Isang tipikal na hapunan
Ilang henerasyon na ba? Ilang Administrasyon na? Hanggang ngayon, biktima pa rin ng sistema ang mga mahal nating magsasaka. Mabuti pa ang kalabaw, hindi nauubusan ng damo. E ‘yung mga pobreng kaibigan nila? Sa kabila ng araw-araw nilang kaharap ang lupa’t palay, minsan, kailangan pa nilang mangutang ng isang kilong bigas para may maihain sa pamilya. Tapos sasabihin pa ng ibang mga walanghiya, ayos lang ang bansa – Dahil ayos lang sila. Yung mga magsasakang nakikibaka pa nga sa kalye, minumura pa nila. Ito yung mga klase ng taong pakiramdam nila e napakapalad nila sa buhay dahil mas nakaaangat sila sa mga magsasaka. Ang hindi nila alam, halos lahat tayo, nasa ilalim lang din ng kapangyarihan ng mga anay ng lipunan.
Pero bakit nga ba mistulang naging simbulo na ng kahirapan ang imahen ng isang magsasaka? Dahil sa mga balingkinitan at sunog sa araw nilang mga katawan? Dahil sa dungis nila dulot ng putik, pawis at dugo na ayaw nang lumisan sa kanilang mga balat? Dahil sa mga kubo nilang nakatirik sa gitna ng isang lupaing kahit na lumuha sila ng asin, e malabo nilang makamit?
Matanong nga kita, kung makakasalubong ka ngayon ng isang grupo ng mga magsasaka sa kalye na naghahayag ng hinaing, anong gagawin mo? Mumurahin mo ba dahil nagkakandatrapik-trapik na? Itatanong mo kumbakit sila nakikibaka? O kahit kamustahin mo man lang kung kumain na sila?
Wala lang naman ito. Naisip ko lang. Paguwi ko kasi galing trabaho naghain na agad si Misis. Naalala ko lang ‘yung mga magsasaka.
Amputi at ambango kasi ng kanin.
This topic is close to me kasi til now, yung mga kamag anak ko sa Zambales ay nagsasaka pa din. Sana nga mas matulungan pa sila ng gobyerno. Kung hindi, babagsak ang Pilipinas.
LikeLike