Featured Story of the Month: Pasa-Hero

pasa hero

“PASA-HERO”
maikling kuwento ni Weng Weng

 

Tirik na tirik ang araw. Nakasusunog ng balat.

 

—0—

 

Isa na lang ang kulang at lalarga na ang dyip. Naliligo na sa sariling pawis at naiinip na ang mga pasahero, kaya nagpadesisyon na ng drayber na apakan na ang aselerador nang biglang—

 

“Mama, teka!”

 

May sumakay na isang muslim na babae, na nakabihis ng Abaya at mata lamang ang makikita. May bitbit itong kahon na balot na balot ng packaging tape at mukha ‘tong mabigat. Umupo malapit sa drayber at maingat na linapag ang tangan sa sahig.

 

Nagrebolusyon, bumusina, umandar na ang dyip.

 

Ang maingay na pag-uusap sa loob ng dyip ay nilamon ng katahimikan. Ang makinang tila may tama sa karburador ang bukod tanging mapakikinggan. Mayamaya’y dalawang sa pasahero ang nagmamadaling pumara. Kahit na malayo pa sila sa kanilang destinasyon, walang atubiling bumaba. Nangamoy tamang hinala ang loob, at nagsimula na umugong ang mga bubuyog. Ang iba nama’y ipinako ang kanilang mga mata sa babae. Nakatanod sa kanyang bawat kibot.

 

“Hindi na talaga safe maglakad-lakad ngayon… Lintek na mga… Hay nako.”

 

“Oo nga e, bakit kasi nagsi-dayuhan pa sila dito?”

 

“Ganyan kasi ang turo sa kanila. Gusto kasi nilang magkaroon ng sariling… lugar.”

 

Mga bulungan.

 

Hindi lingid sa kaalaman ng babae na siya ang paksa ng kapuwa pasahero, gayunpama’y mas pinili na lamang nitong yumuko at manahimik. Subali’t sa kabila nang kanyang hindi pag-imik, nagpatuloy pa rin ang mga nakaririnding bulungan. Hanggang sa hindi na mapigilan ng inosenteng muslim na sa pisngi— gumapang paibaba ang mga luha. Taimtim na lang itong pumikit, at paanas nitong binanggit ang mga katagang…

 

“Allahu Ahkbar… Allahu Ahkbar… Patawarin mo po sila.”

 

Kahit na sa mahinang tinig, nahagip pa rin ito ng mga rasistang tenga.

 

“Hoy miss, anong binubulong-bulong mo d’yan?”

 

Dumilat ang babae na naging tampulan ng mga matang mapanghusga. At hindi na rin nito napigilan ang sarili magsalita.

 

“Kanina, dapat ginawa ko na ‘to. Pero nag-isip ako, at ka ‘ko, kaya ko ‘to—wag. Pero sa mga ikinikilos n’yo—”

 

May binunot ito sa bulsa. Isang cellphone. Sabay…

 

“Kuya, d’yan na lang sa tabi.”

 

Dinampot niya ang kanyang kahon. At bago bumamaba ng dyip, inabot muna niya ang kanyang bayad. Nguni’t sa halip na tanggapin ng drayber ang kanyang pasahe ay nagmadaling itong pumanaog sa driver seat at inalalayan ang inosente sa pagbaba.

 

“Pasensiya ka na, ha?  Hindi kasi maiwasan. Siguro naman napanood mo ‘yung balita at kamakailan lang iyon, di ba? Kahit na sa ibang bansa pa ‘yun… Alam mo na… Ako na ang humihingi nang dispensa para sa kanila.” at hinatid ng drayber ang babae sa pinakamalapit na waiting shed.

 

“Okey lang, Kuya. Okey lang ako. Nakakahiya at naabala pa kita.”

 

“Walang problema, ingat! Sige, mauna na ako, ha?”

 

At bago tuluyang tumalikod ang drayber, nilapat ang palad sa dibdib at mapagkumbabang nginitian muna nito ang pasaherong inalalayan.

 

“Malaikumsalam…” pabulong na tugon ng babae sa drayber.

 

Pumahik na ang dyarber sa dyip at hinawakan na ang manibela. Sa pag-apak sa aselerador, mayroong pumugak sabay namatay ang makina. Sinubukan niya muli itong susihan subali’t ayaw na talagang gumana.

 

“Naku… Na-leche na. Pasensiya na ho! Pasensya na sa abala. Sumakay na lang ho kayo sa iba, ibabalik ko lang ho ang mga bayad n’yo.”

 

Nagsi-babaan ang mga pasahero. Yamot na yamot. Nagpuntahan sa waiting shed ang ilan at ang iba nama’y naglakad na lang. Binitawan ulit ng drayber ang kanyang manibela at pumanog. Pumasok ito loob ng lulanan para kunin ang maliit na tool box sa ilalim ng upuan ng mga pasahero, nang may mapansin itong…

 

—-o—-

 

[News Flash!!!]

 

News Anchor:

ISANG PAMPASAHERONG JEEPNEY ANG PINASABOG! DRAYBER, AGAW-BUHAY! AYUN SA MGA NAKASAKSI….

 

>Pinatay ang t.v<

 

“Pre, tumawag na ba si Kabo?”

 

“Oo. Kunin na lang daw natin sa Krame ‘yung pera. Saktong-sakto raw! Kaya pasamalat tayo at may sumakay na Muslim kanina. Alam na ng media ang pupuntiryahin nila. Hehe…”

Advertisement

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s