Sandakot
Nilulukuban ng lumbay
ang marurusing na mga kamay
namanhid, inugat, nabahiran ng dugo
gutom nang magkamalay; gutom na mamamatay.
Naghirap sa ilalim ng kapangyarihan
gintong kubyertos, bibig na mala-pilak ang naglason
Palsong katotohanan, alay sa bayan
palalo sa tungkulin, ang niloloob ay patay.
Sandakot na bigas, sandamukal na luha
alat ng pawis, lansa ng dugo at pait ng lupa
Sandakot na kanin, habambuhay ang pasakit
sila’y nabubuhay nang mistulang patay.
Hindi natin makita, bilang nakakubli sa salakot
ang kanilang mga pusong niyayakap ng takot
Nagkapit bisig, binasag ng alingawngaw
sa kalsada nakahandusay, sa ilalim ng araw.
– Juan Bautista