ABNKKBSNPLAko?! Nanghiram lang ako no’n ng kopya nito sa aking kaklase; binasa ko’t ako’y nahumaling na kay Bob Ong. Highschool pa lamang ako no’n. Una, isa ‘to sa mga librong nagmulat sa akin tungkol sa kalagayan ng edukasyon ng Pilipininas. Sa anumang perspektibo — estudyante man o guro, bulakbol o nerd, elementary o high school o college — masasabi kong “eye opener” ito para sa ating kasalukuyang henerasyon upang pahalagahan, magbigay ng kritisismo, at paunlarin ang ating edukasyon at kung paano ito nauugnay sa ating gobyerno, kultura, at kabataan. Sa katunayan, isa ito sa mga nag-udyok sa akin na kung bakit gusto kong maging guro (o kaya naman ay mabigyan lamang ng pagkakataon magturo). At pangalawa, hinahangaan ko ang paggamit ni Bob Ong ng katatawanan o humor upang iparating ang ilang seryosong mensahe. Makamasa at tunay na mga pangyayari ngunit hindi gasgas ang mga padale. Talagang makaka-“relate” ang sinumang magbabasa. Kaya naman, masasabi kong isa ito sa pinakamagandang akda na dapat basahin ng sinuman.
Rebyu ni Mark Jefferson Pascual
(Winner: JBS Book Review Contest 2017)