Collateral Damage

Collateral Damage

Hanggang ngayon ay nagngangalit pa rin ang maraming Filipino dahil sa sinapit ni Kian Delos Santos sa kamay ng mga pulis. Mga pulis na may sinumpaang tungkulin na protektahan ang mamamayan. Subalit sa kasamaang palad ay marami pa rin pilit na ipinagkikibit balikat lamang ang pangyayaring ito, ang mas masakit pa nga, may ilan tayong kapwa na pilit pa rin ipinagtatanggol ang mga tunay na may sala sa kabila ng salaysay ng mga testigo. Sabagay, sabi nga ng kapatid natin sa panulat na si Stum Casia, “sana, umulan ng common sense”.

Ilang beses ko nang sinabi at uulitin ko ulit. Hindi ako kontra sa “war on drugs” na ‘yan. Kailangan talagang mawala ang salot na droga na ‘yan sa buong bansa. Druglords, Rapists, Murderers, Kidnappers, pakialam ko sa mga buhay ng mga hayop na ‘yan e mga wala rin silang respeto sa buhay ng iba.

Pero kapag inosente ang tinamaan at lumagapak sa sahig, hindi ako mananahimik lang. At bilang isang Filipino, gagawin ko ang responsibilidad ko. Responsibilidad kong maghayag ng aking saloobin tungkol sa mga nangyayari sa ating bayan. At oo, responsibilidad nating lahat ‘yan.

“Collateral Damage”, ‘yan ang paulit-ulit kong naririnig at nababasa mula sa maraming netizens sa Social Media.

“Adik ‘yan.”
“Kasalanan ng mga magulang.”
“Hindi maiiwasang may madamay na inosente, para sa nakararami naman ‘yan.”
“Collateral Damage, wala na tayong magagawa. Pakalat-kalat kasi sa kalye.”

Ang naisip ko, paano na lang kung sapitin din ng miyembro ng kanilang pamilya o kahit na sinong mahal nila sa buhay ang sinapit ni Kian, ‘yan din kaya ang sasabihin nila? O tulad ng mga magulang ni Kian at ng iba pang mga “inosenteng” biktima, magmamakaawa rin sila sa ngalan ng katarungan?

Ang hindi ko maintindihan sa ibang tao, kahit alam nilang mali, ay patuloy pa rin nilang binibigyang katwiran ang mga pangyayaring gaya nito. Mga kapatid, walang dapat panigan, dahil nasa iisang teritoryo lang tayo. Pag may magandang gawa, palakpakan. Pag mali, punahin. Ganun lang kasimple. DEMOKRASYA.

Lahat tayo ay maaaring magkamali sa pagpili ng ating susuportahan para sa kapakanan ng bayan, normal lang ‘yon. Ang hindi normal e kapag may isang bagay na ultimo siyete anyos na bata ay alam nang mali, pinagpipilitan mo pa ring tama. KAHIBANGAN.

At kung naniniwala kang “normal” lang na may inosenteng mamatay sa kampanya laban sa droga. NAKAKAHIYA KA. Isinulong ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kampanya laban sa droga para sa kapakanan ng mamamayan. Kaya wala dapat inosenteng mamatay. UNGAS.

Alam kong may mga kaibigan at kamaganak akong masugid na tagasuporta ng kasalukuyang administrasyon. At marahil, gaya ng iba, e iisipin din nilang Anti-Duterte ako. Hindi na para problemahin ko pa ‘yang kaisipan na ‘yan. Bahala kayo.

Ang sa akin lang naman ay ito, hindi dahil sa nakikita at nababasa nyong binabatikos ko ang kasalukuyang administrasyon, e gusto ko nang “mabigo” ang Pangulo. Si Rodrigo Duterte ang kasalukuyang pangulo ng bansa. Ang kabiguan niya ay kabiguan natin lahat. Pag siya nabigo, bigo rin ang buong Pilipinas. At isang taon mahigit pa lang siyang nakaupo. May halos limang taon pa.

Ngayon, may nakikita ba kayong “mali” sa administrasyong ito? Dahil sa pagkakaalam ko walang perpektong Gobyerno. Uulitin ko, pag tama ang gawa, palakpakan. Pag mali, punahin.  DEMOKRASYA.

At sana naman e sagutin na ng langit ang panalangin ni Stum Casia. Na “sana, umulan ng COMMON SENSE.”

Libu-libo na ang namatay. At wala na silang pagkakataon na maisigaw kung sila ba ay inosente o hindi.

 

-JB

 

Advertisement

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s