THOMAS, ANAK NG LUMIKHA

THOMAS, ANAK NG LUMIKHA


After the mourning, glorifying the life should follow.

Isa lamang ‘yan sa mga hindi ko mabilang na aral na natutunan ko mula sa aking tiyuhin na si Thomas Zipagan Jr. – nakababatang kapatid ng aking ina. Una kong narinig sa kanya ang gintong aral na ‘yan nuong pumanaw ang panganay nilang kapatid na si Joephord Zipagan taong 1997. Labing-apat na taong gulang lamang ako nuon. Pero kailanman ay hindi nilisan ng mensaheng ‘yan ang aking isip hanggang sa kasalukuyan. Kaya naman, siya ang penultimong dahilan kung bakit hindi ko kinakatakutan ang kamatayan. Hindi sa kamatayan magtatapos ang lahat. Kung tutuusin, iyon ang umpisa ng ating legado base sa kung papaano tayo nabuhay sa mundong ito.

At ang pag-iral ni Thomas Zipagan Jr. – ay hindi ko makakalimutan. Bilang patuloy niya akong gagabayan sa buhay gamit ang kanyang mga aral, hanggang sa muli naming pagkikita.

Hindi lang ako, lahat ng tatlumpu niyang mga pamangkin, hindi mabilang na mga apo, mga kaibigan at lahat ng taong natulungan niya – ay nagluluksa habang isinusulat ko ang sanaysay na ito. Bilang siya ay tumayong ama para sa aming lahat.


Si Thomas, o Tito Obong sa kanyang mga mahal na pamangkin ay isang Pastor. Itinatag niya ang God’s Grace Christian Church (GGCC) lagpas dalawang dekada na ang nakalipas. Bilang isang Pastor ay hindi mabilang ang kanyang mga tinulungan. Hindi lamang ang mga miyembro ng kaniyang simbahan, kahit na sino ang lumapit sa kanya ay tutulungan niya sa abot ng kanyang makakaya. Isa ako sa mga buhay na saksi kung paano niya binuksan ang kanyang pintuan para sa halos lahat ng mga sumangguni sa kanya upang humingi ng tulong mapa-pinansiyal man o paghingi ng payo upang harapin ang iba’t ibang klase ng pagsubok ng buhay.

Naaalala ko, nuon, sa tuwing mapupundi ang aking ina dahil sa aking kapangahasan at katigasan ng ulo ay sasabihin niya sa ‘kin na kung hindi ako magtitino ay dadalhin niya ‘ko kay Tito Obong para duon tumira. Duon kasi sa bahay ni Tito Obong dinadala ang mga pinsan kong pasaway para magtino. Minsan pa nga, kahit mga pinsan kong nakatira pa sa Cabagan (Isabela) ay pansamantalang tumitira sa kanya. Sa laki ng angkan ng Zipagan na nagmula sa probinsya ng Isabela ay halos imposible para sa akin na bilangin ang lahat ng mga pinsan at pamangkin ko. Ni hindi ko mabilang kung ilan pinsan ang una kong nakita’t nakilala sa bahay niya. Karamihan, mas matanda sa akin ng ilang taon. At ilan sa mga pinsan kong iyon ang ipinadala ng mga magulang nila kay Tito Obong bilang nasa bingit sila ng pagkaligaw ng landas. Pero nakasisiguro akong lahat sila, bumalik sa mga bahay nila na may positibong pananaw sa buhay. Yung isa nga, kagaya niya ay isa na ring Pastor.

Ganun ka-importante si Tito Obong sa aming angkan. Ganun kabait si Tito Obong sa lahat ng tao. Para sa akin, maigsi ang animnapu’t isang taon para sa isang tao na kagaya niya. Marami pa siyang pwedeng gawin. Marami pa siyang pwedeng matulungan. Isa siya sa mga taong karapat-dapat mabuhay ng isandaang taon.

Pero ang sabi nga niya:

“After the mourning, glorifying the life should follow”.

Masakit man. Mabigat. Pero kailangang tanggapin. Pero sa totoo lang, may galak pa rin sa aking dibdib. Dahil pumanaw siyang mapayapa. Tahimik, walang hirap.

Ang importante ay ang kanyang kuwento. At ang walang hanggang paggunita sa kanyang pag-iral ng mga taong nagmamahal sa kanya.

Tito. Ninong. Pastor. Hindi dito magtatapos ang iyong legado. At asahan mo ang aming walang hanggang suporta’t pagmamahal para sa iyong anak na si John Benedict at dalawang magagandang apo.


Si Thomas Zipagan Jr. ay isa sa mga regalo ng Lumikha para sa buong sangkatauhan. Wala siyang ibang ginawa kundi magpakalat ng kabutihan upang kilalanin at tularan ng mga taong nakapaligid sa kanya at ng mga susunod pang mga henerasyon. Kaya naman, naniniwala akong nagpupugay ang buong kalangitan ngayon sa kanyang pagbabalik.


Maraming salamat sa lahat. At mahal na mahal ka namin.


– JB

THOMAS “BONG” ZIPAGAN JR.
(1960 – 2022)
“Anak, Kapatid, Ama”

One thought on “THOMAS, ANAK NG LUMIKHA

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s