Ang Autobiografia ng Ibang Lady Gaga
Jack Alvarez
Ang “Ang Autobiografia ng Ibang Lady Gaga” ni Jack Alvarez ay isang koleksyon ng mga Dagli patungkol sa kanyang mga karanasan sa Saudi Arabia bilang isang OFW.
Gaya nya, isa rin akong OFW mula pa noong taong 2008 hanggang sa kasalukuyan. Pero kahit kailan, sa tagal ko na ring nagsusulat ng kuwento ay hindi sumagi sa isip ko ang magsulat tungkol sa’kin habang nasa ibayong dagat. Hindi naman sa hindi ko trip, wala naman kasi akong maikukuwento na maaaring maging interesado sa mga mambabasa. Trabaho-Bahay-Trabaho lang naman ang daily routine ko sa Middle East. Minsan punta sa mall, lamon tas uwi. Luto kasama si misis, alaga ng mga chikiting namin. Punta ng grocery. Ganun lang.
Pero ibahin natin si Jack Alvarez. Makulay ang buhay nya. Kaya trip ko ring basahin ang mga dagli, dahil direkta ang pagpaparating ng mensahe sa mambabasa. Maiigsi lang pero buung-buo ang mga mensahe ni Jack. May nakakatawa, nakakagalit, at nakakalungkot.
Ang gusto ko sa istilo ng pagsusulat ni Alvarez, ay mahusay na paghahayag ngunit pabato nyang ibinibigay ang mensahe ng bawat akda. Suwabe ang pagkakasulat pero may sapak sa bawat pagtatapos ng isang akda. Detalyado pero walang mga palabok na hindi na naman talaga dapat na idagdag pa. Ito ang gusto ko sa mga Dagli e, kung epektibo ang pagsusulat at paggamit ng mga salita – kahit ilang talata lang ‘yan, meron kang matutunan, marami kang mararamdaman.
Hindi kagaya ng ilang maiiikling kuwento na may dalawang libo hanggang sampung libo na bilang ng mga salita, minsan may eksena na naghahabulan o nagbabangayan na aabutin pa nang tatlo hanggang limang pahina. O pagsasalaysay sa kung ano ang iniluto, saan binili ang mga lahok, at kung paano iyon kinain. Sa mga dagli ng librong ito, tig-iisang pahina man ang karamihan ay talaga namang interesante ang mga kuwento.
[Nag-text ang isang kapamilya, tumakbo sa ATM, nag-reply sa text, umuwi at nagtimpla ng kape.]
Isang kuwento. Kuwentong may emosyon, pangkaraniwan sa karamihan, at totoo.
Sobrang nagustuhan ko ang librong ito. Pwede itong baunin sa biyahe, pulutan sa inuman, pangregalo etc.
At sya nga pala, ang ganda rin ng pabalat.
Apat na Bituin para sa’yo Jack. Maraming salamat sa isang magandang babasahin. Pagbati, at isa ako sa mga nag-aabang ng pangalawa mong libro.
-JB