THE STRUGGLE IS REAL

Matindi ang taong ‘to. 2020. Mga bagyo, recession, kawalan ng sapat na kita o gana dulot ng pandemya at marami pang iba. Halos lahat tayo, apektado. Mga negosiyante (malaki man o maliit), mga empleyado, mga guro’t estudyante at siyempre pa – ang mga local artists. May mga masuwerte dahil hindi naapektuhan masyado ang mga kabuhayan nila, pero napakarami talaga ng mga namomroblema ngayon kung saan at papaano didiskarte, mga Tol.

Tulad ko na lang halimbawa, ilang buwang hindi nakalabas ang mga taxi ko dahil sa lockdown. Mga drayber, apektado rin syempre. Napilitan din ang kapatid kong isara pansamantala ang isa sa mga negosyo niya (food business) dahil sa lockdown. Hindi lang sa Pinas, dahil dito sa gitnang silangan, halos tatlong buwang delayed ang sahod ko. Pero ganun pa man, mas masuwerte pa rin ako kumpara sa marami nating mga kababayan, at sa mga kapwa ko artists din.

Sa ngayon ay wala pang nakakaalam o makapagsasabi kung kailan ba talaga matatapos ang pandemyang ito. At kung magkaroon man na ng bakuna at gamot, hindi ibig sabihin nuon ay mawawala na agad ang mga negatibong epekto ng tarantadong Covid-19 na ‘to.

Sa sanaysay na ito ay tututukan natin ang mga kapwa artists natin. Musicians, writers, visual artists at marami pang iba. May mga artistang naghahayag ng kanilang mga hinanakit tungkol sa pandemya, mga isyung sosyal at pulitikal. Iba’t iba rin ang reaksiyon at kasagutan ng mga nakakabasa at nakakarinig. May mga nagsasabing steady lang, matatapos din ‘yan. May mga nagsasabing e ‘di maghanap ka ng ibang trabaho o magnegosyo. Mga shits na madaling ibato sa ibang tao kahit alam naman nating hindi iyon ganun kadaling gawin.

Ang mga artists ay katulad din ng iba na may kanya-kanyang piniling daan at propesyon. May dahilan kumbakit wala sila sa opisina o hindi sila negosyante. May dahilan ang isang tao kumbakit artist siya. Pero ganun pa man, natural, kailangan nilang kumita. Sino ba ang hindi? May mga artists na mayron namang pinagkukunan ng kita kahit papaano sa labas ng sining. Pero ang iba, ang sining nila mismo ang nagtutustos para sa kanilang mga gastusin at pangangailangan sa araw-araw.

Kailangan nating suportahan ang mga dakilang alagad ng sining mga Tol. Kaya naman, kung may mga online hustles sila ngayon gaya ng pagbebenta ng mga damit, artworks at pati na mga live performances nila, suportahan natin mga tol. At kung tumatanggap sila ng donasyon through gcash, paypal or bank transfers; kung may extra pa tayo, tulungan natin sila. 

Hindi naman pansarili lang ang mga ginagawa nila, para sa’ting lahat. Kaya kung trip mo ang obra o performance ng isang artist, mag-abot tayo ng kung anuman ang makakaya natin. Matagal na nating binabasa, tinitingnan, pinapakinggan at pinapanuod nang libre ang ibang mga gawang sining ng mga ito. Kaya naman ngayong nangangailangan sila dahil hassle ang sitwasyon ngayon, tara, tulong tayo.

 

– jb

Advertisement

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s