saan pupunta. Hanggang sa napadaan siya sa isang salamin at nakita niya ang kanyang hitsura.

“Diyos ko. Sana naman ay magising na ako sa bangungot na ito!” ang nasambit na lang niya nang makita ang sarili.

Napakalinaw na hindi siya ang nasa repleksyon ng salamin. Maputi ang balat, animo’y kulay hilaw na mais ang buhok at may katamtamang tangkad. Walang tumugma ni isang katangian sa orihinal niyang hitsura.

Sa kabila ng hindi kapani-paniwalang kalagayan ay tinanggap na lamang ni Sancho ang mahiwagang nangyayari sa kasalukuyan. Ano pa nga ba ang kanyang magagawa. Wala din naman.

Patuloy lamang siyang naglakad lakad hanggang siya ay makarating sa isang lugar na animo’y palengke kung saan makakakita ka ng iba’t ibang klase ng pamilihan. Hanggang sa isang lalake ang kumausap sa kanya.

“Kaibigan. Bumili ka na sakin ng tinapay habang mainit pa. Ito ang pinakamasarap na tinapay sa buong Espanya.” pagmamalaki ng lalaki.

Laking gulat na lamang niya ng pagkapkap sa kanyang bulsa ay mayroon siyang pera. Perang Espanyol.

“Sige bigyan mo ko ng dalawa.” Ang sabi niya.

Habang kumakain ay manghang mangha siya sa lugar. Para siyang nabubuhay sa nakaraan. Ang mga kalsada at kabahayan, pagsakay ng iba sa kabayo at maging ang mga kababaihan ay talaga namang kaakit-akit sa kanilang mga naggagandahang kasuotan. Wala din siyang nakikitang mga sasakyan. Napakalinis ng lugar. Hindi gaya ng Tondo na kada sampung segundo ay naririndi siya sa mga busina ng dyip at traysikel na nagdaraan. At muli niyang kinausap ang tindero ng tinapay.

– “Saan ba ang pinakamalapit na paliparan dito?”

“Paliparan?”

– “Oo. Paliparan ng mga Eroplano.”

“Eroplano? Ano iyon?” nagtataka na ang kanyang kausap.

– Ngunit mas labis ang kanyang pagtataka. “Susmaryosep. Ganito ba kaliblib itong lugar niyo? Kala ko ba’y siyudad ito?.”

At napansin niyang may hawak hawak na parang diyaryo ang binata.

– “Pahiram naman ako niyan tapos ka na ba?”

Ang unang pahina lamang ay sapat na upang siya’y lubusan nang magising sa makababalaghang katotohanan. Ang petsa ay Mayo Nuwebe, taon Labingwalong Libo at Walumpu’t Anim (1886)!

Tuluyan nang nanghina ang kanyang mga tuhod at napaupo na lamang sa sahig sanhi ng matinding pagkagitla. At narinig niya ang boses ng tindero.

“Kaibigan, anong nangyare sayo? May sakit ka ba?” ang nag-aalalang tanong nito.

__________

Mabilis na lumipas ang mga araw. Si Sancho kasama ang kaibigang si Gabriel ay simpleng namumuhay sa pagtitinda ng tinapay sa palengke. Dito siya nakatira kasama ang butihing ina nito at kapatid na babae.

Nasanay na din siya sa simpleng pamumuhay sa siyudad ng Sevilla. At pagkalipas ng halos pitong taon, isang balita ang makararating sa kanya na may dala-dalang pagkakataon na hindi niya maaaring palagpasin.

“Sancho! Sa isang Linggo ay may pupuntang mga opisyales dito. Naghahanap daw sila ng mga gustong maging sundalo.” Ang balita ni Gabriel.

Wala lang naman iyon para kay Sancho. Bakit naman niya gugustuhing maging isang sundalo? Ngunit isang salita ang dali-daling magpapabago ng kanyang isip. “PILIPINAS”.

Sinabi ni Gabriel na ang mga sundalong makakalap ng mga opisyales ay nakatakdang ipadala sa nasabing bansa. At hindi ito papalampasin ni Sancho. Ito na ang pagkakataon. At hindi lingid sa kanya na sampung buwan magmula ngayon, ay itatatag ni Andres Bonifacio ang Katipunan.

Lumipas ang ilang buwan at hindi nabigo si Sancho. Siya at si Gabriel ay pinalad na mapasama sa mga ipapadalang sundalo sakay ng isa sa anim na barko patungong Pilipinas.

At bago siya sumampa ng barko ay muli niyang sinulyapan para sa huling pagkakataon ang tuyong lupa.

“Maraming salamat mahal kong Sevilla! Viva España!”

Habang nasa karagatan ay hindi maipaliwanag ni Sancho ang kanyang nadarama. Sabik na sabik siyang umuwi sa kinikilalang lupang tinubuan. Ngunit sa kabilang banda ng kanyang isip ay ang kanyang malasakit para sa bansang Espanya. At muli niyang naisip. Isa na nga pala siyang Kastila. At hindi niya mapaglalabanan ang natural na damdaming iyon.

At siya ay babalik sa Maynila bilang kalaban ng mga hinahangaan niyang Katipunero ni Andres Bonifacio.

Ngunit isang plano ang binubuo ng kaniyang matalas na imahinasyon. Ang Supremo. Kailangan niya itong makausap. At ang plano niyang ito ay nagbabanta para sa kasaysayan ng bansang Pilipinas. Nais niyang sagipin ang iniidolong si Andres Bonifacio mula sa isang kapahamakan na nakatakda sa Ika-Sampu ng Mayo, taong Labingwalo at Siyamnapu’t Pito (1897).

At hindi nagtagal, kusa na lamang pumatak ang mga luha ni Sancho ng masilayan na niya ang lupa ng bansang Pilipinas. Si Sancho Perez ay nagbalik. Ika-Lima ng Enero, taong Labingwalo at Siyamnapu’t Apat (1894).

__________

Maynila. Buong akala ni Sancho ay hindi na siya makakabalik pa dito. Ang mga makasaysayang lugar at mga tao na dati’y nababasa niya lamang at nakikita sa mga litrato ay heto at kasalukuyan niyang minamasdan at dinadama. Hindi siya makapaniwala. Sa loob ng pitong taon ay wala siyang kahit na sinong pinagsabihan ng hiwaga na bumabalot sa kanyang pagkatao. Ni walang nakakaalam na marunong siya ng wikang Filipino. Maging si Gabriel.

Hindi siya isinumpa. Yun ang kanyang paniniwala. Kung tutuusin ay napakapalad niyang masaksihan ang nakaraan at ang kasalukuyan. Sa daan-daang libro na nabasa niya’y wala siyang nakilala na may istoryang ganoon sa totoong buhay.

At base sa petsa ngayon ay kailangan na niyang lumakad. Mag-isa.

– “Gabriel. Ako’y aalis na muna. Magiikot ikot lang ako sa paligid.” Paalam ni Sancho.

– “Aba’y mag-iingat ka. San ka ba pupunta at alam mo namang delikado ah. Samahan na kaya kita.”

– “Hindi na ano ka ba. Hindi ako magtatagal.” At mahigpit niyang niyakap ang kaibigan.

Alam niya kung nasaan ang Supremo. Kung hindi sa bayan ng San Mateo ay sa bayan ng Balite niya lamang makikita ito. Alam niya. Dahil ang petsa ngayon ay nabasa na niya sa libro.

Bilang siya ay Kastilang sundalo, sakay ng kabayo ay dinala niya din ang kanyang espada’t baril. Malayu-layo pa ang kanyang lalakbayin. At posibleng may kaharapin siyang panganib sa gitna ng paglalakbay.

__________

May pakiramdam ang kastilang sundalo na malapit na siya sa kanyang destinasyon. At hindi siya nagkakamali. Sanhi ng mga kaluskos na iyon na nagmumula sa makapal na dayamihan ang biglang pagtigil ng kanyang kabayo. At bigla na lamang lumitaw ang isang grupo ng mga kalalakihang nakasuot ng puti hawak ang kanilang mga itak at sibat.

Imbes na mahintakutan ay isang ngiti ang nakita ng mga ito mula kay Sancho. Mga Katipunero. Hindi siya makapaniwala at kaharap niya ang mga ito. At dulot ng pagkagulat ay napaatras ang mga ito ng mag umpisang magsalita ni Sancho. Sa wikang Tagalog.

– “Ako si Sancho Perez! Naparito ako upang kausapin si Andres Bonifacio!” ang nakangiting si Sancho.

At dahil siya’y isang kastilang sundalo, hila-hila ng mga Katipunero si Sancho habang nakatali ng lubid ang mga kamay nito. Nagkakatinginan na lamang sila sa pagtataka na habang papalapit na sila sa kampo ay nakangiti lamang ito na titingin tingin sa paligid.

At matapos ng halos isang oras na paglalakad ay narating din nila ang kampo. Sa isang liblib na lugar sa bayan ng San Mateo.

“Anong kailangan mo at naparito ka?” ang tanong ng isang opisyal.

Bago pa man maibuka ni Sancho ang kanyang bibig ay isang sigaw ang umalingawngaw sa buong paligid.

“Mga Kastila! May isang hukbong Kastila ang namataan patungo dito galing hilaga!” ang sigaw ng isa.

At matapos ng biglang paglingon ni Sancho ay isang sibat ang mabilis na tumagos sa kanyang likuran na tumarak sa kanyang dibdib…

Napaluhod ang sundalong Kastila. At bago ito tuluyang malagutan ng hininga ay natanaw niya ang papabukas na pinto ng isang kubo. At dahan-dahang lumitaw ang pinuno. Si Andres Bonifacio. Ang Supremo…

Ang kasaysayan ay mananatili. Ang kanyang iniidolong bayani ay mamamatay sa petsang nakatakda sa mga aklat.Ngunit isang dahon ang madadagdag sa mga libro ng kasaysayan na mailalathala sa hinaharap. At nakasaad dito na isang araw ay may naglakas loob na Kastilang sundalo ang nagtungo mag-isa upang kaharapin si Andres Bonifacio, kasunod nito ay ang pagsugod ng hukbong Kastila sa bayan ng San Mateo.

Ang Kastilang Sundalong ito, ay nagngangalang Sancho

Advertisement

2 thoughts on ““Ang Pagbabalik ni Sancho”

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s