Mga Dagli

dagli_banner

“Biyaheng Bakal”

Habang naglalakad nang nakayuko hawak ang selpon, nagmamadali pero tatanga-tanga, hindi ko sinasadyang natadiyakan ang mga paninda ng isang ale sa gilid ng bangketa. “Ano ka ba? Selpon ka nang selpon hindi ka tumitingin sa nilalakaran mo!” Sigaw sa ‘kin ng medyo may edad nang ale. “Pasensya na ho,” sabi ko, “may nasira ho ba? Babayaran ko na lang ho. Pasensya na.” Patuloy ko habang tinutulungan siyang damputin isa-isa ang mga nagkalat niyang paninda.

Andaming sinasabi sa ‘kin ng ale habang inaayos namin ang mga paninda niya. “Alam mo ba ang halaga ng mga kamatis at talong na ‘yan, ha?” Tanong niya sa ‘kin. Ang sagot ko nama’y ‘oho. Babayaran ko ho.’

Ang sabi ni aleng tindera. Hindi raw yung presyo ang itinatanong niya. Kundi ang ‘halaga’, at ikinuwento niya sa ‘kin ang lahat kung papaano niyang itinanim at kung gaano katagal ang kanyang hinintay bago niya pitasin ang mga ‘yon para maitinda at mapakinabangan. At nang iabot ko ang aking pera bilang bayad danyos sa kapalpakan ko, hindi niya ‘yon tinanggap at sinabing mag-iingat na lang daw ako sa susunod at baka ‘pag sa iba ko raw ‘yon nagawa ay baka magulpi pa ‘ko. Muli akong humingi ng pasensya bago nagpatuloy sa paglalakad bilang mahuhuli na ‘ko sa trabaho.

Subalit hindi pa ‘ko nakakalayo, narinig ko ang komosiyon sa bangketa. Hinahakot ng mga lalakeng sakay ng trak ang paninda ng mga pobreng tindero’t tindera. Walang patawad. Lahat ng maaari nilang damputin at kamigin ay talaga namang parang wala nang bukas. Ambibilis pang magsikilos, akala mo’y mga bulateng inasinan na nag-uunahan sa pagsalok ng tubig para ibuhos sa nanghahapdi nilang mga katawan.

Nakita ko ‘yung ale na na-hassle ko na umiiyak. Wala na ‘yung mga paninda niya. Sa isip-isip ko, ganun naman talaga, lahat ng pinaghihirapan naming mga pobre, nawawala sa isang palatak lang. At base na rin sa aral na nakuha ko sa kalye nung araw na ‘yon, sa presyo naman lagi nagkakatalo; hindi na kailangang alamin pa kung ano ang halaga.

Pero may atraso ‘ko kay aleng tindera. Hindi ko matiis ‘yung iyak niya. Kaya bumalik ako para isampal sa mga siraulong lalake kung gaano kahalaga ang mga panindang ‘yon.

“Mga ser, maghulus-dili kayo aba. Alam niyo ba ang halaga ng mga panindang ‘yan?” Maangas kong banat habang nagdadasal sa isip na sana’y h’wag silang pumalag. Itinuro ko pa ‘yung mga paninda ng ale para malaman ng lalake kung ano ‘yung mismong tinutukoy ko.

“Oo. Alam ko. Tumabi ka diyan. Ginagawa lang namin ang trabaho namin!” Banat sa ‘kin ni gago.

“Maawa ka dun sa ale oh. Pinaghirapan niya ‘yan!”

“Oo nga alam ko. Bakit ba ang kulit mo? Nanay ko ‘yan eh!”

Nagulat ako sa sinabi nung lalake. Anak pala siya nung aleng tindera. Tinanong ko siya kung bakit siya ganun sa nanay niya at kinuha ang mga paninda niyon.

“Ewan ko ba diyan kay nanay! Sinabihan ko naman ‘yan kaninang umaga. Kaya nga ayan eh oh, nakabukod ‘yung mga paninda niya. Itinabi ko sa gilid.”

Kakamut-kamot akong naglakad papunta dun sa ale. “Manang. Ayos lang ho ba kayo?” Tanong ko. “Ayos lang ako, iho. Siya, hayo na at mukhang may lakad ka pa.” Sagot niya habang hihikbi-hikbi. Sobrang gulung-gulo na ‘ko sa mga nangyayare kaya minabuti ko na lang na umalis na nga at paniguradong huli na nga ‘ko sa trabaho nang mga oras na ‘yon.

“Oh, anong sabi ng Nanay?” Tanong sa ‘kin ng lalake habang hindi magkandatuto sa yakap-yakap niyang basket ng dalandan.

“Okey naman daw siya.”

Muli kong sinulyapan ‘yung dalawa bago ‘ko sumakay ng bus. At nang makaupo na ko’y kagyat akong napangiti. Naalala ko si Nanay – na pina-tokhang ko may ilang Linggo na rin ang nakalipas.

WAKAS

“Kuwatro Siyentos”

Isang hapon, papauwi ako galing sa konstraksiyon na pinagtatrabahuhan ko tuwing wala akong pasok sa eskuwela. Bagong sahod. Limandaan na tig-iisandaan na malutong at amoy bangko pa. Naisipan kong dumaan sa isang restwaran para bilhan ng pansit ang nanay.
Nang biglang may sumitsit sa’kin.
“Boy. Baka gusto mo, yung babaeng naka-asul. Maganda ‘di ba? Kaka-debut lang nyan.” Sabi sa’kin ng isang babae na sa tantsa ko’y mga kwarenta y singko hanggang singkuwenta anyos na ang edad.
“Ay hindi po. Estudyante lang po ako.”
“Kuwatro siyentos lang hijo, ikaw na ang bahala kahit iuwi mo pa ‘yan. Perstaym lang yan ni Baby kailangang kailangan lang daw talaga sabi sa’kin ng nanay nya.”
Hindi ko alam kung anong isasagot ko. Si Baby. Lumapit siya sa akin at binulungan niya ‘ko, hinding hindi ko makakalimutan ang tagpong iyon ng aking buhay.
“Sasama ako sa’yo kahit saan mo gusto. Parang awa mo na, ser.”
Agad kong dinukot ang aking pitaka at kinuha ang pera. Ibinigay ko iyon sa babaeng bugaw at niyaya ko na si Baby na umalis sa lugar na iyon.
Walang araw na hindi ko naaalala ang parteng iyon ng buhay ko. Si Baby, inosente, biktima ng sistema.
Sa ngayon, hindi ang malaki kong bahay, magagarang sasakyan at milyun-milyong pera ang itinuturing kong kayamanan. Si Baby, na simula nang ako’y nangangarap pa lang, ay kasama ko na.
Si Baby. Ang ilaw ng tahanan. Ang reyna ng aking pamilya.
WAKAS

“PROPOSAL FAIL”

“You’re proposing without a ring?” nakatingin ang mga kaibigan kay Toti at sa nobya nitong si Marie. Nakaabang ang lahat sa mga susunod na mangyayari.

Nagtatakang niyuko ni Toti ang singsing sa kanyang palad habang nakaluhod. At muli niyang tiningala ang nobya.

“Alam ko singsing yan. Pero bakit walang bato?”

Katahimikan.

“Hindi naman sa ano, pero lagi ka kasing nagmamadali Toti. Magsi-six years pa lang tayo. Ang buong akala ko naman e nag-iipon ka kaya sobrang tipid mo.”

“Pasensya ka na, Marie.”

“Then I’m sorry too. It’s a no.”
***

Makalipas ang tatlong araw.

“Kuneng, kamusta na ang kaibigan mo? Malungkot ba?” si Marie.

“Hindi naman ayos lang siya. Bakit?”

“E kasi nga napahiya siya nung Sabado ‘di ba? Para namang wala ka ron.”

“A. Ayos lang si Toti. Mamaya pupunta ko ron tutulungan ko siyang mag-ayos.”

“Mag-ayos?”

“Oo. Tapos na kasi yung pinagawa niyang bahay.”

“Bumili siya ng bahay namin?”

“Bahay niya lang. Feelingerang ‘to.”

WAKAS

“UNKSINKABLE”

“Tol. May problema.” Mensahe ni Kuneng kay Toti sa Messenger.

“Bakit ano yon?” si Toti.

“Ayaw lumubog ng jerbacks ko tol. May naghihintay ba sa labas ng C.R?”

“Oo meron. Tarages ka ang laki ng problema mo. Lumabas ka na lang na parang walang nangyari bilisan mo malayo pa biyahe natin.”

Lumipas pa ang sampung minuto at hindi pa rin lumalabas si Kuneng mula sa banyo.

“Kuneng ano na? Anak ng boogie humahaba na pila sa banyo andaming naghihintay. Lumabas ka na dyan.”

“Madami na ba? T*ngina ‘pag minamalas talaga oo. Kala ko ba isa lang?”

“Kanina ‘yon gago ka kase sabi ko sa’yo kanina lumabas ka na dyan ang arte mo!”

Labinlimang minuto pa ang lumipas at tinawag na ng isang customer ang Manager ng restawran.

“Kuneng. Yung kumakatok nang malakas, yung manedyer yan hayop ka buksan mo na yang pinto baka tadyakan pa nila ‘yan.”

“Teka teka p*tangina naman kase. E pano ko lalabas nakakahiya. T*anginang tae ‘to!”

“May bintana ba dyan?”

“Wala. Exhaust fan lang. Tibagin ko na kaya yung exhaust tapos dun ako dumaan?”

“Ano ka tuta? Ulo mo lang ang magkakasya dyan gago. Lumabas ka na dyan kingina mo. Nakaabang na lahat ng tao dyan sa pinto.” Hindi na mapakali si Toti dahil pati sa kanya ay sumusulyap sulyap na rin ang mga tao bilang alam nila na sya ang kasama ng taong huling pumasok sa banyo.

“Sir? Sir may problema po ba? Sir?” Kumakatok pa rin ang manedyer ng restawran.

“Kuneng! Ano na? Bahala ka dyan lalabas na ‘ko hihintayin na lang kita sa parking area.”

Nasa mismong pintuan na si Toti nang makita nyang tumayo si Jay Santos. Isang kilalang newscaster sa isang panggabing programa.

“Ano po ba problema dyan sir?” Tanong ni Jay sa manedyer.

“Kuneng. P*tangina may reporter sa labas ng banyo. Lumabas ka na dyan. Ito na lang ang huling paraan na naiisip ko, dakutin mo na ‘yan at ibato mo sa labas dun mo padaanin sa exhaust fan. Dali!”

“T*angina Toti. Makulong na ‘ko pero hindi ko gagawin ‘yon.”

“T*angina mo wala pa ‘kong narinig na nakulong dahil hindi lumubog ang tae nya sa inidoro. Lumabas ka na dyan!”

“Rick. Kunin mo yung camera may situation tayo rito. Sir kailangan na po nating sirain ‘tong pinto.” Si Jay.

Ganun na lang ang gulat ni Toti nang marinig si Jay. Pag nagkataon ay baka mapanood pa sa telebisyon ang kaibigang si Kuneng. Kahihiyan ang aabutin ng kaibigan kung hindi nya ito tutulungan.

“Sir Jay. Ayun ho, kasama yan nung nasa loob.”

Sabay sabay na bumaling ang tingin ng lahat kay Toti. Isang buntunghininga ang pinakawalan ni Toti at dahan dahan na syang naglakad patungo sa mga tao na naghihintay sa paglabas ni Kuneng.

“Ah. Mga ser/mam. E palabas na ho yung kaibigan ko kung maaari lang po, i-clear natin yung area muna nagkaproblema lang ho.”

“I-clear ang area? Prinsipe ba yan? Ihing-ihi na ‘ko rito kakahintay a. Bakit kanino bang anak ‘yan?!” Pabalagbag na sagot ng isang mama na malaki ang katawan.

Matapos magsalita ng mama ay sabay sabay nang umangal ang mga tao.

“A sir, Rick kuhanan mo nga kami rito. A sir, may problema ho ba? Kasi ayon sa mga kasamahan natin dito e kanina pa raw ho nasa loob yung kaibigan nyo at hindi raw ho sumasagot. May pinagdaraanan ho ba ang kaibigan nyo?” si Jay.

“Oo.” Matipid na sagot ni Toti.

“Kuneng! Lumabas ka na nga dyan?” Buwisit na buwisit na si Toti habang kinakalabog ang pinto.

Jay Santos: Live po tayo ngayon dito sa **** at kasalukuyan pong may konting kaguluhan dito at mayroon pong nagkulong sa loob ng banyo. Mag-iisang oras na po at nangangamba na kami na may nangyari na sa loob at…

“Tama na!”

Tinginan ang mga tao kay Toti.

“Anong sitwasyon ang sinasabi mo, may nagpakamatay?! Walang problema ‘tong tarantadong nasa loob ng banyo. Ayaw lang lumubog ng tae nya okey?. Ayaw lumubog ng p*tanginang tae!”

Dahan-dahang umatras papalayo ang mga tao. Ngunit bukod sa camera ni Rick ay nakatutok rin sa pinto ang mga cellphone ng mga nakaantabay na kustomer.

“Kuneng? Kuneng. Wala nang tao. Pwede ka nang lumabas.”

Wala pang isang oras matapos ang insidente ay sikat na si Kuneng sa Social Media.

WAKAS

“HACIENDA”

“Miguel Anak, tingnan mo ang buong paligid.” ang nakangiting paanyaya ni Ruben sa anak na lalaki.

“Napakaganda po.” Tumingala si Miguel sa amang si Ruben habang nakatayo ang mag-ama sa tuktok ng burol.

“Tama ka. At tingnan mo nang maigi ang buong lupain anak. Ito ang tatandaan mo, magmula ngayon, ang buong lupain na ito, hanggang sa kung saan ang marating ng mga mata mo – “

Sabik na muling tumingin si Miguel sa ama.

“Diyan ka magtatrabaho.”

At iniabot ni Ruben ang kanyang regalo para sa ika-sampung taong kaarawan ng anak. Ang kanyang bagong salakot at itak.

*****JB*****

“PLANO”

“Toti anak, magbe-bertdey ka nanaman bukas, matanong nga kita, ano ba talaga ang mga plano mo sa buhay?”

“E ‘Nay, simple lang naman mga ambisyon ko sa buhay e, magkaron ng magandang trabaho, makapag asawa, magkaron ng milyones sa bangko at makabili ng magarang kotse. Kapag natupad ko nang lahat ng ‘yon ‘Nay, makakapag relaks na tayo habambuhay.”

Napaiyak na lamang si Aling Mena sa tinuran ng anak.

“Nay?”

“Anak ka ng ama mong magulang, treinta y siete anyos ka na bukas, tatlumpu’t pitong taong ka na ring nagre-relaks dito sa bahay! Animal na ito…”

*****JB*****

“TAWAD”

“Nay magkano ho yung talong?”

“Beinte limang piraso iho. Kakapitas lamang ng mga iyan.”

“Pwede ho bang sampu na lang?”

“O sige iho.”

Paalis na sana si Toti nang muling magsalita ang matanda.

“Iho ang gamit mo!”

Muntik na maiwan ni Toti yung bagong bili niyang Jordan 11 na sapatos.

*****JB*****

“WITH WINGS”

“Tiya Andeng!Pabili nga po ng dalawang Napkin. Yung pinakamanipis po. Saka iyong ano daw ho, a… With Wings!”

Sisipul-sipol pa si Toti habang hinihintay ang kanyang binibili nang marinig nya ang hagikhikan ng isang grupo ng mga lalaki’t babae sa silyang mahaba.

“Bakit? Palibhasa hindi kayo mautusan bumili ng Napkin ng mga nanay at ate nyo. Mga gunggong na ‘to.” Singhal nya sa mga tinedyer.

“Pasensya na po kuya Toti. Hindi naman po. Sa totoo lang e humahanga nga kami sa inyo dahil hindi kayo nahihiya.” Sambit ni Lily.

“Aba’y bakit ako mahihiya? Unang-una, gunggong lang ang mag-iisip na para sa’kin ang mga Napkin na ‘to dahil lalake ako. Pangalawa, masama pakiramdam ng ate ko dahil may dalaw nga raw sya. Siya, maiwan ko na kayo dyan. Magsiuwi na nga kayo at nang mapakinabangan naman kayo ng mga magulang nyo.”

Nang makauwi si Toti ay diretso sya sa kuwarto upang magbihis. Matapos maisuot ang kanyang kamiseta’y isinuksok na nya sa kanyang magkabilang kili kili ang dalawang Napkin na binili.

“Punyetang mga deodorant kay mahal mahal mga walang silbi.”

At lumakad na si Toting Baskil para umakyat ng ligaw.

*****JB*****

 

“Kuyog”

‘Magnanakaw magnanakaw! Habulin nyo yung
magnanakaw!” Halos mapatid ang litid ng
tindera sa pagtili habang itinuturo ang
taong nananakbo nang matulin.

Nahablot ng mga tambay sa palengke ang
magnanakaw at agaran itong kinuyog ng mga
tao hanggang sa ito’y mawalan na lamang ng
malay sanhi ng tinamong suntok, tadyak at
hampas mula sa taumbayan.

Paglapit ko para umusyoso, dahan-dahang
gumulong sa paanan ko ang dalawang botelya
ng mga gamot na itinakbo ng batang si Teryo
mula sa botika.At nasaksihan ko ang pagkalagot
ng kanyang hininga, may dalawang minuto bago
dumating ang ambulansya.

*****JB*****

“Buwena Mano”

“Barbekyu, murang mura, bili na kayo.” Sisipul-sipol pa si Jok Jok habang inaayos ang kanyang mga paninda.

Makalipas ang limang oras, nagtungo si Jok Jok sa tindahan upang hikayating bumili ang nag-iinumang kapitbahay ng kanyang Barbekyu. “Kuya Ron, mukhang napapasarap na ang inuman a. Bumili muna kayo ng pulutan. Buwena mano lang pampabuwenas.” Sabi ni Jok Jok dahil mag aalas-otso na’y wala pa ring bumibili ng kanyang mga paninda. Magalang namang tumanggi ang mga tambay.

Sa sobrang sama ng loob ng batang si Jok Jok ay iniligpit na nya ang kanyang mga paninda at mangiyak-ngiyak na pumasok na sa loob ng kanilang bahay. At tuluyang na syang napaiyak habang ibinabalik sa pridyider ang mga ihawin. Walang bumili kahit isa sa mga paninda ng batang awang-awa sa sarili. Noo’y naabutan sya ng kanyang ama.

“O. Anong iniiyak mo dyan?”

“Wala pong bumili ng barbekyu.” Hihikbi-hikbing sambit ng anak.

“Sabi ko naman sa’yo kahapon ‘di ba? Nyemas kang bata ka sayang ang pera. Hindi bale’t tatlong araw natin uulamin yan magsawa ka sa lamanloob. Sya. Matapos makapag hapunan ay samahan mo ‘ko ngayong gabi. Madami tayong trabaho.”

At matapos ngang makakain ay gumayak na ang mag-amang embalsamador.

*****JB*****

“Nene”

– dad! Sabi ko naman sa’yo e di ba? IPhone 6! Cherry Mobile gosh! I’d rather be seen lying dead by my friends than seeing me holding that crap. I told you months ago before my Birthday di ba?

– hindi ko naman kasi alam anak. Ang sabi ng nagtitinda yan daw ang maganda. Pasensya ka na Princess, anak.

At padabog na lumabas ng bahay si Princess.

Iyon ang kahuli-hulihang pagkakataon na nagkausap ang mag-ama. Kinabukasan ng hapon ay nabalitaan na lamang nya mula sa isang kapitbahay na-hit ‘n run si Mang Fred. Ang kanyang “Street Sweeper” na ama…

*****JB*****

“Ay-Bol”

– “Ano tol musta ‘Ay-Bol’ nyo?”
-“Nagtago ako tol di ako nagpakita.” Sagot ni Rico.
-“Bakit?”
-“Ampangit tol. Nag-aksaya lang ako ng pamasahe’t pabango. Tangina talaga nagagawa ng teknolohiya ngayon e ‘no. Nakaka-gago.Amputi at ang kinis sa piktyur, pagkakita mo sa personal
puta nakakadismaya.”

Makalipas ang dalawang Linggo.

-“Ano tol musta yung bagong ‘ka-ay-bol’ mo?”
-“Di ako nagpakita tol. Nagtago ako.” Sagot ni Rico.
-“Nanaman? Ang malas mo tol. Pangit ba?”
-“Hindi. Puta ampangit ko! Parang artista sa personal.”

Dali dali si Rico sa computer shop upang mag-Peysbuk.

“Dilit dis shit. Bagong Propayl, bagong pag-asa. Ayos!”

*****JB*****

“Tatawagan na lang kita”

“Ano ba problema? Bakit lagi kang ganyan? Hindi ka nag-rereply sa mga text messages ko, sa Facebook message ako nang message hindi ka nag-rereply e ‘seen’ naman.” Ang tanong ni Abel sa kanyang nobyang si Dani.

“Tatawagan na lang kita.” Ang matipid na sagot ng babae.

“Tangina talagang buhay ‘to! Iyon lang ba ang papel ko sa punyetang mundong mapanghusga? Mga putangina nyong lahat ayoko na!”

***

Hindi makapaniwala si Dani na nagawa iyon ng nobyong si Abel. Mahal nya ito. Subalit sumama ang kanyang loob nang makalimutan nito ang kanilang unang anibersaryo. Wala siyang natanggap na kahit anong regalo.

“Diyos ko Abel. Bakit mo ginawa ‘to?” Sambit ng nagluluksang si Dani.

***

“Tangina. Anibersaryo na namin ni Dani bukas. Hanggang ngayon wala pa din akong trabaho. Si-sisenta na lang ang pera ko puta. Huling pag-asa ko na’to.” Bulong ni Abel sa sarili habang naghihintay na muling tawagin ng sektretarya ang kanyang pangalan.

“Mr. Abel Rodriguez? Tatawagan na lang po namin kayo.”

Walang lingon-likod na umalis si Abel. Alam na nya ang ibig sabihin noon, hindi sya napili bilang empleyado ng kumpanya.

“Mga putanginang kapitalistang tarantado! Mas mabuti pang sabihin na lang nilang hindi ako tanggap, ayaw nila sakin, hindi nila trip yung suot kong polo, madumi sapatos ko. Pero putangina. Tatawagan na lang? limang beses na ‘tatawagan na lang’ sa loob ng isang linggo. Putangina nyong lahat bagsakan sana ng eroplano mga building nyo.”

***

“Tatawagan na lang kita.” Ang matipid na sagot ni Dani.

Hindi inaasahan ni Abel ang sagot na iyon ng nobya. Namanhid ang buo nyang katawan.

“Humarap ka sa salamin at sabihin mong wala kang kuwentang tao.” Bulong ni Abel sa sarili at lelempang-lempang na tumayo mula sa higaan.

“Walang kang kwentang tao. Tangina mo!”

At kasunod nang pagputok ng kanyang baril ay ang agarang paglagapak ni Abel sa sahig.

*****JB*****

“Kometa” 

“Anong nangyayari?” Bulong ni Niño habang nakatingala sa kalangitan.

“Oras na siguro upang wakasan ng Lumikha ang kanyang obra maestra. Ang tao.” Sambit ng estranghero.

“At bakit naman? Tayong mga tao ang tagapag-pangalaga ng mundong ito hindi po ba?”

Tama. Ipinagkaloob Nya sa atin ang pinakamataas na uri ng karunungang higit sa lahat ng nilalang na nabubuhay sa mundong ibabaw. At hindi naglaon, nagawa nating lumipad na parang mga ibon, lumangoy na kasing husay ng mga isda, umandar nang matulin na higit pa sa bilis ng mga kabayo at marami pang iba. Subalit wala tayong kakuntentuhan sa buhay Niño. Naging mas mabagsik tayo higit pa sa mga leon at buwitre. Sinasakmal na natin ang isa’t isa. Dinadakma na natin ang dangal ng iba para sa ating makasariling mga hangarin. Tayong mga tao ang mga pinakawalang konsensyang nilalang sa balat ng lupa.

“H’wag kang matakot Niño. Humawak ka lamang sa aking kamay.”

At sabay na muling tumingala ang batang palaboy na si Niño at ang estrangherong iyon sa kalangitan upang harapin nang buong tapang, ang rumaragasang kometa na tatapos sa sangkatauhan…

*****JB*****

“Belyas”

“Basta ito ang tatandaan mo, yung mga mukha nila Kristine Hermosa at Anne Curtis? Tindera lang ng mga prutas yun dito…”

Hinding hindi makakalimutan ni Toto ang tinuran na iyon ng kanyang ‘Seaman’ na pinsan. Kaya naman magmula nuon ay nangarap na siyang makasampa ng barko. Bukod sa kung saan-saang bansa na nakarating ang kanyang pinsang si Henry ay iba’t-ibang naggagandahang babae na din ang nai-kama nito.

“Hindi mo naman kailangang maging guwapo, sa bawat pagdaong ng aming barko ay nag-aabang na ang mga ‘belyas’ para sa kaunting dolyares na iaabot mo. Minsan pa nga’y kahit tuwalya’t sabon lang ay pumapayag na sila.” Pagbibida pa nito.

Subalit isang araw ay nagimbal ang kanilang buong angkan sa kanilang nabalitaan. Patay na si Henry. Tumalon daw ito mula sa barko. Mula unang gabi ng lamay hanggang sa libing ni Henry ay palaisipan sa lahat ang dahilan ng pagpapatiwakal nito. Hanggang sa kausapin si Toto ng nanahimik sa isang sulok na si Katherine, ang asawa ng kanyang pinsan.

Tiningala ni Katherine si Toto at sinabi, “sana hindi ko na lang siya pinadalhan ng mensahe na positibo sa HIV ang kapatid ko. Ang mga putanginang ‘yon. Pwede ko naman siyang hintayin na lang makabalik at sabay na lamang silang katayin sa kanilang pagtulog…”

*****JB*****

“Bingot”

“Bingot!” Sigaw ni Rolly. “Bertdey mamaya ni boss. Lahat daw imbitado.”

Kilala ng lahat si Bingot bilang tagatimpla ng kape ni Mr. Luis. Ang may ari ng kumpanyang pinapasukan nila Rolly. Isa ito sa  mga pinakamayamang negosyante sa Maynila. Mabuting tao si Mr. Luis, biyudo, kilala ding matulungin at aktibo sa mga kawanggawa. Kaya naman hindi na nagtataka ang mga empleyado doon kung paano napasok si Bingot para magtrabaho. Kahit ngo-ngo ang binatilyo sanhi ng kanal sa kanyang labi. Kahit kadalasa’y pakalat-kalat lang ito sa gusali at wala naman halos ginagawa maliban sa pagbibigay ng kape kay Mr. Luis tuwing umaga at hapon. At kahit mag-iisang buwan pa lamang si Bingot sa kumpanya ay nakasisiguro sila Rolly na wala namang kaso kung dadalo ang binata sa kaarawan ng CEO.

\m/

Nang gabi ding iyon ay may isang oras nang nakatitig si Debbie sa salamin ng kanyang kuwarto. Maganda si Debbie, at desperado. Handa siyang gamitin ang kanyang ganda at alindog upang maabot ang kanyang mga nagtatayugang ambisyon sa buhay.

“Kapag hindi mo pa ko mapansin mamaya. Ibig sabihin bakla ka.” bulong niya sa sarili. Nagwisik siya ng pabango at lumabas na ng kuwarto matapos marinig ang sunud-sunod na busina ng kanyang sundo sa labas.

\m/

Ang lahat ay kasalakuyang nagkakainan at naghuhuntahan sa isang mahabang lamesa sa hardin ng mansyon ni Mr. Luis, at hindi inaasahan ng lahat ang sumunod na eksena.

“Nges Hu!” sambit ni Bingot habang tinakpan nito ng magkabila niyang palad ang mga mata ni Mr. Luis mula sa likuran.

“Sir. Guess who daw!” matapos magsalita ni Rolly ay sabay-sabay na nagtawanan ang mga bisita. “Sir kapag nahulaan niyo kung sino yan may kiss ka sakin.” si Debbie. At umalingawngaw ang kantiyawan sa paligid.

“Si Noel. Ang kaisa-isa kong anak. Inampon ko siya magdadalawang buwan na.” si Mr. Luis.

Nagyukuan sila Rolly. Ang iba’y hindi malaman kung ano ang gagawin. Ang iba nama’y tila ba gusto na lamang biglang maglaho sa kanilang kinauupuan. Pero hindi si Debbie. At muling humirit ang magandang dalaga. “Hi Noel! Ikaw ha, anak ka pala ni sir hindi mo sinasabi sa amin.”

“Mga mutang ina niyo ang mamangit niyo! Makyu!”

*****JB*****

“Temats”

Alas-siyete ng gabi. Ngayon pa lang ako babangon sa aking higaan para harapin ang araw na ito, at katulad ng mga nagdaang araw, wala nanamang pakinabang sakin ang mundo. Lalabas ako ng bahay, maglalakad lakad at maghahanap ng maha-hassle sa kalye. Nanginginig na naman ako, hindi dahil sa gutom. Putsa! Kailangan ko ng ‘temats’. Yung ‘yellowish’. Yung panalo ang pagkakatarya. Kaya lang, may utang pa ako kay Estong, hindi ako bibigyan ng gagong tulak na ‘yon. Baka nga patayin pa ko kapag nakita ako ‘non.

Nagsisindi ako ng yosi nang may lumapit sa aking lalaki. “Tol. Tara batak tayo”. Sabi sakin ni tarantado e ngayon ko lang nakita sa lugar namin ‘to. Lamang lang ng konting linis at kaputian ang lalaki sa isang taong grasa. Mahaba ang buhok at malago ang balbas na namumuo na at tila hindi nabasa ng tubig sa loob ng ilang buwan, o isang taon. Madumi, mabaho, at mukhang mamamatay na bukas. “Teka. Sino ka ba?”

Nakatitig lang sakin si baho. Nakangisi. Nang bigla kong napansin yung magkabila niyang tattoo sa mga braso. “Amelia” sa kaliwa, at disenyong “Taurus” sa kanan. “Bakit pareho tayo? huwag mong sabihin Taurus ka din at Amelia pangalan ng nanay mo.”

– Tangina tol. Ambilis mo namang makalimot. Hindi mo ba kilala ang ngiting ‘to? Sabagay, ang adik droga agad ang naaalala sa tuwing gigising sila. Pero sa loob lamang ng ilang buwan o isang taon, nakakalimutan na nila ang lahat-lahat. Ultimo mga sarili nila.

Biglang balikwas ko sa higaan. Panaginip lang pala. Ngayon ang huling araw ko dito sa rehab. At ipinapangako ko sa sarili ko, paglabas ko ng pagamutang ito, mapapakinabangan na ‘ko ng mundo…

*****JB*****

“Walang Hugutan”

Isang gabi naglalakad ako sa isang napakadilim na eskinita. Sisipul-sipol pa ko habang bitbit ang pancit na pasalubong para sa mag-iina ko, nang bigla na lang akong undayan ng saksak ni Berto. Kilalang adik at tulak sa lugar namin. Tangka na niyang huhugutin ang ‘ice pick’ mula sa pagkakabaon nito sa bandang ilalim ng aking tiyan nang hablutin ko ang kanyang kamay.
– “Pare. Parang awa mo na huwag mong huhugutin.” Sabi ko.
– At bakit hindi?
– Kapag hinugot mo ‘tong ice pick, maiuuwi ko pa itong pancit sa bahay, pero hindi na ‘ko aabot ng ospital.
– At kapag hindi ko hinugot?
– Aabot pa ko sa ospital. At ‘pag dinalaw ako ng mag-iina ko, may pagsasaluhan pa silang pancit.
– Sinasabi mo ba sakin na kapag namatay ka hindi na makakakain ng pancit kahit kailan ang pamilya mo?
– Oo pare.
Agad akong itinakbo ni Berto sa ospital. At magmula nuon hanggang ngayon, magkaibigan pa rin kami…

*****JB*****

45 thoughts on “Mga Dagli

  1. Nakakatuwa po yung mga kuwento, ipagpapaalam ko rin po sana kung pwede ko pong magamit yung ilang dagli nyo para sa gagawin kong review ng dagli? ilalagay ko na rin po ang pangalan nyo para sa copyright…. kung papayag lang po kayo……. maraming salamat in advance.

    Like

  2. napakahusay at napakagaling na manunulat. matatalinghaga at may kinalaman sa kontemporaryong panlipunan. ang lahat ng kwento ay madamdaming isinulat. saludo ako sayo sir!

    Like

  3. Pede ko po ba ma copy ung Isa sa mga dagli na ginawa nyo
    For performance task lng po sa fill
    Wala po Kasi ako maiisip eh Kung pano gawin Ang dagli

    Like

Leave a comment