Sitio Harangan

Sitio_Harangan

“SITIO HARANGAN”
Maikling Kuwento ni Juan Bautista

“Nay. San ho tayo?”

Sa wakas ay nakahanap din ng pasahero si Kardo. Sa itinagal-tagal ng kanyang paghihintay sa tapat ng Mercury Drug sa San Jose highway ay may lumapit din sa kanya. Subalit bantulot syang ihatid ang mag-lola nang sabihin ng mga ito kung saan ang kanilang tungo.

“Sa Harangan? Nakupo lola napakalayo naman pala ng destinasyon ninyo. Napakadilim ho dun magha-hatinggabi na.” sambit ni Kardo.

“Pasensya ka na iho, dadalawang dyip lang daw ang bumibiyahe doon araw-araw at alas kuwatro ng hapon ang huling biyahe. Alam ko namang napakalayo. Babayaran kita ng limandaan.”

Biglang naglaho ang antok ni Kardo sa nadinig. Para sa isang traysikel drayber na gaya nya ay suntok sa buwan ang mabayaran ng limandaang piso para lamang sa isang biyahe. Napakasuwerte na nga nya kung tutuusin kung kitain nya iyon sa loob ng buong maghapon. “Aba’y sige ho. Sakay na.”

Sa pagtataka ni Kardo, imbes na sa loob ng traysikel ay sa likuran nya umangkas ang matandang babae. Ang apo nitong nasa edad lima o anim lamang ang pumasok sa traysikel.

Disyembre ng hatinggabi. Nananagos sa buto ang lamig habang tumatakbo ang sasakyan ni Kardo. Napakadilim ng kanilang binabaybay na daang lupa patungong Sitio Harangan. At bukod sa lamig na dulot ng hangin ay kinilabutan si Kardo nang sya ay tumanaw sa salamin ng traysikel. Nanlilisik ang mga mata ng matandang babae nang magtagpo ang kanilang mga mata sa salamin. “A, Nay. Dito ho ba talaga kayo nauwi araw araw?” Hindi mapigil ni Kardo ang pangangatal ng kanyang boses dulot ng pinaghalong lamig at takot. Pilit nya mang isipin na normal lamang ang lahat ay hindi mawala sa kanyang isip ang mga kuwentong bumabalot sa Sitio Harangan. Alam nya. Kung hindi lamang sa limandaang piso ay kahit kaladkarin pa sya ng matanda ay hindi nya ito pagbibigyang isakay ito.

Hindi sya nakarinig ng tugon mula sa matandang babae.

Magkatipan na sakay ng motor na hindi na nakauwi, malaking asong itim na nag-aanyong tao, mangkukulam, aswang at kung anu-ano pang mga kuwento na nakarating sa bayan patungkol sa Sitio Harangan.

“Punyemas ano bang ginagawa ko dito?” bulong ni Kardo sa sarili. Sising sisi sya at nasilaw sya sa halagang limandaan sa kabila ng kabi-kabilang kuwentong katatakutan at kababalaghan ng Sitio Harangan. At muli syang sumulyap sa matanda sa likuran.

Kung kanina’y nanlilisik ang mga mata nito, sa pagkakataong iyon ay buhaghag na ang kulay abo nitong buhok na pagkahaba haba at nakanganga ito na animo’y tumitili nang walang tining. Agad nilingon ni Kardo ang ‘Screw Driver’ na nakaipit sa kisame ng kanyang traysikel at tangka na nya itong aabutin nang sya’y gulantangin ng napakalakas na tili ng bata sa loob.

“Aaaaaahhhh!” hiyaw ng batang lalake habang titig na titig kay Kardo.

“Putangina ka!” sigaw ng nagulantang na traysikel drayber sa bata.

 

“Hayaan mo sya!” halos kumawala palabas sa dibdib ang puso ni Kardo nang madinig ang tinig sa kanyang likuran.

“Diyos ko… Diyos ko… makauwi lamang ako nang buhay ay magsisimba na ‘ko.” Bulong ni Kardo habang halos nakapikit na itong nagmamaneho.

“Malapit na yata tayo Iho, dahan dahan lang.”

Parang walang narinig si Kardo at patuloy pa din ang pagharurot ng traysikel.

“Ang sabi ko’y malapit na tayo…”

Lahat ng buhok sa katawan ni Kardo’y tumirik nang maramdaman ang mainit na hininga ng matanda sa kanyang batok.

May limang minuto pa ang lumipas at may naaaninag na syang liwanag. “Diyos ko, sinusundo Nyo na ba ‘ko?” bulong ni Kardo.

“Ay sya. At nakarating din sa wakas. Iparada mo na dyan sa tabi.” Sambit ng matanda.

***

Hindi makapaniwala si Kardo sa kanyang nakikita. Napakadami ng tao at ilaw na sobrang liwanag ang sumalubong sa kanila sa destinasyon ng mag-lola.

“Nanay Lilia antagal nyo naman. Mabuti’t hindi kayo naligaw, saan ba kayo nasiraan?” tanong ni Direk Erik.

“Nako. E sa bayan pa, iniwan ko na doon yung drayber mo mabuti na lang at may nasakyan pa kaming traysikel. Ayos lang naman at nakapag praktis na ‘kong manakot.” Sabay kindat ni Nanay Lilia kay Kardo.

Ngiting-paiyak na lamang ang naitugon ni Kardo na magpasa-hanggang ngayon ay hindi pa din mawari kung ano ba kanyang pakiramdam.

“Hala sige nanay. Set na tayo. O ikaw, gusto mo bang umekstra?” tanong ni Direk Erik kay Kardo.

“Ho?”

“Oo ikaw. May eksenang kailangan ng traysikel mabuti’t naandito ka. Iaangkas mo sa likod si Marian.”

“Ma..Marian?”

“Oo. Si MARIAN RIVERA.”

WAKAS

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s