BUWENA MANO (Dagli)

“Barbekyu, murang mura, bili na kayo.” Sisipul-sipol pa si Jok Jok habang inaayos ang kanyang mga paninda.

Makalipas ang limang oras, nagtungo si Jok Jok sa tindahan upang hikayating bumili ang nag-iinumang kapitbahay ng kanyang Barbekyu.

“Kuya Ron, mukhang napapasarap na ang inuman a. Bumili muna kayo ng pulutan. Buwena mano lang pampabuwenas.” Sabi ni Jok Jok dahil mag aalas-otso na’y wala pa ring bumibili ng kanyang mga paninda. Magalang namang tumanggi ang mga tambay.

Sa sobrang sama ng loob ng batang si Jok Jok ay iniligpit na nya ang kanyang mga paninda at mangiyak-ngiyak na pumasok na sa loob ng kanilang bahay. At tuluyang na syang napaiyak habang ibinabalik sa pridyider ang mga ihawin. Walang bumili kahit isa sa mga paninda ng batang awang-awa sa sarili. Noo’y naabutan sya ng kanyang ama.

“O. Anong iniiyak mo dyan?”

“Wala pong bumili ng barbekyu.” Hihikbi-hikbing sambit ng anak.

“Sabi ko naman sa’yo kahapon ‘di ba? Nyemas kang bata ka sayang ang pera. Hindi bale’t tatlong araw natin uulamin yan magsawa ka sa laman loob. Sya. Matapos makapag hapunan ay samahan mo ‘ko ngayong gabi. Madami tayong trabaho.”

At matapos ngang makakain ay gumayak na ang mag-amang embalsamador.

-JB

One thought on “BUWENA MANO (Dagli)

Leave a comment