HAYSKUL: Si Crush, Giant Calculator, Suntukan at Paglundag sa Pader
1996-2000. Millenium Batch ika nga, at bilang batang 90s, isa ako sa mga mapapalad na estudyante na naging bahagi ng pagbibiyak ng Dekada Nobenta at ng Bagong Milenyo bilang isang Highschool Student. Magmula sa ebolusyon ng Cassette Tapes hanggang sa maging MP3. Eraserheads hanggang sa maging Sandwich at Pupil. Naglalakihang Motorola Phones hanggang sa paglabas ng Nokia 5110. Pagputok at paglaos ng NBA Cards at higit sa lahat, ang pamamayagpag ng Pinoy Alternative/Rock Bands. Marami akong nasaksihan, marami akong naranasan. Tahasan kong sinasabi ngayon na ang best era to be a Highschool Student? Syempre, 96-2K. Cutting classes, suntukan, love letters na nakasulat sa mabangong papel na galing Blue Magic at marami pang iba.
Makulay ang Highschool Life ko kumpara sa iba. Bakit? Siguro, dahil hindi ako kabilang sa mga estudyante na nag-aral nang mabuti. Hindi ako nagsikap maging Top 1 sa klase. Nung makakuha ako ng 76 na grado sa Trigonometry, nanlibre pa ‘ko ng meryenda sa buong barkada. Hinding-hindi ko malilimutan yon, 4th Grading noon at 3rd Year Highscool ako, kung hindi ko pa natapos yung higanteng ‘Scientific Calculator’ na gawa sa styro bilang ‘Special Project’ para sa’kin ng titser ko, hindi ako makakapasa. Yung Top 1 sa klase namin hindi yata nakatulog nang tatlong linggo nung naging Top 2 siya. Nung nalaman kong hindi ko na kailangan pang pumasok ng ‘Summer Classes’ para makatuntong ng 4th Year, para sa’kin ay piyesta na.
Tandang-tanda ko pa, 2nd Quarter exam namin noon sa Trigonometry. Napuwesto ako sa gitna ng Top Notcher namin sa Mathematics at Top 2 na tropa ko sa seating arrangement, kaliwa’t kanang pangongopya ang ginawa ko na halos mapigtasan na ‘ko ng ugat sa mata dahil na-master ko na ang mangopya nang hindi lumilingon. Ang resulta? Ako ang nakakuha ng highest grade sa exam sa Trigo. Pangalawa at pangatlo lang yung dalawang katabi ko sa exam. Ang tinde ‘di ba? Pero gaya ng inaasahan, natural hindi naniwala tung titser namin. Kaya naman pinag-retake niya ko ng exam at nakakuha ako ng umaatikabong 64. Lagpak. At ang masaklap, simula nuon ay nag-eexam na ‘ko nang walang katabi sa likuran. Kaya naman naranasan ko na rin ang magsulat lang ng pangalan ko at section sa test paper, tapos tumanga hanggang sa sumigaw na ng ‘pass your papers’ ang watcher.
Hindi ko iminumungkahi sa mga kabataan ngayon na kasalukuyan nang pumapasok, o sasampa pa lamang ng hayskul na h’wag silang mag-aral nang mabuti. Ang akin lang, bukod sa pag-aaral ay dapat maging masaya rin ang pagiging tinedyer mo. Mas Rockstar ka kung masaya ka na, matataas pa grado mo sa klase siyempre. Importante din kasi, iyon bang madami kang maaaring gunitain kasama ang mga dati mong kaklase sa hinaharap. Kasi sa totoo lang, hayskul pa lang ako ay hindi ko na inasam na balang araw, ay dadalo ako sa Batch Reunion namin upang pagkuwentuhan lang yung resulta ng National Secondary Achievement Test o (NSAT), kung paano nagka-edad ang mga artista ng “TGIS” at kung bakit hindi nagkatuluyan mga magkaka-lab team sa “Tabing Ilog”. Mayroong kanya-kanya tayong kaganapan sa ating mga buhay na kailanman ay hindi natin pagsasawaang sariwain nang paulit-ulit kasama ang ating mga kaibigan. At kumbaga sa libro, mas maganda at makasaysayan ang takbo ng istorya kapag may isang kabanata na nakatuon sa high school life mo.
Bilang ang pagiging Hayskul ay nasa gitna. Dito mo mararanasan at mararamdaman ang unti-unting pagbabago sa pagkatao mo. Magkakaroon ka ng ‘crush’, na isang dahilan nang hindi mo pagpasok sa eskuwelahan nang hindi plantsado ang uniporme mo at walang tig-dadalawang pisong gel sa bulsa. Matututo ka nang magtipid para may pambili ka ng Cassette Tapes ng E-Heads at Rivermaya, o pambili ng stuffed toys sa Blue Magic o pabango sa Bench (patok na patok nuon ang Bench 8 at Atlantis, Circa 1997-99).
At habang nalalapit na ang pagtatapos ng High School Life mo, mag-uumpisa na tayong magplano at mangarap nang seryoso para sa ating mga kinabukasan. Kaya naman kung wala kang maikukuwento kapag High School Life na ang paksa ng grupo, ibig sabihin non ay wala kang ibang ginawa kundi ang magsunog ng kilay at sumulyap sulyap nang panakaw sa crush mo.
Iyong ibang mga kaklase ko noon, kumpare ko na ngayon kaya malimit kaming magkita kita at masayang nagkukuwentuhan. Yung dalawa nga, nagkasuntukan pa noon. Dati kasi ay mayroong iskedyul tuwing Biyernes ng hapon kung sino ang magsasapakan. Kaya naman mistulang sabungan ang ‘pansyon’ noon na malapit sa eskuwelahan namin. Ginagawang ‘ruweda’ ng mga ungas yung mga puntod at doon sila nag-uupakan, minsan nga babae pa ang nag-aaway.
Isang araw naman, may ginanap na ‘Earthquake Drill’ ang eskuwelahan. Sinabihan kaming oras na umalingawngaw ang sirena ay hudyat na iyon na mabilis kaming kikilos at magtatakbuhan papuntang plasa. Nasunod naman ang ‘formation’ at natapos nang maayos ang drill pero pagkatapos, nagngingitngit ang mga Titser dahil ang ibang section ay tatlo hanggang anim na estudyante na lamang ang bumalik sa klase.
At bukod sa sugal na “digit”, isa rin sa mga hindi ko makakalimutang hayskul experience ko e ‘yung mga araw na nagka-cutting classes kami, partikular sa isa.
Isang araw, ay nagkasundu-sundo kami ng mga tropang kong ungas din na mag-cutting, para manuod ng sine. Mababa lang ang pader ng eskuwelahan namin nuon, mga anim hangang pitong talampakan lang siguro, kaya pwedeng lumundag sa kabila. Ang gaya ng nakagawian, ako ang nauunang tumalon sa kabila para ako ang maging tagasalo ng mga bag na iiitsa nila. Habang nagaganap ang batuhan at pagsalo ng bag, anak ng boogie, nagtaka na lang ako nung biglang nawala sa paningin ko ang mga lintek. ‘Yun pala nasa likod ko na yung Math Teacher namin, yare. Kinabukasan kasama ko na sa Principal’s Office ang ermat ko.
Hanggang ngayon, sa tuwing magkakaharap-harap kami ng tropang hayskul, iyon at iyon pa rin ang pinagkukuwentuhan namin. Mga kalokohan, mga crush, Death Threat at Ghetto Doggs at kung anu-ano pa. Basta, masaya. Masaya talaga ang high school life mga tol.
At sa awa ng Diyos, e lahat naman yata ng mga kasabayan ko nuon sa Rodriguez, Rizal, e nasa ayos naman na kalagayan. Yung iba, gaya ko, nasa abroad na din. Yung iba negosyante. May ka-batch din akong kasalukuyang Konsehal ng bayan namin.
Kayo? Gaano kasaya ang mga High School Life niyo? At sa mga mambabasa na hayskul pa lang, mag-aral kayong mabuti siyempre, huwag kayong maniniwala sa kasabihan ng mga ungas na ‘makatapos ka lang hayskul, e ayos na’, kagaguhan ‘yon. Edukasyon ang isa sa mga sandata ninyo sa hinaharap, huwag niyong sasayangin ang pagkakataon at ang pagsisikap ng mga magulang ninyo. At siyempre pa, siguraduhin ninyo na magiging masaya ang kabanatang ‘yan ng inyong mga buhay.
Dahil isang beses lang kayong tatawid sa kabanata na ‘yan.
-JB
Buti kapa ser , naging masaya hayskul life mo. Samantalang ako , ni JS prom di ko man lang naranasan , hahahahuhuhu
LikeLike
Bakit naman tol? 🙂
LikeLiked by 1 person
Namuhay kasi ako sa makabagong panahon hahaha , pakiramdam ko kasi mas masaya talaga ang Old School. At isa pa yung pinag highschool-lan ko di uso mga events .
LikeLike
aaawww. totoo. ito ang pinakamasayang part. pero may lungkot sakin kasi ung mga kasama ko noon, hindi na ngayon.
LikeLike