PATULOY NATING PAG-ARALAN ANG KASAYSAYAN

Kahapon ay muling umikot ang balita na tinanggal na ang Philippine History sa mga subjects sa sekondarya o High School level. Bagama’t kasama pa rin naman sa mga asignatura ng elementarya (ayon sa DepEd) ang kasaysayan ng bansa, naniniwala akong kailangan pa rin itong talakayin sa sekondarya. Kasaysayan nating lahat bilang mga Pilipino ang usapin dito. At ang karunungan sa ating kasaysayan ay isa sa mga pinakaimportanteng gabay ng ating pag-iral.

Bilang isang manunulat at mambabasa, hindi ko lubos-maisip kung sakaling narating ko ang edad ko ngayon na isang ignorante pagdating sa kasaysayan ng Pilipinas. Hindi ko rin masasabi na batikan ako tungkol sa paksang ito bilang hanggang ngayo’y patuloy pa rin akong nagbabasa at nag-aaral. Oo. Walang katapusan ang pag-aaral at pagtuklas sa nakaraan. At bilang isang Pilipino, responsibilidad nating malaman ito. Dahil habang niyayakap mo ang kasaysayan natin, lalong yumayabong ang pagmamahal mo para sa bayan.

At para sa ating mga nakatatanda, responsibilidad nating siguraduhin na hindi lalaking mga ignorante sa kasaysayan ang susunod na henerasyon. 

Alam kong sa panahon ngayon na mayron nang internet at may kakayahan naman ang lahat na mag-aral at magbasa ng kasaysayan. Pero ang tanong, paano natin mapapanatili ang interes ng mga tao lalo na ang mga kabataan sa kasaysayan natin? Kaya naman importante ang Philippine History sa lahat ng lebel mula elementarya, sekondarya at kolehiyo. Upang mas malimit nilang mapagtanto ang importansya nito (Philippine History).

Kung talaga namang kinakailangan (bagama’t wala akong maisip na matinding dahilan) at kinakailangang mamili sa pagitan ng elementarya at sekondarya upang alisin ang Philippine History subject, mas pipiliin kong sa elementarya na lamang bilang mas importanteng itulak ng mga tagapagturo at ng Department of Education mismo sa mga hayskul ang paksa dahil naaangkop na ang kanilang edad upang yakapin ang kasaysayan.

Nuong nag-uumpisa pa lamang akong magsulat ng mga kuwento circa 1999-2000, ang paniniwala ko noon ay walang sinuman at anuman ang maaaring makabura ng kasaysayan natin. Bilang iyon ay naisulat na. Nakatatak na sa isipan ng marami, nakabaon na sa dibdib ng isang tunay na Pilipino. Kaya naman, isa sa mga pangarap ko bilang isang manunulat ay ang makapag-ambag kahit kaunti sa ating kasaysayan. Subalit mali ako. Sa panahon ngayon ay naniniwala akong nasa bingit ang ating ginintuang kasaysayan. Mas marami nang dahilan ngayon upang magkabiyak-biyak ang atensyon ng mga tao, partikular na ang mga kabataan. Nasa bingit ng pagkabasag ang ating kasaysayan dahil sa ilan na ginagawa ang lahat (historical revisionism) para sa kanilang mga pansariling interes. Bakit magkakaiba ang pananaw ng mga Pilipino tungkol sa Martial Law nuong rehimeng Marcos? Bakit nagtatalu-talo ang ilan kung sino ba ang karapat-dapat na maging National Hero sa pagitan ni Jose Rizal at Andres Bonifacio? Traydor nga ba si Emilio Aguinaldo? 

Walang imposible. Hindi imposibleng maiba o maibaligtad ang kasaysayan nating nababasa sa ngayon hindi para sa ikabubuti kundi upang paikutin ang sambayanan. Kaya sana naman, ay pag-isipan itong muli ng DepEd. Philippine History, Filipino subject. Hindi ko kayo maintindihan! 

Ibalik ang Philippine History sa kurikulum ng sekondarya. 

Ngayon na!

– JB

Advertisement

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s