Book Review: Mondomanila by Norman Wilwayco

mondo

“Mondomanila” Book Rebyu

“Tulog ang panlaban sa bitukang naghahamon.

Panaginip ang tugon sa bungangang walang malamon.”

Ilang beses ko nang sinabi at hindi ako magsasawa na ulit-ulitin ito, kung pagsusulat at pagkukuwento ang paksa. Si Norman Wilwayco ang pinakamaimpluwensyang nilalang sa aking buhay Kuwentista at Mambabasa. Ang Mondomanila, ang pangalawa kong nabasa sa kanyang mga akda. Subalit bago ko ito rebyuhin ay minabuti kong basahin itong muli dahil wasak talagang balik-balikan ang kuwento ng buhay ni Tony.

“Hindi na mahalaga ang sanhi ng away. Wala nang sira-ulong umiintindi kung sino sa dalawa ang may kasalanan. Ang importante’y may napapanood habang nagpapahinga.”

Ang Mondomanila ay isang pambihirang nobela na binubuo ng mga kuwento na posibleng nagaganap sa iba’t ibang lugar, at kasalukuyang sinasapit ng ating mga kababayan habang binabasa natin.

Bilang isang mambabasa, lagi kong ikinukumpara ang panonood ng pelikula sa pagbabasa ng libro. Ano ba ang pinagkaiba? Sa totoo lang, malaki. Pero sa mambabasa at manonood? Wala. Dahil parehong ‘gutom’ ang isang mambabasa at manonood para sa isang bagay, lahat tayo ay gutom – sa kuwento.

Kung ako ay manonood ng isang  pelikula, nakikita ko ang aking sarili na isang ‘gutom’ at uupo na lamang sa lamesa na may nakahain nang pagkain. Kung ako ay magbabasa ng isang libro, nakikita ko ang aking sarili na isang ‘gutom’ – na nakatayo sa gitna ng palengke.

Ano ang ipinagkaiba? Sa pelikula, nakahain na ang lahat ang imahen. Panonoorin at pakikinggan mo na lang. Sa libro, kinakailangan mong maipamalas ang iyong kapangyarihan ng imahinasyon. Kapag nanonood ka, nakikita mo ang bawat pangyayari habang gumugulong ang istorya, pero kapag mahusay magtahi ng mga salita ang isang manunulat – dadalhin ka nito sa mismong mga tagpo ng kanyang kuwento.

Maaari kang maging saksi sa isang krimen na nangyari nang may dalawang metro lang ang distansya mula sa kinatatayuan mo.

Habang binabasa ko ang Mondomanila ni Wilwayco, pakiramdam ko ay isa ako sa mga tauhan sa bawat tagpo at sitwasyon. Ako yung isa sa mga tambay na nanonood habang nagsusuntukan sina Tony at Mutya, ako yung tsismoso habang pinanonood ko ang bangayan ni Tony at ng kanyang ina, ako yung nakaupo sa lagoon ng UP habang pinanonood ko na naglalampungan sina Don Don at Wayne, at marami pang iba. Isa ako sa mga mambabasa na nagawang dalhin ni Wilwayco sa looban upang masaksihan at maramdaman kung papaano ba mamuhay nang miserable; na handa kang ilaban nang patayan ang isang tipak ng kaning tutong na nakakapit sa marungis na kalderong gumulung-gulong na sa lupa.

Hindi lang ang Mondomanila ni Norman Wilwayco ang librong lokal na nagbigay diin patungkol sa kahirapan ng buhay. Kung tutuusin, lumabas ka lang ng bahay at maglakad-lakad sa siyudad maghapon ay isandamakmak na kuwento na ang maaari mong maisulat bago ka matulog. Maaari kang makakita ng rambulan, bulag na nagtitinda ng mais, batang nasagasaan ng dyip, bangkay sa ilalim ng tulay at marami pang iba. Alam naman nating lahat ‘di ba? Na milyon ang nakararanas ng gutom sa Pilipinas. E bakit pa isinulat ni Wilwayco ang Mondomanila?

‘Bungang-isip’ lang ang nobelang ito. Pero ang karakter na si Tony De Guzman at ang kanyang kuwento, ay sumasalamin sa katotohanan. Isinilang siyang mahirap at lumaki sa kalye, pero gamit din ang talinong nagmula sa kalye at prinsipyong pinagtibay ng karanasan, nagawa niyang makaahon. Bitbit ang lungkot, daing at hinagpis ng nakaraan.

Hindi isinulat ni Wilwayco ang Mondomanila para idolohin natin ang primerong karakter. Nilikha niya si Tony De Guzman upang maging isang simbolo, na tayong lahat ay kasalukuyang nakikipagsapalaran sa gitna ng isang masalimuot na lipunan.

Kaya ‘goodluck’ sa ating lahat.

LIMANG BITUIN!

– JB

Advertisement

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s