Featured Story: “Sundo” by John Rhommel Fernando

sundo

“Ang Sundo”
ni JR Fernando

“Kung nais mong iligtas sa kamatayan ang isang mahal mo sa buhay, saluhin mo ng daliri mo ang unang patak ng kanyang luha sa oras mismo ng kanyang paghihingalo.” Ito ang alaalang bumabalik sa isipan ni Mang Eliseo na sinabi noon ng kanyang Lolo. Habang binabantayan n’ya ang kaisa-isang anak na si Alicia, sampung taong gulang. Halos buto’t balat na lamang ang katawan nitong unti-unti nang iginugupo ng sakit na leukemia, nakaratay ito sa papag sa kanilang kubong naka-tirik sa gitna ng burol malapit sa ilog. “Ipahid mo ito sa iyong mga mata at makikita mo mismo ang taga-sundo, naka suot ito ng mahabang itim na kasuotan at mayroon din s’yang itim na balabal na tumatakip sa kanyang ulo’t mukha. Hablutin mo ang kanyang balabal at ipandong mo sa’yong ulo, ngunit kailangan mong tumakbo at makatalon sa pinakamalapit na ilog kung ‘di ay ikaw ang mamamatay kapag inabutan ka ng taga-sundo.” Ang dagdag pa noon ng kanyang Lolo.

 

Naputol ang pag-iisip na ‘yon ni Mang Eliseo dahil sa mahinang pagtawag sa kanya ng anak. “I…tay, i…taaa…y. Na…hihi…rapan na po a…ako.” Ang sabi nito sa habol hiningang tinig habang naka hawak sa kamay ng kanyang ama. Tila dumating na ang araw na kinatatakutan ni Mang Eliseo, alam n’yang iiwan na s’ya ng pinakamamahal na anak. “Kung mayaman lamang sana tayo, naipagamot sana kita sa isang espesyalista.” Ito na lamang ang tanging nasabi n’ya sa sarili habang nakatitig sa naghihingalong anak. “Itay…pa…god na pa…god na po a…ako, gu…gus…to ko nang magpa…hinga.” Ang tila nauupos na tinig ni Alicia habang unti-unti na n’yang ipinipikit ang mga mata. Bagay na lubhang dumudurog sa puso ni Mang Eliseo, nakita n’ya ang butil ng luha na gumuhit mula sa gilid ng mga mata ng anak.Ito na ang hudyat na hinihintay n’ya, ayaw n’yang mawala sa kanya ang pinakamamahal na anak. Dali-dali nitong pinahid ang luha ni Alicia gamit ang hintuturo at agad na ipinunas sa sariling mga mata. Sa isang iglap ay unti-unting naaninag ni Mang Eliseo ang isang imahen na naka tayo sa pinto ng kubo, alam n’yang ito na nga ang taga-sundo. Tamang-tama nga ang paglalarawan dito ng kanyang Lolo. Sa kabila ng dilim ng gabi’y nasisinagan ito ng ilaw na nagmumula sa gasera, hindi na nag-aksaya pa ng oras si Mang Eliseo at mabilis itong tumakbong palapit sa pinto. Ngunit nang tangka na n’yang hablutin ang suot nitong balabal ay agad s’ya nitong nahawakan sa kamay, hindi inasahan ni Mang Eliseo ang taglay nitong lakas. Pero hindi s’ya nagpatinag, buong lakas na nakipag-buno s’ya sa taga-sundo. Naitulak n’ya ito at nahablot nga n’ya ang itim na balabal at agad na ipinandong sa kanyang ulo.

 

Kahit sa kadiliman ng gabi’y pinilit tahakin ni Mang Eliseo ang maputik na daan patungo sa ilog sa likod ng kanilang kubo na may ilang metro din ang layo. Habang siya’y tumatakbo, naramdaman din n’ya ang mga yabag sa kanyang likuran. Alam n’yang hinahabol s’ya ng taga-sundo kaya’t lalo pa n’yang binilisan ang pagtakbo. At sa wakas ay narating din n’ya ang ilog na halos hindi n’ya maaninag dahil sa kadiliman ng gabi, hinihingal man ay pinilit n’yang makatalon kaagad dito bago pa s’ya abutan ng taga-sundo. Mula sa mataas na bahagi ng burol na kanyang kinatatayuan ay tumalon na s’ya sa ilog nang naka-pandong pa rin sa kanya ang balabal. Ngunit sa kasamaang palad, basag ang bungo ni Mang Eliseo sa kanyang pagbagsak mula sa itaas ng burol. Tumama ito sa malalaki at matutulis na bato sa ilog na sa katagalan ng pagbabantay n’ya sa kanyang anak na si Alicia ay hindi n’ya nalaman na ito’y bumabaw na pala. Naging abnormal na ang dating maayos nitong pagdaloy dahil sa isang malaking Dam na itinayo malapit sa kanila. Kasabay ng pagkamatay ni Alicia ay ang unti-unti na ring pagkamatay ng ilog na dati’y masigla pang dumadaloy. Walang naroon upang pahirin ang luha ni Mang Eliseo. At kung mayroon man, may ilog pa kaya itong matatalunan?

SAKAW

#NoToBalogBalogDam
#NoToDevelopmentAggression
– John Rhommel Fernando

Advertisement

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s