Tao Lang

Isa si Loonie o Marlon Peroramas sa mga hinahangaan kong makatang lirikal. Bukod sa kanyang kahusayan sa paghabi’t paglalaro ng mga salita upang makabuo ng mga bersong may ritmo, may kasaysayan ang kanyang mga gawang sining. Bagama’t mas marami pang nauna sa kanyang larangan, masasabi kong nasa Top 10 siya ng aking listahan sa mga emcees natin sa ngayon. Kaya naman hindi kataka-taka, na milyon ang bilang ng mga sumusuporta’t humahanga sa kanya. At alam niya ‘yon. Alam na alam.

Isa sa mga awit niyang tumatak sa atin ay ang Tao lang. Kanta tungkol sa katanyagan. Dito, ipinapahiwatig nya sa ‘tin na may mga anggulo ring hindi maganda ang estado na pinapangarap marating ng daan-daang pang mga emcees at rappers sa kasalukuyan.

Hindi lahat ng mga pamosong tao ay masaya sa mga buhay nila. Minsan, iniisip nilang sana – gaya ng iba’y normal lang sila. Iyong bang tipong walang lalapit sa’yo para magpalitrato habang kumakain ka sa karinderya, o kahit na lumakad kang pasuray-suray sa kalye sa sobrang kalasingan, e alam mong makakauwi ka sa bahay na walang pangamba kung may nakakuha ba sa’yo ng bidyo o litrato para pulutanin sa Social Media pagputok ng araw. Yung iba nga, nagpakamatay pa. Sa Tao lang, kinuwento sa ‘tin ni Loonie na minsan, napagkakamalan syang suplado pero ang totoo, pagod lang sya. Ayoko nang sumali, gusto kong manuod, may malalim pang ibig sabihin ng linyang ‘yon. Hindi lang sa battle rap. Sobrang lakas ng atake sa isip natin ng kantang ito dahil bukod sa kanyang mga sentimyento,  nagbahagi rin sya ng iba’t ibang karunungan. Paano mag-umpisa sa baba, h’wag kalilimutan ang aral na nagmumula sa mga magulang, tumanggap at itama ang pagkakamali at higit sa lahat, kung paano magiging matibay ‘pag narating mo na ang tugatog ng karera mo sa buhay.

Tanyag at tinitingala ng milyong Pilipino sa Loonie. Pero hindi ibig sabihin nuon, na siya’y makapangyarihan.

Kagabi ay nabalitang nasakote si Loonie sa isang buy bust operation na isinagawa ng Makati Police. Diumano, nagbebenta raw ang sikat na rapper ng Kush o high-grade marijuana. Sa loob ng isang oras ay libu-libo na ang nakapanuod ng live video na inulan ng libu-libo ring komento mula sa mga netizens.

Adik. Himas-rehas ka ngayon. Tapos na ang career mo. Hipokrito! Ilan lang ‘yan sa mga reaksyon ng mga Pilipino habang pinapalibutan ng mga pulis at media ang emcee kasama ang apat na iba pa. Ako naman, ang naisip ko, sana’y hindi totoo. Sayang e. Pero hindi na ‘ko nagtataka na sa dinami-rami ng mga humahanga sa kanya, mas marami ang mga humihiwang mensahe kaysa sa mga nagpapahiwatig ng suporta. H’wag po nating kakalimutan, na inosente pa rin sya hangga’t hindi pa nahahatulan.

H’wag nating kakalimutan na nasakote sya sa panahon ng patuloy pa ring nabibigo na war on drugs at talamak na korapsyon. H’wag nating kakalimutan na libu-libo ang nasa listahan ng mga nahatulang kriminal na posibleng palayain dulot ng punyetang GCTA (Good Conduct Time Allowance). H’wag natin kakalimutan na bilyong halaga ng Shabu ang nawala sa customs. At h’wag nating kakalimutang may hinatulang plunderer na nakabalik sa Senado at may matandang ikinulong dahil nagnakaw ng de latang pagkain dahil sa gutom.

Alam kong alam na ‘to Loonie pero sasabihin ko pa rin, iba ang katanyagan sa kapangyarihan. Maaaring maglaho na parang bula ang pinaghirapan mo kung sikat ka. Ilang artista na ang nakaranas ng ganito. Mayroong nakabalik, mayroong hindi na. Pero hindi na estado bilang isang artista ang ipaglalaban ni Loonie ngayon, buong pagkatao.

Innocent until proven guilty. Malalaman rin natin ang totoo.

At sana, hindi totoo.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s