Paalala: ANG ARTIKULONG ITO AY ISANG “SELF-RIGHTEOUS” ARTICLE…
Ugali na ng karamihang Noypi ang pagmamarunong. Sa inuman, huntahan, klase, hindi mo maiiwasan ang mga taong nilamutak ng katalinuhan at kagalingan. At sa panahon ngayon, namamayagpag sa mundo ng internet ang mga hinayupak na ito!
Self-righteous Maderpakers. Eto yung mga nilalang na kapag nagsalita o naghayag ng kanilang mga pananaw, manahimik ka na lang! Dahil hindi ka mananalo. Kung ang mga pinagsasasabi nila para sa’yo ay nakakabobo, puta h’wag ka nang makipagtalo. Dahil kahit magka-pitpitan pa ng itlog at magka-dukutan ng mata. Hindi magpapatalo sa’yo ang mga herodes na ito.
Nung panahon ng FIBA, kung sermunan ng mga ungas na ito si Chot Reyes ay para bang magtsa-champion ang Gilas sa NBA kapag sila ang nag-coach. Nung pabagsakin ni Juan Manuel Marquez si Manny Pacquiao, kung mag-comment sa social media ang mga hinayupak ay aakalain mong naging estudyante nila sa Boxing Academy si Freddie Roach.
Kahit anong paksa. Showbis, trabaho, musika, relihiyon, pulitika ultimo pagkain. Makaka-engkuwentro ka ng isang Self-righteous Maderpaker sa ayaw at sa gusto mo.
Heto ang ilan sa mga sampol (Salamat sa Facebook at Twitter):
1.) “Mas magaling ang version ni Jovit Baldivino ng ‘TOO MUCH LOVE WILL KILL YOU’ kaysa sa versions ni Freddie Mercury at Brian May ng Queen. Grabe ang galing niya!”
– Hindi ko alam kung sabog sa katol yung nagsabi neto pero isa siyang dakilang SRM!
2.) “Ang Queso at Wilabaliw ang number one heavy metal band sa pinas! Hindi Slapshock! #bigFan”
– big fan ka nga nila at malamang ipinanganak ka ng 1999 pataas. At dahil isa din akong SRM, eto ang mensahe ko sa’yo. Hindi METAL ang Queso! Sa sobrang husay ng mga herodes na miyembro ng bandang ito ay nagawa nilang makagawa ng isang musika na kapag narinig mo nang unang beses ang isa sa kanilang mga kanta, masasabi mong sila ang artist nito. At dahil isa nga akong SRM, Wilabaliw ang number 1 boy band sensation sa pinas! Hindi Chicser! Wilabaliw!
3.) “Huwag niyo naman huhusgahan si VP Binay. Tandaan niyo, kung ‘di dahil kay VP Binay, walang GANITO KAMI SA MAKATI!”
– Ano ba talaga ibig sabihin ng ‘Ganito Kami Sa Makati’? Dahil sa kanya umasenso ang Makati City? hmm… Tanungin mo kaya yung Makati Business Club kung bakit NAGING GANYAN ang Makati?
Isa ang lintik na ‘catch phrase’ na yan kung bakit nagkakanda letse letse eh. “Ganito kami sa Makati”, “Erap para sa MAHIRAP”, “Lumangoy ka na ba sa dagat ng basura?” (Lumangoy ka mag-isa mo!) at kung anu-ano pa. Bilang isang botante hindi tayo dapat nagpapadala sa mga ganyang litanya. Nagmamakaawa ang buong Pilipinas! Mag-isip at magmasid ng mabuti bago mamili ng mga ibobotong kandidato.
At bilang kapwa mo SRM, heto mensahe ko sa’yo, siguro naman may telebisyon ka? Manood ka kaya ng balita? May pambili ka ng diyaryo? Magbasa ka. May sarili kang utak at mata di’ba? naknang boogie gamitin mo naman tol!
4.) “Si Daniel Padilla ang susunod na Ely Buendia o Bamboo sa hinaharap!”
– Si Daniel Padilla ang susunod na Kean Cirpirano sa hinaharap. Kase pareho silang ‘kyut’!
5.) “Bakit ba ROYAL Wedding ang tawag sa kasalang Dingdong Dantes at Marian Rivera? Pwede ba! Celebrities lang sila pero hindi sila Royalties hellooo!”
– Bakit ROYAL ang brand ng pasta na lagi mong binibili kapag gumagawa ka ng spaghetti? Gawa ba sa taba-taba at pinatakan ng pawis ng mga Dugong Bughaw yan?! Si Prince William ba ang may-ari ng Royal Tru Orange?! Maderpaker!
6.) “Bakit si Jennilyn Mercado ang nanalong Best Actress sa MMFF? Helooo! Comedy ang movie mabuti sana kung drama… Oh the irony!”
– Lalong nagkalat ang mga SRM kapag may awards night. Mapa-MMFF pa yan o Academy Awards, titira at titira ang mga yan na daig pa si Roger Ebert kung makapag komento. Pero sa totoo lang. Ang mga SRM, hihintayin lang talaga nila kung sino ang idedeklarang panalo. Si Jennilyn Mercado man, si Kris Aquino o kahit si Bangkay ang manalong Best Actor ay mabibiktima at mabibiktima pa rin talaga ng mga ‘Team SRM’.
7.) “Hindi po December 25 ang birthday ni Jesus Christ!”
– Sino nagsabi sa’yo? si Roberto Manero?! Ipinagdidiwang ng mga Kristiyano ang Pasko upang ‘gunitain’ ang kapanganakan ni Kristo. Hindi naman sinasabi na abeinte singko ng Disyembre talaga ang mismong araw ng kapanganakan niya.
Ang nakakaasar sa usaping ito. Ito ang pinaka ayaw na ayaw kong paksa sa totoo lang pero bilang kapwa mo SRM ay maghahayag na din ako. Yung ibang bumabatikos sa pagdiriwang ng Pasko, eh iyong mga hindi nagsisimba at hindi nagbabasa ng Bibliya o iyong mga hindi naniniwala sa pananalampalatayang Katoliko…
Mayroong isang grupo ng tao na kung tawagin ang kanilang mga sarili ay “Darwinians”. Heto yung mga taong naniniwala sa Darwin’s Theory. Wala akong problema sa mga taong ito sa totoo lang. Nirerespeto ko ang kanilang paniniwala. Pero may iba kasing Darwinians na nagsasabing ang mga Kristiyano partikular na ang mga Katoliko ay ang mga pinaka-bobong tao sa mundo. Maderpakers! Mabuti sigurong ikutin mo muna ang buong mundo at maghanap ng unggoy na nagsasalita at handang makipag-kuwentuhan sa’yo tungkol sa Darwin’s Theory.
Pagdating sa relihiyon talaga, iba-iba ang paniniwala. Respetuhan ang kailangan. Kung wala kang Diyos wala akong pakialam pero importante pa din ang respeto ng “tao sa tao” bilang tao. Kung walang ka-siguraduhan yung nagmamakaawang kumawala sa bunganga mong mensahe, siguraduhin mo muna na may basehan ito.
Magmasid, magbasa, MAG-ARAL! Hindi lahat ng gumuguhit sa utak natin ay tama. Hindi lahat ng nasa isip mo ay parang mensahe ng kalangitan na maaari mong ipagsigawan ng walang pakundangan kesehodang madami ang ‘masasagasaan’.
Buti sana kung ‘110% accurate’ yung pinagsasasabi mo eh hindi naman. Ultimo nanay mo kontra sa pahayag mo tapos sasabihan mo kami ng tanga at bobo dahil hindi pumapabor sa’yo ang paniniwala namin? H’wag kame meyn! Iba na lang!
Pero sa totoo lang. Aminin man natin o hindi. Lahat tayo ay may mga sandali at pagkakataon na nagiging Self-righteous Maderpakers. Hindi iyon maiiwasan. Ang importante, handa tayong makinig sa iba, at isinasalang-alang din natin ang maaaring MARAMDAMAN ng ating kapwa.
Mayroon kasing “naka-activate” araw-araw yung pagiging SRM nila!
Ang sabi nga ng idol kong si Norman Wilwayco, isa sa mga manifesto ng pagiging tunay na lalake ay ito, “Manifesto #7: Ang Tunay na Lalake ay umaamin ng pagkakamali sa kapwa Tunay na Lalake!”.
Kung nakasakit tayo ng damdamin ng iba sanhi ng mga iresponsable nating mga pahayag. Humingi ng dispensa. Lahat tayo nagkakamali. Hindi yung gustung-gusto ka nang kuyugin ng buong netizens dahil gigil na gigil sila dahil ipinagpipilitan mo pa din na ikaw ang tama sa isang paksa. Samantalang ultimo anino mo eh gusto ka nang iwanan dahil sa ipinagpipilitan mo pa din na ikaw ang tama laban sa dalawang milyong katao.
Hindi mo puwedeng ipaglaban parin hanggang ngayon na si Karl Roy ang bokalista ng Greyhoundz at si Tupac Shakur ay buhay pa din dahil may mga lumabas siyang tracks matapos niyang mamatay.
Kaya kung hanggang ngayon ay ipinaglalaban mo pa din ang paniniwala mong mas mainam gamitin sa pagluluto ang vetsin kaysa asin, isa kang dakilang Self-righteous Maderpaker! Malamang na kaya vetsin ang gamit mo ay dahil hindi ‘consistent’ ang lasa ng chicken adobo mo pag asin ang gamit mo dahil hindi mo matantiya ang paggamit nito. O ano tama ako diba? ano? ano! Siyempre tama ako, ako pa! Dahil gaya mo, isa din akong Self-righteous Maderpaker!