Ang Bagong Krusada (Novella)

Ang Bagong Krusada_Web

Juan Bautista’s 
ANG BAGONG KRUSADA
(Novella)

Kabanata I: Santa Maria

“Sa kasalukuyang panahon ay sino pa nga ba ang ating masasandalan laban sa imoralidad at kasakiman? Mga magnanakaw na pulitiko? Mga buwayang pulis at opisyales ng militar? Hindi nga ba’t malimit ay sila ang mga demonyo na nag-anyong tao sa lupa? Oras na upang muling magsanib ang Krus at Espada. Nalalapit na ang oras na kung saan isang digmaang pandaigdig ang muling magaganap. At sa pagkakataong iyon, ito ay kikilalanin sa kasaysayan bilang Banal na Digmaan, Relihiyon laban sa Relihiyon, Pananampalataya laban sa Pananampalataya, Diyos laban sa Diyos. Oras na upang bumangon sa mahabang pagkakahimbing… Ang Bagong Krusada.

*

Victor. May bisita ka.

-Kamusta Victor? Maaaring hindi mo na ko natatandaan. Ako si Tonyo. Kaibigan ng iyong ama. Aba’y batang bata ka pa noon nang huli kitang makita sa Santa Maria.

Si Victor Saavedra ay taal ng siyudad ng Santa Maria. Labing dalawang taon na ang lumipas nang mapilitan siyang iwanan ang nilakihang lugar. Aksidente niyang napatay si Dante, ang anak ng noo’y namamayagpag na Druglord sa siyudad na si Santiago Vera. At dahil dito ay nagpakalayu-layo siya at hindi na nagbalik pa.

Sinadya siya ni Mang Tonyo upang siya ay himukin na magbalik na sa Santa Maria. Siya ay pinahahanap ng kasalukuyang Alkalde na si Ramil Pacios. Lingid sa kanyang kaalaman ay naging matunog ang kanyang pangalan nang kumalat ang balita na napatay niya ang isa sa mga kinatatakutang tao sa buong siyudad na si Dante lagpas isang dekada na ang lumipas. At isa sa mga lihim na humanga sa kanya ay ang noo’y pulis pa lamang na si Ramil Pacios.
Hindi palaaway si Victor. Bilang isang dating Sakristan at Seminarista ay kilala siyang mabuting tao sa kanilang lugar. Ngunit isang gabi ay nakursunadahan siya kasama ang kanyang pinsang si Peter at nobya nito ng lasing na lasing na si Dante at walang kadahilanan siyang inundayan nito ng saksak. Nagawa niyang umiwas at pagkaagaw ng patalim, sanhi ng kanyang simbuyo ay itinarak niya ito ng makalimang ulit sa dibdib ng anak ng isa sa mga pinaka-makapangyarihang tao sa siyudad.

-Patay na si Santiago Vera. Wala ka nang dapat intindihin pa sa pagbabalik mo doon. At gusto kang makausap ni Meyor. Nagtatrabaho ako ngayon sa kanya bilang drayber ng anak niyang si Angelica.

Angelica Marie Pacios. Hinding hindi niya makakalimutan ang babae. Isa ito sa mga dahilan ng kanyang pananabik sa pagbalik. Mga bata pa lamang sila ay ito na ang kanyang iniirog, hanggang ngayon ay wala paring araw na hindi nanumbalik sa kanyang alaala ang napakagandang mukha nito at napakabuting kalooban.

-Si Manuel? Manuel Zaballa. May balita ho ba kayo sa kanya? Malamang ay Pari na siya ngayon.

-Walang hindi nakakakilala kay Manuel Zaballa sa Santa Maria iho. At hindi siya Pari. Siya ang pumaslang kay Santiago Vera. Isang umaga ay nagimbal na lamang ang mga tao nang abutan nilang nakasabit ang bangkay nito sa gitna ng plasa. Isang paraan upang huwag nang tularan pa ng iba ang taong iyon.

Hindi makapaniwala si Victor sa narinig. Si Manuel? Na simula pagkabata ay wala nang ibang binanggit kundi ang pangarap nitong maging isang Pari. Sa kanilang dalawa ay ang matalik na kaibigan lamang ang nabigyan ng pagkakataong matupad ang pangarap. Dahil kahit kailan ay hindi niya ginustong mag-Pari. Ang kanyang pangarap ay maging isang doktor. Napadpad siya sa Seminaryo dahil lamang sa pagpupumilit ng kanyang mga magulang na magkaroon ng isang Pari sa kanilang pamilya. At siya nga ay nagpasyang tumakas sa Seminaryo. At wala pang isang linggo ay nagtagpo ang landas nila ni Dante Vera. At tuluyan na siyang naglaho.

-At bakit naman si Manuel ang pinaniniwalaang pumatay kay Santiago? Sa pagkakakilala ko kay Manuel, kung may ginawa mang masama ang kahit sino sa kanya ay ipagpapasa-Diyos niya na lamang ito. Mabait na tao ang kaibigan ko.

-Victor iho. Nakasisiguro akong sa tinagal tagal mo sa labas ng Santa Maria ay hindi mo na kilala ngayon ang iyong kaibigan. Si Manuel ay isa na ngayong Krusado, at siya ang kasalukuyang Heneral ng Bagong Krusada

*

 

Kabanata II: Ang Bagong Krusada

“Timoteo Sais Diyes; Sapagka’t ang pagibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng kasamaan; na sa pagnanasa ng iba ay nangasinsay sa pananampalataya, at tinuhog ang kanilang sarili ng maraming mga kalumbayan.”

“Ang kasakiman ay ang primerong dahilan kung bakit namumuhay ang sangkatauhan sa kasalanan.” Sermon ni Padre Agustin.

“Noong unang pagyapak ko sa siyudad na ito ay agad akong nabighani sa ganda ng Santa Maria. Ang berdeng kapaligiran, mga magigiliw na naninirahan at higit sa lahat, isang bayan na may takot sa Diyos at wagas ang pananalampalataya. Ngunit sa nagdaang mga panahon ay halos hindi natin napapansin na unti-unti na tayong nilulukuban ng mga kampon ng dilim. Ang iba ay ginagamit pa ang Diyos at relihiyon sa kanilang mga kalapastanganan. Ang iba’y pinili ang maging palalo at huwad na pinuno at nagtayo ng sariling sambahan. Sila daw ay anak din ng Diyos. Sila daw ay si Kristo. Sila daw ay isang Propeta. Sila daw ay nagmula sa langit upang mamuno sa lupa! Ang nakalulungkot na katotohanan ay marami paring uslak na naniniwala.”

“Mga minamahal kong kapatid, huwag tayong magpapalinlang. Ipagpatuloy natin ang pananampalataya sa Iglesia Katolika. Ilang lindol at bagyo na ang nagdaan, nanatili paring nakatirik ang ating mga simbahan. At huwag na huwag kayong matatakot sa mga makasalanan at mapang-api. Dahil tayo ay patuloy na gagabayan ng Diyos Ama. Ng Iglesia Katolika. At ng Bagong Krusada…”

*

            Ngayon ay katapusan ng Marso. Araw ng pagpupulong ng mga Krusado. Ito din ay araw ng paghuhukom. Tuwing katapusan ng ika-tatlong buwan ng isang sangkapat ay nagtatala ng mga pangalan si Padre Agustin. At ito ay makararating kay Manuel Zaballa upang pamunuan ang paglipol sa mga taong nakasaad sa listahan. Ang listahang iyon ay tatlong buwan pinag-aaralan ng Kura Paroko base sa mga sumbong ng mga naninirahan at imbestigasyon mismo ng mga Krusado upang ganap na maibigay ang hatol.

Apat ang nakatakdang hatulan sa unang sangkapat ngayong taon. Isang mapagmalabis na negosyante, isang matandang babae na nagpapalakad ng isang putahan, isang amang ginagahasa ang sariling anak at isang pinuno ng isang relihiyon na nagtuturo ng kung anu-anong gawa na sumasalungat sa Katolisismo.

Sa pamumuno ni Manuel, una nilang pinuntahan ang imoral na ama ng tahanan. Habang naghahapunan ang lasing na lalaki ay pumasok ang dalawang Krusado mula sa bintana at magmula sa likuran ay tumagos sa dibdib nito ang espada na kahit buto ng tao ay kayang tagpasin sa sobrang talas.

Ang ikalawang pag-atake ay naganap sa Kasa ni Donya Mary. Apat na Krusado ang nagtungo sa makasalanang pamamahay ng matandang babae at nagpanggap bilang mga parokyano. Sinalubong ang mga ito ni Donya Mary nang buong sigla at sinabi, “Magandang gabi mga iho. Kanina pa kayo hinihintay ng aking koleksyon ng mga naggagandahang dilag. Mamili na kayo.” Sabay buklat ng kanyang makulay na pamaypay.

Ang sumunod na pangyayari ay napakabilis. Kasabay ng pagpatak ng pamaypay sa lapag ay ang pagtirik ng mga mata ni Donya Mary. Habol hininga itong bumagsak na parang kawayan at nagsigawan na ang mga babae at ilang tauhan nito nang makita ang Donya na umaagos ang dugo mula sa laslas nitong lalamunan. Pinapanuod lamang ito ng mga Krusado hanggang sa tuluyang malagutan ng hininga.

Ngunit hindi nakuntento si Manuel. Nang marinig niyang napakadami ng mga parokyano sa loob ay pumasok siya at pinapila ang mga hayok sa laman habang nakapiring ang mga mata. Walang habas niyang pinasadahan ng nagmumurang armalite ang mga ito hanggang sa makasiguro na ang lahat ay nakabulagta na sa sahig. Matapos titigan ni Manuel ang mga bangkay ay lumapit siya sa mga nahihintakutang babae na biktima ng imoral na gawa ng tao.

-Walang nangyari ngayong gabi. Ang mga animal na ito ay hindi nangamatay kungdi nagkandawala nang walang dahilan.

Alam ng Heneral na labag ang kanyang ginawa. Hangga’t maaari ay kung sino lamang ang nakasaad sa listahan ng mga nahatulan ay iyon lamang ang dapat burahin sa balat ng lupa. Subalit hindi niya napigil ang galit. At sinisiguro niya lamang na hindi makalalabas ang pangyayaring iyon sa loob ng ‘Casa Maria’.

Kinaumagahan naman ay sumunod sa kamatayan ang isang negosyante na diumano’y hindi nagpapasuweldo ng tama at kung ituring ang kanyang mga manggagawa ay parang mga kalabaw na walang kapaguran.

“Anong ginagawa niyo dito? At bakit ako hahatulan ng Krusada? Linggo-linggo akong nagsisimba at nagbibigay ng donasyon sa simbahan a.” Ang maangas na sambit ng negosyante. “Manuel ano ba ito?”

-Hindi mo kailangang magtanong bagkus ay kailangan mong magpaliwanag. Kung ang mga huling salita mo lamang ay paghingi ng kapatawaran, maaaring may pagasa pa sana ang kaluluwa mong marating ang kalangitan.

-Isa ding uri ng ka-imoralan at panggagahasa, ang pananamantala at hindi pagbibigay ng marapat na gana ng mga kapitalista sa kanilang mga pobreng manggagawa.

At umalingawngaw ang isang putok ng baril at naiwang nakabulagta ang negosyante sa mismong harapan ng kanyang malaking palayan.

-Ipagpatuloy niyo lang ang pagsasaka. Ito na ang inyong pagkakataon upang mapagkakitaan ng tama ang mga palay na araw-araw ninyong pinaghihirapan.

*

            Ang huling hahatulan para sa sangkapat na ito ay si Tata Claudio. Isang huwad na pinuno ng isang relihiyon na walang ibang ginawa kungdi ang tumuligsa sa Katolisismo at iba pang relihiyon gaya ng Islam, Saksi ni Jehova at iba pa. Ang bahay sambahan nito ay nakatirik sa isang burol na may kalayuan sa sentro ng siyudad. Isa sa hindi mabilang na mga dahilan upang ito’y tuluyang hatulan ng Krusada ay may nakakita dito sa harap mismo ng simbahang Katoliko na pinipilas ang bawat pahina ng Bibliya at isang beses ay ginawa pa nitong pangsindi ng kanyang sigarilyo ang isang dahon mula sa Bagong Testamento. Ang pinakahuling demandador ay mismong miyembro nito na lumapit ng personal kay Padre Agustin. Ayon sa ginang ay inasawa ni Tata Claudio ang kanyang halos disi-sais-anyos pa lamang na anak. Wala siyang nagawa at ngayon nga’y sa bahay sambahan na ito nakatira. Kaya naman ganun na lamang ang galit ng pundador ng Bagong Krusada.

Magdadapithapon nang dumating sa burol si Manuel at ang mga Krusado. Nasa walumpu ang hukbo na susugod sa balwarte ni Tata Claudio. Mariing sinabi ng demandador na may sariling mga sundalo din ang huwad na pinuno. May armas din ang mga ito. Alam ni Manuel na kapag natunugan sila ng mga bantay nang nasa ibaba pa lamang sila ng burol ay mahihirapan na silang umakyat, at sa kabilang banda naman ay madali lamang silang aasintahin ng mga ito magmula sa itaas. Kaya naman pagapang na umakyat ang mga ito at gamit ang espada ay isa-isa nilang itinutumba ang mga bantay ni Tata Claudio nang buong ingat. Pinilit nilang maging tahimik ang unang pagsugod hangga’t posible upang ganap na makalapit sa bahay sambahan kung saan doon din naninirahan ang pinuno ng kulto. Kulto ang tawag ng Bagong Krusada sa mga grupo na kung saan wala namang basehan at kasaysayan ang mga gawa at paniniwala ng mga miyembro nito na nanggagaling mismo sa isang huwad na pinuno.

Ngunit sadyang hindi maiiwasang madiskaril ang kanilang hangad. May apatnapung metro pa ang kanilang layo sa bahay sambahan ng may isang sigaw silang narinig na agad sinundan ng walang humpay na pagpapaputok ng baril. Wala nang ibang dapat gawin ang hukbong Krusada kundi ang tuluyan nang lumantad at makipag-palitan ng putok sa mga kalaban.

Kung iyo lamang mapapanuod mula sa itaas ang nagaganap na digmaan ay iisipin mong ang mga ito ay mga bata lamang na naglalaro. Walang kumukubli, harap-harapang nagbabarilan ang mga ito habang patuloy sa pag-abante. Patay kung patay. Ngunit ang mga miyembro ni Tata Claudio ay mga normal na residente lamang na inarmasan upang depensahan ang kanilang pinuno at bahay-sambahan. Ang mga Krusados ay nagbilang ng dalawamput anim na buwan bago maging isang ganap na miyembro ng hukbo. Sila ay dumaan sa matinding pagsasanay sa pakikidigma.

Ang primerong sandata ng isang Krusado ay hindi baril bagkus ay espada. Kung espadahan ang labanan, sa bawat isang Krusado, ang katumbas ay apat hanggang limang kalaban. Ngunit ang panahon ngayon ay puro de-baril na ang mga imoral. Kaya naman isang baril at isang espada ang nakatalaga sa bawat sundalo ng Bagong Krusada.

Matapos malipol ng mga Krusados ang mga bantay ni Tata Claudio ay naabutan ng mga ito ang matanda na nagdarasal sa loob ng sambahan. Iniikot ni Manuel Zaballa ang kanyang paningin. Hindi niya inaasahan ang nasa altar, ito’y isang manikin na sinakbluan ng bungo ng isang kalabaw na may pagkahaba-habang sungay habang tangan ang isang Rosaryo sa kanang kamay at umaalingasaw na tipak ng karne ng hayop sa kaliwa na talaga namang kaakit-akit sa daandaang langaw na nananalasa dito.

Kahit isang sulyap ay walang ibinato sa kanila si Tata Claudio. Nanatili itong nakayuko at nakapikit. Lingid sa matanda, nasabuyan na ng gasolina ang buong bahay-sambahan. At habang nasa loob ang huwad na pinuno, kasabay nang paglabas nila Manuel ay tuluyan na itong sinilaban ng mga Krusados.

Matapos itambak sa isang malalim na hukay ang mga patay ay doon nadin sa burol sinunog ang ilang mga nangamatay na Krusados sa digmaan. Ganap na ang paghahatol para sa sangkapat na ito. At ang lahat ay maghahanda na lamang muli matapos ang tatlong buwan.

*

“Manuel anak. Nakausap ko si Minda. Iyong nanay ng kaibigan mong si Victor. Aba’y malapit na daw umuwi ulit dito. Hindi ba’t ang batang iyon ang nakapatay sa anak ni Santiago? Pagdating na pagdating ay kausapin mo nga. Ang naging trabaho daw nuon ay Security Guard. Pihadong maghahanap dito ng trabaho iyon. Kausapin mo’t baka mahikayat mong maging isang Krusado.”

Hindi maitago ni Manuel ang galak nang marinig ang balita ni Padre Agustin. Napakahabang panahon na din silang hindi nagkita ng matalik na kaibigan. Magkakilala na ang dalawa simula nang sila’y maging Sakristan sa simbahan ng Sta. Maria. At naging magkaklase din sila sa paaralan.

Si Victor ay natural na mabait. Ugali na nitong mamigay ng kanyang pagkain kahit magutom pa ito. Ang isang pirasong tinapay ay hahatiin pa nito kung kinakailangan para sa iba. Kabaligtaran ni Manuel. Bilang isang anak ng magsasaka ay ginto para sa kanya ang isang galunggong at isang takal na kanin. Ang katuwiran niya’y halos makuba na sa pag-aararo ang kanyang ama para lamang mapakain sila ng kanyang ina ay ipamimigay pa ba naman niya ito. Kahit kumain pa siya sa ilalim ng lamesa o sa loob ng banyo, basta makasiguro siya na hindi mahihingian ng mga kamag-aral. Napapangiti na lamang siya habang naaalala iyon.

Sila Victor ay hindi mahirap. Ang kanyang ina ay may sariling babuyan at manukan kaya naman may regular na pinagkakakitaan ang mga ito. Isa si Victor sa mangilan-ngilang estudyante na bago ang sapatos halos taun-taon. Ang iba namang napaglumaan pati uniporme at ilang damit ay ibinibigay nito kay Manuel upang mayroon itong magamit. Ang paborito nilang gawain ay ang magpalipad ng saranggola sa bukid at mamingwit ng isda sa ilog. Dito naman mapapakinabangan si Manuel. Bagama’t mahilig magpalipad ay hindi marunong gumawa ng mahusay na saranggola si Victor. Si Manuel ang gumagawa para dito. Ganun din pagdating sa pamimingwit ng isda.

Alam ni Manuel na noon pa’y ang pagiging isang doktor ang ninanais ng kaibigan. Ngunit bilang nag-iisang anak ay pinili nitong pagbigyan ang hiling ng ina. Siya naman ay matagal nang nagnanais na maging isang Pari sa hinaharap. Ngunit alam ng buong siyudad na hindi ito nangyari.

Hangad na lamang ni Manuel ay nawa’y habang nasa labas ng Santa Maria ay nagawa nitong tuparin ang pangarap na maging isang manggagamot nang ito’y umalis. At ganun na lamang ang kanyang lumbay nang mapag-alamang hindi ito nangyari at naging security guard lamang ng isang lumang gusali sa isang malayong probinsiya.

*

 Taong 1961. Onse anyos noon si Manuel nang mag-aklas ang mga magsasaka sa pamumuno ng kanyang amang si Rene laban sa hacienderong si Don Jose. Si Don Jose din ang nagmamay-ari ng napakalaking lupa na sinasaka ng kanyang ama. Tahimik na sumunod si Manuel sa mga magsasaka na nagtungo sa mansiyon ng matapobreng matanda.

-“Sawang-sawa na kami sa mga pagmamalabis at panlilinlang Don Jose. Oras na para tuparin ninyo ang pangako ng inyong butihing ama sa kanyang mga magsasaka. Lagpas na ang dalawang dekada at wala ka pa ding isinakatuparan sa mga kahilingan ni Don Juancho bago ito mamatay. Nawa’y ibigay mo na ang matagal nang dapat mapasaamin. Noong unang panahon pa man ay wala na kayong ibang ginawa kungdi ang mangamkam ng mga lupain!” Ang pangunguna ni Rene Zaballa.

Bago mamatay noon si Don Juancho Mariano ay inihabilin nito ang pagkakahati-hati ng kanyang mga lupain. At ang primero unong kagustuhan nito, bukod sa kanyang mga anak ay isaalang-alang din ang mga magsasaka at bigyan ng kaukulang lupa na ganap nang pag-aarian ng mga ito.

Ngunit hindi iyon ginawa ng panganay na si Don Juancho.

-“At sino ka sa akala mo Rene? Sino ka sa akala mo na kung magsalita ay hindi ka naging isang magsasaka nang isang araw man lang sa iyong buhay? Noong unang panahon pa lang ay sa amin na ang lupaing ito. At noong unang panahon pa lang sampu ng inyong mga ninuno ay namumuhay na bilang mga magsasaka para sa pamilyang ito. Iyon ang totoo.” ang sagot ni Don Jose.

-“Kung hindi dahil sa aming mga hinahamak mong magsasaka ay hindi kayo mananalasa sa buhay nang ganyan.” sigaw ng isa.

-“At kung hindi dahil sa kamangmangan ng inyong mga magulang ay hindi kayo namumuhay ng miserable at nagmamaingay nang ganyan.” ang sagot ni Don Jose sabay kasa nito sa de-sabog na baril.

Paghakbang ni Rene Zaballa papalapit sa matanda hawak ang kanyang itak, si Manuel na nakasilip mula sa puno ng mangga at ang mga kasamahang magsasaka ay biglang nagulantang nang halos magkalasug-lasog ang katawan ni Rene matapos ang dalawang magkasunod na putok mula sa de-sabog na hawak ng matanda.

Ang iba ay tumakbo, ang iba ay napaatras, ang iba ay natulala. Si Manuel, magmula sa punong pinagkukublihan ay agad tumakbo papalapit sa ama. Walang nang nabanggit na kahit anong salita si Rene. Habang hawak-hawak ng anak ang kanyang ulo upang iangat mula sa lupa ay nagtititigan na lamang ang dalawa, nanlilisik ang mga mata ng ama ni Manuel, kasabay nang pagbulwak ng dugo sa kanyang bibig ay pilit nitong pinaglalabanan ang pagkaubos ng hangin mula sa kanyang baga. Ayaw pa niyang mamatay. Paano na lamang ang kanyang anak? Subalit napakalubha ng sugat ni Rene. Milagro ang kailangan para mabuhay pa ito, hanggang sa tuluyang na itong malagutan ng hininga.

Nanatiling blangko ang mukha ni Manuel, habang nakatingin sa walang buhay na ama ay walang pumatak kahit isang luha. Nakatitig lamang ito nang matagal. Pagkaraan ay tiningala niya ang nananabakong matanda.

Sa sobrang talas ng tingin ni Manuel ay si Don Jose na ang umiwas. Hindi niya nakayanan ang titig ng bata. Sa tindi nang pagkakatitig ni Manuel ay kahit isandaang taon ang lumipas ay hinding hindi niya makakalimutan ang mukhang iyon.

At inalalayan na siya ng mga nanlulumong magsasaka. Sila ay uuwing talunan para sa pagkakataong ito. At isinakay nila sa kalabaw ang kalunos lunos na bangkay ni Rene Zaballa…

*

Kabanata III: Ang Pagbabalik

Habang nasa sasakyan si Victor ay kitang kita sa mukha nito ang kagalakan sa kanyang pagbabalik. At matapos ang halos labintatlong oras na biyahe ay natatanaw na niya ang arko ng siyudad na tinubuan. “Maligayang Pagdating Sa Siyudad Ng Mga Banal!Viva Santa Maria!”, ang nakasaad sa arko. Siguradong maluluha sa tuwa ang kanyang ina dahil kinabukasan ay kaarawan din nito. Ang kanyang ina lamang, namayapang ama at ilang kamag-anakan ang nakakaalam kung saang probinsya siya nanirahan nang iwanan niya ang Santa Maria. Dalawa hanggang apat na beses sa isang taon kung dalawin siya ng mga ito.

Napansin niyang marami na nga ang nagbago sa siyudad. Ang dating mga kalsadang lupa ngayon ay sementado na. Mas madami ang tao sa kalye kumpara noon. Kay gandang tingnan ang mga hile-hilerang tindahan ng mga gulay at prutas. Ang mga berdeng kabundukan. Nandoon padin ang mga naggagandahang palayan. Nang makaraan ang sasakyan sa simbahan ng Santa Maria ay bumaba na si Victor. Dadaan muna siya dito upang magdasal. Wala itong ipinagbago, sinasalamin padin nito ang kasaysayan dahil walang idinagdag at inalis sa halos dalawandaang taong gulang na Iglesia Katolika.

Ang Santa Maria ang pinakamalaking siyudad sa buong probinsya ng San Agustin. Ang tulay ng Manggahan na humigit-kumulang anim na kilometro ang haba ang nagdudugtong sa napakalaking islang ito sa silangang hilaga ng Luzon. Bukod sa mga simbahan na daandaan na ang mga edad ay sagana din ito sa mais at bigas na dinadala sa Maynila at iba pang probinsya. Kaya naman kahit ‘ilang’ ang probinsya ng San Agustin ay nakakapamuhay ng simple at sagana ang mga naninirahan dito.

Makaraan ang dalawang oras ay nakatayo na si Victor sa harapan ng tahanan ng mga Saavedra.Naabutan niya ang kanyang ina na nagpapatuka ng mga manok sa likuran ng bahay kasama ang pinsang si Peter.

-Victor anak!

-“Pambihira ka Victor. Hindi ka man lang nagpasabi nang masundo kita sa bayan. Mabuti’t hindi ka naligaw.” Biro ni Peter.

-Gusto ko talaga kayong sorpresahin. At saka baka pag nalaman ni inay eh baka magpatumba pa ito ng tatlong baboy at isandamakmak na manok.

-Aba’y ganon na nga ang mangyayari at bukas ay kaarawan ni Tiya Minda. Ipapaalam ko na din sa ibang kamag-anakan natin na dumating ka na. Tiyak na malaking pagdiriwang ito.

At tinulungan na ni Peter ang pinsang si Victor na magpasok ng mga gamit.

Habang nanahanghalian ang mga Saavedra ay napasok sa usapan si Manuel. Buong detalyeng ikinuwento ni Minda at Peter ang buhay na ginagalawan nito pati na ang tungkol sa Bagong Krusada. Ngayon ay lubusan na niyang nauunawaan ang ibig ipahiwatig ni Mang Tonyo na hindi na nga ang dating Manuel ang aabutan niya sa kanyang pagbabalik. Hindi makapaniwala si Victor na ang nasabing kilusan ay may basbas ng Iglesia Katolika. Para sa kanya ay isa itong napakalaking kahibangan. Maaaring totoo na ang kilusan ay inilunsad para sa kapakanan ng nakararami laban sa mga salot ng lipunan ngunit mayroon namang batas ang tao para dito.

“Kahit kailan ay hindi ginusto ng Diyos na makitang nagpapatayan ang kanyang mga nilikha bagkus ay ang paglaganap ng kapayapaan sa buong sangkatauhan.”

Ang hindi talaga lubos maisip ni Victor ay kung papaanong nahikayat ng kung sino si Manuel at anong klaseng mga salita ang ginamit nito upang sumanib at mamuno sa ganitong klase ng kilusan.

Bukas na bukas din ay dadalawin niya ang kaibigan…

*

Pagpasok na pagpasok ni Victor sa pintuan ay agad siyang sinalubong ni Manuel at mahigpit na nagyakap ang magkaibigan. Labindalawang taon na hindi nagkita ang dalawa. Dalawamput Siyam na taong gulang na sila ngayon.

Disi-siete anyos ang dalawa nang pumasok sa seminaryo. Sa grupo ng mga binatang iyon ay si Manuel ang pinaka dedikado upang maging isang Pari. Ito ang pinaka masunurin sa lahat ng gawain. Si Victor naman, sa araw-araw na ginawa ng Diyos ay batung-bato sa loob. Kay haba ng isang maghapon para sa kanya. At kung pinilit niyang tiisin hanggang sa siya’y ganap na maging Pari ay malamang tuluyan na siyang nawala sa katinuan. Ang pagiging isang doktor ang kanyang pangarap na propesyon balang araw at hindi ang maging isang Pari. At ang isa pang bumabagabag sa kanya ay ang lihim na pagsinta sa kaibigan nilang si Angelica. Paano na lamang kung isa na siyang Pari? Siya ang magkakasal dito pagdating ng araw? Hindi niya kayang tanggapin iyon. Hanggang isang gabi ay nagdesisyon na nga si Victor na umalis. Nag-iwan na lamang siya ng sulat kay Manuel.

Hindi naman dinamdam ni Manuel ang desisyon na iyon ng kaibigan. Naiintindihan niya ito at kasama sa kanyang araw-araw na pagdarasal na nawa’y matupad ang pangarap nito sa buhay. At siya naman ay nanatili sa loob ng seminaryo.

Si Manuel, matapos mailibing ang kanyang ama ay kinupkop na siya ni Padre Juanito at nanirahan sa simbahan ng Santa Maria. Bilang sakristan at alalay ng ma-edad nang Kura Paroko ay lalo siyang naging malapit sa kabanalan.

“Manuel anak. Alam kong sa kabila ng iyong likas na kabutihan ay may nakakubling matinding poot sa iyong damdamin. Kailanman ay huwag mong tatanungin ang Diyos kung bakit nangyayari ang mga bagay-bagay na hindi natin gustong maranasan. Huwag mong babatikusin ang kalangitan dahil mayroong mahihirap at mayroon ding mayayaman. Lahat tayong mga nilikha ay may nakatakdang pagsubok na pagdaraanan. Huwag mo nang pilitin ang mura mong isipan na ang lahat ay maunawaan, bagkus ay matuto kang tanggapin ang lahat ng ito at ipagpatuloy mo lamang ang pananampalataya sa Kanya, at sa Iglesia Katolika.” Ang sabi ni Padre Juanito sa batang si Manuel.

Isa lamang ang pangaral na iyon sa mga natutunan niya sa Kura Paroko upang tuluyang magtulak kay Manuel sa pangangarap na maging isang alagad ng Diyos balang araw. Ngunit isang gabi ay nadatnan niyang nakalugmok si Padre Juanito na naliligo sa sariling dugo. Pinagnakawan ang simbahan ng Santa Maria ng mga walang konsensiyang nilalang. At dahil dito ay nanumbalik ang poot sa kanyang pagkatao. Sinong mga alagad ng demonyo ang may kagagawan ng pagpaslang sa tapat na tagapaglingkod ng Diyos ay hindi na nalaman pa hanggang sa kasalukuyan.
Ang pangyayaring iyon ay isa lamang sa mga naging basehan ng pumalit na Kura Paroko na si Padre Agustin na lumaki din sa paggabay ni Padre Juanito. Ilang taon ang nakalipas matapos ang pagkamatay ni Padre Juanito ay nagtawag ito ng isang pagpupulong upang talakayin ang mga sunud-sunod na krimen at mga ka-imoralang nag-uumpisang lumukob sa buong siyudad. Hindi lamang mga deboto, pati mga seminarista ay hinikayat ding dumalo noong araw na iyon.

“Noong unang panahon ay inilunsad ng Romano Katoliko and isang malakihang kampanya upang ipagtanggol ang Katolisismo at mga lupaing sinasakupan nito. Ang Krusada. Ang pangunahing hangarin nito ay magsilbing pangdepensa ng Iglesia Katolika, at bilang tagapagpigil at tagasupil sa mga patuloy na tumutuligsa dito.” Panimula ni Padre Agustin.

“Sa kasalukuyang panahon ay sino pa nga ba ang ating masasandalan laban sa imoralidad at kasakiman? Mga magnanakaw na pulitiko? Mga buwayang pulis at opisyales ng militar? Hindi nga ba’t malimit ay sila ang mga demonyo na nag-anyong tao sa lupa? Oras na upang muling magsanib ang Krus at Espada. Nalalapit na ang oras na kung saan isang digmaang pandaigdig ang muling magaganap. At sa pagkakataong iyon, ito ay kikilalananin sa kasaysayan bilang Banal na Digmaan, Relihiyon laban sa Relihiyon, Pananampalataya laban sa Pananampalataya, Diyos laban sa Diyos. Oras na upang bumangon sa mahabang pagkakahimbing… Ang Bagong Krusada.

Hindi malaman ni Manuel kung dapat ba niyang pagsisihan o ipagpasalamat ang hindi pagliban sa mga isinagawang pagpupulong at pag-aaral sa pangunguna ni Padre Agustin. Sapantaha niyang sadya lamang mas malakas ang tawag ng poot at paghihiganti sa kanyang damdamin. Kaya naman imbes na Krus, Espada ang kanyang pinili upang paglingkuran ang Iglesia Katolika. Naniniwala siyang kahit ganap na siyang Pari, kung ibibigay ng tadhana na magkasalubong sila ng landas ni Don Jose ay magagawa parin niya itong patayin. Kaya naman hindi siya karapat dapat maging isang Sacerdote. Tuluyan na niyang kinalimutan ang pagpapari.

At hindi nagtagal, bilang siya ang pinakamalapit sa yumaong si Padre Juanito at naging tagabantay ng simbahan ng Santa Maria. Si Manuel ang napisil ni Padre Agustin na maging Heneral ng Krusada. Gaya ni Padre Juanito at nasubaybayan din ni Padre Agustin ang paglaki ng binata. Hindi din lingid sa kasalukuyang Kura Paroko ang wagas na malasakit at pananampalataya ng lalaki sa Iglesia Katolika.

At ang pinakahihintay na sandali ni Manuel Zaballa, ay ang paghatol kay Don Jose Mariano ng Bagong Krusada…

*

Kulang ang isang buong maghapon para lang magkamustahan ang dalawang magkaibigan. Mula sa unang araw matapos umalis ni Victor sa seminaryo ay kanila nang napag-usapan. Oras na para si Victor naman ang magtanong sa kaibigan.

-Balita ko’y sumanib ka daw sa isang kilusan. At ikaw daw ang pumatay kay Santiago Vera. Totoo ba ito?

“Bakit? Hindi ka makapaniwala?” balik tanong ni Manuel. “Totoo. Ako ang pumaslang kay Santiago Vera. Bago ko siya tuluyang patayin ay pinutulan ko muna siya ng dila at dinukot ang magkabila niyang mga mata. Alam naman natin Victor kung ano ang ikinabubuhay ng animal na iyon. Dulot ng mga kabataang lulong sa masamang bisyo ay ang pagkabasag ng daandaang pamilya. At hindi lang iyon. Iba’t ibang klaseng krimen gaya na lamang ng pagpatay ng walang kasaysayan, pagnanakaw, ultimo panggagahasa. Ang pangunahing dahilan ay paggamit ng droga.”
“Si Santiago ay isa lamang sa isandamukal na salot sa siyudad ng Santa Maria na nahatulan ng Krusada. At ang lahat ng paglipol na iyon ay mula sa aking pamumuno at pagmamando naman ni Padre Agustin.”

Tinutuktok lamang ni Victor ng kanyang mga daliri ang lamesa habang nakikinig kay Manuel. At alam ng huli na hindi kumbinsido ang kaibigan.

-Hindi ko kayang maging Pari Victor. Dadalhin ko hanggang hukay ang aking pananampalataya ngunit kailanman, alam ko sa sarili ko, lalo na nang mamatay ang itay, hindi ko kayang iwasan ang paggawa ng kasalanan.

-Alam mong walang sinuman ang isinilang at namatay nang hindi nagkasala Manuel. Maging ang mga Jerarca at Sacerdote ay nagkakasala. Pinili mo ang Espada higit sa Krus dahil may gustong kang patunayan sa iba. Kung ikaw lamang ay may gustong patunayan sa iyong sarili, Krus dapat ang iyong pinili.

-Karapat dapat silang mamatay at tuluyang maglaho sa lupa.

-Manuel. Sa murang edad pa lamang natin ay tinuruan mo na akong magbasa ng Bibliya. At alam mong simula pa lang ng pagkakapaslang ni Cain kay Abel ay hindi na pinaboran ng kalangitan ang pagpatay sa kapwa. Habambuhay na ‘kong magsisisi sa pagkakapatay ko kay Dante Vera. Ikaw? Anong nararamdaman mo? Sa tingin mo ba’y nakangiti si Mang Rene sa langit habang pinanonood kang walang habas na pumapatay dito sa lupa? Manuel, alam mong mali ito, at hindi ako makapaniwala na isang Sacerdote ang pinagmulan ng ka-imoralan na ito.

-Huwag mong kukuwestyunin kailanman ang pagkatao ni Padre Agustin sa aking harapan. Naiintindihan kita Victor. Nalilito ka. Hindi kita pipiliting sumanib sa Bagong Krusada dahil alam ko kung anong klase kang tao. Kapatid kita. At ito ang pakatatandaan mo, kailanman ay wala akong gagawin at pagdedesisyunan na ikapapahamak mo. Kung anuman ang pipiliin mong buhay sa bayan na ito ay irerespeto ko. Ang tanging pakiusap ko lang ay huwag na huwag kang magpapakita ng disgusto sa hukbong itinatag upang protektahan ang mga api at nananalampalataya sa Iglesia Katolika. At ikaw sampu ng iyong mga mahal sa buhay ay payapang maninirahan sa siyudad ng Santa Maria.

-“Bahala ka. Ngayon pala ay kaarawan ni inay. Magluluto kami mamaya. Kayong dalawa lang naman ni Angelica ang maiimbitahan ko at wala nako halos makilala sa mga tao dito. Aasahan kita sa bahay mamayang gabi.” At nagpaalam na si Victor sa kaibigan.

*

Matapos bisitahin si Manuel ay si Angelica naman ang sunod na tinungo ni Victor upang kamustahin. Ngunit ang unang niyang nabungaran sa tahanan ng mga Pacios ay si Ramil. Ang kasalukuyang Alkalde ng siyudad.

-Victor Saavedra. Matagal na kitang gustong makita at makausap. Lubos ang aking pasasalamat at pinaunlakan mo ang aking paanyaya sa tulong ni Tonyo.

-Mawalang galang na ho. Andiyan ho ba si Angelica?

Napangiti ang Alkalde. Hindi pala siya ang pangunahing sadya ng binata.

-Mayamaya lang ay nandito na iyon. May kalahating oras na ang nakalipas nang umalis si Tonyo para sunduin siya sa kanyang tindahan.

Habang nagkakape ang dalawa sa sala ay hindi na nagpatumpik-tumpik pa ang Alkalde. Marahil na ang karamihan na hindi lubos na nakakakilala kay Victor ay magtaka kung bakit ganoon na lamang ang pagnanasa ni Ramil Pacios na magtrabaho para sa kanya at sa kanyang pamilya si Victor Saavedra. Ngunit bilang Alkalde ng Santa Maria, si Victor ay napakaimportante para sa mga personalidad na gaya niya. Hindi lingid sa kanya ang lalim ng pagkakaibigan ni Victor kay Manuel Zaballa. Ang pamosong Heneral ng Krusada. Minsan itong nabanggit ng kanyang anak na si Angelica, “Kung hindi nilisan ni Victor ang Santa Maria ay marahil hindi humantong sa ganito si Manuel Zaballa.” Ang sabi noon ng anak sa gitna ng hapunan.

Di gaya ng karamihan, si Ramil Pacios ay hindi isang basurang pulitiko. Tapat ito sa tungkulin bilang Alkalde ng siyudad at bukal sa kalooban nito ang pagtulong sa kapwa. Kahit noong pulis pa lamang ito, ni minsan ay hindi nabahiran ng maling gawa ang kanyang dangal bilang isang alagad ng batas. Ngunit alam niyang bilang isang pinuno na pinagkakatiwalaan ng mga residente ng Santa Maria, ang isandaang mabuting gawa ay kayang palisin ng isang pagkakamali lamang. Intensyunal man o hindi. Kaya naman ganoon na lamang ang kanyang tiyaga sa pagpapaalala sa kanyang mga tagasunod pati na ang buong Konseho na nawa’y hindi sila madarang sa apoy ng tukso at ipagpatuloy ang serbisyong tapat para sa taumbayan. Kung hindi ay isa-isa silang malilintikan. Maaari nilang paglaruan ang  batas ng tao. Ngunit hindi ang paghahatol ng Krusada.

Hinihikayat ni Ramil si Victor na maging personal na tagabantay ng kanyang unica hija. At upang hindi siya mahirapan na kumbinsihin ito ay ikinuwento niya ang isang pangyayari may pitong buwan na ang nakalipas. Isang gabi habang nagsasara ng kanyang tindahan ng mga damit si Angelica ay nagtungo doon si Niño, isang Krusado. Si Niño Ramirez ay pumapangalawa kay Manuel Zaballa sa mataas na posisyon ng Krusada. Nagsisilbi itong kanang kamay ng Heneral. At hindi lingid sa mga Pacios ang pagtingin nito sa dalaga ng Alkalde. ‘Di tulad ng ibang manliligaw ni Angelica, si Niño ay hambog, marahas at mapagbanta. Bilang isang mataas na Krusado ay naniniwala itong wala siyang hindi pupuwedeng makamit. Kahit anak pa ito ng Alkalde ay wala siyang pakialam. Kitang kita ni Mang Tonyo ang takot sa mukha ng dalaga habang kinokompronta ito ng hambog na lalaki. Hindi pa man nakakatungtong sa pamamahay ng mga Pacios ay kasal na ang iniaalok nito.

“Mawalang galang na Niño, mag-gagabi na. Kailangan na naming umuwi ni Angelica upang maabutan ang hapunan ng pamilya.” Ang nangangatal na sabi ng tagapag-maneho.

Imbes na magsalita ay ang kanang kamao ng Krusado ang agad na sumagot. Bumalandra sa bangketa ang walang kalaban-laban na singkuwenta y dos anyos na lalaki at matapos ay iniwan na sila ng mga Krusados.

Lihim na nagpupuyos sa galit si Victor. Iyong kaisipan lamang na binabastos ang kanyang si Angelica ay nagtatagis na ang kanyang mga bagang. Ngunit ayaw nitong ipahalata sa kaharap.

-A. Meyor, huwag niyo ho sanang mamasamain. Wala ho bang mga pulis dito? O kahit mga personal na tauhan man lamang upang maging tagapagtanggol niyo kung saka-sakali. Aba’y kayo ho ang Alkalde ng siyudad na ito.

-Victor. Sa siyudad na ito, imbes na pagpupulis at pagiging sundalo ay ang pagiging Krusado na ang pinapangarap ng karamihang kabataan.Wala nang saysay ang Pulisya. Wala nang saysay ay mga Militar. Ang batas ng Republika ay hindi na umiiral sa siyudad na ito. Alam mo na naman siguro kung anong ibig kong sabihin iho. At huwag mong iisiping tuluyan nang nawala sa katinuan ang Iglesia Katolika. Lahat ng Pari sa Santa Maria maging sa mga karatig bayan ay mariing tumututol sa Bagong Krusada. Maliban lamang sa isa. Ang Pundador na si Padre Agustin Divinagracia.
Matapos tanggapin ni Victor ang alok ng Alkalde ay binigyan siya nito ng baril. Tinanggap niya iyon. At nagpaalam na ito. Hindi na niya mahihintay si Angelica dahil kailangan niyang tulungan ang ina sa paghahanda nito para sa kanyang kaarawan. Kasabay na din ito ng pagdiriwang ng kanyang pagbabalik.

Habang pauwi gamit ang sasakyang dyip ni Peter, walang ibang laman ang isip ni Victor kundi si Angelica. Nakasisiguro siyang kahit sino pa ang manakit sa babaeng tinatangi ay hindi siya magdadalawang isip na patayin ito. Kahit sinong Poncio Pilato. Kahit na sinong Krusado…

“Salingin niyo nang lahat. Huwag lang ang aking si Angelica. Kundi’y hindi ako magdadalawang isip na pumatay muli…”

*

Kabanata IV: Angelica

Pagsapit ng gabi ay mistulang piyesta sa bakuran ng mga Saavedra. Lechon, pancit at sari-saring putahe ang inihanda ng pamilya upang ipagdiwang ang kaarawan ni Minda at pagbabalik ng anak nitong si Victor. Bukod sa pagkadami-daming pagkain ay bumabaha din ng Lambanog at Tuba. Ang magpipinsang Victor, Peter, Jeffrey at Gerry ay naghuhuntahan sa isang mahabang lamesa kasama ang mga tiyuhin at iba pang bisita nang dumating ang isang pamilya na hindi na naman inaasahan pa ni Victor bagamat nag-iwan ito ng paanyaya kaninang umaga. Ang mga Pacios.
Wala nang iba pa pang napansin si Victor kundi ang papalapit na babae. Sa loob ng ilang taon, buong akala niya’y hindi na niya muling masisilayan pa ang mga ngiting iyon na kayang pumalis ng pagod at lumbay sa isang iglap lamang. Ang mahabang buhok nito na kasingganda ng pinaka perpektong gabi sa kasaysayan na nilahukan ng mga nagniningningang mga bituin. At ang mukha nitong pinagsikapan ng husto at pinaggugulan ng oras ng Lumikha upang lalangin ang isang obra maestra mula sa kalangitan. Si Angelica, ang babaeng ipakikipaglaban ni Victor Saavedra hanggang sa kamatayan.

-“Kamusta ka na Victor? Aba’y wala kang halos ipinagbago ah. Matagal tagal ka din nawala, ako nga pala si Angelica. Baka lang naman nakalimot ka na.” ang nagbibirong sambit ng babae habang nakangiti.

Gustong yakapin ng pagkahigpit higpit ni Victor ang kababatang babae ngunit siya ay inunahan ng hiya. Bagkus ay niyaya na lamang niya itong kumain sa loob ng bahay kasama ang Alkalde at si Mang Tonyo upang makapag-kuwentuhan sila ng maayos bilang may kaingayan sa labas.

-“Minda. Aba’y pasensya ka na sa pagsadya ko sa iyong anak ng walang paalam. At huwag mong kagagalitan si Peter. Halos isang buwan ko pang pinilit ang batang iyon para sabihin sa akin ang lugar.” Si Mang Tonyo.

Ngumiti lamang ang matandang babae at niyakag na si Mang Tonyo para maghapunan. Kung tutuusin ay dapat pa niyang pasalamatan ito ng lubos dahil kung hindi ito nangahas ay wala parin ang kanyang anak magpasa hanggang ngayon.

Hindi matiis ni Victor ang pagsulyap sulyap kay Angelica habang kumakain ito. Mas lalo pang gumanda ang kanyang prinsesa matapos ang humigit isang dekada. Mas ma-edad siya sa babae ng dalawang taon. Kung tutuusin ay mas matagal ang pinagsamahan nila ng babae kumpara sa kanila ni Manuel. Kasakasama ni Victor si Manuel habang sila ay nananaranggola sa bukid habang nakakasama naman niya ang batang babae habang masayang naglalaro sa kalye tuwing umuulan. Siya ang nagturo ditong lumangoy sa ilog, siya ang nagturo ditong sumakay sa bisikleta at kung anu ano pa. At bilang ganti, kahit lingid sa kaalaman ni Angelica ay itinuro nito kay Victor kung paano rumespeto at magmahal ng isang babae.

At higit sa lahat, ito ang nagmulat sa kanya na hindi siya maaaring maging isang Sacerdote.

-“Siya nga pala Minda, sa isang araw ay maguumpisa na si Victor sa bahay bilang tagabantay ni Angelica. Alam mo naman ang panahon ngayon.” Pag uumpisa ng Alkalde.

-“Aba’y oo nga naman. Pagkaganda-gandang bata pa naman nitong anak ninyo. At mabuti nadin na si Victor ang magbabantay sayo iha. Kaysa naman sa iba, mas nakasisiguro ang iyong kaligtasan dahil ang iyong personal na tagabantay ay totoong nagmamalasakit sa iyo.” Sabay sulyap ni Minda sa anak matapos ang makahulugang mensahe nito sa dalaga.

-“Siyempre naman po. Hindi ako pababayaan ni Victor. Madaming utang sa akin yan.” Ang nagbibirong sagot ni Angelica.

Nakangiti lamang si Victor habang nakikinig. Hindi siya makapagsalita ng maayos dahil mistula siyang isang makahiya na kusang tumutupi tuwing natatapik.

-“Aba. E nakatiis nga iyan magbantay ng minumultong gusali ng ilang taon, siguro naman e matitiis niya ang kakulitan nitong alaga ko.” Biro pa ni Mang Tonyo at nagtawanan ang lahat.

-“Victor! Si Manuel nasa labas. Ayaw pumasok eh nahihiya yata. Labasin mo na nga.” Sambit ni Peter.

Nagkatinginan lamang ang lahat. At lumabas na si Victor upang salubungin ang kaibigan.

-“Magandang gabi po. Tiya Minda maligayang kaarawan po.” Sabay abot ni Manuel ng regalo.

-“Ay salamat iho nag-abala ka pa. Aba’y ngayon ka lang ulit nadalaw dito ah. Taun taon kita pinatatawag kay Peter kapag may handaan. Alam mo namang wala lagi ang aking si Victor kaya naman gusto kitang makita.”

Alam ni Manuel na sinsero ang pagsasalita ng matanda. May hinanakit ito sa kanya dahil hindi lamang sampung beses siyang inanyayahan nito sa mga selebrasyon ng mga Saavedra. Maging ang kasal ni Peter ay hindi niya nadaluhan dahil ang petsa ay natapat sa paghahatol ng Krusada.

-“Nako. E huwag na ho kayong magtampo at ngayong naandito na si Victor ay pihadong magsasawa na kayo sa mukha niyang si Manuel.” Biro ni Angelica.

-“Aba. At naandito na pala ‘tong makulit na ito ah.” Ginulo ni Manuel ang buhok ng babae.

-“Magandang gabi po Meyor. Kamusta na ho.”

At nagkamay ang Alkalde at ang Krusado.

-“Mabuti naman iho. Halika’t makisabay ka na sa amin ng pagkain.”

Lihim na nagagalak ang Alkalde at mag-isa lamang pumaroon si Manuel. Ngayon ay tiyak na niyang hindi siya nagkamali sa paghikayat kay Victor. Nakasisigurado na siyang wagas ang respeto ni Manuel sa mga Saavedra. Kung tutuusin ay ngayon niya lamang ulit nakita ito nang mag-isa. Walang mga armadong kasama. Pansamantang mawawaglit sa isipan ng mga naroroon na si Manuel Zaballa ay ang tanyag na Heneral ng Bagong Krusada. At nakihalubilo ito bilang isang normal na residente gaya ng mga naroroon.

Matapos magkainan ay magkakaharap na ang matalik na magkaibigan at ang Alkalde sa isang lamesa. Kasalukuyan nilang pinag-uusapan ang sigalot sa pagitan ni Ramil Pacios at Mario Villanueva, ang kalabang mortal ng una sa pulitika. Si Mario Villanueva ay isang retiradong opisyal ng militar. Pinsan din ito ng kasalukuyang Gobernador ng probinsya kaya naman hindi basta-basta ang taong ito. Makapangyarihan at mapanganib. Noong nakalipas na eleksyon lamang ay apat na tagasuporta ni Ramil Pacios ang naipapatay nito.

-“Ang kagandahan sa siyudad na ito ay may karapatang mamili ng karapat dapat ang mga tao. Noong wala pang Krusada ay nagagawa ng mga tiwaling pulitiko ang pananakot sa mga botante.  Kaya naman hindi na nakapagtataka na si Meyor ang nanalo. Kumpara naman sa Mario Villanueva na iyon. Na walang ibang ginawa kundi ang batikusin ang gobyerno. Samantalang wala pa namang nagagawa para sa bayan. Bigyan daw siya ng pagkakataon. Kung talagang bukal sa kanyang kalooban ang pagtulong sa kapwa, sa dinami-dami ng pera niya ay kaya niya namang tumulong kahit wala siya sa posisyon.” Si Manuel.

-“Tama ka iho. Saka pawang mga kasinungalingan naman ang ibinabato sa akin ng hudas na iyon. Kesyo madami akong babae, nagkalat ang aking mga anak, mga ari-arian sa buong Luzon. Napakadumi maglaro ng taong iyon. Tingnan mo naman at dalawang taon pa bago ang susunod na eleksyon ay wala nang ibang ginawa kundi yurakan ang aking pagkatao.” Si Ramil.

-“Ang mga ganyang klase ng pulitiko ang salot sa bansang ito. Dapat sa mga iyan ay ibinabaon ng buhay sa lupa.” Sunod ni Manuel.

Nagkatinginan na lamang si Victor at Ramil nang madinig ang sinabi ng kainumang Krusado.

-“Siya nga pala Victor. Nabanggit sakin kanina ni Meyor na ikaw daw ang magiging tagabantay ni Angelica. Aba’y magaling. Lalo na ngayon at narinigan kong may pagbabanta daw ang mga Villanueva dito kay Meyor at sa kanyang pamilya. Bibihira na ngayon ang mabigyan ng trabaho na kung saan mahal na mahal mo ang iyong mga gawain sa araw araw.” Sabay kindat ng nakangising si Manuel.

Hindi inaasahan ni Victor ang birong iyon at sa sobrang hiya ay napatingin lang ito sa ama ni Angelica. Ngumiti lamang ito pabalik.

-“Gago ka Manuel! Hindi ka na nahiya kay Meyor.”

-“Tamo ka. Ano naman ang masama doon. Kung maganda ang hangarin ng isang lalaki sa aking si Angelica ay bakit naman hindi. Karapatan mong manligaw kung gusto mo.”

-“Ayos. O diba? Tinulungan lang kita dahil alam kong torpe kang tao ka.” at itinaas ni Manuel ang baso. At sabay-sabay na lumagok ng alak ang tatlo.

Napakasaya ng gabing iyon. Kitang kita sa mukha ni Victor at Manuel ang pananabik sa isa’t isa. At ang muling pagkikita ni Victor at Angelica. Maging ang Alkalde ay napapangiti na lamang sa tuwing masisilayan ang tatlong magkakaibigan. Ngunit sa likod ng mga ngiting iyon ay naroroon padin ang pangamba. Sa paniniwala ng marami sila ay nananalasa ngayon sa payapang pamumuhay. Ngunit malakas ang pakiramdam ni Ramil Pacios na ang Bagong Krusada ay isang napakalaking maskara na tumatakip sa katotohanan. Ngunit ito ay kinakatigan ng primerong simbahan ng buong siyudad na sentro ng pananampalataya ng mamamayan. Ang Iglesia de Santa Maria.

At hindi mawawala ang kanyang pagkabagabag hangga’t nananatiling namamayagpag ang mga salita at sariling batas ni Padre Agustin na mistulang Diyos na din kung ituring ng karamihan…

***

Abangan ang buong Novella, susugod na sa 2016! \m/

http://www.juanbautistastories.com

Advertisement

One thought on “Ang Bagong Krusada (Novella)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s