HAMON

Sa edad kong treinta y singko, hindi na ‘ko takot mamatay. Bakit? Dahil naniniwala akong mas may naiambag pa ‘ko kaysa sa ibang mga nakakatanda sa’kin. Isa ‘yun sa mga dahilan kung bakit nagpapasalamat ako sa Maykapal, dahil sa kabila ng mga kagaguhan at kakulangan ko sa buhay ay nagawa ko pa rin naman ang isa sa mga pinakaimportante kong responsibilidad sa buhay. Ito ay ang maghayag ng aking isipan at damdamin – sa pamamagitan ng pagsusulat.

Mapaglaro ang buhay, ang mundo. Kahit pa para sa ikabubuti ng nakararami ang intensyon mo, mamasamain pa rin ‘yan ng iba. Lalo na ng mga anay ng lipunan na maaaring tamaan ng humihiwa kong pluma.

Pero walang dahilan upang katakutan mo ang isang taong piniling maging sanhi ng miserableng buhay ng iba para sa kanilang kasakiman. Wala silang ipinagkaiba sa mga mamamatay tao. Dahil walang ipinagkaiba ang taong patay at ang taong nabubuhay nang miserable, kadalasan nga, mistulang mas mapalad pa ang una.

Nakikita natin ang lahat kaya hindi natin kayang magbulag-bulagan. Pero marami sa’tin ang mas pinipiling tumahimik na lang dahil sa iba’t ibang dahilan.
Takot ang nagpapahina sa masa. At takot ng masa ang primerong nagpapalakas sa mga demonyo ng lipunan. Itanggi man natin na natatakot tayo, hindi iyon kayang itanggi ng ating mga mata; at imposibleng makalusot ‘yun sa paningin nila.

Pero gaya ng sinasabi ko, wala akong pakialam. Kung walanghiya ka, puwes wala akong pakialam sa nararamdaman mo. Mag-walanghiyaan tayo. Matira ang matibay. Prinsipyo ko laban sa kademonyohan mo. Bala mo, laban sa mga salita ko. Hindi ako takot sa bala, dahil ang mga piyesa ng isang manunulat; ay hindi namamatay.

At walang kalasag ang may kakayahang sumangga sa literatura.

– JB

Advertisement

3 thoughts on “HAMON

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s