“Sa mga Kuko ng Liwanag” (ni Edgardo M. Reyes) Rebyu ni Renzo Prino

Anim na Bagay na Nagpapaalala sa Akin ng Nobelang “Sa mga Kuko ng Liwanag” ni Edgardo M. Reyes

1. Concrete Mixer
– tyambahan lang kung makakita ng ganito, pero sa tuwing nakakakita ako nito, pakiramdam ko nasa tabi ko si Julio; nakikinig sa pag-inog nito, na wari’y isang globo: kumakarugkog–kutug–kutug–kutug kutugtug–tugtug. (masining na paggamit ng wika)

2. Kuwintas na Sampagita
– sa tuwing nakakakita o nakaaamoy ako nito, nananariwa sa diwa ko ang katapatan at kabaitan ni Pol; bilang tao, kaibigan, anak at bilang umiibig.
Naging simbolo rin ito hindi lamang ng kagalakan, bagkus pati ng kamatayan.

3. Gusali
– tinuruan ako ni Reyes ng kung papaano hubaran ang isang gusali. Kaya sa tuwing pumapasok ako sa PUP, iniisip ko “Sino kaya ang mga nagpagod upang matayo ang mga gusali rito?” kung hindi dahil sa kanila, wala ang mga gusali—wala ang PUP—baka hindi na ako nakapag-aral. (sa isip ko, nagpapasalamat ako sa mga nagtayo nito at maging kay Reyes.)

4. Construction Worker
– sa araw-araw na pagsakay ko ng jeep, madalas akong may makasabay/makatabi na construction worker. Agad-agad namang kumukurot sa isip ko ang tanong na “Naranasan/nararanasan din kaya niya ang hirap/lupit/pagsasamantala na katulad ng ibang mga tauhan sa nobela ni Reyes?” (sana hindi. Sana hindi.)

5. Estero
– hinatid ako ni Reyes sa makatotohanang mundo. Binigyan niya ako ng pagkakataon upang masilip ang kasaysayan ng mga lugar noon sa kamaynilaan. Kaya sa pamamagitan ng isang estero, naaalala ko kung gaano niya karungis isinalaysay ang mga lugar noon sa kamaynilaan.

6. Kantang “Ligaya” ng Eraserheads
– wala ang kantang ito sa libro, pero, sa tuwing nakaririnig ako ng kantang ito, naaalala ko ang isang tauhan sa libro—si Ligaya Paraiso—na kumatawan sa masalimuot na kalagayan at naranasan ng mga babaeng probinsyana na nakipagsapalaran sa Maynila noon (at marahil nararanasan pa rin kahit sa ngayon).

Matapos kong basahin/dalumatin ang nobelang ito, hindi maitatanggi ng isip, puso at kaluluwa ko, na isa ito sa pinakamaganda, pinakamalaman at pinakamakabuluhang klasikong libro na naisulat ng isang Pilipino.

Hangga’t may isang bagay na magpapaalala sa akin ng nobelang ito, marahil hindi ko ito malilimutan o ganap na malilimutan. Muli’t muli itong mananariwa at maglalayag sa isip ko. Hindi ako lulubayan nito hanggang sa malagutan ako ng hininga. (ganoon kabagsik ang sipa ng librong ito sa akin)

Rebyu ni Renzo Prino
(Winner: JBS Book Review Contest 2017)

Advertisement

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s