
Humahangos paakyat ng bus si Migs hawak ang isang balot ng chicharon at isang box ng donut na bilin ng anak na si Isabel. Napangiti na lang lamang si Erika nang makita ang lalaking hindi magkandatuto sa pagmamadali.
“Dahan-dahan at baka masubsob ka. Hindi ka na maiiwan at nandito ka na sa loob. Kundangan ka.” Sambit ng babae habang himas-himas ang bilog na tiyan.
“Hehe. Chicharon?” Alok ni Migs bago pa makaupo sa tabi ni Erika. “Mabuti nang mauna. Tingnan mo, wala pang kalahating minuto e halos mapuno na ang bus. E ‘di hindi sana tayo magkatabi.” Napangiti lang si Erika sa tinuran ng lalaki bago lumingon sa bintana ng bus. Bagama’t halos mag-umapaw na ang bus ay madami pa ring pasahero sa labas na umaasang makapasok kahit tumayo na lang upang makauwi sa kanilang mga tahanan. Napabuntunghininga na lang ang babae nang makita niya ang mga kapwa niyang babae na nakatayo sa gawing likuran bilang walang kalaban-laban ang mga iyon sa mga balyahan at unahan sa tuwing may dumaraang bus o dyip upang magsakay.
“Hay. Lagi na lang tayong ganito sa araw-araw.” Sambit ni Erika. Gigising ng madaling araw para hindi mahuli sa trabaho. At magmamadaling mag-clock out ng eksaktong ala-singko para makauwi bago mag alas-nuwebe.”
Iniabot ni Migs ang isang bote ng tubig habang ngumunguya ng chicharon. “E, sa ngayon wala naman tayong magagawa. Kaya nga nagtitiis tayo sa sitwasyong ito. ‘Di bale’t magkakaron din tayo ng sariling sasakyan balang araw. Kelan kaya? Hehe.”
“Sus! E ganun din naman. Matatrapik pa rin tayo ang magbabago lang e hindi na natin kailangang makipag-gitgitan araw-araw.”
“Hehe. Tama ka. Helicopter ang kailangan natin.”
Napangiti si Erika, “puro ka naman kalokohan.”
Naputol ang pag-uusap ng dalawa nang mag-vibra ang cellphone ni Migs. “O, anak. Oo nakabili ako ng donut mo. Oo, pero mauna ka nang kumain, ha? Nako e baka lagpas isang oras pa bago ka makakain ng donut. Okey?” Bahagyang gumilid si Migs upang muling ibulsa ang kanyang cellphone.
“Panganay na nagpapa-beybi! Hehe.”
“Nako, ano pa ng aba? Sabagay sabi ni nanay nuon sa ‘kin nung ipinanganak si Cecille e panay ang papansin ko rin.” Sabi ni Erika habang hinihimas-himas ang tiyan.
“Okey ka lang ba?” Naga-alalang tanong ni Migs.
“Okey lang. Nasa tiyan pa lang itong si baby e pinagtitibay na ng panahon dahil sa araw-araw na trapik. Hindi pa lumalabas e, stress na.”
Nagtawanan ang dalawa. “Donut gusto mo? Isang dosena ito.” Alok ni Migs.
Grabe ang trapik nung gabing iyon. Halos mag-iisang oras na ang lumipas simula nung tumawag si Isabel kay Migs ay tila ba wala pang isang kilometro ang iniusad ng bus.
“Umidlip ka na muna. Lintik na trapik ito.” Sabi ni Migs. Napabuntung-hininga na lang si Erika sa sobrang pagka-dismaya gawa ng trapik at humilig na iyon sa balikat ni Migs.
Napangiti na lang ang lalaki habang nakatingin sa tiyan ni Erika. At nuo’y muli niyang naisip ang sentimiyento ng huli. Araw-araw, iba’t ibang klase ng tao ang nakikita’t nakakasalamuha nila sa kalye, bus, dyip at halos lahat, pare-pareho ang sentimiyento. Bilang halos lahat, pare-pareho ang estado ng buhay. Kahit iba’t iba ang kanilang mga istorya’t kalagayan.
Muling nag-vibra ang cellphone ni Migs. Bagama’t alam na niya kung sino ang nagpadala ng mensahe, hinugot pa rin niya iyon mula sa kanyang bulsa at binasa. Isang buntong-hininga bago niya muling ibinulsa ang cellphone. At muli, mataman niyang tiningnan si Erika at ang tiyan niyon. Kagyat siyang napangiti.
Ganuon na lamang ang gulat ni Erika dulot ng mahabang pagbubusina ng bus na sinasakyan. Napalalim ang kanyang tulog at nang inilinga niya ang kanyang paningin ay halos wala nang pasahero sa loob ng bus. Napaigkas siya nang biglang sumipa ang sanggol sa kanyang sinapupunan. Muli niya iyong hinimas-himas na para bang sinasabi nya sa anak na malapit na silang makauwi. At wari bang nakaramdam siya ng lungkot nang magising na wala na ang katabi niyang lalaki.
Habang naglalakad pauwi ay hindi pa rin mawala sa isip ni Erika ang lalaking nakasabay sa bus. Hindi nya rin maintindihan kumbakit nanghihinayang siya at ni hindi man lamang nya nakuha ang pangalan niyon. Ngunit nandun pa rin ang hindi mapigilang ngiti bilang kahit papaano’y nabawasan ang bigat ng kanyang pagkatao kahit sa maiksing panahon lamang.
“O, nakauwi ka na pala.” Tanong ni Gary sa asawa habang hinahalo ang ginagawang sisig sa sa kusina.
“Oo. Grabe ang trapik ngayong araw.” Sambit ni Erika bago maupo sa sala. “Anong inululuto mong ulam?” Tanong ni Erika
“Nako, e hindi ako nakapagluto na ng ulam at alas-otso na rin akong nakauwi. Pero may tira pang tilapya sa ref ‘yung dalawang ulo. Kundangan naman kasi ‘yung binili mong tilapya parang mga kamag-anak mo rin e. Anlalaki ng ulo!” Natawa si Gary sa sarili niyang biro.
“E, ano ‘yang ginagawa mo?” Tanong ni Erika habang hindi iyon magkandatuto sa paghuhubad ng kanyang sapatos dahil sa malaki niyang tiyan.
“Sisig! Pulutan. Nag-text si pareng Ariel pupunta daw sila ni Bogs. Inaway nanaman yata ng batugan niyang asawa. Pasalamat ang mga ungas at nanalo ako kanina sa tupada.”
Bagama’t patuloy sa pagsasalita si Gary e waring wala nang naiintindihan si Erika sa paligid. Marahil ay dulot na rin ng pinagsamang gutom at pagod gawa ng biyahe at maghapong pagtatrabaho. Paakyat na sana sya sa kanilang kuwarto nang magkakasunod na katok ang kanyang narinig. “Ano ba kumatok ang mga ‘to? Parang hinahabol ng pulis.”
“Pagbuksan mo na lang sila. Maliligo lang ako nang mabilis kamo. May malamig na beer na dyan huwag nang bumili sabihin mo.” Utos ni Gary bago pumasok ng banyo.
Matapos niyang pagbuksan ang mga bisita ay umakyat na si Erika. Bagama’t nakakaramdam pa rin ng gutom ay minabuti niyang magpahinga na lamang –
bilang kailangan niyang pawiin ang pagod upang muling harapin ang bukas; na hindi pa rin naman magbabago. Nakakapagod. Nakakagutom. Magulo.
Trapik!
– JB