Saint Sinner


Kuhang litrato ni Anthony Tenorio, Artcore Event sa AMA Computer College, Rizal 2003
(from left, Ewing Bufe, JB, Taki Perez)

Circa 2002.

Sa Big Fire Grill sa Anonas ang unang-unang bar gig ng banda namin. Dating Aristocrat na resto. Independent lang ang production na pinangungunahan ni Alex ng bandang Mage Warlox. Kakilala kasi siya ng bokalista naming si Taki. Mangilan-ngilang tropa rin ang nagpunta para sumuporta sa Saint Sinner. Kaya naman kahit papaano e nakabawas din sila ng kaba namin. ‘Yung drummer naming si Edwin, hindi mapakali sa mesa. Si Ewing naman na lead guitarist namin, tangina, nagse-set up na kami ng mga gamit sa stage sumusuka pa sa banyo sa dami ng nainom. Ako naman, na gitarista din (sa kasaysayan ng Saint Sinner hindi kami nagkaroon ng bahista), naninigas ‘yung mga daliri ko dahil bigla akong kinabahan nung nagbawas ng ilaw sa stage. Baka kasi magkamali ako dahil hindi ko masyadong maainag ‘yung fretboard ng gitara ko.
At ayun nga, sa ayaw namin at sa gusto, wala nang atrasan. Dahil bumanat na si Edwin ng four counts.

Power Metal ang genre ng Saint Sinner. Malayo ang tugtugan sa una naming banda ni Edwin na nagko-cover ng mga kanta ng Limp Bizkit, Deftones at Korn nuong 1999. At simula’t sapul, puro orihinal na komposisyon ang tinutugtog namin na may impluwensya ng Megadeth, Amorphis, Marilyn Manson, Motley Crue, Dead Kennedys, Mudvayne, Red Hot Chili Peppers, Deftones at marami pang iba.

Sa awa ng Diyos, hindi naman kami nagkalat. Ayos na ayos nga dahil nakakabinging palakpakan at hiyawan ang narinig namin pagkatapos ng ikatlo naming kanta. Nakaraos din, salamat po. Bulong ko sa sarili habang inililigpit ang gitara kong binili ko galing sa tuition ko ng isang semestre. Hindi alam ni ermats na hindi ako nag-enrol ng semestreng ‘yon dahil ibinili ko ng gitara ang ibinigay niyang pera. Ganun ako ka-gago.

Mga dalawang banda pa ang tumugtog bago kami nilapitan ni Alex. Ang angas daw ng tugtugan namin at nagpasalamat siya. Matapos ng konting kuwentuhan, inabutan niya kami tig-dadalawang daang piso. Lahat din daw ng maiinom namin, sagot na ng production, umorder pa ng pulutan. Tuwang-tuwa na kami non dahil fishball lang ang kinain namin bago magpunta sa bar.

Masaya ang gabing ‘yon. Kaya ko nga naikukuwento ngayon dahil sariwang-sariwa pa rin sa alaala ko ang bawat minuto ng first bar gig namin.

Matindi rin talaga ang mga banda nuong early 2000s na hardcore, metal at nu metal era. Habang namamayagpag ang Cheese (Queso), Geryhoundz, Slapshock at Chicosci, nanduon pa rin ang medyo mas underground pang mga banda gaya ng Glitch, Zoom, COG etc. Sobrang angas, sobrang dami ng mga soundtrip nuon.

Isa pang gig na hindi ko makakalimutan, ‘yung sa katipunan. Hindi ko na maaalala ‘yung pangalan ng venue at hindi rin ako sigurado kung huling gig ba namin ‘yon pero nuon namin nakasabay ang mga matitinding underground bands gaya ng Valley of Chrome, DTS, SIN, Pentavia at Dicta License (hindi pa sikat ang DL nuong mga panahon ‘yon). Tanda ko pa nga, na parang gusto na naming umatras dahil SIN ang tumugtog bago kami. Sa sobrang lupit nila parang ayaw na naming umakyat ng stage dahil sobrang hype ng mga tao. Tapos pagkatapos namin, Valley of Chrome at Pentavia ang susunod kaya naman sa isip-isip namin, sobrang fucked up ng line-up na ‘yon. Pero nairaos naman namin nang matino ang performance namin. Ganun naman lagi, kaba sa una, tas enjoy pagkatapos. Nasa disi-otso ‘gang disi-nuwebe lang kami ng panahong iyon, kaya naman, hindi pa namin ganap na na-realize na ‘yung mismong performance ang pinakamasaya at pinakatumatatak sa isipan. Naisip lang namin ‘yon, makalipas ang ilang taon. Kapag nag-iinuman kami at ginugunita namin ang mga ganitong eksena ng aming buhay.

Saint Sinner. Hayup na pangalan ‘yan. Pero ayos din ang karera naming ‘yon kahit tatlong taon lang ang banda (2002 – 2004). Tatlong taon lang ang banda namin dahil tutok sa pag-aaral sina Edwin at Taki. Si Ewing naman, side project niya lang kung tutuusin ang Saint Sinner.

Hindi nagtagal at nakapagtapos na sila ng pag-aaral at nakapagtrabaho na. Ako ang napag-iwanan. Dahil hanggang sa nagkaroon na sila ng sarili nilang pamilya, 3rd college pa rin ako. Kaya masasabi kong nuong kasagsagan ng pagtutugtog namin, sila lang ang may ambisyon sa buhay.

Ako? Hindi ko pa alam kung anong gusto ko sa buhay nuon. Habang nangangarap na ang mga taong nasa paligid ko, ako, nagsasaya lang. At nagsasayang ng oras.

Ang nakakapanghinayang lang dito, hindi kami nakapag-record ng kahit isang track man lang. Meron kaming nai-record nuon habang nagja-jamming sa isang band rehearsal studio sa Anonas, Q.C. Sa cassette tape lang nai-record ‘yon pero siyempre, nawala rin.

Pero hindi naman siguro sa kuwentong ‘to magtatapos ang lahat. Nakatitiyak akong nasa utak pa rin namin ang mga areglo ng bawat kanta.

Musika mga tol. Sa oras na yakapin mo ‘yan, hindi ka na iiwan niyan.

– JB

Advertisement

One thought on “Saint Sinner

  1. Hala ang saya! May mga kaibigan din akong nagbabanda nung mga panahong yan. Mga PULP at NU107 days hehe. Lagi nila ko inaaya manuod ng gig nila kaso strikto lola ko di pa ko pwede gumala non.

    Like

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s