THE MONEY TEAM: New Bilibid Prison Edition
Mga de-kalibreng baril, mobile phones, mamahaling alak, pera at kung anu-ano pang mga bagay na hindi mo maiiisip na magkaroon sa piitan. Yan ang mga nahuli sa isinagawang “Oplan Galugad” ng Bureau of Corrections sa ilang dormitoryo ng New Bilibid Prison, na kung saan ilan sa mga nakakulong ay mga drug lords at high profile convicts.
Ang lupit ‘di ba? Ganoon ba kaliit ang isang punyetang armalite para hindi mapansin ng mga tagabantay doon? Isang napakalaking kasiraan nanaman sa ating kapulisan at mismong gobyerno ang mga naisiwalat na kabulastugang ito, yung matandang OFW na ‘biktima’ ng laglag bala syndicate sa NAIA hindi ‘nakalusot’, pero yung dangkal dangkal na pera ng mga ‘matataas na uri’ng preso ay hindi nahuhuli. Anak ng boogie talaga anlakas maka-gago.
Yung totoo, nakalusot lang ba talaga sa inyo ‘yan? Saka maalala ko, yung gunggong na preso na may sariling studio sa kulungan (nanalo pa ng award ang balakubak na ito at may music video pa ang walanghiya), ano nang nangyari? Rockstar pa din?
Sa isang magandang gawa ng gobyerno natin na naibabalita, laging natatabunan ng mga dalawa hanggang tatlong kawalanghiyaan. Bakit ba laging ganon? Gaya ng karamihan, umaasa at naniniwala pa din akong maaasahan ang ating gobyerno, lalo na ang ating mga Pulis. Mahiya naman sana yung iba sa mga matitino nilang kabaro. Yung iba matagal nang pulis, nagdyi-dyip pa din papasok sa opisina o naka-motorsiklo. Yung iba, may magarang kotse, magandang bahay, dalawang chicks at kung anu-ano pa na hindi naman maipaliwanag kung saan nagmumula ang salaping ipinambibili nila sa mga ito.
Wala naman problema kung may iba pang pinanggagalingan ng kita ang ating mga Pulis. Karapatan nila ‘yon at mayroon din naman silang pamilya. Yung iba may negosyo, traysikel, taxi, sari-sari store, karinderya, mini grocery at iba pang negosyong ‘tapat’. Baka nga may iba pa na nagtitinda ng longganisa’t tocino sa presinto na gawa ng mga asawa nila.
Aba’y mahiya naman kayo sa kanila. Sa tuwing may hindi magandang balita o kabulastugan e nadadamay ang mga kabaro ninyo.
Kailan kaya matitigil ang mga ganitong klase ng katiwalian? Sinong PNP Chief kaya ang naka-tadhana sa kaayusan ng sistema ng ating kapulisan? Simula PO1 na nanunutok at nagpapaputok ng baril sa tuwing malalasing hanggang sa mga Coronel na may hindi maipaliwanag na yaman.
Simple lang naman ang mensahe e. Unang-una, sarili nyo lang ang makakagamot sa kapal ng pagmumukha ninyo. Pangalawa, h’wag naman kayong pumayag na ginagago kayo ng mga ‘may kapangyarihang’ kriminal sa oblo. Nasan na ang prinsipyo ninyo? Nabili na ba? At panghuli, ayun nga, mahiya naman kayo sa mga kasamahan nyong matitino at tapat. Ang malungkot kasi dito mukhang na-outnumber nyo na e. Nagmumukha tuloy na mas madaming gunggong na gaya nyo kaysa sa mabubuti na pinaniniwalaan ng karamihang Filipino na mangilan-ngilan na lang.
Sana naman, magawa nyo pang baguhin ang paniniwalang ‘yon.
-JB