(larawan ni Nathan Dumlao)
Ayon nga sa kasabihan, ang ating mga guro/titser ay ang ikalawa nating mga magulang. Totoo ‘yon mga tol. Dahil sila ang nangangaral at nagtuturo sa’tin sa labas ng bahay. Kaya sa ayaw at sa gusto natin, kahit badtrip pa tayo dahil madalas tayo noong mapagalitan (na malamang dahil na rin sa mga ka-ungasan natin), ay may utang na loob pa rin tayo sa kanila.
Pero mga tol, matagal na silang dehado. Matagal na matagal na.
Naaalala ko non, yung tita ko na titser, kada may examinations siya pa ang naglalakad sa mga promissory notes ng mga kaklase ko. Siya rin yung nakapagpauwi sa kaklase kong babae na naglayas sa bahay nila. Halos lahat ng mga naging titser ko nuon mula kinder hanggang kolehiyo, naaalala ko pa. Dahil sa simpleng dahilan, may impluwensiya rin sila sa kung ano ako ngayon.
Pero sa kabila ng mga kamartiran at kadakilaan, uulitin ko – dehado pa rin sila mga tol.
Unang-una, suweldo. May titser ako na ilang dekada na ang lumipas, nagre-renta pa rin ng bahay. Pangalawa, pagod. Anak ng boogie hindi lang sa classroom at faculty room nagtatapos ang trabaho nila. Nag-uuwi sila ng trabaho sa bahay. Pangatlo, stress. Stress sa lahat lahat, mula sa kakulitan ng mga estudyante, hanggang sa paggawa ng paraan para hindi bumagsak ang isang pabayang estudyante. Oo alam ko, dahil nung high school ako naririnig ko yung tita ko na nagsusumbong kay ermats dahil ambababa daw ng mga grades ng mga estudyante e ayaw naman niyang mambagsak. Kasama ko sa mga sakit ng ulo nya nuon.
At ang pinakamasaklap, panghuhusga mula sa iba. Tuwing eleksiyon, sa kabila ng gutom at pagod e buong kadakilaan pa rin silang tumutulong para maisaayos ang lintek na eleksyon na ‘yan. Para ano? Para pagmumurahin sila kinabukasan ng mga politikong natalo at ng sandamakmak nilang mga tagasunod. Ang labo ‘di ba? Pero normal lang ‘yon. Masakit pero ganun talaga. Dehado nga e.
Pero sa kabila ng lahat ng ‘yan, marami pa ring kabataan ng henerasyong ito ang nangangarap maging guro sa hinaharap. Ngayon pa lang dapat sinasaluduhan na ‘yang mga ‘yan dahil alam naman nila yung mga binanggit kong dahilan kung bakit hindi madali ang maging isang guro.
At sana, h’wag silang mapanghinaan ng loob. H’wag silang matakot na iwan ang mundong ito na hindi sila mayaman. Dahil isa sila sa mga magiging primerong dahilan kung bakit magiging matagumpay ang kanilang mga magiging estudyante sa hinaharap.
Napakasarap sa pakiramdam yung may makakasalubong kang dati mong estudyante na naging inhinyero na, o duktor, o senador. Masarap isipin na may natulungan kang mga tao para makamit nila ang tagumpay.
At inuulit ko, pangalawang magulang natin ang mga titser natin mga tol.
Kaya h’wag na nating hintayin ang Teacher’s Day sa susunod na taon. Kahit anong araw, basta’t may pagkakataon tayong makita at makausap ang mga naging pangalawa nating mga magulang, magpasalamat tayo sa kanila.
Kaya para sa mga Rockstar na naging Titser ko, maraming salamat sa inyo. Medyo ungas pa rin naman ako ngayon, pero kung ano man ang marating ko sa pag-iral na ‘to, isa kayo sa mga nakatulong sa’kin.
-JB