BIKTIMA

Biktima

 

Ayon sa kasabihan, ang kasaysayan ay isinusulat ng mga nagtagumpay. Maaaring tama. Pero mas epektibo siguro at tumatagos ang atake ng kasaysayan, kung maipaparating din natin ang mensahe ng mga biktima. Mga biktima ng giyera, martial law, kapitalismo, gobyerno. Mga biktima ng sistema.

Pero sa kasamaang palad, karamihan sa mga biktima ng sistema ay mga nangamatay na nang hindi napapakinggan ang kanilang mga hinaing. Maaaring naisaboses nila ang nais isigaw ng kanilang mga damdamin, subalit ipinag-kibit balikat lamang ang mga ito. Dahil karamihan sa atin, ay isinilang upang mamatay, at kalimutan matapos ibaon sa lupa. Mga may bilang sa mundo, pero walang kapangyarihan. Walang pera, walang kumikilala.

Kaya naman hindi ako basta basta nagpapaniwala sa mga talambuhay ng mga taong alam na alam ko naman na nabuhay sa pagpapanggap, panlalamang at pangwawalanghiya. Hindi ko nilalahat ang mga pulitiko at kapitalista, pero marami sa kanila; nagpakilalang tupa, at nabuhay bilang hari ng masalimuot na kagubatan na kailanman ay hindi nila nirespeto. Yayakapin ka nila, pero hindi mo mararamdaman ang init ng dugo na nagmumula sa kanilang mga katawan. Dahil ang salitang ‘sinsero’ ay walang espasyo sa kanilang mga balat. Dahil ang pakikipagkapwa-tao ay hindi kinikilala ng kanilang mga kaluluwa.

Isa ito sa mga dahilan kung bakit ako patuloy na nagsusulat. Upang isaboses ang kwento ng hinanakit at panaghoy ng mga biktima. Upang magpamulat na hindi lahat ng taong yumayakap sa’yo ay karapat-dapat mong ituring na kakampi, kaibigan o tagapagligtas. Upang kahit papaano ay makapag-ambag sa lipunan, sa pamamagitan ng pagpapamulat kung paano ba talaga maglaro ang mundong ito.

Mapaglaro ang buhay. Subalit ang larong ito ay hindi nanghahalina; bagkus ay nananakit at pumapatay.

Pero maiiwasan natin ito. Magmasid, makinig at makiramdam. Matutong alamin kung sino ang tunay na kakampi at kaaway. Alang-alang sa kwento ng buhay mo. Alang-alang sa maiaambag mo sa kasaysayan. Alang-alang sa mga pumanaw na biktima, na bagama’t hindi mo na nakikita – ay may mga mensaheng iniwan sa atin na lumulutang-lutang lang sa paligid na naghihintay na maisaboses ng iba.

Hindi lang sa atin umiikot ang mundo, at responsibilidad natin bilang tao ang ipaglaban ang karapatang pantao ng iba.

Hindi pa natin masasabing talunan ang isang taong namatay. Magiging ganap lang ang pagkatalo, kung wala nang magtutuloy ng pakikipaglaban nito, alang-alang sa prinsipyo, karapatang pantao at hustisya.

Isa kang sakim kung naniniwala kang walang mali sa bansa, sa gobyerno, sa kasaysayan, dahil ayos ka lang. Nakikita mong lahat ang kamalian, pero nasasayo na ‘yun – kung papalag ka, o magkikibit-balikat na lang.

Ayon sa kasabihan, ang kasaysayan ay isinusulat ng mga nagtagumpay. Pero hindi natin alam kung ano ang tunay na ipinaglaban ng mga nagtagumpay. Kaninong prinsipyo ang mas tama, sa nabigo? O sa nagwagi?

Hindi natin alam ang lahat.

Kailangan pa rin natin ng ganap na pagkamulat.

JUAN BAUTISTA
Sept. 2, 2019

Advertisement

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s