Tula

“Darating ang araw”

Kayraming pares ng mga mata ang
Nakita ko sa siwang ng nakasusulasok
Na imburnal.

Dalawa lang ang maaari kong gawin.
Ang pawalan sila, o
Ihian na lamang at ‘di na magbalik pa.

Ginawa ko ang huli.
May pahabol pang dahak!

***

“Walang lalim ang karimlan”

Ang sabi nila, wala raw katapusan ang
Lalim ng balong ito.

Pagod na pagod na ‘ko.

Kaya ako’y nagpatihulog ng lang na
Parang tuyong dahon.

Sakto lang;

Ayaw ko pang mamatay.

***

“Apokalipto”

Kagyat siyang napangiti
nang makita ang papalapit
na hukbo
ng mga taong walang balat,
pare-pareho ang mga mukha.
Nagmamaingay; subalit walang
idinudurang salita.

Muli siyang napangiti,
at sinilaban ang buong paligid.

Anu’t anuman ang mangyari,
hindi sila magtatagumpay.

***

“Puntod”

Kayrami nang namatay
Dumarami ang mga pumapatay
Tahimik, maginaw
Ang mga kamalayan ay malamig pa sa bangkay

Kayrami nang namatay
Na gumawa ng ingay
At kayraming buhay
Na bantulot gumawa ng ingay

***

“Sampaguita”

Namamasa ang mga palad
sa hawak na bungkos ng sampaguita

Ang hamog ay mapagparusa,
ang gutom ay walang pagsala

Kayraming nahuhumaling
sa amoy ng sampaguita

Kaya naman ang bayad ay sobra
at ang sukli; mas sobra

***

“Kabisera”

Ang kalansing ng mga kubyertos
ang nagpapaalala –
ng kanyang mga litanyang
dahilan,

ng katahimikan
ng buong pamilya.

“H’wag kang kumanta habang
kumakain!”

“H’wag kang magsalita kung may
laman ang iyong bunganga!”

“H’wag mo ‘kong tatanungin
tungkol sa’king trabaho!”

Ang kalansing ng mga kubyertos
ang nagpapaalala –
ng kanyang mga litanyang
dahilan –

ng paglisan
ng bawat isa.