Diss is Hip Hop (Hip Hop sa Pinas)

Diss is Hip Hop (Hip Hop sa Pinas)

Ayon sa isang Hip Hop documentary, kasama na talaga sa kultura ng Hip Hop ang Beef. Kahit nuon pa man lalo na nung late 80s hanggang 90s, may touch of egotism na talaga ang genre na ito ng musika. Ang sabi nga nuon ni 50 Cent, if you don’t believe that you’re the best in the game, you could be one of those unsigned artists who still struggle to get known. Hindi ko matandaan yung eksaktong statement pero parang ganun ang nais niyang sabihin. Kaya naman hanggang ngayon e pinagdedebatihan pa rin kung sino ba talaga ang the GOAT ng Hip Hop. Pero siyempre, depende ‘yan sa kung sino ba ang kausap mo. Iba-iba rin kasi ang basehan natin sa pagpili ng pinakamahusay sa lahat ng propesyon sa buhay.

Para sa’kin, wala namang masama sa pagdedeklara ng sarili bilang pinakamahusay sa isang larangan. Lalo na kung alam mo kahalagahan mo sa isang larangan at kung gaano ka kapusok para marating ang rurok ng iyong kakayahan.

At hindi rin ako nangi-ngiming sabihin na mas may kabuluhan para sa’kin ang Hip Hop sa Pinas kumpara sa mga banyaga. Dahil bilang Pilipino, karamihan sa mga rap songs natin ay may kinalaman sa buhay at kulturang Pilipino. Mula sa “Tayo’y mga Pinoy” ni Francis Magalona at “Trapik” ng Legit Misfitz hanggang sa “Upuan” ni Gloc9, “Gusto kong bumaet” ng DTG, “Miss Pakipot” ng Urban Flow at marami pang iba. At siyempre, ang all-time favorite kong “Momay” ng Juan Thugz. Napakaraming makata sa Pilipinas na piniling gamitin ang musika para maibahagi ang kahusayan nila. Mga liriko na deboto sa kanilang pagbabahagi ng kanilang mga pluma na mas lalong pinapatibay ng boses at rima.

At bilang mga makata, hindi na kataka-takang iniaalay nila ang ilan o karamihan sa kanilang mga gawa para sa bayan at mga Pilipino. Kung ang 90s rap music nuon sa Amerika ay nakatuon sa kahirapan at karahasan sa kalye, sa atin naman sa pinas, hindi lang sa kahirapan at karahasan ang maaaring magmitsa ng isang maganda at epektibong rap song. Napakaraming isyu, kuwento at anggulo na maaaring maging dahilan ng mga pinoy rappers para dumampot ng papel at panulat.

Pero mula sa Francis M era, subukan nating lumukso ng dalawang dekada.

May dissing game din tayo sa pinas mga tol. (Naaalala niyo ba yung “Dear Kuya” ni Syke na nagpadagundong nuon sa Hip Hop scene?) Ngayon nga habang isinusulat ko ang piyesang ‘to ay sunud-sunod ang mga naglalabsang diss songs mula sa iba’t ibang artist. Exciting ‘di ba? Entertained ka rin ba?

Pero bakit nga ba may mga nagkakaaway o hindi pagkakaintindihan minsan sa pagitan ng mga rappers. Ang sabi ng ilan, kakulangan sa respeto. Bakit nila nasabi? Dahil sabi rin ng ilan, yung ibang mga mas bata, binu-bully ng mas matatanda. Sabi rin ng ilan, yung mga baguhan o mas batang rappers ngayon ay wala namang galang sa mga “nauna”.

Ang sabi nga ng Ghetto Doggs, BABALA SA MGA RAPPER NA HINDI GAGALANG!

Entertaining naman talaga ang rap game. Lalo na yung mga ganyan na nagbabatuhan sila mga diss laban sa isa’t isa para may mapatunayan. Pero dito muna tayo tumutok sa salitang “nauna”. Ano ba talaga ang ibig sabihin n’yan?

Kapag ba, sampung taon ka nang nagra-rap at hindi ka namin kilala, kasalanan namin? Madaming hip hop fans at enthusiasts na hanggang ngayon ay nakikinig pa rin ng Francis M, DTG, Syke, Andrew E, Mike Swift, Denmark, D-Coy etc. Pero maaaring may mga beterano silang hindi kilala.

At ito ang ipinagpuputok ng butse ng ilang mga beteranong rappers sa ngayon.  Maaangas at mayayabang daw ang mga baguhan. Pormang bakla. Pekeng gangster at kung anu-ano pa. Sang-ayon ako na may mayayabang talaga at hindi naman nakakapagtaka ‘yon. Kahit saang larangan may mayayabang (baguhan man o beterano).

Pero kung talagang beterano ka na, bakit kailangan mo pang ipaalala sa tao kung sino ka at kung ano na ang naiambag mo sa rap? Bakit kailangan mo pang sabihin sa mga baguhan na nauna ka? Bakit ka manghihingi ng respeto kung tumatak ka na sa kultura?

Bakit kilala ng mga kabataan yung ibang kasabayan mo at ikaw, hinde?

Simple lang ‘yan eh. Kung isa kang beterano at ang problema mo e ‘yung hindi pagkilala sa’yo ng bagong henerasyon, tanungin mo ang sarili mo kung bakit. H’wag mong sisihin ang mga tao kung hindi ka nila kilala. Unang-una kung talagang artist ka, dapat nakasalaksak sa utak mo na hindi responsibilidad ng tao ang kilalanin ka. At bilang artist, ang responsibilidad mo ay mag-ambag sa musika, kultura at kasaysayan. Kapag nagawa mo ‘yon, kapatid, hindi mo na kailangang magpakilala.

Iyon ang primerong dahilan kung bakit sa kabila ng mga mahuhusay sa henerasyong ito gaya nina Loonie, BLKD, Emar Industriya, Ron Henley, Protege at iba pa, may mga nagpupugay pa rin sa mga ambag nina Francis M, Pooch, Dash, Beware, Masta Plann, SVC, Hi- Jakkk at marami pang iba.

Dahil TUMATAK na sila. At hindi na mabubura sa kasaysayan ang legado nilang ito.

Ito naman ang mensahe ko sa mga rappers ngayon, maaaring mas mahusay kayo kaysa sa mga nauna, posible bakit hindi. Pero sana naman eh h’wag mawawalan ng respeto sa legado ng iba. Dahil yung pagtatatag nila ng legadong ‘yan, iyan mismo ang ginagawa ninyo sa ngayon.

At hindi porke’t mas sikat kayo ngayon sa iba, e living legend na kayo.

Gaya ng mga nauna, dekada ang hihintayin niyo para malaman niyo kung TUMATAK ba kayo, o matutulad din kayo sa mga naunang hindi niyo nirerespeto sa ngayon.

Advertisement

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s