“KUWERDAS”

Kuwerdas_Banner

“Kuwerdas”
(Maikling Kuwento ni Juan Bautista)

I

Ermita, isa sa mga pinaka maliliwanag na distrito sa buong Kamaynilaan. Dito ako ipinanganak at lumaki. Ako si Sebastian Valmonte. Tawagin niyo na lang akong “Sebas”. Yun na ang kinalakihan kong palayaw dito sa Ermita. Ayos na ayos sakin yun. Laking pasasalamat ko nga sa tatay ko dahil dun. Kesa naman sa ‘Basti’, bukod sa sobrang tanyag na nun dahil sa bokalista ng ‘Wolfgang’, yun din ang paboritong pangalan ng mga teenage idols sa tv at pelikula. Puta ewan ko ba. Kala siguro nila ‘cute’, samantalang ang Sebastian ay naisip ng mga magulang ipangalan sa mga anak nila magmula pa noong unang panahon para lumaki silang matikas, maginoo at higit sa lahat, mabuhay ng may kasaysayan bilang lalaki.

Kilalang kilala ang mga Valmonte dito. Galing ako sa angkan ng mga negosyante, Valmonte Hardware, Valmonte Tiles, Valmonte Builders at kung anu ano pa. Pero ako? Hindi ako mayaman. At siya nga pala. Isa akong gitarista.

1976 ako pinanganak. At pinagmamalaki ko yon dahil naniniwala akong “early 70s to mid 90s is the best era of music”. Nangangahulugan na dekada ochenta ang pinaka matinding sampung taon ng musika. Sabi nila pang bakla daw ang musika ng Queen. Wala akong pakialam. Dahil isa ang Queen sa mga nagtulak sa akin para maging isang musikero. At sa murang edad namulat ako sa mga makabuluhang kanta ng Asin at ni Ka Freddie Aguilar.

Ang Himig Natin ng bandang Juan Dela Cruz ang kaunaunahang kanta na natutunan kong gitarahin. Pero ‘Esem’, ‘Cotabato’ at ‘Sa Kuko ng Agila’ ang mga pinaka paborito kong kantang Filipino.

Tandang tanda ko pa nung una kong narinig yung kantang yun ni Ka Freddie, “Ako’y…Palayain…Sa Kuko…ng Agila…”. Tangina. Mapapapikit ka na lang habang unti-unting nagsasara ng pagkahigpit higpit ang mga kamao mo. Pagdating sa mensahe at damdamin, tangina. Si Ka Freddie ang ‘da best’ diyan.

Pagpasok ng 80s hanggang 90s malaking bagay din yung mga inuuwing cassette tapes ni tatay nun tuwing uuwi siya galing ng Saudi. Nazareth, Styx, Smokeys, Foreigner at higit sa lahat? Scorpions. Di naman sa paborito ko yung bandang yun, pag nag- Saudi ka kase at umuwi ka sa Pilipinas na hindi kilala ang Scorpions, malamang naging trabaho mo dun taga pastol ng mga camel sa gitna ng disyerto.

Ganun kapaborito ng mga Saudi Boys ang bandang yun. At ito pang matindi, pag nag-uwi sila ng Scorpions sa Pilipinas? Dalawang version. Isang album at isang ‘Multiplex’. Para pwede nila kanta-kantahin yung Always Somewhere habang nag-iinuman gamit ang mic at bagong uwi nilang component. Ayos ba?

 

Lumaki ako sa panahon na kung saan ang musika ay isinusulat ng mga talining na gaya nila Ka Freddie at Lolita Carbon base sa mga totoong pangyayari sa sangkatauhan.  Gaya na lang ng ‘Esem’ ni Dong Abay. Simpleng simple, pero mapapangiti ka na lang habang pinapakinggan ang awiting ito. Dahil humigit kumulang sa malamang, anim o pito sa sampung kalalakihan ay naranasan nang maglakad lakad buong maghapon sa sobrang kawalan ng magawa sa buhay.

Ang mga ganitong klase ng musikero o musiko ang nagtulak sakin para yakapin ang mundo ng larangang ito. Nagsusulat din ako ng mga kanta. Tungkol sa kung anu-ano. Nabuhay akong nangangarap na sana, gaya nila. Madami ding makikinig sa akin.

Matagal na kong guwapo kaya hindi kasama sa mga dahilan ang pagpapasikat sa mga babae. Naalala ko tuloy yung klasmeyt ko noon, tipung tipo ko talaga siya at nagkaron kami ng pagkakataon na makapag-usap sa unang unang araw palang ng klase.

Ang sabi ko sa kanya, “mahilig ka ba sa musika? Ako marunong mag gitara.”

Ang sabi niya “ah talaga? Kaya mo tugtugin yung Love Of My Life ng Queen?”

Ang sagot ko hindi. Hindi naman kasi talaga. Kapag si Brian May kasi ang nag-gitara parang ayaw niyang ipatipa sa ibang tao yung mga pinaggagagawa niya. Saka bata pa ko non.

Yun ang una’t huli naming pag-uusap hanggang sa makapagtapos kami ng highschool. Tanginang yan. Dahil kinabukasan nabalitaan ko nalang boypren na niya yung kilalang basketbol player sa eskuwelahan namin. At ilang taon pa ang lilipas bago kami ulit magkikita. Para malamang sila din talaga ang nagkatuluyan. Nga lang, yung dating sikat na basketbol player samin? Isa nang tanyag na Tricycle Driver sa awa ng Diyos. At siya naman, e nagtitinda ng mga damit sa Divisoria. Pero ayos lang, ang importante masaya sila. Inaanak ko pa nga yung bunso nila.

Bilang gitarista dalawa ang pinaka paborito ko. Si Ritchie Blackmore ng Deep Purple at si David Gilmour ng Pink Floyd. Pero malaki ang pagkakaiba nila. Nang marinig ko ang guitar solo ni Blackmore sa kantang “Child In Time”, agad kong dinampot ang gitara ko dahil bigla akong ginanahang tumugtog.

Nang napanood ko naman yung guitar solo ni Gilmour sa kantang “Comfortably Numb” nuong 1994, ganon din. Dinampot ko yung gitara ko pero may pakiramdam akong parang gusto ko na lang ihagis to palabas ng bintana. Dahil hindi ko kayang gawin yung solo na yun.

Iba e. May ritmo, mabagal, suwabe, yung tayming sa pagkalawit pataas at pababa sa bawat kuwerdas na pinanggagalingan ng mga mahiwagang tunog na yun na hindi pangkaraniwang naririnig gamit ang paborito kong instrumento. Kumakanta yung gitara niya na parang hinahatid ka na sa huling hantungan sa ayaw at sa gusto mo. Ganun ka walanghiya si David Gilmour.

*

    Noong disi siyete anyos nako, masyado nang malalim ang pagkahumaling ko sa musika. Hindi kumpleto ang araw ko nang hindi ako nakakatipa ng gitara. 1993, Nirvana, Alice in Chains, Pearl Jam at Radiohead. Ito ang mga namayagpag noon. Halos lahat, adik.

Bakit nga ba? Sabi nila sex, drugs and alcohol. Kapag hindi nananalaytay sa katawan mo yung tatlong nabanggit ko, hindi ka rak en rol. Talaga lang ha. Di naman siguro. Nasubukan ko na din mag-drugs. Pero mula nang naranasan kong sumakay sa isang higanteng langaw mula Las Piñas pauwi sa bahay namin sa Ermita, hindi na ko umulit pa. Nag-away kasi kami ng nobya ko noon. Sinampal niya ko ng tsinelas na kasinglaki ng bubong ng waiting shed sa kanto. Ayun. Nagtampo ko. Paglabas ko may malaking langaw na napadaan. Pinara ko’t tumigil naman siya. Kaya nagpahatid na ko tuloy samin sa Ermita. Ayos ba?

Binuo ko ang bandang Red Manila, bakit Red? Dahil ang kulay pula ay nangangahulugan ng mga salitang “Pagkahumaling, Pagnanais at Pagmamahal”. Pagkahumaling ko sa musika, pagnanais kong mapanatili ang kapangyarihan ng musika, at pagmamahal ko sa lugar na kinalakhan ko, ang Maynila.

Kinabibilangan ito ng mga kaklase ko sa kolehiyo, sila Edwin, John at Miguel. Sa isang banda lang kami nagkasundo-sundo. Sa The Smiths lang. Noong una ayos lang sakin, pero hindi lang ako, pati yung may-ari ng kaisa-isang music bar na tinutugtugan namin e nagsasawa na din kakatugtog namin ng mga kanta ng The Smiths at mangilan-ilang piyesa ng STYX at The Police. Hanggang sa nag- umpisa na kong magsulat ng mga sarili kong kanta.

Naaapektuhan na ang pag-aaral ko noon. Alam ko dahil hindi naman ako tanga. Gago lang. Pero wala akong pakialam. Iniisip ko na lang, kapag naging inhinyero ka na, hindi ka na rak en rol.

Galit na galit ang tatay ko noon. Pero wala talaga e, 1995, tumigil ako sa pag-aaral. Sa sobrang takot ko sa tatay ko nagiwan ako kay nanay ng sulat na aalis muna ko sa bahay namin para mamuhay mag-isa.

Pero may suwerte din naman. Natanggap akong waiter sa Manila Sound Chamber. Dito tumutugtog lahat ng mga sikat na rak en rol sa Pilipinas. Panahon pa ng Juan Dela Cruz at Sampaguita, namamayagpag na ang music bar na ito sa buong Kamaynilaan. At matagal na kong labas-pasok sa bar na ito. Kapitbahay kasi namin yung bantay sa labas. Dito ko napanood sila Ka Freddie, Joey Ayala, Asin at Juan Dela Cruz. Marami pang iba.

Pero kung may suwerte, e may kamalasan din naman. Kung kailan naman may pagkakataon na ang Red Manila na tumugtog sa Manila Sound Chamber dahil matagal ko nang ipinapakiusap sa Manager na isama kami sa line-up kahit sa pang-Martes, e isang araw nagpunta sa bahay yung dalawa kong kabanda.

Si Miguel, nagpaalam. Graduating na daw kasi siya sa susunod na taon. Kailangan na niyang kumalas sa banda. Si Edwin, tangina. Sasampa na daw ng barko sa isang buwan. At si John, ang balita nila umuwi daw sa bisaya para takasan yung nobya niyang nagdadalang tao na nang apat na buwan.

Pero wala akong sinabi na ikasasama ng loob nila. Kahit alam nilang ikasasama ng loob ko yung mga desisyon nila. Karapatan nila yun. Simula’t sapul naman alam kong ako lang ang kaisa-isang desperado sa lintik na bandang ito. Sige magsilayas sila. Ako lang at ang gitara ko, ayos na.

Kinagabihan nagpunta ko sa bar kahit day off ko. Naka line-up kase ang Eraserheads. Habang pinapanood ko sila nasabi ko na lang sa sarili ko, “buti pa ‘tong mga tinamaan ng lintik na ito. Kay babata pa, mga sikat na.”

Hanggang sa mabilis na lumipas ang panahon, hindi ako tumigil. Ang kasama ko lang sa inuupahan kong kuwarto ay yung dalawa kong gitara na nakasabit sa dingding.

Beinte dos anyos na ko, dun parin ako sa bar nagtatrabaho. Ngayon bilang isa na sa mga regular performers nila. Martes, Miyerkules at Huwebes ang iskedyul ko. Solo lang ako, wala akong banda. Tinitira ko kadalasan mga kanta ng Asin, Cat Stevens at kung anu-ano pa.

Paminsan minsan umuuwi ako samin. Ayos na kami ni tatay. Yung naipon niya sa pagsa-Saudi ay ginamit niya para sa isang maliit na negosyo. Yung kapatid kong si Jimmy malapit nang makapag tapos. Si nanay naman e tuwang-tuwa kapag nadadalaw ako dun. Lalo na kapag araw ng Linggo ako dumadating.

Minsan natatanong ako ng tatay, bakit ba hindi ako bumalik na lang doon at pagtulungan namin yung talyer na patakbuhin. Pero hindi e, ang tigas ng mukha ko kapag tinanggap ko yung alok niya na yun. Unang una ang pangarap niya sakin ay ang maging isang inhinyero at hindi maging isang mekaniko.

Pangalawa, pinili ko ang buhay na ito. At paninindigan ko ito…

*

    Isang gabi naglalakad na ko pauwi, may narinig akong matagal tagal ko na ding hindi naririnig sa bandang kanto.

“Balooot! Baloooot!”

Bigla akong natakam. Saka maiba naman alangang isaw at betamax nanaman nakakaumay na.

Bahagya akong natigilan nung kaharap ko na yung mama. Parang pamilyar talaga sakin ‘tong magbabalot na ‘to. San ko ba ito nakita? Hanggang sa bigla akong nagulantang nang maalala ko.

“Tangina mo. Si Agila ka di ba? Bakit ka nagtitinda ng balot hayop ka?”

Si Agila. Gitarista siya ng sikat na sikat dati na bandang rak en rol. Ang Gihay. Sa pagkakaalam ko siya din ang primero unong manunulat ng grupo.

“Oh e ako nga hijo. Aba’y tangina mo din. Makakakilala ka lang namura mo pa ‘kong hayop ka. Bibili ka ba ng balot?” ganting sagot ng matanda.

“Oo pabili ng dalawa. Pasensya ka na. Hindi ako makapaniwala. Huli kitang nakita sa Manila Sound Chamber kasabay niyo nun yung Wally’s Blues at Maria Cafra.”

“Nakulong ako nang mahabang panahon. Sinaksak ko sa leeg yung hayop na kabit ng asawa ko. Ayun, medyo matagal-tagal na din ako nakalaya. Pero wala na kong babalikan.”

Anak ng Pasig. Ganun ba talaga kabilis lumihis ang buhay? Parang kailan lang pinapanuod ko ang isa sa mga pinakamatikas na gitarista sa buong Kamaynilaan. Sa kanya ko din unang-unang nakita ang tinatawag kong “no rules type of guitar playing” nang makita’t marinig ko na pinagsasama niya ang pentatonic at dorian scale sa mga adlib niya na hindi na para intindihin o titigan pang mabuti kung pasok sa ritmo o hindi dahil ang husay ng pagkakatahi. O talagang lasing at sabog lang siya nang mga oras na iyon.

Pero ang hinahangaan ko, kung magsalita si Agila ay para bang napakanormal lang nung nangyari sa kanya. Sisipol-sipol pa habang nagsasalin ng asin at suka sa plastik.

Hindi nawala yung ‘attitude’. Kahit naka-sando na puti lang. Yung buhok niya kahit medyo namumuti na e parang hinimuran parin ng guya sa tindi ng pagkaka ‘brush up’. Suwabe lang. Tapos shorts na maong. Yun bang dating pantalon na ginupit. Tatak yun ng isang tunay na lalaking Pinoy. Kahit naglalaba ka, basta ganun ang shorts mo. Ayos. Tapos mga bracelet sa kaliwang kamay na mistulang naipon na lang doon. Yung tamang mula nang unang beses niyang isinuot sa kamao niya eh hindi na inalis hanggang sa amagin na yung iba.

Nagdesisyon na din akong kainin yung mga balot sa tabi niya. Kaysa naman sa bahay wala naman akong kausap. At saka sigurado ako. Masarap kausap itong taong ‘to. Idol ‘to.

“Nag-gigitara ka pa ba? Naririnig ko pa yung Gihay ah. Naglalabas pa sila ng mga kanta. Mas okey nga lang yung mga nauna niyo.”

“Hindi na hijo. Sapat na yung naranasan ko ang kasikatan. Kahit sa sandaling panahon. Lahat naman ng kaganapan sa buhay natin ay nandito lang.” sabay turo niya sa sentido.

“Oo nga. Pero hindi ka ba nasasabik ulit?”

“Nako bata. Hindi mo lang alam. Kapag may nakikita akong gitara parang gustong gusto ko agawin sa may hawak. Pero ganun talaga ang buhay. Pero huwag mong gugugulin sa pagmumukmok sa isang tabi ang mga nalalabi mong oras. Oo nga ito ko’t nagtitinda ng balot, pakialam ba nila? Bakit, marunong ba silang mag-gitara? Minsan ba sa buhay nila’y nakapagsulat sila ng kahit isang kanta?”

“Ito ang tatandaan mo bata. Ang pagiging isang musikero ay isang hakbang patungo sa imortal na pag-iral. Hindi ko sinasabing para mabuhay ka ng limandaang taon, kagaguhan iyon. Walang ganon. Isang awit lang. At mapapakinggan ka ng sangkatauhan habang patuloy na lumilipas ang panahon. Kahit isang beses lang nila mapakinggan ang awitin mo, habambuhay na maninirahan sa isipan nila ang mensahe mo.”

Yun ang sabi ng idol ko. Oo. Tangina nitong magbabalot na ‘to. Idol ko na talaga siya. Si Agila.

Oo nga naman. Si Jimi nga na namatay ng beinte siyete anyos lang, hanggang ngayon ay namamayagpag pa din ang pangalan sa mundo ng Rak en Rol..

Matapos noo’y nakahiga lang ako sa kama ko. Nakatitig sa kawalan. Iniisip ko kung dadating pa ba yung panahon ko? Buti pa si Agila, kahit ganon ang kinahinatnan niya. Masasabi kong masaya siya. Dahil narating na niya ang tugatog ng tagumpay bilang isang gitarista at manunulat.

Eh ako? Tangina. Mag-bebeinte siete na ko wala pa din nangyayari. Pero hindi ako titigil. Wala akong balak. Sabi nga ni Agila, isang awit lang. Diyos ko… isang awit lang…

 *

    Minsang naglalakad ako pauwi ng bahay galing sa panunuod ng gig, mag-uumaga na noon, nagtitilaukan na ang mga manok nang may isang taong sumitsit sakin mula sa isang medyo tagong lugar.

Ang sabi niya, “Bossing! Baka gusto mo ng babae. May dalawa dito. Ano ba trip mo ser? Malaki ang dede? eto oh.”

Pagtingin ko, tangina anlaki nga ng dede. E panong hindi lalaki ang dede eh kasinglaki ng inahing hippopotamus yung babae.

“Ayaw mo ser? Baka gusto mo maputi. Oh etong isang ‘to oh. Amputi! Tingnan mo naman ang kasuotan, anong panama ni Cristina Gonzales diyan? Oh diba. Naka-pisnet!”

Nagulantang ako paglitaw ng babae mula sa pagkakakubli sa isang makapal na poste.

Amputa. “Fishnet” nga. Yung lalaking bugaw nagmukhang mangingisda na nakahuli ng albinong dugong.

Sumatutal, hindi ko na lang pinansin. Nagpatuloy na lang ako ng paglalakad.

Antok na antok na ko kaya napilitan nanaman akong magsindi ng sigarilyo. Hanggang sa may nakabunggo akong babae na naglalakad din. Ewan ko ba, sa lawak ng kalyeng yun na pwedeng mag-maniobra ang tatlong dyip ng sabay-sabay e nabunggo pa ko nito. Pero pagtingala niya sakin matapos niyang damputin yung bag niya, biglang tumigil ang ikot ng mundo.

Ito na yata ang pinakamaamong mukha na nakita ko sa buong buhay ko. Yung natural na pungay ng mga mata niya. Medyo may kahalayan base sa pamantayan ko ang kasuotan niya. Pero hindi mo siya kayang bastusin. Sa sobrang ganda ng babaeng ito magbabagong buhay ka kapag nakita mo ito, maniwala ka sakin.

At nang ngumiti, anak ng Pasig! Pwede ka nang mamatay. Pero ako? Hindi pa ko handa. At uumpisahan ko ang makulay na buhay sa pakikipag-kilala sa kanya.

“Pasensya ka na miss. Hindi kita napansin antok na antok na kasi ako e. Ayos ka lang ba?” Una kong banat.

“Ok lang ako. Salamat.” – Ayun na nanaman yung putanginang ngiti niya.

“Mabuti naman. Bakit ka nasa kalye ng ganitong oras? Ang aga mo naman pumasok sa trabaho. Delikado sa kalsada ah.” Pangalawang banat.

“Ay hindi. Pauwi palang ako. Diyan ako nagtatrabaho sa Golden Throne.”

Golden Throne. Kung hindi ka taga-Ermita iisipin mong sa hotel nagtatrabaho ang babaeng ito. Pero hindi e, ang Golden Throne kasi ang isa sa mga pinakasopistikadong club sa buong Kamaynilaan. Dito tumatambay ang mga damuhong pulitiko at matatandang artista na gustong tumikim ng iba’t ibang naggagandahang babae. At sa pagkakaalam ko, ang halaga ng mga babae doon pag gusto mong ilabas? Kahit ibenta ko yung dalawa kong gitara kasama na yung cassette tape ko ng APO Hiking Society na may pirma ni Heber Bartolome (ang labo diba?), eh hindi aabot sa kalahati yung presyo.

Pero wala akong pakialam. Walang nagbago sa pagtingin ko sa babaeng ito. Maniwala ka. Wala.

“Ah ganon ba? Alam mo mayron masarap na gotohan dun sa kabilang kalye tatawid lang tayo. Baka gusto mong kumain?” Pangatlong banat.

“Oo alam ko yun. Masarap nga dun saka mayron siopao diba?” ang sabi niya.

Ampucha. Bakit ba nabanggit niya pa yung siopao e pang goto nalang yung natitira kong pera. Baka nga kapusin pa kapag humirit pa ng sopdrinks ‘to. Pero di bale, handa akong maghugas ng dalawandaang mangkok para sa babaeng ito. Mapakain ko lang.

Naglalakad na kami papuntang gotohan. Hindi ko pa nga pala alam ang pangalan niya.

“Ano nga pala pangalan mo miss? Ako nga pala si Sebas.”

“Elena. Elena ang pangalan ko.” Nakangiti nanaman siya.

Antindi lang talaga ng tama sakin ng ngiti niyang iyon. Para kang lumagok ng isang bote ng cough syrup. Wasak na wasak ka, pero masarap sa pakiramdam.

Pasensya na pero hindi ko alam kung pano kong idedetalye kung gaano siya kaganda. Basta ang masasabi ko lang, kahit ihalo mo siya sa gitna ng dalawang milyong naggagandahang babae, e kusa siyang matutunton ng mga mata ko. Lalo na kung nakangiti siya. Ayos ba?

Nasundan pa ng pang-apat, lima, anim na banat. Hanggang sa magtuluy-tuloy na. Ayos! Bukod kay Agila, may bago nanaman akong kaibigan. Sa katauhan ni Elena.

Wala na. Tuluyan nang nawala ang antok ko. Matapos kong ihatid si Elena, umuwi na din ako. Pero hanggang ngayon, buhay na buhay padin ang diwa ko sa loob ng kuwarto. Bigla ko na lang naisipang tumitig sa salamin, at nakita ko yung sarili ko.

Naknampucha repleksyon ko nga ba ito? Para akong nakakita ng kapre na pinaglaruan ng tatlong mambabarang hanggang sa magmukha itong malaking tipaklong na sinakluban ng walang hanggang lumbay.

Sabi nila madaming oras ang ginugugol ng mga modelo’t artista para maging balingkitan ang mga katawan nila at magkaroon ng tinatawag na ‘cuts’. Cuts ba? Madami ako non. Pero mukhang sobra sobra na naman yata. Pati dibdib ko may ‘abs’ na. Yung lalim sa pagitan ng mga balikat at leeg ko pwede nang gawing hulmahan ng pandesal.

At ‘Six Pack’ ba kamo? E walang panama sakin si Lou Ferrigno. Dahil kitang kita mo na yung mga bituka ko na nakabakat sa balat.

Hanggang sa napaisip ako. Papaanong nagawa ni Elena na sumama sakin sa ganitong hitsura ko? Kung iba sigurong babae yun e nagtatakbo na at humingi na ng saklolo. Pero hindi si Elena. Kahit mukha akong may Tuberculosis, nakipagkaibigan pa din siya sakin. Ibang klase talaga.

Sa awa naman ng Diyos ay hindi yun ang una’t huli naming pagkikita at pag-uusap ni Elena. Halos araw-araw ko siyang sinusundo sa Golden Throne. Laking pasasalamat ko na lang nang malaman kong waitress lang pala siya doon.

Marahil ay nagtataka ka kung bakit hindi sinabi ni Elena iyon nang una kaming nagkita. Ako din e. Pero sabihin na lang natin na wala lang siyang pakialam kung anong iisipin ng iba. Basta nagtatrabaho siya sa Golden Throne, tapos. Isipin nila kung anong gusto nilang isipin, basta siya, marangal ang hanapbuhay.

Lilipas pa ang mga buwan na halos araw-araw kaming magkasama. Nagpupunta din siya sa mga gigs ko kapag may libre siyang oras. Isang gabi inialay ko sa kanya ang kantang ‘Lady In Red’ ni Chris De Burgh. Kahit ang suot niya blue. Wala namang kaso yun. Pasok parin. Tuwang-tuwa siya. Paguwi namin nang gabing iyon, magka-holding hands na kami. Ayos!

At mabilis pang lumipas ang mga araw sa piling ni Elena. Tangina ang sarap mabuhay. Laking pasasalamat ko doon sa lalaking may kasamang hippopotamus at albinong dugong. Kung hindi nila napigil yung derederecho kong paglalakad noon pauwi, malamang, hindi kami magtatagpo ni Elena.

Habang nag-gigitara ako sa tapat ng bintana ng kuwarto. Hindi ko mapigilang hindi sumulyap-sulyap sa napakaamong mukha ni Elena habang mahimbing na natutulog sa kama. Lagi niyang nakakatulugan ang pagtugtog ko ng aking musika. Bawat tipa at kalabit ko sa mga kuwerdas ng aking gitara, kusa na lamang pumipikit ang mga mata niya para magpahinga.

Si Elena, siya ang inspirasyon ng bago kong isinusulat na kanta. Ang ‘Ermita’. Simula nang makilala ko siya hanggang sa maging nobya, kinalimutan ko na ang kasikatan. Hindi ko na pinangarap na tumugtog sa harap ng libulibong tao habang isinisigaw ang aking pangalan. “Sebas! Ang galing mo!”, “Sebas! Mahal na kita!”, “Sebas! Aydooolll!” Kahit hindi na. Dahil ang numero-uno kong tagahanga, si Elena. Kahit siya lang ang kaisa-isa. Masaya na ko doon. Masasabi ko ngayon, bukod sa mas maayos at nakaririwasang buhay namin ng mahal kong si Elena. Wala na kong maihihiling pa.

 *

    Isang gabi nagimbal ako sa isang balita na mabilis na kumalat sa aming lugar. Mayron daw isang magbabalot na pinagtripan ng mga lasing sa tapat ng isang tindahan. Tangina. Bigla akong kinabahan. Diyos ko huwag naman po sana. Dali-dali akong pumunta sa pwesto ni Agila. Puta wala siya. Nakarating ako ng Padre Burgos kakalakad hanggang sa nakasalubong ko si Mang Berto na kubrador ng jueteng.

“Mang Berto! Kilala niyo ba yung napatay daw na magbabalot kanina?”tanong ko sa kanya.

“Oo! Si Agila. Nakakaawa naman. Ayaw kasi bayaran yung mga balot niya nung mga nag-iinuman sa tindahan ni Tiya Laida.  Malapit lang yun satin. E sukat ba namang suntukin niya yung isa. Ayun! Kinuyog. Madaming saksak daw na inabot e.” Detalye sakin ni Mang Berto.

Mga putanginang yon! Magsisisenta anyos na magbabalot, ginanun pa nila. Pinatay nila yung kaibigan ko. Pinatay nila yung Idol ko dahil sa ilang piraso ng mga putanginang balot!

Sa ilang oras ng paghahanap natunton ko din yung bangkay ni Agila sa wakas. At alam kong walang may balak kumuha sa kanya mula sa puneraryang iyon. Hindi ko din alam kung may kamag-anak siya dito sa Maynila o kahit sa buong Pilipinas dahil ni minsan wala siyang nabanggit sakin tungkol doon.

Kailangan kong gumawa ng paraan sa lalong madaling panahon. Kung hindi’y mapupunta lang ang bangkay niya sa mga demonyong operator ng ilegal na saklaan dito sa Maynila. Ito yung mga hinayupak na nag-aagawan sa mga bangkay na walang nagke-claim para idisplay sa mga saklaan. Simple lang naman kasi, pag may patay, legal ang putanginang saklaan.

Pero paano nga ba? Bigla kong naalala yung ninong ko na dating konsehal ng Maynila. Si Ninong Fred. Bukas na bukas ng umaga’y lalapit ako sa kanya.

Hindi ako binigo ng Ninong ko. Ipinaasikaso niyang lahat mula pagburol hanggang paglibing. Kaming dalawa lang ni Elena halos ang nag-asikaso ng buong lamay. Wala din namang aasikasuhin. Dahil hindi lalagpas sa beinte ang nagpunta. Karamihan pa dun e nagpunta lang yata para makapag kape at kumain ng limpak- limpak na biskwit. Si Tiyo Tony lang ang nakausap ko nang mahaba haba tungkol kay Agila. Siya yung kinukuhanan ng balot ng matanda. Ang sabi niya hindi mabigat sa loob niya ang pagkamatay ni Agila. Dahil ni minsan ay hindi niya nakitaan ng bahid ng kalungkutan ang taong ito.

At sang-ayon ako doon. Siguro kung naabutan niya ang pagka-gunaw ng mundo’y imbes na magtatakbo, uupo na lang siya sa isang tabi. Hihintayin na lang niyang anurin siya ng higanteng alon habang sumisipol-sipol sa himig ng kantang “Cotabato”. Ganoon ka-positibo sa buhay ang taong iyon.

Ang mapait na katotohan, kami-kami lang ang makakaalala sa kanya. Nasaan yung mga kabanda niya? Nasaan yung mga dati niyang kaibigan? Nasaan yung mga daandaan na kataong sinisigaw ang pangalan niya habang pinaghaharian niya ang entablado? Wala. At sa mga huling sandali ng buhay niya, siya lang, at ang kanyang musika.

Bukod sa mga ginintuang aral na natutunan ko sa kanya, yung dalawang cassette tapes lang ng Gihay, mga inaamag na antigong bracelets, at ang salamin niyang basag ang kaliwang lente ang iniwan niya sakin…tsk.

Tangina mo Agila! Hindi kita makakalimutan…

*

     Matapos ang ilang buwang pagluluksa ko sa pagkawala ng isang kaibigan. Isang munting anghel naman ang kapalit. Nagdadalang tao na ang mahal kong si Elena. Magiging ama na ko. Ang sarap sa pakiramdam. Ang sabi ng nanay ko lalaki. Kase malaki daw ang tiyan ni Elena. Ayos na ayos sakin yun. Ngayon pa nga lang nag-iisip na ko ng pangalan.

Mabilis na lumipas ang mga araw. Nanganak na si Elena. Babae. Siya na lang yung pinapili ko ng pangalan. Kristine ang naging pangalan ng anak namin. Napakagandang bata, kamukhang kamukha ng kaniyang ina.

Nagsumikap pa ko lalo simula nang magkaroon na kami ng anak ni Elena. Tumutugtog parin ako sa bar pero pumapasok na din ako sa Court of Appeals bilang isang empleyado. Tumigil muna sa trabaho ang asawa ko habang nag-aalaga sa anak naming si Kristine.

Pero gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, hindi ako titigil, wala akong balak. Sa katunayan paunti-unti naaayos ko na ang mga awitin ko. Sa dinami-dami ng mga naisulat ko simula noong binata pa lang ako’y pito lang ang napili ko para sa recording. Pinag-ipunan ko talaga ang recording project na ito. Ngayon ko na nga lang irerekord eh, titipidin ko pa ba.

Hindi nagtagal natapos na. Tangina. Tapos na! Ala-una ng madaling araw nagkakandakumahog kami ni Elena na isalang sa stereo yung kopya namin. Ngingiti-ngiti lang siya habang pinapakinggan ang unang kanta. Ako naman, ninanamnam ko nang matindi ang bawat salita na pumapasok sa aking tenga. Ang sarap sa pakiramdam.

Bigla kong naalala si Agila. Kung alam mo lang. Anlaki ng naging parte mo sa buhay kong hayop ka lalo na sa pakikipaglaban ko ng aking musika. Sana nandito ka ngayon. Sabay tayong nagkakape habang sinasabayan ang kanta kong “Ermita”.

 *

    Isang gabi, naghihintay ako sa labas ng Golden Throne. Hinihintay ko si Elena para sabay na kaming umuwi. Kusa nalang akong napangiti nang makita ko na siyang iniluwa ng pinto. Hindi parin ako nagsasawa sa ngiti niyang iyon. Walang nagbago sa mahal kong asawa. Ako, medyo nagkakaroon na ng pisngi kahit papano. Hindi na kasi ako nagpupuyat. Hindi na din ako naninigarilyo. Ayos na ayos yun. Lalo na ngayong dinadala ni Elena ang bunso namin.

Habang nakatitig ako sa kanya nagdadalawang isip ako kung tatawid ba ko para salubungin siya o hihintayin ko nalang. Sige, sasalubungin ko na lang.

Nauna siya sa akin tumawid. Papalapit palang ako sa kanya habang nasa gitna na siya ng kalye. Pero bigla siyang huminto sa paglalakad at lumingon sa likod matapos na may sumigaw ng pangalan niya.

“Elena bukas sasama ka samin ha? Lagi ka na lang trabaho-bahay.”

“Sige Arlene! Sasama ako.”

Hanggang sa may narinig nalang akong napakalakas na busina sa gawing kanan. Putangina. Si Elena masasagasaan!

Alam kong inalalayan ako ng Diyos para abutan ko si Elena at maitulak bago siya mabundol ng rumaragasang trak. Dahil sa layo ko pang iyon sa kanya’y imposible na maabutan ko siya sa sobrang bilis ng mga pangyayari.Hanggang sa ang huli kong naaalala, ang mukha ni Elena habang pinipilit niya akong itayo mula sa pagkaka handusay sa kalsada.

Halos dalawang araw ang lumipas bago ako ulit nagkaron ng malay. Nagising ako sa paghikbi-hikbi ng mahal kong asawa habang hawak niya ng pagkahigpit-higpit ang kanan kong kamay. Nang nalaman nilang gising na ako sabay-sabay na silang pumalahaw ng iyak. Bukod kay Elena narinig ko ang hagulgol ni nanay, ang nagpupumigil sa paghikbi na si tatay, at ang pagngawa ng anak kong panganay. Alam ko na ang dahilan, dahil kahit ramdam na ramdam ko ang pagbukas ng mga talukap ng aking mga mata. Wala akong makita…

Pero ako? Hindi ako nalungkot. Hindi ako umiyak. Unang una buhay na buhay pa ko. At pangalawa, kung ito na ang pinakamabigat na pagsubok sa akin ng kalangitan. E naniniwala na talaga akong mahal na mahal ako ng Diyos. Dahil sa kabila ng pagkabulag kong ito, hindi nawala ang kakayahan kong yakapin ang asawa’t anak ko, ang kakayahan kong maiparamdam sa kanila ang pagmamahal ko, at ang huli, kaya ko pa ding kalabitin ang mga kuwerdas ng gitara ko. Dahil sa maniwala ka’t sa hindi kaibigan, handa akong ipagpalit ang paningin ko para sa isang daliri lang…

“Elena mahal ko, huwag kang malungkot. Dahil magkasama parin tayo. At sobrang ligaya ko dahil bago ako mawalan ng paningin. Ang napakaganda mong mukha ang huling nakita ko…”

Hindi magtatagal ang lumbay sa paligid dahil may isang napakagandang sorpresa sakin ang mahal kong asawa. Dahil sa halos dalawang buwan na pagpapagaling ko sa ospital, e wala pala siyang ibang ginawa kundi ang bantayan ako at mag ikut-ikot sa buong Maynila. Upang matupad ang isang pangarap na sa buong akala ko’y hindi na magkakaroon pa ng katuparan.

Hanggang sa dumating ang pinakahihintay ko. Ang paguwi sa bahay namin. Binuksan niya ang radyo. At inalalayan niya akong maupo sa paborito kong upuan. Kahit bulag ako alam kong nakaharap iyon sa bintana. Ramdam ko ang simoy ng Maynila. Dinig na dinig ko din ang mga boses ng mga tao sa kalsada, mga busina ng dyip, motor, tindero at kung anu-ano pa.

Lumipas ang halos tatlong oras, nagkukwentuhan lang kami ni Elena. Hanggang sa isang awitin ang sumahimpapawid mula sa radyo.“Ermita” ni Sebastian Valmonte.

Hindi ko alam kung ano ang pakiramdam. Pero iyon na siguro ang pinakaimportanteng tatlong minuto at apatnapu’t isang segundo ng aking buhay. At hindi papayag ang mahal kong asawa na makalagpas ang pagkakataong iyon. Matapos ang kanta’y pinatay na ni Elena ang radyo. Sandaling katahimikan habang hawak ko ang kanyang palad. Iniangat ko ang kanan kong kamay, at kusang iniabot sakin ni Elena ang gitara. At saka siya nagpaalam para hayaan na muna akong mapag-isa at mag-munimuni sa tapat ng bintana.

Ang sabi ng nanay ko babae daw ang magiging bunso namin ni Elena dahil maliit ang tiyan ng aking asawa. Kaya sigurado akong lalaki ang susunod naming anak. Ngayon palang may pangalan na siya. Tomas. Hindi Ritchie, hindi David, hindi Freddie. TOMAS!

Magmula nang hinawakan ko ulit ang gitara ko’y hindi na naalis ang ngiti sa aking mukha. Hanggang sa bigla ko na lamang naalala si Agila.

“Ang pagiging isang musikero ay isang hakbang patungo sa imortal na pag-iral.”

Tama siya. At hindi ang pagkabulag kong ito ang magpapatigil sakin para ipagpatuloy ang aking musika.

At siya nga pala, Tomas Hipolito ang tunay na pangalan ng isa sa mga bida sa kuwento kong ito. Si Agila. Ayos ba?

**********

13 thoughts on ““KUWERDAS”

  1. Ang haba naman pala…. tuloy ko ‘to mamaya… antawa ko dun sa malaking tsinelas na kasing-laki ng bubong ng weting shed!! at sa sumakay sa higanteng langaw! jan ako naputol. . .
    Ramdam ko’ng makabuluhan ito.. at PAGTAPOS KO BASAHEN ‘TO GAGAWA REN AKO… MGA KWENTO NI JUANA. AYOS BA??! 😉

    Like

  2. nahanap ko ang story na to dahil ss FB page na Teenage Pinoy Crap. Sa isang upuan ko lang binasa ang istorya at putangina makatang makata ang dating. Makahulugan at maganda ang pagkakasulat. Magaling magaling!

    Liked by 1 person

Leave a comment