Masdan mo ang mga bata

masdan

“Masdan mo ang mga bata”

Nung nakaraang mga araw, binaha ng larawan ng isang batang wala ng buhay sa dalampasigan ang Facebook at Twitter. Ayon sa kasabihan, “A picture is worth a thousand words”, pero nang makita ko ang larawan, daandaang emosyon ang aking naramdaman. Mahilig kasi ako sa bata. Kahit nuon pa, kadalasan noong isa pa ‘kong matagumpay na tambay’, uupo lang ako sa tapat ng bahay namin tuwing hapon at pinapanood ang mga batang naglalaro habang nagyo-yosi at kape.

Ang isang tipikal na bata, makikita mo sa bahay at kalsada habang nakikipaglaro. Habulan, taguan, baril barilan, naglalaro ng manika at kung anu ano pa. Ganun lang kasimple ang pagiging bata. At karapatan ng bawat isang bata ang maranasan ang ganung buhay. Yung ibang bata, hindi nakakapag-aral at nakakapaglaro tulad ng karamihan. Maaaring dahil sa mahirap lang sila, may karamdaman, batang artista, pero ang pinaka mahigpit na sitwasyon, ay ang maipit sila sa giyera. Tayo ngang matatanda, takot maipit sa gitna ng bakbakan ng dalawang kampo ng mga maderpakers na hindi natin lubos na maintindihan ang ipinaglalaban e. Sila pa kaya.

Sa panahon ngayon na mayroong internet, madali lang maghayag ng mensahe at saloobin tungkol sa isang bagay o isyu. Iba’t ibang pananaw, reaksyon at damdamin ang naihayag para sa ‘bata sa dalampasigan’. May nag-alay ng dasal, tula, naghayag ng pagkaawa at galit sa mga may sala.

Pero may ilan ding hindi ko maintindihan kung ano ang gusto nilang patunayan sa mundong ibababaw. May nag-post ng pic ng bata at kung anu anong kataranduhan ang pinagsasabi patungkol sa larawan. Hindi ko alam, pero siguro ito din talaga ang disbentaha ng kalayaan ng lahat sa internet at social media.

Ang mensahe ko sa mga ganitong klase ng tao, mga tol, tigil-tigilan nyo ang pagpe-facebook at gumawa na lang kayo ng ibang bagay na may kasaysayan. Kung sa tingin nyo ay “intelihente” kayo sa paghahayag at “pagkukunwaring” yan. Puta para kayong gago. H’wag kayong mag-aasta na para bang hinihintay namin lagi ang saloobin nyo tungkol sa mga ganitong bagay at ikamamatay ng marami ang kawalan nyo sa paligid. Dahil sa totoo lang, mas payapa ang  daigdig kung mananahimik na lang kayo.

Ito yung mga taong saksakan ng yabang at kisig na kisig sa kanilang mga sarili. Pero sa totoo lang, karamihan sa kanila ay wala pang napapatunayan sa buhay. Kung makapagsalita akala mo kung sinong ‘Philosoper’ ang mga tarantado pero kapag inabandona ng mga magulang, baka wala pang isang buwan e taong grasa na sila.

Mabalik tayo sa munting anghel, madalas tayong magreklamo tungkol sa katayuan at kalagayan natin sa buhay. Kahit ako napapamura kahit ma-trapik lang sa kalsada. Nagrereklamo tayo sa ulam na nasa lamesa dahil hindi natin gusto. Pero yung mga bata na nagiging biktima dahil sa kagaguhan nating matatanda, hindi nagrereklamo, simple lang ang ninanais nila. Makapaglaro, makapag-aral, kumain ng fried chicken o ice cream, mamuhay bilang bata. At sa pagtakbo ng panahon unti unti na silang makakapag isip ng mga plano at pangarap nila sa buhay habang tumatanda. Pero dahil sa mga kagaguhan ng makasariling mundo na ginagalawan nila, yung iba sa kanila hindi na tatanda. Yung iba sa kanila, hindi na magkakaroon nang masayang kaarawan. Yung iba sa kanila, hindi na matutupad ang mga pangarap sa buhay.

San nga ba patungo ang mundong ito? Kung saan nagiging makasarili na tayong mga tao? Paano na ang kinabukasan kung mismong ang mga bata ang nagiging biktima ng mga kaguluhang ito?

Sabi nga ng ASIN sa isa sa mga pinaka-dakilang awit na naisulat sa kasaysayan:

“Masdan mo ang mga bata, ang sagot ay ‘yong makikita”

Sadyang nakapanlulumo ang larawan. Sana lang, matauhan na tayong lahat matapos makita ang kalunus-lunos na imahe ng “bata sa dalampasigan”.

-JB

Leave a comment