“Sila na ang IPINAGPALA”
Tula ni JUAN BAUTISTA
Naglalakihang mga mansyon, magagarang sasakyan,
naggagandahang babae sa kaliwa’t kanan, at pananalasa
sa iba pang bagay na hindi ninyo naman pinaghihirapan.
Gaano nga ba kayo ipinagpala?
Sa tagal ninyo sa lintik na posisyon na ‘yan
ang mga nabobola niyo’y wala naman napapala.
Ikaw, ang iyong asawa, mga anak at sampu ng inyong angkan.
Hindi pa ba sapat ang iyong angking kayamanan upang magbahagi
ka naman, sa mga maralitang walang ibang iniintindi sa araw araw
kundi ang mga tiyan nilang walang laman.
Dumating din ang panahong ikaw ay naakusahan.
Pag-aakusa nga ba ang dapat itawag diyan?
Wala sa matinong pagiisip lamang ang magsasabing
wala kang kinalaman sa mga ka-imoralang iyan.
Ikaw ay namumuno sa isang bayan na pagdating sa pananalampalataya sa Diyos Ama ay talaga namang hindi matatawaran.
Subalit sa tuwing mapapanood namin ang iyong nakakaumay na pagmumukha sa telebisyon, mga berso ng Bibliya ang iyong nginangawa at nanglilimos ng simpatiya mula sa taumbayan.
“Diyos lamang ang nakakalam ng katotohanan!”
“Ipagpapasa Diyos ko na lamang sila na nag-aakusa sa akin!”
“Kakampi ko ang Diyos! At nawa’y mapagtagumpayan ko ang
mga pagsubok na ito sa tulong ng aking mga kaibigan at nagmamahal
na pamilya!”
Anak ka ng pitong baka na nagmula sa IMPIYERNO!
Sa kabila ng kabit-kabit na ka-walanghiyaang ginawa mo.
Ipagsisigawan mo sa’ming mga naniniwalang may Diyos
na ikaw pa ang pinapanigan nito?!
Napakalinaw na ang kilabot, konsensya at pagiging makatao
kailanman ay hindi matatagpuan sa buong pagkatao mo.
Gaya naming mga ordinaryong tao, nanaginip ka din sa gitna ng pagtulog mo.
Ngunit sadyang nakasanayan mo na ang bangungot na dulot
ng mga katarantaduhan mo! At wala nang magagawa pa ang
Kalangitan sa iyo. Dahil isa kang DEMONYO!
Sino nga ba ang ipinagpala?
Ikaw o sila?
Marahil ay ikaw nga. Pero hanggang dito na lamang iyan sa lupa.
Ang tanging dasal na lamang namin para sa aming kapwa.
Nawa’y matapos ang miserable nilang pamumuhay dulot ng iyong
kasakiman, sila nawa’y salubungin ng masagana at maligayang
hinaharap, pagtungtong nila sa Kalangitan…
*****
©http://juanbautistastories.com