“Ang Mahiwagang Kambal Ni Divina”

mahiwagang_kambal

“Ang Mahiwagang Kambal Ni Divina”
maikling kuwento ni Juan Bautista

“Pasensya ka na Tonyo. Hindi kita mapagbibigyan sa ngayon. Ang usapan ay usapan, kung gusto mo pang makaulit sa susunod, magbayad ka ng tama.” Ang sabi ni Lemuel kay Tonyo matapos makiusap ang huli na kung maaari’y ipagpaliban na muna ang kanyang pagbabayad ng utang dahil biglang nagkasakit ang anak nitong sanggol.

Tahimik lamang na nakatingin si Divina sa asawang si Lemuel habang nagbibilang ito ng pera sa lamesa.

“Lemuel. Sa tingin mo ba’y tama ang pinasok nating negosyo? Hindi ba’t panlalamang sa kapwa ang ginagawa natin?”

“Ano ka ba naman Divina. Ano naman ang masama sa pagpapautang at pagbibigay ng kakaunting tubo. Hindi naman tayo mayaman para magpautang lang ng magpautang sa mga tao. Aba’y kailangan nating kumita at madadagdagan na ang ating pamilya.”

“Humihilab na ang tiyan ko Lemuel.”

“Siya’t susunduin ko na si Aling Magda.”

Alas-nuwebe ng gabi. Nang ipinanganak ni Divina ang kanyang kambal na si Roel at Joel. Anim na taong nanalangin at naghintay ang mag-asawa bago ipagkaloob ng kalangitan ang kanilang pinakaaasam-asam na mga supling. Subalit noong unang gabi pa lamang matapos isilang ang kambal ay napagtanto nilang may bumabalot na kababalaghan sa dalawang batang ito.

Buong akala ni aling Magda na nagpaanak kay Divina ay namatay si Joel matapos ang ilang minuto nang buhatin ito ni Lemuel upang ihiwalay sa kakambal na si Roel. Ngunit muling huminga at gumalaw si Joel matapos muling pagtabihin ang kambal sa higaan ng kanilang ama.

“Diyos ko. Hindi humihinga ang isang ito kapag nahihiwalay sa kanyang kakambal.” sambit ng takang-takang si aling Magda.
Mabilis na lumipas ang panahon. Pitong taong gulang na ang kambal. Subalit nanatili ang sumpang iyon na nakasanayan na lamang ng buong pamilya ni Lemuel. Walang araw na hindi nakalimot si Divina na paalalahanan ang mga anak.

“Roel anak. Huwag na huwag kang lalayo sa iyong kapatid na si Joel. Lagi mong tatandaan na hindi kayo maaaring magkahiwalay ng may dalawang metro ang layo sa isa’t isa.”

“Opo inay.” ang sagot ni Roel at sabay na lumabas ng bahay ang kambal upang pumasok sa paaralan.

Sa kabila ng hiwagang bumabalot sa kambal ay pinipilit nilang mamuhay ng normal gaya ng ibang bata. Subalit sadyang mahirap dahil sa dami ng limitasyon na pumipigil sa dalawa gaya na lamang ng pagsali sa mga tipikal na laro ng kanilang mga kaklase tulad ng tagu-taguan, habulan, patintero at madami pang iba. Subalit sa kabila nito, unti-unti nang yumayaman ang kanilang mga magulang.

Sa tulong ng kanilang negosyong pautang, patuloy ang pag-asenso ng mag-asawang Lemuel at Divina, subalit alam nilang walang anumang halaga ang katumbas ng solusyon sa problema ng kanilang dalawang anak. Walang kahit na sino ang makapagbigay ng paliwanag sa kalagayan ng kambal ni Divina. Doktor, Pari, Albularyo at kung sino-sino pa ang nilapitan ng mag-asawa upang mabigyan sila ng linaw kung ano ba talaga ang nangyayari sa magkapatid. Awang-awa si Divina sa kanyang mga anak. Alam niyang darating ang panahon na maaaring magkaroon ng mas malaking problema ang kambal kapag lumaki na ang mga ito. Dahil waring nakikigamit lamang ang kalunos-lunos na si Joel sa baga ng kanyang kapatid.

Labing-apat na taong gulang na ang kambal. Minsang naitanong ng kanilang amang si Lemuel kung ano ba ang kanilang mga ambisyon sa buhay habang naghahapunan.

“Ako ‘tay gusto kong maging Doktor balang araw.” si Joel. “Ikaw Roel?”

“Wala. Babantayan lang kita. Maaari sigurong ako ang maging alalay mo kapag naging Doktor ka na.” buong giliw na sabi ni Roel at nginitian ang kapatid. At nagpatuloy na ito sa pagkain.

Parang sinaksak sa dibdib ang mag-asawang Lemuel at Divina. Hindi lamang si Joel ang nagdurusa. Maging si Roel. Bagama’t may kakayahan itong huminga kahit mawalay sa kakambal nito’y hindi naman niya kailanman maaaring iwanan ang kapatid. Laking pasasalamat na lamang ng mag-asawa at si Roel ay likas na mapagmahal para sa kakambal nito. Tiwala silang kailanman ay walang gagawin si Roel na maaaring ikapahamak ni Joel.

*****

Isang umaga ay binisita ni Mang Fernan ang kambal. Siya ang kasalukuyang Kapitan ng barangay San Rafael.
“Ano ho ba iyang bitbit ninyo Kapitan?” tanong ni Lemuel.
“Lemuel. Divina. Ako’y nakahingi ng oxygen tank sa ospital ng bayan. Subukan natin at baka makatulong sa kambal.”
Lubos ang pasasalamat ng mag-asawang Lemuel at Divina hindi lamang kay Kapitan Fernan kundi sa lahat ng kanilang mga kababaryo. Simula nang isinilang ang kambal at kumalat sa buong lugar ang misteryong bumabalot sa kanilang mga anak ay walang hanggang suporta at pagmamalasakit ang iginagawad sa kanila ng mga taga Barangay San Rafael. Subalit nang gamitin ni Joel ang tangkeng iyon ng hangin ay wala paring nagbago. Wala pang sampung segundo nang lumayo si Roel sa kapatid ay nag-umpisa na itong humagok at mabilis na hinahabol ang kanyang paghinga.

Nang gabi ding iyon ay nakahiga lamang ang dalawa sa bubungan ng kanilang bahay. Gawain na iyon ng kambal upang tunghayan ang mga bituing nagkikislapan sa gabi.

“Roel. Nahihirapan ka na ba sa kakasunod sa akin?”

“Hindi. Bakit mo naman naitanong iyan?”

“Nakita kita kanina. Nakatingin ka kay Cecilia. Pero hindi ka makalapit sa kanya nang dahil sa’kin.”

“Ano ka ba? Wala iyon. Saka hindi ba’t balita ni tatay kanina na aalis na daw si Cecilia kasama ang nanay niya. Pupunta na sila ng Japan at doon na maninirahan.” Hindi maitago ni Roel ang kalungkutan sa tono ng kanyang boses.

“Roel. Kapag namatay na ko’y ipangako mo sa akin na lahat ng gusto mong gawin sa buhay ay isasakatuparan mo. Utang ko sa’yo ang bawat segundo ng buhay ko Roel. At mababayaran ko lamang ang mga inagaw kong oras mo, kapag nawala na’ko sa mundong ito…”

Napabalikwas si Roel sa tinuran ng kapatid. “Ano ba ‘yang mga pinagsasasabi mo Joel? Hanggang dulo ng buhay ko ay magkasama tayo tatandaan mo ‘yan. Kakambal kita.”
“Kaya mo mabuhay nang wala ako Roel.”

“At sino ang nagsabi sa iyo niyan? Kung mayroon mang pinalad sa ating magkapatid ay ikaw iyon Joel.”

“Alam ko. Dahil ipinagkaloob sa akin ng Diyos ang pinaka mabait na kapatid sa buong mundo Roel. Bihira mong madinig sa akin ang pagpapasalamat pero gabi-gabi akong nagpapasalamat sa Kanya at ikaw ang naging kakambal ko.”

“Hindi mo ko naiintindihan Joel. Ikaw ang pinalad sa atin dahil alam mo ang iyong kahihinatnan kapag nagkahiwalay tayong dalawa. Maaaring magawa ko pa din huminga kahit magkalayo tayo. Pero nakasisiguro akong may mawawala sa akin kapag nawala ka. At kung ano man iyon ay walang nakakaalam. Gaya mo, hindi din ako mabubuhay ng normal kapag nagkahiwalay tayo. Sigurado ako doon.”

Mahimbing nang natutulog ang kanyang kapatid ay dilat na dilat pa din ang mga mata ni Joel. Malalim ang kanyang iniisip. Hindi siya isang uslak para hindi mapagtanto na sa tinagal-tagal na ay isang napakalaking pasanin niya para sa kapatid na si Roel. Katulad ng karamihan ay may mga ambisyon din ito sa buhay. Makapagtrabaho at yumaman, makapangibang bansa, magkaroon ng asawa at sariling pamilya. Subalit hangga’t siya’y patuloy na humihinga sa tabi ng kakambal ay alam niyang wala itong mararating sa buhay.

*****

Isang hapon ng tag-ulan. Beinte-sais anyos na ang magkapatid. Pauwi na galing sa paniningil ng mga pautang ng ina ang kambal.
“Roel. Nabalitaan mo na ba? Pauwi na daw sila Cecilia sa isang linggo a.”

“Ano ka ba Joel? Natural. E magkasama tayong bumili sa tindahan ni Tiya Lamda kagabi ‘di ba?” napakamot ng ulo si Roel sa tinuran ng kakambal.

“Oo nga pala.”

At sabay na nagtawanan ang dalawa.

“Pambihira ka Joel oo.”

Patawid na ang dalawa nang hanginin ang hawak na payong ni Roel at agad siyang tumakbo pabalik upang habulin ito nang agad siyang mapalingon dulot ng sunud-sunod na busina na sinundan ng isang napakalakas na kalabog.

Tumilapon si Joel matapos masagasaan ng isang rumaragasang trak at agad na naghalo ang dugo at tubig ulan sa kalsadang iyon.

“Joel!”

Ang pangalan ng kakambal niyang si Joel ang huling-huling lumabas sa bibig ni Roel magmula ng mga sandaling iyon…

*****

Nagluluksa hindi lamang ang pamilya ni Divina kundi ang buong Barangay ng San Rafael. Bumaha ng mga bulaklak at iba’t iba pang alay na nagmumula sa mga nagmamahal sa kambal. Bilang nasaksihan ng halos lahat ang mahirap na kalagayan nina Roel at Joel magmula pa nang sila’y isinilang ay lubos silang nakikisimpatya sa mga naiwan ng huli. Lalung-lalo na para kay Roel. Na magpasa-hanggang ngayo’y hindi pa din kumikibo at nagsasalita simula nang araw na mamatay ang kanyang mahal na kakambal. Nanatili itong tulala.
“Diyos ko. Patawarin ninyo ko sa mga kasalan at pagkukulang ko. Ipinapangako ko po, titigilan ko na ang panlalamang sa kapwa…” sambit ni Lemuel.

Tama ang kanyang asawang si Divina. May nakatakdang ‘Balik’ ang anumang uri ng panlalamang sa kapwa. Sa kabila ng kanilang napakalaking bahay, magagarang sasakyan at salapi, ito ang naging kapalit.

“Ang pagpapautang ng may patubo kahit kailan ay hindi magiging isang uri ng pagtulong sa kapwa. Bagkus ay lalo mo lamang pinabibigat ang problema’t pasanin ng mga lumalapit sa iyo.” Hindi na maalala pa ni Divina kung ilang ulit niya iyong sinabi sa kanyang asawa. Ngunit hindi ito nakinig.

Simula nang dumating sa kanilang tahanan ang puting kabaong na iyon ay hindi tumigil sa pag-agos ang mga luha ni Divina. Subalit sa kabila nito’y walang siyang ibang ginawa kundi ang magpasalamat sa Diyos Ama. Dahil kay Roel. May ‘di maipaliwanag na kapansanan man si Joel ay hindi maitatangging napakapalad pa din nito sa pagkakaroon ng kapatid na gaya ni Roel. Si Roel, si Roel na walang ibang inisip kundi ang kapakanan ng kanyang kapatid sa loob ng dalawamput anim na taon. Ay mag-uumpisa nang ipagpatuloy ang buhay, ng mag-isa.
Hindi lingid kay Divina ang pagtingin ng anak na si Roel kay Cecilia kaya naman pinakiusapan nito ang dalaga na kausapin ang nagluluksang anak.

“Roel. Ikinalulungkot ko. Nandito lang kami para sa’yo. Lalung-lalo na si Mang Lemuel at Aling Divina.” Si Cecilia.

Nanatili lamang walang kibo si Roel at animo’y nakatingin sa kawalan. Kung titingnan mo ito’y waring tumatagos sa lahat ng bagay ang titig nito. At sa ‘di inaasahan ng mga nagmamahal sa dalawa, kahit isang patak na luha ay walang inialay ang mga mata nito para sa kanyang pinakamamahal na si Joel.


“Kung mayroon mang pinalad sa ating magkapatid ay ikaw iyon Joel. Ikaw iyon….”

Tama si Roel. Dahil sa kabila ng nakikita ni Divina at ng iba pa na si Joel lamang ang nasa kabaong habang siya’y tahimik lamang na nakaupo sa tabi nito, walang sinumang nakakaalam kung ano ang nakatakdang isama ng kanyang kakambal sa hukay ilang gabi pa mula ngayon. Ang kanyang EMOSYON…

– Juan Bautista

Leave a comment