“Warehouse”
Dubai, U.A.E (2008)
Isang maghapon nanaman ang lumipas nang hindi nakita ang liwanag ng araw. Kingina kasi sa work station ko, walang bintana. Matapos ang siyam na oras na pagtatrabaho, oras nanaman ng pagninilay-nilay. Pag-iisip sa kalagayan ng mga naiwang mahal sa buhay.
Ganito lang ang lagay ko sa Industrial Area. Puro warehouse, hindi kilala ang mga nakatambay na naghuhuntahan sa labas. Karamihan ay mga Indiyano’t Pakistani. Mababait naman. Ang problema hindi kami masyadong nagkakaintindihan, bilang limitado ang aming pag-iingles.
Sa warehouse din ako nakatira. Isang warehouse na kasya ang limampung luxury cars na binebenta ng kumpanya. Kaya naman ang tindi ng lifestyle ko dito. Mantakin mo, sa itim na Hummer Truck nakasilid ang mga damit at sapatos ko. Minsan pa nga, sa loob ako ng Ford Mustang natutulog dahil puro daga ang nasa ilalim ng sopang hinihigaan ko. Oo, ‘yung sopang sandamukal na puwet ang tinitiis buong maghapon dahil nakapuwesto ‘yon sa waiting area, dun din ako sinabihang matulog sa gabi. Para daw kumportable kaysa sa sahig. Kaya naman masasabi kong makatao ang amo kong Kuwaiti, kaya nga lang, hindi niya alam na sa sobrang dugyot ng warehouse boy naming Indiyano na walang ginawa kundi magkamot ng itlog kapag wala ang mga amo, pinepeste na ng mga daga ang warehouse namin.
Pagpatak ng alas-otso, kakalam na ang sikmura. At isa lang ang solusiyon ko upang punan ang nanginginig na manipis kong katawan. Cup noodles. Dalawa hanggang tatlong beses akong kumain ng cup noodles sa isang araw. Iyon lang ang masok-labas-masok sa katawan ko sa unang apat na buwan ko dito sa UAE. Noodles na nilahukan ng mga pekeng gulay at sandamakmak na asin, kape at usok ng sigarilyo. Isang sistema na hindi dapat ginagawa ng isang beinte-kuwatro anyos na ungas. Nag-abroad naman ako na marunong magluto ng adobong walang lasa at palpak na pritong itlog pero ang problema, walang kusina ang warehouse. Kettle lang amputangina.
Minsang binigyan ako ni Ismael ng pagkaing niluto niya sa kabilang warehouse, ubod naman ng anghang. Parang ayaw ipakain ng animal. Isinasama kasi ng mga Indiyano ang siling labuyo sa paggigisa nila ng sibuyas sa karamihan ng mga lutuin nila. Kaya naman talagang wagas kung kumatas ‘yung sili.
Kumakain ako ng noodles nang tumunog ang selpon ko, si Nin, tumatawag. Nangangamusta at nagtatanong kung kumain na daw ako. Ang sabi ko’y ayos lang naman. Mabuti at saktong ala-sais kaming nagsara. ‘Di gaya ng nakaraang mga araw, alas-nuwebe o kaya’y alas-diyes.
Pagkakain. Yosi muna habang nakahiga sa loob ng Mustang. Muni-muni, at gaya ng kadalasan, iba’t ibang mga berso at linya ang nagririgodon sa ‘king utak, hanggang sa makatulog.
Rewind na lang para sa mga susunod na araw.