“BULLY: Ang Pinakamahinang Kupal Sa Kasaysayan Ng Tao”
Kamusta mga Rockstars. Kagabi nagkaroon tayo ng isang ‘survey’ sa Facebook tungkol sa isang sitwasyon at kung ano ang magiging reaksyon ng karamihan sa’tin. At gaya ng inaasahan ko, (E – Hindi ko na lang papansinin) ang pinaka-madaming sagot. Yun naman talaga sa tingin ko na pinaka-tamang gawin. Unang una, hindi ka naman bully di ba? pangalawa, kung gagaguhin mo siya gaya ng panggagago niya sa’yo dati, e ano pang pinagkaiba mo sa kanya?
Pero sa totoo lang, lahat ng nasa pagpipilian (madaming pang maaaring gawin actually), e posibleng magawa naman talaga ng isang tao na naging biktima ng ‘Bullying’.
Iba’t iba ang klase ng bullying kasi e. At iba’t iba din ang maaaring maging epekto nito sa isang tao. May bullying na pisikal gaya ng pananapak sa isang tao na wala namang ginagawa sa’yo. Tinadyakan mo yung lalake dahil nabuwisit ka sa mukha nya, binato mo ng bola sa ulo at marami pang iba. Meron ding pangaasar lang base sa katangian ng kaklase o kalaro mo, pangong ilong, maitim na balat, malaking tenga etc.
Yang mga pasa, black-eye, sugat sa ulo gumagaling naman yan. Pero yung idinulot mo sa biktima mo na damdaming mabigat, lalung-lalo na yung ‘Mental Torture’, tangina mo habang buhay nilang gugunitain ‘yan. Yung pamamahiya mo sa kanila sa harap ng maraming tao, panlalait mo sa nanay niya, pangungupal mo sa nobya niya, lahat. Maaaring iniisip mo kasi, pang-aasar lang naman, katuwaan lang naman, ang pikon talo. Gago! Maaaring kaya naging miserable ang buhay nila sa hinaharap e dahil sa mga pinagsasasabi mo.
*****
Meron akong isang kuwento, putok na putok sa lugar namin ito nung mga Grade 3-4 pa lang ako (1994-95). Ang pangalan niya Leo, nasa trese hanggang kinse anyos lang siya. Ginulpi siya ng isang grupo ng mga kabataan din at aksidente siyang nahulog sa tulay. Patay si Leo. Pero ang sabi ng mga parak hindi daw yung pagkakahulog sa tulay ang ikinamatay ni Leo kundi yung pagkakapukpok ng bato sa kanyang ulo. Highschool lang si Leo. Matalino, lagi daw nangunguna sa klase. Pero tahimik, payatot at wala masiyadong kaibigan si Leo. Simple lang si Leo. Patay na si Leo…
Mabilis na kumalat sa lugar namin ang balita, yung mga kupal na bumugbog sa kanya ang testimonya, masama daw kasi tumingin si Leo kaya sinundan nila ito habang naglalakad pauwi para turuan ng leksyon. Wala naman daw silang balak patayin si Leo, TATAKUTIN LANG DAW NILA SI LEO.
Walang nangyari sa kaso ni Leo, walang naparusahan dahil menor-de-edad pa daw ang mga putangina. Pero isang gabi ng 2005, nakaharap ko ang isa sa grupong nakapatay kay Leo. Ang pangalan niya Richard. Bertdey noon ng tropa ko at boyfriend ng tropa niya si Richard. Nag-iinuman kaming lahat sa isang mahabang lamesa. Binulungan ako ni bertdey boy, ang sabi niya sakin, “tol, kasama yan sa mga nakapatay kay Leo noon…”. Wala naman iyon sakin, saka napakabata pa namin noon nung mangyari ang trahedya ni Leo. Pakialam ko ba sa putanginang Richard na yan.
Humaba pa ang inuman, kasalukuyang nagkakasiyahan nang biglang may ungas na nagtanong kay Richard, lasing na siguro. “Richard. Totoo bang kasama ka dun sa nakapatay kay Leo.
– OO! PERO ‘WAG KAYONG MAG-ALALA. GOOD BOY NA KO NGAYON. Sabi ni Richard.
Nagulantang na lang kaming lahat nang biglang hambalusin ni ‘Bertdey Boy’ ng bakal sa likod si Richard. Walang nakakilos dahil hindi naman namin inaasahan na gagawin nya ‘yon. Hindi pa nakuntento si Bertdey Boy at ginawa niyang basketball yung ulo ni Richard. Dini-dribol nya sa semento yung ulo ni kupal. Nang makakita kami ng dugo sa sahig natauhan na kaming lahat, inawat namin si Bertdey Boy. Lahat kami takang-taka sa ginawa niya. Hanggang sa nagsalita siya.
– Putangina mo! Ang angas mo pa! Si ‘Manang’ (kasambahay nila), yung nag-abot sa’yo ng yelo at gumawa ng sisig at pansit na nilalantakan mong putangina ka siya ang nanay ni Leo. Tangina mo!
Tahimik kaming lahat. Ako sa totoo lang, hindi ko alam kung ano nararamdaman ko ng mga sandaling iyon. Tama ba na nakatikim ng gulpi si kupal? Mali ba ang ginawa ni Bertdey Boy? Tangina hindi ko alam…
Ang naisip ko lang, ang simpleng pananakot ng mga menor-de-edad na iyon sa isang estudyante ilang taon na ang nakalipas, ay nag-ugat ng isang hindi makakalimutang trahedya.
*****
Punta tayo sa ‘ngayon’, sa modernong panahon, sa kasalukuyan. Ang pambu-bully nandiyan pa din. Lalo sa panahon ngayon ng Internet at Social Media. Sa totoo lang, mas matindi. Ultimo Presidente ng Pilipinas pwede na bully-hin ngayon. Pag pangit ka, sisikat ka. Sa hindi katanggap-tanggap na paraan. Inaamin ko sa inyong lahat, kasama ko doon. Kupal din ako. Minsan kasi hindi ko maiwasang hindi matawa sa mga nagkalat na ‘memes’ at iba pang larawan ng kung sinu-sino. At ang panlalait sa kapwa? ‘wag ka. Ngayon isa nang uri ng ‘Entertainment’ yan. Ang saya di ba?
Tandaan natin, ang pasa o sugat na idinulot ng iyong kamay sa kapwa, maaaring mag-iwan ng lamat na pang habambuhay. Ganun din ang kayang idulot ng ating matatalas na dila, nag-iiwan din yan ng tatak na pang habambuhay…
Kasali ako sa ‘survey’. Ang sagot ko? “E”. Kasi sa awa ng Diyos hindi naman ako nakatikim ng pambu-bully. Inaasar ako oo pero ok lang. Hindi naman personal at hindi natinag ang aking dangal bilang tao.
Pero kung kinuryente mo itlog ko habang nag-eexam tayo noon nung Hayskul… Tangina ka ‘wag ka papakita sakin. Dahil wala sa ginawa kong ‘options’ ang gagawin ko sa’yo.
Hindi. Joke lang! Hehe.. Kakarmahin din kayong lahat mga gago.
Ang pambu-bully ay isang gawain ng mga taong mahina, walang alam sa buhay, at ginawa ng Diyos hindi upang mabuhay nang may kasaysayan. Wala lang, binuhay kayo para maging kupal sa lipunan. Habang may oras pa, maaari nyo pang baguhin yan.
Salamat sa pagbabasa…
Juan Bautista \m/