“TAGABANTAY”
MEDIA. Diyaryo, radyo, telebisyon. Lahat yan, Media. Gaano nga ba ka-importante ang Media? Kung wala ang media, walang balita, kung walang balita, ibig sabihin ay walang “tagabantay”. Ang isa pang tanong, tagabantay ng ano?
Lahat. Aksidente, trapiko, paparating na bagyo, updates sa nawawalang bata, nahuli na ba yung riding-in-tandem, lablayp ni Kris Aquino at kung anu-ano pa. Basta, lahat. At higit sa lahat, ang bantayan ang ating Gobyerno. Yan ang responsibilidad ng Media.
Minsan napapaisip ako, nagagampanan ba nilang lahat ang mga responsibilidad na ito? At anu-ano ang mga dahilan kung bakit nawawala sila sa pokus at prayoridad?
Una, minsan nagagawa silang manipulahin ng mga tarantadong pulitiko at gangster ng lipunan; at imbes na bantayan at isiwalat lahat ng kagaguhan ng mga ito. Nagagawa ang ilan sa kanilang bayaran para gaguhin at gawing bobo ang mga mamamayan.
Pangalawa, yung segment nila tungkol sa lintik na “Showbiz Updates” na yan. Minsan e mas mahaba o madalas pa kaysa sa mga balita sa kalye, siyudad at isyung pulitikal; ultimo paghihiwalay ng mag-asawang artista na nagpakasal matapos makipaghiwalay sa kanilang mga dating asawa na kung saan ito ang umaruga sa anak nila sa mga una nilang asawa. Anak ng tinapa naguluhan ka ba? Ako din. Mga balitang walang kasusta-sustansya. Si young actress, nagpatattoo ng initials sa kanyang binti, alamin kung sino ang initials na yon. Tapos makikita mo initials ng ka-loveteam nya, pero ide-deny nya. Ayos di ba?.
Pangatlo, pumapasok na din sila sa mundo ng pulitika. Hindi ko sinasabing wala silang karapatan, pero bilang taga-media ang sinumpaan mong tungkulin ay upang “bantayan” ang ating gobyerno sa pamamagitan ng pagbabalita nang tapat at totoo. Tagabantay ka na nga nila bakit papasok ka pa diyan? Walang kapantay ang binibigay nyong serbisyo para sa amin sa pagbabalita, pagpupuyat, pagsasakripisyo at kung anu-ano pa para lang maiparating sa amin ang mga importanteng impormasyon. Sana (lalo na sa mga tapat at hindi bayaran), sa Media na lang kayo at kastiguhin ang mga pulitiko at sinumang may ginagawang katiwalian.
At ang huli, kapag ikaw ay isang tapat na mamamahayag, maaaring bumulagta ka na lang sa kalsada anumang oras. Kung ikaw ay isang matapang at walang kinikilingang tagabantay, madami kang masasagasaan. Kaya naman mas pinipili ng iba na umiwas na lamang alang alang sa kanilang mga mahal sa buhay.
May mga pagkakataon talaga na nakakabuwisit ang Media. Pero pasalamatan din natin sila, dahil sa bansang ito na kung saan nagkalat ang mga putarages na sakim sa pera at kapangyarihan, nandyan pa din sila. Ang ating “Tagabantay”…
-JB
Reblogged this on joycehernandezblog.
LikeLike