Mga Tutubing Karayom Sa Ibabaw Ng Baha

Baha

“Mga Tutubing Karayom Sa Ibabaw Ng Baha”
(Maikling Kuwento ni Juan Bautista)

Alas sais ng umaga, pinilit ni Rico bumangon mula sa pagkakahiga. Kailangan niya nang tumayo. Kahit parang binibiyak ng unti-unti ang kanyang bungo sa dami ng nainom na serbesa noong nagdaang gabi sa kaarawan ng kaibigang si Sato ay hindi siya pupuwedeng lumiban. Naka-kompromiso kasi siya kay Mang Dante, siya ang kukuha ng mga litrato para sa gaganaping kasal ng anak nitong babae.

Hindi Photographer ang propesyon ni Rico. Isa siyang Computer Technician. Subalit simula ng pagkabata ay humaling na siya sa mga naggagandahang larawan. Kaya kapag maganda ang panahon ay mas pinipili niya pa ang paglalakad kaysa sumakay ng dyip pagpasok sa trabaho. Hindi siya naiinip, hindi siya nakakaramdam ng pagkapagod. Ang mga naglalakihang litrato na nakakalat sa mga kalye ng Maynila ang nagsisilbing pamatid uhaw sa araw-araw niyang paglalakad mula Lunes hanggang Sabado. At masaya siya sa gawaing iyon.

Lahat ng klase ng damdamin ay kayang katawanin ng isang litrato iyon ang kaniyang paniniwala. At bawat isa nito ay nagtataglay ng kasaysayang maghahatid ng mga importanteng alaala at leksyon na mapapakinabangan sa hinaharap.

Ngayon ay araw ng Linggo. Niyakag niya ang kanyang pamilya sa simbahan at matapos ang misa ay kumain sa isang kainan sa plasa. Ang araw ng Linggo ay parang isang bara ng ginto kung ituring ni Rico. Ito lamang ang araw na kung saan ay maaari niyang makasama ng isang buong araw ang ina, anak at asawa.

“Nay. Ang sabi ni Mang Dante ay isama ko daw ho kayong lahat mamaya sa kasal ni Cecilia. Inaanak mo iyon.” Paalala ni Rico.

“Naku naman anak. Hindi ba’t masyado nang gabi iyon. Ikaw na lang. Saka maaga pa ang pasok ni Karlo bukas.”

“Oo nga. Ikaw na lang. Saka para mapilitan kang umuwi ng maaga. At tigil-tigilan mo ang alak at nagpakalunod na kayo ni Sato kagabi. Pag nagsasama talaga kayong dalawa para bang wala ng bukas.” Ang sunod naman ng asawang si Marieta.

“O siya sige. Ako na lang ang magpapaliwanag kay Mang Dante.”

Alas Dos pa lang ng hapon ay nasa bahay na nila Cecilia si Rico. Bago pumunta sa simbahan ay kailangan niya ding kunan ng litrato ang mga isusuot nito at ang mismong paghahanda para sa gaganaping kasalan. Nakiusap lamang sa kanya ang ama nito upang makatipid sa gastusin. Wala naman siyang balak tumanggi bilang kinakapatid niya ang babae. At kahit na mas mura kumpara sa mga propesyunal ang ibabayad ng mga ito ay kailangan niyang pagbutihin ang trabaho. Isa ito sa mga pinaka importanteng araw sa buhay ni Cecilia. At titiyakin niyang sa bawat resulta ng pagpindot sa kanyang kamera ay magugunita ng mag asawa ang halos buong detalye ng napakasayang araw na ito. Nais niyang sa bawat pagbuklat ng mga koleksiyon ng larawan ay magbubunga ng ngiti mula kay Cecilia at Ramon.

At hindi nagtagal ay nasa simbahan na ang lahat. Napakaganda ni Cecilia sa suot na damit pangkasal. Kitang kita sa maaliwalas na mukha nito ang kagalakan habang nagmamartsa kasama ang butihing ama. At walang pinapalampas na eksena si Rico. Paroo’t parito siya sa lahat ng anggulo ng simbahan para kumuha ng litrato. At nanatili siyang nakatayo hanggang matapos ang buong seremonya ng kasal.

“Rico iho. Maraming salamat talaga ha. Heto nga pala’t pinagbalot ko ng pagkain sila Mareng Lita.” Si Mang Dante.
“Nako eh wala ho yon Mang Dante. Salamat po dito sa pagkain. At siya eh mauuna nadin ho ako at may pasok pa bukas.” Paalam ni Rico.

Paguwi ni Rico ay binuksan niya agad ang kamera para muling tingnan ang mga kinunang larawan. Magaganda ang mga naging resulta nito. Habang nagkakape ay narinig niya ang balita mula sa telebisyon na may paparating na napakalakas na bagyo at dadapo ito sa lupa kinabukasan ng umaga.

Ayon sa balita ay naglabas ng pag-aaral ang PAGASA na ang paparating na delubyo ay ang pinakamalakas para sa taong ito. At isa sa mga tatamaan ng matindi ay ang lungsod ng Maynila kaya naman iminungkahi ng mga propesyunal na maghanda ang lahat at mas makabubuti kung lumikas na ang iba na naninirahan sa mga delikadong lugar na posibleng bahain.

Ang mga pagkakataong gaya nito ay hindi na bago para sa mga taga Maynila. O mas maiging sabihin, sa buong Pilipinas. Taun-taon ay hindi pupuwedeng walang dumaan na bagyo sa gitna ng panahon ng tag-ulan. At hindi lamang sa pagbabalita at paulit-ulit na pagpapaalala nagtatapos ang responsibilidad ng gobyerno at mga mamamahayag. Kasunod nito ay ang pagpupumilit sa mga matitigas ang ulong residente na ayaw magsilikas sa kadahilanang ayaw nilang iwanan ang kanilang mga bahay at kagamitan. Sa taung-taon na lamang na ginawa ng Diyos ay ganoon ang senaryo. Ilan sa mga ito ay mga magulang na mas pinipili na manatili sa tahanan kasama ang mga anak at mga mangingisda na pilit pumapalaot sa kabila ng mga babala at pagmamakaawa ng mga nagmamalasakit.

Ngayong gabi pa lamang ay buo na ang desisyon ni Rico. Dumating man o hindi ang bagyo ay hindi siya papasok kinabukasan. Laking pasasalamat na lamang niya at hindi bahain ang kanilang lugar. Halos isang dekada na din ang lumipas nang huling bahain ang Barangay Sampaguita. Iyon ay dulot ng walang tigil na pag-ulan ng apat na araw.

Kinaumagahan din ay inumpisahan na ni Rico ang paghahanda. Bagama’t nag-umpisa na ang pag-ulan ay hindi naman ganoon kalakasan kaya’t inuna niya ang pag-akyat sa bubungan ng kanilang dalawang palapag na bahay upang maglagay ng mga pandagan gaya ng lumang gulong at mga tipak ng bato. Ito ay karaniwang ginagawa upang pang depensa sa mga bubungan ng bahay laban sa humahagupit na hanging dala ng bagyo. Kung ikaw ay nasa isang mataas na gusali o sakay ng papalapag na eroplano ay imposibleng hindi ka makakakita ng ganito. Ang mga lumang gulong na ito ay kalakip na sa pamumuhay ng karamihan sa mga Pilipinong naninirahan sa isang bansa na kung saan hindi bababa sa sampung bagyo ang nakatakdang bumayo sa loob ng isang taon.

Habang nasa bubungan ay saglit na naupo si Rico para magpahinga. Kitang kita niya ang kahabaan ng L. Santos St. Kahit umuulan ng manaka naka ay masigla parin ang paligid. May mga namimili sa talipapa ni Aling Manda sa kanto. Mga nagmemeryenda sa tinapayan ni Mang Resty, at mayroon din siyang natanawan na nag-iinuman sa tapat ng tindahan nila Sato. Napaisip siya, sobrang tipikal naman yata ng araw na ito para lumiban sa trabaho. Pero kahit na. Kahit umaraw pa ay mabuti nang handa sa mga bagay bagay na hindi inaasahan. Lalo na ang bagyo, kumbinsi ni Rico sa sarili.

Hindi nagtagal ay napansin niyang tuluyan nang nagdilim ang kalangitan. Napakabigat ng ulap kung ito’y pagmamasdan. At bumaba na siya para bumili ng kandila at iba pang mga kakailanganin kung sakaling lumakas nang tuluyan ang ulan at mawalan ng kuryente. At ayon sa inaasahan, tuluyan na ngang lumakas ang ulan…

***

            Nanunuod lamang ang buong mag-anak sa telebisyon habang umuulan ng pagkalakas lakas.. Nang bigla silang gulantangin ng isang napakalakas na kalabog mula sa labas. Nagulat si Rico nang buksan niya ang bintana, ang lakas na din pala ng hangin. Ang malakas na kalabog ay mula sa isang bumagsak na yero ng kapitbahay. Pagtingin ni Rico sa kalsada ay halos wala na siyang makita, kung saan saang direksyon nagmumula ang pinong-pinong buhos ng ulan. Sumisipol ang hangin na animo’y naghuhumiyaw ang bagyong si Marta at nagsasabing, “Wala akong hindi kayang guluhin, tibagin at sirain! Kahit saang lupalop kayo magtago lahat kayo’y aking pupuksain!”

Pagsara ni Rico ng bintana ay napagtanto na niyang kailangan niya maging alisto. Ngayon lamang siya ulit nakakita ng ganitong klase ng bagyo. Alam niyang wala itong sinasanto.

            “Dito lang kayo sa baba ha at aakyat muna ko sa taas. Ihanda niyo na ang flashlight at mga kandila. Kailangan kong bantayan ang mga nangyayari sa labas. Ilipat lipat niyo ang istasyon ng TV para sa mga balita.” Ang sabi ni Rico.

Kilabot at pangamba ang bumabalot kay Rico habang pinapanuod ang bagyo mula sa ikalawang palapag ng kanilang bahay. Patuloy ang pagbayo nito at tantiya niya’y kung hindi ito titigil sa ganuong estado ay tiyak na babahain ang kanilang lugar. Di lamang mga yero, mga trapal, kumot at kung anu-ano pa ang mga nagliliparan sa labas.

Laking pagsisi niya at tatatlong gulong lang at mangilan-ngilang bato ang iniakyat niya sa bubungan. May pangamba siyang hindi iyon sapat habang kitang-kita niyang halos bumitaw na din ang bubungan ng tindahan nila Sato. At naging labis-labis na ang kanyang pagaalala nang mapansin niyang malapit ng lumagpas sa gutter ang tubig dulot ng walang tigil na ulan. Mababa pa ito kung tutuusin ngunit alam niyang mas mataas ang Barangay Sampaguita kumpara sa mga karatig nito. Kung hihigit ang taas ng tubig sa kanilang mga gutter ay nakasisiguro siyang abot hanggang tuhod na ang baha sa ibang lugar.

At isang nakabibinging kulog at kidlat ang pinaalingawngaw ng kalangitan kasunod nito ang pagkawala ng kuryente sa kanilang lugar. Agad na bumaba si Rico para kamustahin ang pamilya.

“Nakapagsaing ba kayo? Mukhang matagalan ang bagyong ito. May mga pagkain pa ba tayo diyan?” tanong ni Rico.

“Mayroon pa mga de lata at instant noodles naman diyan sa kabinet. Saka nakapagluto pa ako ng uulamin.” Sagot ni Nanay Lita.

“Ihanda niyo na ang lamesa nang makapananghalian na tayo. Iaakyat ko muna ang ibang gamit sa taas at baka tuluyang tumaas ang baha.” Sambit ni Rico.

Habang bitbit ni Rico ang telebisyon upang iakyat ay laking gulat niya nang mapasulyap sa labas ng bintana.

“Diyos ko. Iakyat niyo nang lahat ang mga dapat iakyat tulungan niyo na muna ako!” Sigaw ni Rico.

Hindi niya lubos maisip kung saan nanggaling at Diyos lang ang nakakaalam kung paanong umabot ng ganoong kabilis ang gatuhod nang baha sa labas. Alam niyang hindi magtatagal at papasok na ang tubig sa kanilang kabahayan. Nag-uumpisa nang sumirit sa pintuan ang tubig.

Kumakain na ang mag-anak sa ikalawang palapag. Ngunit hindi mapakali si Rico. Maya’t maya ay sisilip siya sa bintana upang tingnan ang kalagayan sa labas. Lubog na ang halos kalahati ng ibang kabahayan. Naisip niya paano na lamang ang ibang kapitbahay na isang palapag lang ang mga bahay. Hindi magtatagal at mag-aakyatan na ang mga ito sa bubungan.

Matapos kumain ay natanawan niya ang kanyang kamera sa kuwarto. Agad niya itong dinampot upang kumuha ng mga litrato. Habang nananalasa ang bagyo sa walang kalaban laban na Maynila ay pindot lamang ng pindot sa kanyang kamera si Rico. Baha, mga yerong humuhulagpos laban sa hangin na parang mga dahon ng punong saging, nakalutang na balde, lumalangoy na manika, nakatumbang poste at ilang puno at ilang residente na nanginginig sa lamig habang nasa ibabaw ng bubong at nagdarasal na sana’y tumigil na si Marta.

Makalipas ang ilang oras ay laking pasasalamat ni Rico nang humupa na ang malakas na ulan. Wala na din ang nagmamaangas na hangin ni bagyong Marta. Tapos na ang delubyo. Nakadaan na ang bagyo.

***

            Matapos maglinis at magayos ni Rico ay lumabas siya upang bisitahin ang mga kapitbahay. Bitbit ang kanyang kamera ay patuloy siyang kumukuha ng mga litrato at kinakamusta ang bawat madaanang kakilala. Hanggang tuhod padin ang baha. Ang lahat ay umaasang magiging normal na ang lahat matapos ang delubyong dinulot ni Marta. Wala paring kuryente dulot ng pagkakatumba ng tatlong poste sa kalye. Laking pasasalamat na lamang ng lahat at walang nasawi sa kanilang lugar.

“Rico! Tara dito at magpainit ka muna.” Sigaw ni Sato.

Napangiti na lamang si Rico at umiling nang makita ang mga kaibigan na nagiinuman habang nakatungtong ang mga paa sa silya at pinapanuod ang iba na nagsasalok ng tubig mula sa loob ng kanilang mga bahay na pinasok ng baha at ang iba naman ay nag aayos ng kanilang mga bubungan. Mga Pinoy nga naman, ibang klase talaga. Naisip na lamang niya.

Matapos tumulong ni Rico sa pagtatabi ng mga puno at pagtanggal ng ilang mga kalat sa kalsada ay umuwi na ito. Magdidilim na. Kailangan na niya magpahinga at kinabukasan kung maluwag na ang mga kalsada ay papasok na siya sa trabaho. Malaking kawalan ang isang araw na pagliban para sa kanya.

Mag aalas nuwebe na ng gabi. Bagamat pagod ay hindi parin makatulog si Rico. Kaya’t nagpasya siyang muling buksan ang camera at titigan ulit ang mga nakuhang larawan. Laking pasasalamat niya at umaga hanggang hapon umatake si Marta. Kung naganap iyon ng gabi ay mas masaklap ang maaaring mangyari. Pinalitan niya ng baterya ang kamera at muling humiga. Kahit alam niyang kahit katiting na antok ay wala siyang nararamdaman ay ipinikit na lamang niya ang kanyang mga mata.

***

            Halos wala pang dalawang oras siyang nakakatulog ay kusang dumilat ang kanyang mga mata ng marinig niyang may nagpapatakang malalaking butil sa kanilang bubungan. Umuulan nanaman. At lumakas ito ng lumakas. Agad bumangon si Rico para sumilip sa bintana. Hindi siya makapaniwala sa nakikita. Ang nagmamaangas na hangin ay nagbalik. Halos parehas ang lakas nito sa nagdaan kanina lamang umaga. Ang pinagkaiba lamang ay hatinggabi na. Wala ang haring araw na nagsisilbing simbulo ng liwanag at hangganan ng pag-ulan.

Dinampot ni Rico ang radyo at nilagyan ito ng baterya. Hindi maaring si bagyong Marta parin ang naghuhuramentado ngayon. At hindi siya nagkamali, tama ang kanyang hinala. Ilang oras lamang matapos ang bagyong Marta ay sumunod na humagupit si Narda. Na ayon sa balita ay mas malakas at mas malawak ang nasasakupan.

Hindi na nagpatumpik tumpik pa si Rico. Agad niyang ginising ang asawa, anak at ina nito.

“Maghanda tayo! Mas matindi itong sumunod na bagyo. Hanggang bewang na ang tubig sa labas.”

Sa muling pagsilip ni Rico sa labas ay nagkakagulo na ang mga tao. May nadidinig siyang mga sigaw subalit hindi niya malaman kung saan nanggagaling ang mga iyon. Ang iba ay natatanawan niyang isinasakay na sa salbabida at iba’t ibang klase ng palutang ang kanilang maliliit na anak at ibang kagamitan. At karamihan sa mga residente na walang ikalawang baitang ang mga bahay ay nanginginig na nakatungtong sa kanilang mga bubungan.

Pagtingin niya sa bahay nila Sato ay kitang-kita niya kung paano hampasin ng nagngangalit na hangin ang kaibigan at tuluyan na itong gumulong pababa mula sa bubungan. Inanod ito ng baha at tuluyan nang nilamon ng dilim. Pumalahaw na lamang ang ina nito habang yakap yakap ng mahigpit ang apat na taong gulang na apo.

Nahihintakutan na si Rico at alam niyang walang imposible para kay Narda. Ngunit ang takot ay pilit niyang ikinukubli para sa kanyang pamilya. Ang baha ay halos tatlong metro na ang taas. Ilang piraso ng yero ang nagumpisa nang magliparan sa iba’t ibang direksiyon sa gitna ng dilim.

            “Diyos ko. Nasaan ka na?” malapit nang maluha si Rico.

***

            Ang estado ng bagyo ay hindi parin nagbabago. Patuloy parin ito sa walang awang pagbayo. Ang mga sigawan at pagpalahaw sa paligid ay nawala na. Tanging ang bagyong si Narda na lamang ang naiwang nagmamaingay sa buong lugar. Habang patuloy sa pagmamasid si Rico ay nagdadasal sa isang tabi ang kanyang asawa’t ina. Ang anak na si Karlo ay tahimik lamang na nakaupo sa silya. Kitang kita ni Rico ang takot na bumabalot sa mukha nito. At ganun na lamang ang kanyang panalangin na tumigil na ang bagyo at mabilis na umikot ang mga kamay ng orasan upang magliwanag na ang buong kapaligiran. Kahit sinong mortal ay walang kalaban laban kay Narda. Nananalasa ito habang ang mga tao ay nanginginig sa pinagsanib na takot at ginaw sa gitna ng kadiliman.

At nang muli niyang masulyapan ang tubig, tuluyang na siyang nilukuban ng takot at hindi maipaliwanag na pangamba. Kailangan na nilang umakyat sa bubungan. Pag umabot na ang rumaragasang tubig sa kanilang kinaroroonan ay imposible nang matakasan pa nila ito dahil tanging ang bintana lamang ang maaari nilang labasan mula sa ikalawang palapag. Inalalayan niyang isa-isa ang tatlo hanggang sa makasampa na ang mga ito sa itaas. At bago siya tuluyang umakyat ay nakita niya ang kamera na nakapatong sa lamesa. Agad siyang bumalik at naghagilap ng supot upang hindi ito mabasa. Ibinalot niya itong mabuti, itinali sa sarili at sumunod na sa bubungan.

Hawak ang naghihingalong Flashlight ay pilit niyang inililibot ang munting liwanag na nanggagaling sa kanyang ilawan. Hindi na niya makita ang ibang kabahayan. Ang iba ay mapalad at nagawang makaakyat sa puno bago lamunin ng baha ang kanilang mga bahay. Hanggang sa isang hindi inaasahang aksidente ang naganap…

“Karlooooooo!!!!” sigaw ng inang si Marieta.

Si Karlo ay nadulas at tuluyang dumausdos sa bubungan. Nilundag ni Rico ang bata subalit hindi na niya naabutan ang nag-uumabot na kamay nito. At habang sigaw sigaw niya ang pangalan ng kalunus-lunos na anak, napaluhod na lamang si Rico nang maglaho na ito sa kanyang paningin. At tuluyan na siyang pumalahaw ng iyak. Ang kanilang kaisa-isang si Karlo, ay wala na…

Makalipas pa ang halos tatlong oras ay nakatulala na lamang si Rico. Kung napahamak din ang kanyang asawa’t ina ay kusa na lamang siyang magpapatianod sa rumaragasang baha. Hanggang sa sabay sabay na nagsigawan ang mga tao sa di kalayuan. Napatayo si Rico nang makita niya ang isang punong hitik na hitik sa mga nakasabit na tao ay kasalukuyang tumutumba. Nagawa ng baha na hugutin ang malaking puno hanggang sa ugat nito at tuluyang tinangay kasama ang mga walang labang mortal na sa paniniwala ni Rico ay wala nang ibang magagawa kungdi ang humingi ng kapatawaran sa langit upang umakyat na ang kanilang mga kaluluwa. Napatingala na lamang si Rico. Wala naman siyang magagawa para sa mga ito.

            “Diyos ko. Kayo na po ang bahala sa amin.”

***

            Alas singko ng umaga. Nag-umpisa nang lumiwanag. Ang bagyo ay humupa na. Hindi makapaniwala si Rico sa kanyang nakikita. Ang pagkawasak ng Barangay Sampaguita ay hindi kayang liwanagin ng normal na imahinasyon. Mistulang nawawala na sa katinuan si Rico. Habang nakasandal sa kanyang balikat ang asawa ay nakatulog naman sa pagdadalamhati ang kanyang ina sa pagkawala ng kanyang apo. Nakaupo lamang ang mag-asawa sa bubungan at nakatitig sa kawalan. Habang ang kanilang mga kapitbahay ay hindi magkandatuto sa pagaayos ng kanilang mga tahanan. Ang iba’y hindi mapigil ang luha habang naghahanap sa kanilang mga mahal sa buhay. At ang iba nama’y halos mawalan ng bait habang nakayakap sa mga nakapilang bangkay na isinalansan sa isang bubungan.

Nakita niya ang kaibigang si Noel na nagsisisigaw, minumura nito ang kalangitan habang nakatikom ng pagkahigpit higpit ang mga kamao. Hinamon pa nito ang Diyos na magdulot pa ng sampung malalakas na bagyo. Wala na itong pakialam sa buhay. May sapantaha na siya kung gaano katindi ang sinapit nito. Dahil hindi na nito kasama ang tatlong anak at asawa. Ang bunso nito ay inaanak ni Rico. Na magdadalawang buwan pa lamang ang edad.

Habang nakatingin lamang siya kay Noel ay biglang natauhan si Rico. Agad itong tumayo. Bitbit ang kanyang kamera ay bumaba ito kahit na hanggang hita parin ang baha. Hahanapin niya ang anak na si Karlo. At ang lahat ng imahe ngayong araw na ito ay kailangang makuhanan ng litrato. Maaaring matapos ang ilang dekada magmula ngayon ay makakalimutan na ng buong Pilipinas ang pangyayari, pero hindi ang Barangay Sampaguita. Si Marta at Narda ay mananatili sa kanilang kasaysayan. Kusa na lamang umaagos ang luha ni Rico habang naglalakad. May nakakasalubong siyang mga magulang na naghahanap ng anak, mga matatandang may bitbit ng imahen ng Sto. Niño at Birheng Maria habang nagdarasal at ibang pinipilit isalba ang kanilang mga kagamitan.

Bigla na lamang siyang nagulat ng may kung anong bumundol sa kanyang tuhod, at siya ay nagimbal nang bigla na lang lumutang sa kanyang harapan ang isang bangkay. At napagtanto niyang siya’y naglalakad sa baha na hindi lamang mga troso at basura ang nakalutang kungdi mga mortal na wala ng buhay. Pagtingala naman niya ay nakita niya ang isang puno na may batang nakayakap ng pagkahigpit higpit sa isang sanga. Matigas na ito at kitang kita ni Rico na ito’y namatay na hindi sumasang ayon sa kanyang sasapitin, dahil nalagutan ng hininga ang bata habang dilat na dilat pa ang kanyang mga mata.

Habang nakasilip sa lente ay bigla na lamang niya naibaba ang kamera. Si Cecilia ay nasa kanyang harapan. Wala ito sa sarili at siya lamang mag-isa. Noong isang araw lamang ay pagkaganda ganda nito sa suot na trahe de boda at hindi maipaliliwanag ng alin mang salita ang galak na bumabalot sa kanyang mukha. Ngayon ay kabaligtaran. Halos magdikit na ang kanilang katawan ngunit derederecho lamang itong naglakad na para bang wala itong ibang nakikita.

Tuluyan na siyang nanghihina. Nang bigla siyang may narinig na pamilyar na boses sa di kalayuan.

            “Itay! Itay!!!” sigaw ni Karlo habang nakakapit sa isang puno.

Saglit na napatanga si Rico. Hindi siya makapaniwala. Nawa’y hindi ito dulot lamang ng halusinasyon matapos niyang makita ang lahat ng pinakamasasakit na tanawin na maaaring maranasan ng isang taong nagmamahal. At nagpatuloy si Karlo sa pagkaway sa ama.

            “Karlo… Karlo anak!” at sa kabila ng mataas pang tubig ay nagawa ni Rico tumakbo papalapit sa puno. At laking gulat niya nang makita ang isa pang kaibigan.

Noong kasalukuyang inaanod si Karlo ng rumaragasang baha ay isang braso ang humablot sa kanya at pilit siyang isinampa nito sa puno. Ang kanyang tagapagligtas ay walang iba kungdi si Sato.

Yakap yakap ng mahigpit ni Rico ang anak. Laking pasasalamat niya sa kalangitan at hindi nito tuluyang kinuha si Karlo. Isinampa niya ito sa kanyang likuran at buong lakas niyang iniuwi. Halos himatayin sa tuwa si Nanay Lita at Marieta ng mabungaran ang kaisa-isang anak.

Totoo ngang may himala. Kung hindi imposible para kay Marta at Narda na gibain ang buong kamaynilaan ay hindi din imposibleng ito ay maligtasan.

            “Totoong may Diyos. Hindi tayo iniwan ng Diyos. At kailanma’y hindi nawaglit sa kanyang paningin ang lahat ng Kanyang nilikha.” Sambit ni Rico.

Matapos noon ay sabay sabay silang kumain. Para kay Rico ay ito na ang pinakamasayang salu-salo sa kanilang tahanan. Bagama’t baha pa sa unang palapag ng kanilang bahay at instant noodles ang kanilang pinaghahati-hatian ay hindi matatawaran ang ligaya ni Rico at Marieta.

Muling umakyat sa bubungan si Rico. At muli, natunghayan niya ang kalunus-lunos na tanawing iyon. At habang nakasilip sa lente ng kanyang kamera, siya ay nagnanais na kasalukuyang kinukuhanan ng litrato ang mga makukulay na tutubing karayom na payapang nakadapo lamang sa ibabaw ng sapa. Ngunit ang mapait na katotohanan na paulit ulit na tumatarak sa kanyang dibdib na parang balaraw, siya ay kasalukuyang nakatingin sa mga bangkay na nakalutang sa ibabaw ng baha…

Matapos kumuha ng mga litrato mula sa itaas ay bababa na sana si Rico, pero napansin niya ang dalawang batang nakaupo sa kabilang bubungan. Isang batang babae na sinusubuan ng durog na biskwit ang kaniyang nakababatang kapatid. Itinutok niya ang lente dito at pumindot ng dalawang beses. At siya ay bumaba na.

***

            Dalawang buwan ang mabilis na lumipas matapos ang kalamidad na dulot ni Marta at Narda. Hindi lamang Maynila kungdi halos buong Luzon ang nagdalamhati dahil dito. Ang buong akala ni Rico ay matapos ang mga nagdaang araw na iyon ay handa na siyang balikan ang bawat eksenang nakunan ng kanyang kamera. Ngunit sadyang hindi niya mapigilan ang muling pagluha habang tinitingnan ang mga resulta ng litratong kinuha niya noong nagdaang delubyo. Sa bawat pahina ng koleksyon ay matinding kalungkutan at kawalang pag-asa lamang ang nakikita niya dito. Hanggang sa umabot siya sa huling nakuha niyang litrato, at siya ay napangiti.

Ang huli niyang nakuhanan ay ang dalawang batang nasa bubungan, dalawang beses niyang pinindot ang kamera para sa mga ito. Sa unang kuha ay hindi sila nakatingin habang pinapakain ng kanyang ate ang batang lalake. At nang makita niya ang pinakahuling larawan, nakatingin na ang mga ito sa kanya at nagpakawala ng napakasiglang ngiti. Ang huling huling larawan ay sumisimbolo ng pagasa at buhay…

Muling dumungaw si Rico sa bintana ng kanilang ikalawang palapag. Nasa normal na ulit ang lahat. Ang talipapa, ang tinapayan, ang mga dakilang ina na sabay sabay naglalaba habang naghuhuntahan, ang mga humahalimuyak na ulam mula sa karinderya, at ang pagkaway sa kanya ni Sato habang itinataas ang hawak na bote ng serbesa.

At napagtanto ni Rico. Tayo’y ginawa ng Diyos upang manirahan sa bansang Pilipinas. Dahil tayo’y mga Pilipino. Isang napakatatag, napakatapang at pagkaganda gandang lahi, na nagagawa pa din ngumiti, sa gitna ng ating mga pagluha…

***

Juan Bautista

 

 

 

 

4 thoughts on “Mga Tutubing Karayom Sa Ibabaw Ng Baha

Leave a comment